Dahon ng Kamoteng-Kahoy—Araw-Araw na Pagkain ng Milyun-Milyon
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CENTRAL AFRICAN REPUBLIC
NAGSIMULA itong lahat halos noong taóng 1600, nang dalhin ng mga Portuges ang kamoteng-kahoy, o balinghoy, mula sa Timog Amerika tungo sa Aprika. Ang kamoteng-kahoy ay pinaniniwalaang katutubo sa Brazil sapagkat ang salitang “manioc” o balinghoy ay galing sa mga tribong Tupian ng Brazil sa Libis ng Amazon.
Ang mga ugat ay lubhang pinahahalagahan ng mga tao sa Aprika, subalit kumusta naman ang tungkol sa matingkad na berdeng mga dahon nito? Ginagamit ng ilan ang mga ito bilang gamot sa sugat o upang gamutin ang bulutong-tubig. Gayunman, para sa milyun-milyon sa Central African Republic at sa ilan pang bansa sa Aprika, ang mga dahon ay araw-araw na pagkain, yamang ang mga ito ay maaaring lutuin upang maging masarap na pagkain. Sa katunayan, isa sa unang mga salitang natutuhan ng bagong mga misyonero ng Watch Tower dito ay ngunza. Ito ay isang masarap na nilaga na gawa mula sa dahon ng kamoteng-kahoy at siyang pambansang pagkain ng Central African Republic—isang pagkain na dapat tikman ng isang bisita sa gitnang Aprika.
Karamihan ng mga Europeong nakatira sa Aprika ay hindi kailanman kakain ng pagkaing gawa sa mga dahong ito, yamang itinuturing nila ito na pagkain para sa mga katutubo, hindi para sa mga dayuhan. Subalit ano ang mga katotohanan? Sa mga bansang gaya ng Central African Republic, Sierra Leone, at Zaire, ang mga dahong ito ang araw-araw na pagkain para sa maraming pamilya.
Kapag sakay ng eruplano o naglalakbay sa Central African Republic, nakikita mo ang isang magandang luntiang bansa—mga punungkahoy, palumpon, damuhan, at, sa pagitan, maliliit na bukirin ng kamoteng-kahoy taglay ang kanilang matingkad-berdeng mga dahon. Bawat munting nayon ay napaliligiran ng mga taniman ng kamoteng-kahoy. Itinatanim ito ng mga tao malapit sa kanilang mga tahanan, at kahit na sa kabisera, sa Bangui, makasusumpong ka ng kamoteng-kahoy sa napakaliit na piraso ng lupa kalapit ng isang villa o pangunahing daan. Tiyak, isa itong mahalagang pagkain sa bahaging ito ng daigdig.
Tikman ang Ngunza
Pagdating nila, ang bagong mga misyonero ay agad na inanyayahan ng kanilang mga kaibigan na dumalaw at tikman ang kaunting ngunza. Ito’y isang pagkain na kinabibilangan ng kilalang pagkain na gawa mula sa mga dahon ng balinghoy. Alam ng katutubong mga babae kung paano ito iluluto sa masarap na paraan. Ang bawat babae ay wari bang may kaniyang sariling resipe. Ang unang bagay na natututuhan ng mga batang babae sa kanilang mga ina tungkol sa pagluluto ay kung paano iluluto ang ngunza.
May pagmamalaking ipaliliwanag nila sa iyo kung ano ito at kung paano ito iniluluto. Ang mga babae ay maligaya kung magpapakita ka ng interes sa katutubong pagkaing ito. Una sa lahat, sasabihin nila sa iyo na ang mga dahon ng kamoteng-kahoy ay mura at sagana at na mapipitas mo ito kapuwa sa tag-ulan at tag-araw. Sa mga panahon ng krisis sa ekonomiya at implasyon, ang dahon ng kamoteng-kahoy ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa pagpapakain ng pamilya. At pakisuyong tandaan na ang mga pamilyang Aprikano ay kadalasang malaki. Maraming bibig na pakakanin at maraming tiyan na bubusugin. Ang pagluluto ng ngunza ay tumatagal ng ilang oras. Kailangang maalis ang mapait na lasa ng mga dahon nito bago ito kainin. Naaalis ang mapait nitong lasa sa pamamagitan ng tradisyonal na paghahanda, na nagsasangkot ng paggiling at walang-tigil na pagpapakulo.
Ang langis na pinipiling gamitin ng mga babaing Aprikano sa pagluluto ng ngunza ay ang langis ng palma. Kailangan ang matingkad-pulang langis na gawa roon. Ang ngunza at kaunting peanut butter at marahil ilang sibuyas at bawang ay araw-araw na pagkain na para sa isang pamilya. Subalit paano naman kung ikaw ay may inaasahang mga bisita? Kung gayon ang ngunza ay dapat na maging espesyal, isa na maaalaala nila. Kaya idaragdag ng maypabisita ang kaniyang paboritong sangkap—tinapang isda o tinapang karne ng baka—at maraming bawang at sibuyas kasama ng maraming bago, gawang-bahay na peanut butter. Lahat ng ito’y inilalagay sa isang malaking palayok. Ang iba pang gagawin ay pagtitiyaga at matagal na pagpapakulo.
Ngayon ay ihahain ng ating maypabisita ang ngunza na may kasamang kanin. Ang isang bunton ng kanin na may isa o dalawang sandok ng mainit na ngunza na ibinuhos dito ay katakam-takam para sa mga Aprikano at sa maraming dayuhan din. Dagdagan mo ng kaunting maanghang na sili, at ngayon ay alam mo na kung ano ang ngunza. Upang masiyahan sa pagkain, ilalabas nang husto ng isang baso ng pulang alak ang lasa ng ngunza.
Gusto Mo Bang Tikman ang Ngukassa o Kanda?
Kapag naglalakbay sa bansa mula silangan patungong kanluran, masusumpungan mo na ang mga tao ay nagluluto ng ngunza sa iba’t ibang paraan. At ano naman ang ngukassa? Sa isang malamig at maulan na araw, ang ngukassa, ang sabaw o nilaga na niluto na kasama ng sari-saring pananim sa hardin o sa bukid, ay maaaring siyang bagay sa iyo. Langis ng palma, saging na saba, mani, kamote, mais, at, mangyari pa, ilang dahon ng kamoteng-kahoy ay sama-samang iniluluto, subalit hindi nilalagyan ng asin—kahit isang butil ng asin. Iyan ang sekreto! Ang resulta ay masarap at masustansiya. At kung ikaw ay magbibiyahe nang malayo, magbaon ka ng kanda. Ito’y gawa sa dahon ng kamoteng-kahoy na dinikdik na kasama ng tinapang isda o karne. Ang kanda ay iniluluto sa pamamagitan ng pagbabalot ng dinikdik na halong ito sa dahon at pagpapausok dito sa apoy sa loob ng ilang oras hanggang sa tumigas at matuyo. Maaari itong itabi ng ilang araw at masarap kanin kasama ng isang piraso ng tinapay. Tamang-tama ito para sa mga naglalakbay.
Kung dadalaw ka sa Aprika anumang oras, bakit hindi humingi ng kamoteng-kahoy? Tikman ito, at makisama ka sa milyun-milyon na nasasarapan dito!