Sino ang Dapat Magpasiya sa Laki ng Pamilya?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
TATLONG araw pa lamang ang edad, ang batang lalaki ay iniwan sa isang plastik bag sa isang istasyon ng subwey. Subalit binanggit ng isang pahayagan sa Brazil na ilang pamilya ang nag-alok na ampunin ang sanggol.
Bagaman pambihira ang partikular na insidenteng ito, ang bilang ng inaayawan at abandonadong mga bata sa buong daigdig ay dumarami. Kadalasang may pagkukulang sa responsableng pagkamagulang. Kontrasepsiyon ba ang lunas? Mali bang iplano ang laki ng pamilya ng isa?
Ayon sa World Health Organization, halos 50 porsiyento ng mga pagbubuntis sa buong daigdig ay wala sa plano. Kadalasan ang pagbubuntis ay hindi lamang wala sa plano kundi inaayawan din.
Sinisikap hadlangan ng marami ang pagbubuntis, marahil dahil sa mga problema sa kalusugan, pabahay, o trabaho. Kaya, pangkaraniwan ang mga pamaraang kontraseptibo, gaya ng mga pildoras o mga kondom na pampigil sa pag-aanak. Ang aborsiyon at pagpapatali ay ginagamit din bilang mga pamamaraan ng pagkontrol sa pag-aanak. Tungkol sa aborsiyon sa Brazil, ganito ang ulat ng pahayagang O Estado de S. Paulo: “Tinataya ng World Health Organization na winawakasan taun-taon ng 5 milyon sa 13 milyong babae na nagbubuntis sa Brazil ang pagbubuntis nang lihim.” Gayundin, iniulat ng magasing Time na 71 porsiyento ng mga babaing taga-Brazil na nasa edad nang mag-anak ang namumuhay na kasama ng isang kabiyak ang nagkokontrol sa pag-aanak. Sa mga ito, 41 porsiyento ang gumagamit ng pildoras at 44 na porsiyento ang nagpatali na.
Ipinakikita ng isang surbey na 75 porsiyento ng mga taga-Brazil ang nag-iisip na kailangang iplano ang dami ng mga anak. Tinatanggihan ng iba ang pagpaplano ng pamilya dahil sa paniniwala sa tadhana o dahil sa iniisip nilang kalooban ng Diyos na ang pamilya ay magkaroon ng ‘maraming anak na ipinadadala ng Diyos.’ Sino ang dapat magpasiya sa laki ng pamilya—ang mag-asawa o ang pambansa o relihiyosong mga kapakanan?
Pagkontrol sa Pag-aanak—Bakit Kontrobersiyal?
Bagaman pinahihintulutan ang pamaraang ritmo, ang Iglesya Katolika Romana, ang pinakamalaking relihiyon ng Brazil, ay tutol sa mga pamaraang kontraseptibo, ito man ay pagpapalaglag o hindi. Ganito ang sabi ni Papa Paul VI: “Ang bawat pagtatalik ng mag-asawa [ay] dapat na bukas sa paghahatid ng buhay.” Si Papa John Paul II ay nagsabi: “Kung makatuwirang hahatulan, ang kontrasepsiyon o pagpigil sa pagbubuntis ay matinding ipinagbabawal anupat hindi ito kailanman, sa anumang kadahilanan, pawawalang-sala.” Bunga nito, maraming Katoliko ang atubiling magkontrol sa laki ng kanilang pamilya, yamang ipinalalagay na isang kasalanan ang kontrasepsiyon.
Sa kabilang dako naman, ganito ang sabi ng medikal na babasahing Lancet: “Gugugulin ng milyun-milyon ang kanilang buhay na walang pinag-aralan, walang trabaho, walang tirahan at walang makuhang pangunahing paglilingkod para sa kalusugan, kagalingan at kalinisan, at ang di-mapigil na pagdami ng populasyon ang pangunahing salik ng mga kalagayang ito.” Dahil dito, palibhasa’y ikinatatakot ang sobrang dami ng populasyon at karukhaan, hinimok ng ilang pamahalaan ang pagpaplano ng pamilya, sa kabila ng mga pagtutol ng simbahan. Halimbawa, “nabawasan ng Costa Rica ang katamtamang bilang ng mga anak [sa bawat pamilya] mula sa 7 tungo sa 3,” sabi ng biyologong si Paul Ehrlich.
Ang publikasyon ng UN na Facts for Life—A Communication Challenge ay nagsasabi: “Pagkaraang ang isang babae ay magkaroon ng apat na anak, ang karagdagan pang pagbubuntis ay magdudulot ng higit na panganib sa buhay at kalusugan kapuwa ng ina at ng anak. Lalo na kung ang naunang mga pagsilang ay hindi mahigit na dalawang taon ang agwat, ang katawan ng isang babae ay madaling mapagod sa paulit-ulit na pagbubuntis, panganganak, pagpapasuso, at pag-aalaga sa maliliit na bata.”
Karaniwan pa rin ang malalaking pamilya kung saan mataas ang mortalidad ng sanggol, lalo na sa mga kabukiran ng Aprika, Asia, at Latin Amerika. Bakit? Marami ang hindi pamilyar sa mga pamaraang kontraseptibo. Gaya ng sabi ng isang mambabatas, ang isang salik sa ilang dako ay maaaring, “itinuturing pa rin ng isang lalaki ang kaniyang sarili na isang tunay na lalaki tangi kung ang kaniyang asawa ay nagbubuntis taun-taon.” Binabanggit ng Jornal da Tarde ang isa pang posibleng salik, lalo na mula sa pangmalas ng babae: “Ang mga anak ang isa sa kanilang pambihirang pinagmumulan ng kasiyahan at nagdudulot ng isang diwa ng personal na gawang maipagmamalaki.” Gayundin, si Paulo Nogueira Neto, dating kalihim ng kapaligiran sa Brazil, ay nagsabi: “Ang anak ang inaasahan ng mahihirap sa kanilang pagtanda.”
Ang Sinasabi ng Bibliya
Alam mo ba na ipinauubaya ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, sa asawang lalaki at babae ang magpasiya sa laki ng pamilya? Ipinakikita rin nito na wasto naman ang pag-aasawa, ito man ay para sa pag-aanak o para sa pagpapakita ng pagmamahal sa pamamagitan ng marangal na pagtatalik.—1 Corinto 7:3-5; Hebreo 13:4.
Ngunit hindi ba sinabi ng Diyos kina Adan at Eva sa Paraiso na “maging mabunga at magpakarami at punuin ang lupa”? (Genesis 1:28) Oo, gayunman hindi ipinakikita ng Bibliya na tayo ay nasa ilalim ng utos ding iyan ngayon. Ganito ang binanggit ng manunulat na si Ricardo Lezcano: “Waring salungat nga na ikapit sa [bilyun-bilyong] tao ang pormula ring iyon na ikinapit sa dalawa lamang maninirahan ng planeta.” Kahit na kung ang pasiya ay huwag magkaanak, ito ay isang personal na pagpapasiyang dapat igalang.
Kapansin-pansin, ang New Catholic Encyclopedia ay bumabanggit na ang pangmalas ng mga Saksi ni Jehova ay batay sa Bibliya. Sabi nito: “Maliban sa pagkontrol ng pag-aanak, na ipinauubaya sa sariling pasiya ng mag-asawa, ang kalinisang-asal sa pagitan nilang mag-asawa at sa sekso ay totoong mahigpit.” Sabi pa nito: “Itinuturing nila ang Bibliya bilang ang kanilang tanging pinagmumulan ng paniniwala at alituntunin ng paggawi.”
Makatuwiran ba ang lahat ng pamamaraan sa pagtatakda ng laki ng pamilya? Hindi. Yamang ang buhay ay sagrado, ipinag-utos ng Batas ng Diyos sa Israel na ang isa na nagpalaglag ay ituring na isang mamamatay-tao. (Exodo 20:13; 21:22, 23) Tungkol naman sa pagpapatali, gaya ng pagtatali sa lalaki (vasectomy), ang pasiya ay ayon sa budhi ng isa, yamang hindi ito tuwirang binabanggit sa Bibliya. “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5)a At yamang may iba’t ibang pamamaraan ng pagkontrol sa pag-aanak, maaaring makatulong sa mag-asawa ang medikal na patnubay upang magpasiya kung baga nais nilang gumamit ng isang partikular na pamamaraan o hindi.
Gumawa ng mga Pasiya na Mababata Mo
Hindi lahat ng bagay sa buhay ay maaaring iplano. Ngunit bibili ka ba ng isang kotse o isang bahay nang hindi muna seryosong pinag-iisipan kung ano ang nasasangkot? Ang isang kotse o isang bahay ay maipagbibiling muli, subalit ang mga anak ay hindi maaaring ibalik. Kung gayon, kapag nagpaplanong magkaanak, hindi ba dapat isaalang-alang ang kakayahan ng asawang lalaki at babae na maglaan ng mga pangangailangan sa buhay?
Tiyak, hindi natin nanaisin na ang ating pamilya ay hindi magkaroon ng sapat na makakain, ni nanaisin man nating maging pabigat sa iba. (1 Timoteo 5:8) Kasabay nito, bukod pa sa pagkain at tirahan, kailangan ng mga anak ang edukasyon, moral na mga pamantayan, at pag-ibig.
Bukod pa sa pagtantiya ng kinakailangang trabaho, salapi, at tiyaga, dapat ding isaalang-alang ang kalusugan ng asawang babae. Ang matalino at tamang panahon ng pagbubuntis ay nagliligtas ng buhay at nagtataguyod ng mas mabuting kalusugan. Ganito ang sabi ng Facts for Life: “Ang isa sa pinakamabisang paraan upang mabawasan ang mga panganib sa pagbubuntis at panganganak para sa ina at sa anak ay planuhin ang tamang panahon ng pag-aanak. Ang mga panganib sa panganganak ay pinakamalaki kung ang magiging ina ay wala pang 18 o mahigit nang 35, o nagkaroon na ng apat o higit pang naunang pagbubuntis, o kung ang agwat ay wala pang dalawang taon mula noong huling panganganak.”
Dapat isaalang-alang ng mga mag-asawang nag-iisip magkaanak na, gaya ng inihula sa Bibliya, tayo ay napaliligiran ng isang daigdig na punô ng krimen, gutom, digmaan, at kawalang-katiyakan sa kabuhayan. (Mateo 24:3-12; 2 Timoteo 3:1-5, 13; Apocalipsis 6:5, 6) Ang tunay na pag-ibig sa mga anak ay tutulong sa mga mag-asawa na maging makatotohanan tungkol sa daigdig na ating kinabubuhayan, kinikilala na ang pagpapalaki ng mga anak sa ating panahon ay isang malaking hamon. Kaya sa halip na hayaang mangyari ang mga bagay at magkaroon ng maraming anak nang hindi pinaplano ang pamilya sa pag-asang bubuti rin ang lahat ng bagay, pinipili ng marami kung gaano kalaki ang kanilang magiging pamilya upang ang kanilang mga anak ay magtamasa ng higit na kaligayahan at katiwasayan.
Bukod pa sa pagtulong sa atin na gumawa ng matalinong mga pasiya may kinalaman sa mga bagay na pampamilya, ang Salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng isang matibay na pag-asa sa hinaharap. Ipinakikita ng Bibliya na layunin ng Maylalang na ang tao’y mabuhay magpakailanman sa kapayapaan at kaligayahan sa isang paraisong lupa. Upang magawa ito, malapit nang wakasan ng Diyos ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Pagkatapos, sa isang matuwid na bagong sanlibutan na wala nang karalitaan at sobrang dami ng populasyon, ang mga anak ay hindi na kailanman muling itatapon dahil sa ito’y inaayawan.—Isaias 45:18; 65:17, 20-25; Mateo 6:9, 10.
Maliwanag, ang konsiderasyon sa isa’t isa at sa mga anak, gayundin ang timbang na pangmalas sa pag-aanak, ay tutulong sa mag-asawa na magpasiya sa laki ng kanilang pamilya. Sa halip na hayaan na lang mangyari ang mga bagay nang walang pagpaplano, dapat nilang may pananalanging hingin ang patnubay ng Diyos. “Ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kirot.”—Kawikaan 10:22.
[Talababa]
a Tingnan Ang Bantayan, Mayo 1, 1985, pahina 31.
[Larawan sa pahina 12]
Milyun-milyong bata ang pinababayaan
[Larawan sa pahina 13]
Kailangan ng mga anak ang maibiging pangangalaga