Nanganganib Malipol na “Species”—Kung Paano Ka Nasasangkot
MGA tigre, pagong, rhino, paruparo—aba, ang listahan ng nanganganib na mga species ay tila ba walang-katapusan! Tiyak na sasang-ayon ka na malaki ang pananagutan ng tao. Subalit ano ang kaugnayan mo rito?
Dahil sa kalagayan ng ekonomiya ng daigdig, makatuwiran bang umasa na ang mga tao ay mabahala sa kanilang sariling kapakanan upang itaguyod ang mga panukala ukol sa konserbasyon, gaano man karangal ang mga panukalang ito? “Tiyak na hindi madali na mabahala tungkol sa pagtaguyod sa kapaligiran para sa karamihan sa gawing timog ng Sahara sa Aprika, kung saan nakakaharap ng milyun-milyong tao ang pulitikal na kaguluhan, digmaan ng tribo, gutom at epidemyang sakit,” komento ng Time. Totoo rin ito sa iba pang dako.
Ang radikal na mga pagbabago ay kailangan upang lutasin ang problema ng species na nanganganib malipol. Ayon sa The Atlas of Endangered Species, ang mga pagbabagong ito ay “gayon na lamang kalaki anupat ang mga ito ay magagawa lamang ng mga pamahalaan.” Saka ito nagmungkahi: “Kung saan ang mga pamahalaan ay ibinoboto, pananagutan ng bawat indibiduwal na tiyakin na sa taóng 2000 tanging ang mga pulitikong nababahala tungkol sa kapaligiran ang iboboto.”
Isa ba itong makatotohanang pag-asa? Batay sa patotoo ng kasaysayan, dapat tayong maghinuha na “dominado ng tao ang tao sa kaniyang ikapapahamak”—at gayundin ang buhay-iláng. (Eclesiastes 8:9) Oo, maraming dalubhasa sa konserbasyon ang naniniwala na ang halaman at hayop sa lupa ay nagsisilbing mga tagapagpahiwatig ng kapaligiran. Kapag nanganib malipol ang mga ito, nanganganib din tayong mga tao. Subalit hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng tao na ang lahat ng buhay sa lupa ay pinagbantaan ng pagkalipol.
Itinatala ng pinakamatandang aklat ng kasaysayan ang mga salita: “Narito ako’y magpapadala ng delubyo ng tubig sa lupa upang dalhin sa pagkasira ang lahat ng laman na may puwersa ng buhay sa silong ng langit. Lahat ng nasa lupa ay mamamatay.” (Genesis 6:17) Gayunman, hindi lahat ng tao ni ang lahat man ng anyo ng buhay ay namatay, sapagkat ang Diyos ay nagsaayos ng isang paraan ng kaligtasan.
Isang Daong Para sa Kaligtasan
Naniniwala ang mga siyentipiko na ang pinakamagaling na lunas sa problema ng species na nanganganib malipol ngayon ay nagsasangkot ng pagpapanatili sa kanilang mga tirahan. Kapansin-pansin, ang New Scientist ay nag-uulat tungkol dito at tinutukoy ang paggamit ng mga dalubhasa sa konserbasyon ng “metaporang Daong ni Noe.” Ang daong ni Noe ang mismong paraan na doon ang mga tao at mga hayop ay nakaligtas sa Delubyo noong panahon ni Noe.
Ibinigay ng Diyos kay Noe ang disenyo para sa daong, isang pagkalaki-laking kahon na kahoy, upang lumutang sa ibabaw ng mga tubig ng baha. Iningatan nito ang buhay ni Noe, ng kaniyang asawa, ng kanilang tatlong anak na lalaki, at ang mga asawa ng mga anak na lalaki, kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang uri ng hayop, kapuwa mailap at maamo—oo, “bawat uri ng laman na may puwersa ng buhay.” (Genesis 7:15) Ang pagkarami-raming anyo ng buhay na umiiral sa ngayon ay nagpapatunay kung gaano kahusay ginampanan ng daong ang layunin nito.
Gayunman, pansinin na ang kaligtasan ay hindi nakasalig tangi sa mga pagsisikap ng tao. Si Noe at ang kaniyang pamilya ay kailangang sumunod sa Diyos, na may kapangyarihang ingatan silang buháy. Ang Diyos ang nagwakas sa pagtatalo, karahasan, at kasakiman na makikita sa daigdig na iyon bago ang Baha.—2 Pedro 3:5, 6.
Mga Hayop sa Bagong Sanlibutan
Ang Diyos na Jehova ay nangako na ang pagsunod sa kaniyang mga batas ay maaaring magpabago sa mga tao mula sa pagiging mabangis, masibang maninila tungo sa tulad maamo, mabait na mga hayop. (Isaias 11:6-9; 65:25) Kahit na sa ngayon, sagana ang katibayan nito. Dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova na malapit sa inyo, at tingnan mo sa ganang sarili. Kung magagawa ni Jehova ang gayong radikal na mga pagbabago sa gitna ng mga tao, hindi ba niya magagawa ang gayundin sa kaharian ng mga hayop upang mamuhay na sama-sama sa kapayapaan at katiwasayan, kahit na kung ito’y mangahulugan ng pagbabago ng kanilang kasalukuyang mga katangian? Sa katunayan, siya’y nangangako: “Ako’y tiyak na makikipagtipan sa araw na iyon may kaugnayan sa mababangis na hayop sa parang at sa lumilipad na mga nilalang ng mga langit at sa mga nagsisiusad sa lupa, . . . at akin silang pahihigaing tiwasay.”—Oseas 2:18.
Si apostol Pedro ay sumulat tungkol sa isang hinaharap na “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-maka-Diyos.” (2 Pedro 3:7) Pupuksain lamang ng kontroladong pamamagitan ng Diyos ang mga taong di-maka-Diyos. ‘Dadalhin [ng Diyos] sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.
Gunigunihin ang laking kagalakan na mamuhay sa isang daigdig na doon ang mga nilalang ay hindi na nanganganib. Anong pagkarami-raming matututuhan buhat sa buhay-iláng na nakapaligid sa atin sa panahong iyon! Oo, ang mga tigre, leon, elepante, ay gagala-gala at walang gagambala sa kanila. Sasagana ang buhay-marina, gayundin ang mga reptilya, insekto, at sari-saring ibon, pati na ang mga macaw—pawang sa tamang pagkakatimbang. Kapag ang masunuring sangkatauhan ay naibalik na sa kasakdalan ng tao sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian, isang sakdal na sistema sa ekolohiya ang mamamahala.