Ang “Umaawit na Tore” ng Australia
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
ANG sining, teknolohiya, at siyensiya ay kalimitang inilalakip sa larangan ng musika upang makagawa ng iba’t ibang instrumento na may napakahusay na kalidad. Subalit bagaman maaaring kilala ang mga biyolin ni Antonius Stradivarius at ang mga plauta ni Theobald Böhm, kakaunti ang nalalaman tungkol sa kahanga-hangang karilyon.
Subalit ano nga ba ang karilyon, at paano ito tinutugtog? Ang pagdalaw sa isa sa malalaking karilyon ay makapagbibigay kaalaman at marahil magpapasidhi ng ating pagpapahalaga sa pambihirang musika nito.
Isang Pagkalaki-laking Instrumento
Ang karilyon ay isa sa pinakamalaking instrumento sa musika at isa sa pinakasinauna sa daigdig. Karaniwan na itong inilalagay sa kampanaryo at sa gayo’y angkop na tagurian bilang isang “umaawit na tore.” Ang karilyon at ang kampanaryo sa Canberra, ang kabisera ng Australia, ay isang regalo sa ikalimampung anibersaryo mula sa pamahalaan ng Gran Britanya noong 1963 bilang pag-aalaala sa pagtatatag at pagpapangalan sa lunsod sa nagdaang 50 taon. Ang karilyon ay matatagpuan sa Aspen Island sa sentro ng magandang tanawin ng Lake Burley Griffin.
Ang 50-metro-ang-taas na kampanaryong ito ay binubuo ng bungkos ng tatlong hugis tatsulok na mga poste, ang bawat isa ay magkakatabing nakahanay sa gitna ng tatsulok na pantay ang lahat ng tabi. Matatagpuan sa itaas at nakabitin sa pagitan ng tatlong poste ang mga sahig na kinalalagyan mismo ng karilyon.
Itinaas kami ng elebeytor sa unang palapag, kung saan bumungad sa amin ang dalawang naglalakihang clavier, o mga teklado, na katulad niyaong sa mga organ. Ang una ay para lamang sa carillonneur, gaya ng tawag sa tumutugtog, upang maensayo niya ang kaniyang pagtugtog. Ang mga tulad malyete sa teklado ay basta humahampas sa mga tuning bar.
Halos nasa likuran ng pinag-eensayuhang teklado ang tunay na teklado ng karilyon. Subalit hindi ito ordinaryong teklado, sapagkat ito’y may napakalaki, bilog na mga encinadong tipaan na di-kukulangin sa dalawang centimetro ang diyametro. Ang nasa itaas na hanay ng mga tipaan ay kumakatawan sa itim na mga tipaan ng isang piano o organ. Ang mga ito’y pinalalaki ng halos siyam na centimetro, samantalang ang nasa ibabang hanay (kumakatawan sa puting mga tipaan ng piano) ay nakausli ng halos labimpitong centimetro. Gayunman, kabaligtaran sa isang piyanista o organista, ang carillonneur ay hindi gumagamit ng kaniyang mga daliri kundi tumutugtog na nakasarado ang kamay. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga tipaan ay malalayo ang agwat—upang maiwasan ng tumutugtog na matipa ang ibang tipaan habang tumutugtog.
Talagang Kahanga-hangang Mekanismo
Mula sa itaas ng pangunahing teklado, ang mga alambre ay tumatalunton paitaas sa pinakasahig, at ang bawat tipaan ng apat at kalahating octave ay nakaugnay sa hiwalay na alambre na may pantanging gamit na naghihigpit dito. Upang masumpungan kung saan nagtutungo ang lahat ng mga alambreng ito, sumakay kami ng elebeytor patungo sa sumunod na palapag. Narito ang dalawang malalaking kampana, bawat isa’y tumitimbang nang halos anim na tonelada, na maringal na nakasabit. Pagkatapos, sinuri namin ang pagitan ng mga kampanang ito, nakita namin na may nakasabit pa sa ibabaw ng mga ito na 51 kampana na paliit nang paliit hanggang sa pinakamaliit na kampana, na tumitimbang ng halos 7 kilo.
Ang lahat ng kampana ay nakapuwesto nang ayos na ayos upang maiwasan ang anumang akustikong ingay, na paminsan-minsa’y nalilikha ng malakas na taginting ng ilan sa mga kampana. Ang bawat kampana, taglay ang malalambot na clapper na metal sa loob, ay pinakikilos ng alambre na nakakabit sa bawat tipaan ng teklado sa ibaba. Tamang-tama ang pagkakatimpla ng panghigpit upang umangkop sa indibiduwal na pagtipa ng bawat carillonneur gayundin naman sa umiiral na mga kalagayan ng panahon.
Ilang Kawili-wiling Bagay
Ang mga kampana sa karilyon ng Canberra ay hinulma ng John Taylor and Company of England at napakahusay na mga halimbawa ng sinaunang sining para sa ika-20 siglo. Mapaaalingawngaw ng mga kampana ang himig nito sa palibot hanggang sa tatlong daang metro sa ibayo ng tubig ng lawa at sa karatig na mga halamanan at mga parke.
Ang karilyon na ito ay hindi ang pinakamalaki sa mundo, subalit sa taglay nitong 53 kampana ito ang nangunguna sa listahan, sapagkat ang karamihan ng mga karilyon ay may kampana na nasa pagitan ng 23 at 48. Gayunman, ang pinakamalaking karilyon ay nasa New York City. Ito’y may 74 na kampana. Ito rin ang may pinakamalaking nasa tonong kampana sa daigdig. Ang kampanang ito ay tumitimbang ng mahigit na 18 tonelada at nasa mababang C ang tunog, kung ihahambing sa karilyon ng Canberra na nasa mababang F sharp nito.
Kaya ngayon masiyahan tayo sa konsiyertong isasagawa ng carillonneur. Ibig ba ninyong maupo sa hardin sa ibaba? Hindi lamang natin maririnig dito ang napakagandang musika ng “umaawit na tore” kundi kasabay nito tayo’y masisiyahan sa kahanga-hangang paglalang na nakapalibot sa atin. Ang tahimik na hangin sa gabi at ang kahanga-hangang taas ng mga kampana ay nagsama-sama upang makabuo ng waring napakayuming musika, na titigib sa ating mga puso ng pagpapasalamat sa kaloob na musika mula sa Diyos.
[Larawan sa pahina 25]
Ang mga kampana sa tore