Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 8/8 p. 25-27
  • Astronomiya ang Libangan Ko

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Astronomiya ang Libangan Ko
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Bituin o Isang Planeta?
  • Makakakuha ng Tulong
  • Buwan at mga Planeta
  • Ang mga Bituin
  • Mga Babala
  • Ang mga Bituin at ang Tao—May Kaugnayan Ba?
    Gumising!—1994
  • Bituin
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Ating Pambihirang Sistema Solar—Kung Paano Ito Umiral
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Pagsasamapa sa Kalangitan—Noon at Ngayon
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 8/8 p. 25-27

Astronomiya ang Libangan Ko

AKO’Y nakatira sa North Island ng New Zealand, sa Timog Pasipiko. Sapol sa aking kabataan sa edad na 15, gustung-gusto ko na ang astronomiya. Ito’y isang mapayapang libangan na maaaring maging simple o masalimuot ayon sa iyong nais. Tiyak na hindi mo na kailangan ang isang titulo sa pisika o maging isang napakagaling sa matematika upang masiyahan sa astronomiya.

Ang karamihan sa libangan ay nangangailangan ng kagamitan. Kaya, ano ang kakailanganin mo? Pangunahin na ang iyong mga mata. Kapag una kang lumabas sa gabi mula sa maliwanag na mga silid sa inyong bahay, gugugol ng sampung minuto o mahigit pa upang makabagay ang iyong mga mata sa dilim. Kung ikaw ay nakatira sa lunsod, maaaring mapansin mo ang pagpasok ng mga ilaw sa lansangan at bahay. Ano ang maaari mong gawin hinggil dito? Para sa mabuting mga resulta, tumayo ka sa isang lugar na magkukubli sa iyo mula sa mga pinagmumulang ito ng liwanag.

Matatamasa mo ang pinakamabuting kalagayan sa panonood sa madilim, walang ulap na gabi na walang buwan. Ang buwan ay nagbibigay ng malamlam na liwanag sa atmospera, na nagpapangyari sa maraming mas malamlam na mga bituin na maglaho. Gaano karaming bituin ang nakikita mo sa pamamagitan lamang ng iyong mata? Karaniwan na sa pagitan ng 2,000 at 4,000. Ang mga bituin na mas malapit sa guhit-tagpuan ay mas mahirap makita dahilan sa ikaw ay nakatingin sa mas makapal na balot ng atmospera, na siyang resulta ng higit na paglamlam at pagbaluktot ng hugis. Nakagugulat ito sa ilang tao na malaman na kakaunting bilang lamang ng bituin ang maaaring makita sa pamamagitan lamang ng mata, yamang waring may milyun-milyon nito kapag una tayong tumingala sa kaitaasan.

Isang Bituin o Isang Planeta?

Ang makakita ng isang pinagmumulan ng ningning ng liwanag ay nag-uudyok sa isang katanungan, Ito ba’y isang bituin o isang planeta? Ang mga bituin ay pinagmumulan ng liwanag, ang pagkalaki-laking mga makinang nuklear na naglalabas ng elektromagnetikong mga hudyat sa kalawakan. Ang mga ito’y pagkalayu-layo sa lupa, ang pinakamalapit​—bukod pa sa araw​—ay 4.3 light-years ang layo. Ang liwanag ay naglalakbay ng halos 299,000 kilometro bawat segundo. Dahil sa pagkalayu-layo ng nilalakbay ng liwanag mula sa mga bituin upang maabot tayo, ito’y nagiging mapusyaw. Kaya ito’y kailangang tumagos sa pakapal nang pakapal na atmospera ng lupa, na siya namang bumabaluktot sa mga sinag ng liwanag sa ganoon at ganitong paraan. “Twinkle, twinkle, little star, how I wonder what you are,” ang sabi ng isang tulang pambata, nagdaragdag pa ng sigla sa tahimik na kalangitan. Kapag ito’y kumukutitap, ito’y isang bituin.

Gayunman, ang mga planeta ay nagpapaaninag lamang ng liwanag mula sa araw, gaya ng ginagawa ng buwan. Ang mga ito’y bahagyang malapit sa atin, yamang ito’y miyembro ng pamilya ng araw, ang sistemang solar. Kaya ang mga planeta na makikita ng basta mata lamang ay nagpapaaninag ng liwanag na nakapirme at hindi kumukutitap.

Makakakuha ng Tulong

Kung ibig mo pa ng higit na abentura, hayaan mong sabihin ko sa iyo ang ilang tumutulong na bagay na nagpapangyari sa aking libangan na higit na maging kasiya-siya. Ang una ay isang star atlas. Ang kasalukuyang kopya ko ay ang Norton’s Star Atlas, Revised Edition. Ito’y may napakahusay na mga mapa ng kalangitan, mayroon pang impormasyon na nagpapabatid sa isang baguhan ng talasalitaan sa astronomiya.

Ang ikalawang nakatutulong sa akin ay ang planisphere, na binubuo ng dalawang plastik na mga disk, magkapatong, na nakakabit sa gitna ng isang simboryo. Ang ibabaw na disk, na may bintana, ay maaaring paikutin sa isa na mas mababa na may tsart ng mga bituin na nakalimbag dito at maaaring maitakda sa hinihiling na oras at petsa. Ngayon ay matitiyak mo na kung alin sa mga bituin ang makikita mula sa iyong kinatatayuang lugar sa oras at panahon ng taon at sa iyong latitud. Sa New Zealand ang Philips’ Planisphere ay madaling mabili o mapidido sa maraming tindahan ng aklat. Kapag bumibili ng planisphere, kailangan mong malaman ang latitud ng iyong bayan, nasa hilaga o timog ng ekwador.

Dapat ka bang bumili ng isang teleskopyo? Kung ipagpapatuloy mo ang libangan na ito, sa palagay ko sa dakong huli ay gagawin mo. May tatlong uri​—refracting, reflecting, at refracting-reflecting. Tumingin ka ng mga aklat sa aklatang-bayan tungkol sa astronomiya at mga teleskopyo. Magugulat ka dahil ikaw mismo ay madaling makagagawa ng teleskopyong reflector. Bumili ng isang mumurahing aklat tungkol sa kung paano gumawa ng astronomikal na teleskopyo. Masusumpungan mo na ito’y kawili-wiling proyekto.

Ang mga largabista ay makapagbibigay ng pagkalawak-lawak na tanawin sa kalangitan. Makakakita ka ng mga kumpol ng magagandang bituin na nakabitin na gaya ng mga hiyas sa itim na tila pelus na kalangitan. Makikita mo ang bakas ng ulap na sa katunayan ay mga nebula, mga ulap ng alikabok at gas, na ilang light-years ang layo sa pusikit na kalawakan. Ang nagniningning na pulutong ng bituin ng Milky Way ay maaaring makita mula sa anumang lugar sa Lupa. Isa pa, ang mga largabista ang pinakamabuti para sa malawakang pagtanaw sa kalangitan kapag naghahanap o nagmamasid ng mga kometa, ang mga lagalag na paminsan-minsan ay palihim na pumapasok sa malapit na kalawakan natin. Ang lokal na mga pahayagan ay maaaring may linggu-linggong mga artikulo na nilayon upang tulungan kang pagmasdan ang kalangitan sa gabi.

Mayroon ka bang personal na computer? May ilang programa tungkol sa astronomiya na maaaring masiyahan ang isang baguhan, at may ilang makabagong programa din naman. Ginagamit ko ang aking computer upang iimbak ang lahat ng uri ng impormasyon na may kinalaman sa aking libangan. Mayroon ding kilalang mga magasin tungkol sa astronomiya. Paminsan-minsan, ang Gumising! ay naglalathala ng mga artikulo tungkol sa paksang ito.

Buwan at mga Planeta

Mangyari pa, walang kahirap-hirap sa paghahanap ng buwan. Kapag ito’y kitang-kita, ito ang nangingibabaw sa kalangitan sa gabi. Ang bilog na bilog na buwan ay totoong pagkaganda-ganda, wari bang ito’y naglalayag mula sa silangan patungo sa kanluran habang ang gabi’y lumalalim patungo sa pagbubukang-liwayway. Isisiwalat ng malapitang pagmamasid, na ang mga bituin ang pinakagiya, na ang buwan ay talagang naglalakbay sa iyon at iyon ding direksiyon na gaya natin, mula sa kanluran patungo sa silangan. Pagmasdan itong mabuti sa loob ng isa o dalawang oras o sa dalawang magkasunod na gabi, pansinin ang posisyon ng hindi gumagalaw na mga bituin na nauugnay sa buwan. Dahil sa ang lupa ay umiinog sa axis nito na mas mabilis kaysa pag-ikot ng buwan, napag-iiwanan natin ang buwan.

Isang problema ang maaaring makaharap ng astronomo kapag bilog na bilog ang buwan​—ang sobrang liwanag. Ako’y talagang tuwang-tuwang pagmasdan ang buwan sa pinakasukdulan kapag ito’y 4 hanggang 7 araw o 22 hanggang 24 na araw na, yamang ang mga anino ng kabundukan at mga gilid ng hukay nito ay mas mahaba at mas kitang-kita. Yamang ang buwan ang tanging bagay sa kalangitan na malapit-lapit sa atin upang ating makita ang namamalaging mga katangian ng pinakamukha nito sa pamamagitan ng mata lamang, ang pinakamukha nito ay waring iba depende kung ikaw ay nasa hilaga o timog ng ekwador.

Ito rin naman ay totoo sa mga konstelasyon, o ayos ng mga bituin, sa gayo’y mas makabubuti sa iyo na gumamit ng mga mapa na inilimbag para sa inyong hemispero. Kung hindi, ang mga ito’y patiwarik at pabaligtad​—nakalilito, lalo na para sa isang baguhan. Dapat ding banggitin na maipakikita rin ng isang astronomikal na teleskopyo ang isang bagay na pinagmamasdan nang nakatiwarik. Subalit nasaan ang mga planeta? Una, may dalawang bagay na kailangan nating malaman: Ano ba ang ecliptic at ang zodiac?

Ang ecliptic ay waring ang landas ng araw sa taunang paglalakbay nito, na nasa likuran ang mga bituin. Ang ecliptic ay bumabagtas sa ekwador sa kalangitan ng halos 23.5 digri. Ang zodiac, na nangangahulugang “pangkat ng mga hayop,” ay isang guniguning grupo ng mga bituin na sumusunod sa ecliptic mga 8 digri sa magkabilang panig. Ang araw, buwan, at mga planeta na makikita sa pamamagitan ng mata lamang ay laging nasa hangganan ng zodiac. Mababatid mong planeta ang iyong pinagmamasdan sa magkakasunod na gabi na pagmamasid, yamang ang isang planeta ay matatagpuan sa magkaibang posisyon kung may kaugnayan sa waring nakapirmeng mga bituin.

Subalit anong planeta ang pinagmamasdan ko? Ang Mercury at Venus ay laging nasa kanluran sa kalangitan sa gabi at nasa silangan sa umaga, hindi kailanman nasa itaas. Buwan lamang ang tanging kaagaw ng Venus. Walang alinlangan na batid mong ito ang tala sa umaga o tala sa gabi. Ang mga planeta na umiikot sa Araw sa ibayo pa roon ng lupa ay naglalakbay mula silangan patungong kanluran. Ang Mars, Jupiter, Saturn, at Uranus ay nakikita rin ng mata lamang. Una muna’y kailangang sumangguni sa ilang mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa posisyon ng mga ito, yamang ang mga ito’y nagkukubli sa mga bituin.

Ang mga Bituin

Lagi mong masusumpungan ang mga bituin na kasiya-siyang pinagmumulan ng liwanag. Ang iyong pagiging pamilyar sa mga konstelasyon ay maaaring pagmulan ng isang bagong pakikipagkaibigan sa kahanga-hangang gawa ng Maylikha.

Ang ilang bituin ay totoong nakaaakit sa atin. Ang isa ay ang Sirius; yamang ito ang pinakamaningning na bituin. Ito rin ay dobleng bituin, dahil sa dalawang bituin ang umiikot sa iisang sentro. Ang ikalawa sa pinakamaningning na bituin ay ang Canopus. Ginamit ng mga sasakyang pangkalawakan ang bituing ito upang matagpuan ang kanilang kinalalagyan sa kalawakan at ibaling ang kanilang mga antena sa direksiyon ng lupa upang makapagbigay ng utos.

Mga Babala

(1) Ang astronomiya ay dapat na maging isang libangan, hindi isang kahuhumalingang bagay. Ang pinakamabuting alituntunin ay, “Ang Maylikha muna bago ang nilalang.” (2) Huwag na huwag kailanman na tumingin sa araw o magmasid sa kalangitan saanman nang malapit dito na may teleskopyo o largabista; ang kabayaran ay maaaring ang pagkabulag. (3) Huwag maniwala sa lahat ng iyong mababasa. Ang luma nang mga aklat ay maaaring makaligaw sa iyo, gaya ng hindi pa napatutunayang mga teoriya. (4) Maghinay-hinay sa paggasta ng salapi sa kagamitan, baka lumipas ang iyong interes.

Ang aking libangan ay walang katapusang abentura ng pagtuklas at pagkamangha. Mabuhay man tayo nang walang-hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos, hindi natin malalaman ang lahat ng hiwaga ng sansinukob. (Eclesiastes 3:11; 8:17) Subalit ito’y magiging kasiya-siya magpakailanman na matutunan ang higit pang bagay hinggil dito.​—Inilahad.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share