Ibinalik ng Katotohanan ang Aking Buhay
Karamihan sa dati kong mga kaibigan ay namatay na dahil sa AIDS. Bago sila namatay, madalas ko silang makita sa mga lansangan. Patay na rin sana ako kung hindi dahil sa katotohanan. Hayaan mong isalaysay ko.
AKO’Y isinilang noong Disyembre 11, 1954, ang pangalawa at bunsong anak nina John at Dorothy Horry. Pinanganlan nila akong Dolores, subalit noong ako’y isilang tinawag ako ni Inay na Dolly dahil sa palagay niya ako’y parang manika. Mas kilala ako sa aking palayaw, subalit hindi alam ng mga tao noon na ako ang magiging sakit ng ulo ni Inay.
Nakatira kami sa isang animo’y riles ng tren na apartment—binansagang gayon dahil sa mahaba at makitid na disenyo nito. Ito’y nasa 61st Street sa New York City. Ang apartment ay hindi masyadong maganda; may kasama kaming mga daga. Subalit, nang ako’y makagat isang gabi, lumipat kami karaka-raka.
Noong 1957 lumipat kami sa gawing silangan sa timog ng Manhattan. Kung ihahambing sa pinanggalingan namin, ito ay napakaganda—magagandang silid-tulugan, isang malaking parke sa labas ng aking bintana, at tanaw ang East River. Napagmamasdan ko ang mga naglalayag na bangka at ang mga batang naglalaro ng football at baseball sa parke. Oo, ito ay paraiso para sa akin. Pagkatapos ang aking tiwasay na mundo ay nagsimulang gumuho.
Alkoholismo at Droga
Madalas magtalo sina Inay at Itay. Sa simula’y hindi ko maunawaan kung bakit, subalit pagkatapos ay napansin ko na laging lasing ang tatay ko. Hindi niya mapanatili ang kaniyang trabaho, at si Inay lamang ang naghahanapbuhay. Nang malaman ng aking mga kaibigan na si Itay ay isang alkoholiko, naging miserable ang buhay ko dahil sa pagtuya na tinanggap ko.
Patuloy na lumala ang mga bagay. Sa wakas, naging marahas si Itay anupat siya’y pinalayas ni Inay. Kaya kami ay naging isang pamilya na may nagsosolong magulang. Ang edad ko noon ay mga walo o siyam, at matinding dagok sa akin ang kalagayan ng aming pamilya. Kailangang magtrabaho si Inay nang patuluyan upang mapagkasiya ang kinikita, anupat kami ng kapatid kong babae ay iniiwan sa mga kapitbahay pagkatapos ng klase.
Noong ako’y nasa ikaanim na grado, ako’y naging masyadong rebelde. Nagbubulakbol ako sa mga klase at nagtutungo sa kalapit na Tompkins Square Park at umiinom ako ng alak upang makalimutan ko ang aking mga problema. Di-nagtagal ay nakisama ako sa isang pangkat ng mas nakatatandang mga kaibigan. Ako noon ay 11 anyos lamang, subalit ako’y malaki para sa aking edad, kaya ako ay napagkakamalang 16 o 17. Ang mga bagong kabarkadang ito ay naglalasing, humihitit ng marihuwana, gumagamit ng LSD, at nagtuturok ng heroin. Buweno, gusto kong ako’y tanggapin ng grupo, kaya sinubukan ko ang mga bagay na ito. Sa gulang na 14, ako’y dumedepende na sa nakasusugapang mga bagay na ito upang makagawa.
Natuklasan ni Nanay
“Isinilang kita sa mundong ito, at ako rin ang papatay sa iyo.” Ito ang kasabihan ng mga ina sa aming lugar na lubhang nagdaramdam at bigung-bigo sa kanilang mga anak. Nang matuklasan ni Inay, na karaniwan nang isang taong napakahinahon at mapagpigil, na ang kaniyang 14-anyos ay gumagamit ng heroin, sinabi niya na gayon nga ang gagawin niya—papatayin niya ako.
Tumakbo ako sa banyo at sinikap kong isara ang pinto sa pamamagitan ng pagtukod ng aking mga paa sa tub, subalit napakabagal ko. Talagang lagot ako ngayon! Hindi na kailangan pang sabihin, matinding palo ang inabot ko. Ang tanging bagay na nagligtas sa akin mula sa galit ni Inay ay nang magtungo sa banyo ang aking kapatid na babae at ang taong nagsumbong sa akin at pinigilan ang aking nanay upang ako’y makatakas mula sa apartment. Nang ako’y umuwi sa wakas—naglayas ako nang ilang araw—ako’y sumang-ayon na humingi ng tulong para sa aking problema sa droga.
Pagkuha ng Propesyonal na Tulong
Pagkalipas ng ilang buwan, napanood ko ang isang komersiyal sa TV tungkol sa isang pasilidad para sa rehabilitasyon sa droga. Isa itong dako kung saan makakakuha ng tulong ang mga taong talagang nagnanais na mapagtagumpayan ang kanilang mga problema sa droga. Ipinakipag-usap ko kay Inay ang napanood ko, at ipinadala niya ako sa isa sa kinaroroonan nito sa New York City. Ang pasilidad ay naglalaan ng tulad-pamilyang kapaligiran kung saan ang mga tao ay hinihikayat na baguhin ang kanilang buong istilo ng buhay. Tumira ako roon ng halos dalawa-at-kalahating taon.
Bagaman ako’y nakinabang sa inilaang tulong, ako’y lubhang nasiraan ng loob nang malaman ko na ang ilang kawani na pinagkakatiwalaan at iginagalang ko—at na dapat sana’y huminto na sa paggamit ng droga—ay nagbalik sa dating gawi. Para ba akong nalinlang at naging mangmang. Itinuro nila sa amin na ang matandang kasabihang, “Minsang maging sugapa, laging sugapa,” ay isang kasinungalingan. Subalit ngayon ay minamalas ko sila bilang nabubuhay na patotoo na ito ay totoo.
Gayunman, sa gulang na 17, ako’y umuwing hindi na sugapa sa droga at determinado akong gawin ang lahat ng magagawa ko upang hindi na kailanman gumamit muli ng heroin. Samantala, ang aking ina at kapatid na babae ay nagsimula nang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.
Masamang Anak Pa Rin ng Pamilya
Bagaman huminto na ako sa paggamit ng droga, pakiwari ko’y masamang anak pa rin ako ng pamilya. Ito’y dahilan sa hindi pa ako handang mamuhay sa bagong mga alituntunin ng sambahayan, na kabilang dito ang walang maninigarilyo, walang magpaparti sa mga disco, at iba pa. Hindi nagtagal ay pinaalis ako ni Inay sa apartment sapagkat ayaw kong baguhin ang aking mga kasama at ang aking makasanlibutang saloobin. Talagang kinamuhian ko siya dahil dito, subalit sa katunayan ito ang pinakamabuting bagay na maaaring nagawa niya sa akin. Naging matatag siya sa kaniyang matuwid na mga simulain at hindi kailanman nag-urong-sulong.
Kaya ako’y umalis upang magpanibagong-buhay sa aking sarili. Nag-aral akong muli upang matuto ng isang trabaho upang may maibayad ako sa aking pag-aaral sa kolehiyo. Mahusay ang nagawa ko at ako’y muling tinanggap sa lipunan. Nagkaroon ako ng magandang trabaho at ng sarili kong apartment. Saka pumasok sa larawan ang romansa nang makita ko ang isang dating kasintahan. Nagkabalikan kami at binalak naming gawin ang mga bagay nang tama at magpakasal.
Gayunman, sa kalaunan ang aking kasintahan ay nagsimulang gumamit ng droga, at ang mga bagay ay lumala para sa aming dalawa. Dahil sa hindi ko matiis ang kirot ng damdamin, ginawa ko ang nalalaman kong pinakamainam na bagay—nagdroga ako upang hindi ko maramdaman ang kirot ng damdamin. Nasangkot ako sa paggamit ng cocaine, na nagbibigay ng tinatawag na pagkalango ng mayaman. Popular noon ang cocaine dahil sa hindi ito itinuturing ng marami na nakasusugapa. Subalit para sa akin ito ay mas masahol pa sa heroin.
Noong kalagitnaan ng mga taon ng 1970, ako’y gumamit ng cocaine sa loob halos ng tatlong taon. Sa wakas, nakita ko ang pabalik-balik na bisyong kinasadlakan ko, at ako’y nagtanong, ‘Ganito na lamang ba ang buhay?’ Nahinuha ko na kung ganito na lamang ang buhay, kung gayon ay sawa na ako rito. Nagbalik ako kay Inay at sinabi ko sa kaniya na sawa na ako sa istilong ito ng buhay at na ako’y babalik sa pagamutang panrehabilitasyon. Pagkalipas ng isa’t kalahating taon doon, ako ay minsan pang malaya sa droga.
Muntik Ko Nang Nasumpungan ang Katotohanan
Nagkaroon akong muli ng magandang trabaho at nakasumpong ng isang magandang apartment at kasintahan. Kami’y naging magkatipan. Samantala, si Inay ay regular na nakikipag-usap sa akin. Ipinakikipag-usap niya sa akin ang tungkol sa Bibliya at pinadadalhan ako ng mga magasing Bantayan at Gumising!, ngunit hindi ko man lang tiningnan ang mga ito. Sinabi ko kay Inay ang aking mga plano na mag-asawa at magpamilya. Kaya pinadalhan niya ako ng isang aklat na bumago sa aking buhay magpakailanman—Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya.
Habang binabasa ko ang aklat na ito, napag-alaman ko kung ano ang gusto ko at na hinahanap ko ito sa maling paraan. Sa wakas, may nakaunawa ng aking nadarama at kung ano ang talagang nasa puso ko. Hindi ako isang kakatwang tao sa pagkakaroon ng ganitong mga damdamin—normal ako! Subalit, tinawanan lamang ako ng aking katipan nang subukin kong ipakita sa kaniya ang aklat na Buhay Pampamilya at ang Bibliya. Ayaw niyang gumawa ng pagbabagong kailangan upang magtamasa ng isang maligayang buhay pampamilya. Kaya nagkaroon ako ng mahirap na pagpapasiyahan—manatiling kasama niya o iwan siya. Nagpasiya akong panahon na upang iwan siya at magtungo sa ibang dako.
Nagalit ang kasintahan ko. Pag-uwi ko ng bahay isang araw, nasumpungan kong sinira niya ang lahat ng damit ko sa pamamagitan ng isang labaha. Halos nawala ang lahat ng pag-aari ko—sapatos, mga amerikana, muwebles—ito ay alin sa sinira o ipinagbili. Ang natira lamang sa akin ay ang damit na suot ko. Gusto ko nang mahiga at mamatay. Kung minsan dumarating sa buhay na ikaw ay pagod na sa pakikipagpunyagi. Kaya ikaw ay bumabalik sa dati mong ginagawa upang makayanan ito—pinamamanhid mo ang iyong mga damdamin sa pamamagitan ng droga. Naisip ko na iyon nga ang gawin o kaya’y magpakamatay.
Bagaman nagbalik ako sa droga, hindi sumuko si Inay sa akin. Dinadalaw niya ako at nagdadala ng mga kopya ng Ang Bantayan at Gumising! Sa isang pag-uusap isang gabi, sinabi ko sa kaniya ang nadarama ko—na sawa na ako sa pagsisikap at sagad na ako sa mga problema. Basta sinabi niya: “Nasubok mo na ang lahat ng bagay, bakit hindi mo subukin si Jehova?”
Iniligtas ng Katotohanan
Noon ay 1982 nang sumang-ayon akong gawin ang napakatagal na niyang ipinakikiusap na gawin ko. Nagsimula akong mag-aral ng Bibliya nang dibdiban. Di-nagtagal at ako’y tuwang-tuwa sa mga bagay na natututuhan ko. Naunawaan kong ang aking buhay ay napakahalaga kay Jehova at na may tunay na layunin sa buhay. Subalit natanto ko na kung paglilingkuran ko si Jehova, kailangan kong gumawa ng maraming pagbabago at na kailangan ko ng emosyonal at espirituwal na tulong. Kaya itinanong ko kay Inay kung puwede akong bumalik ng bahay.
Maingat na si Inay, yamang maraming ulit ko na siyang binigo. Nakipag-usap siya sa isang Kristiyanong matanda tungkol sa kahilingan ko na makitira sa kaniya. Nang mahiwatigan niya na inaakala ni Inay na may malaking posibilidad na ako’y magbago na sa pagkakataong ito, ang himok niya: “Bakit hindi mo siya bigyan ng isa pang pagkakataon?”
Mabuti na lang, sa pagkakataong ito ay hindi ko binigo si Inay. Patuloy akong nag-aral ng Bibliya at nagsimulang dumalo nang regular sa mga pulong Kristiyano. Sa tulong ni Jehova, ako’y lubusang nagbago ng aking istilo ng buhay. Ang payo na inilalaan ng Bibliya, ang Salita ng Diyos ng katotohanan, ang nagpangyari sa akin na paglabanan ito sa mahihirap na panahon. (Juan 17:17) Inihinto ko pa nga ang paninigarilyo, isang pagkasugapa na mas mahirap kong madaig kaysa pagkasugapa sa heroin at cocaine. Sa kauna-unahang pagkakataon ako’y nagagalak na mabuhay.
Pagkaraan ng ilang buwan, noong Disyembre 24, 1983, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Nang sumunod na Abril, ako’y nag-auxiliary pioneer, isang anyo ng higit pang pagmiministeryo. Sa simula, tinuya ako ng aking dating mga kasama nang makita nila ako sa ministeryo sa larangan. Ito’y gaya ng babala ni apostol Pedro: “Sa dahilang hindi kayo patuloy na tumatakbong kasama nila sa landasing ito sa gayunding pusali ng kabuktutan, sila ay nagtataka at patuloy na nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa inyo.”—1 Pedro 4:4.
Noong Setyembre 1984, ako’y naging isang regular pioneer, at di-nagtagal ako’y nagdaraos ng sampung lingguhang mga pag-aaral sa Bibliya. Ang ilan sa mga pag-aaral na ito ay sa mga taong tumuya sa akin nang ako’y nagsisimula sa ministeryo. Ito’y kapana-panabik na panahon sa aking buhay sapagkat natulungan ko ang maraming kabataan na yakapin ang katotohanan ng Bibliya. Mahilig ako sa mga bata, kaya ang pagiging isang ina, wika nga, ng espirituwal na mga anak ay naging bukal ng aking di-nagmamaliw na kagalakan.—Ihambing ang 1 Corinto 4:15.
Habang lumilipas ang mga taon, nakikita ko sa mga lansangang malapit sa aming tahanan ang mga kaibigan na dati kong nakasama sa paggamit ng droga. Dahil sa paggamit ng mga karayom na pang-iniksiyon na ginamit ng mga taong nahawahan, sila’y nahawa ng AIDS at nakatatakot tingnan. Marami na ang namatay. Alam kong malamang na patay na rin ako kung hindi dahil sa katotohanan ng Bibliya. Sa diwa, ibinalik nito ang aking buhay.
Iwasan ang Kirot
Madalas kong naiisip na sana’y nakilala ko agad ang katotohanan noong bata pa ako at sa gayo’y naiwasan ang isang buhay na punô ng kirot at hirap. Tinutulungan ako ngayon ni Jehova na batahin ang mga kirot na bunga ng buhay na sinayang ko noong aking kabataan, subalit kailangan kong maghintay hanggang sa bagong sistema para sa ganap na paggaling ng mga pilat ng damdamin. (Apocalipsis 21:3, 4) Ngayon ay masikap kong sinasabi sa mga kabataan na sila’y pinagpala na makilala si Jehova at ang tulong ng kaniyang organisasyon upang ikapit ang itinuturo niya.
Ang sanlibutan ay maaaring magtinging maganda at kaakit-akit. At nais nitong papaniwalain ka na matatamo mo ang uring ito ng katuwaan nang walang kirot. Subalit maliwanag na hindi ito maaari. Gagamitin ka ng sanlibutan, at kapag natapos na ito sa iyo, itatapon ka na nito. Makatotohanang sinasabi ng Bibliya na ang Diyablo ang tagapamahala ng sanlibutan—oo ang diyos nito—at hindi natin dapat na ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na naririto. (Juan 12:31; 14:30; 16:11; 2 Corinto 4:4; 1 Juan 2:15-17; 5:19) Yamang ang makasanlibutang mga tao ay umiiral bilang mga alipin ng katiwalian, ang pakikisama sa kanila ay hindi magdudulot sa iyo ng tunay na kaligayahan.—2 Pedro 2:19.
Inaasahan kong ang paglalahad ko ng mga bagay na ito tungkol sa aking sarili ay tutulong sa iba na makitang “ang tunay na buhay”—buhay na walang-hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos—ang tanging kapaki-pakinabang na buhay na dapat pagsikapan. Anumang tagumpay at kabiguan na maaaring maranasan natin habang lumalakad tayo sa katotohanan, ang damuhan sa kabilang bakod, sa sanlibutan ni Satanas, ay hindi talagang maberde. Sinisikap ni Satanas na ito’y magtinging gayon. Idinadalangin ko, kasama ng lahat ng aking Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae, na mapanatili ko ang aking mga mata na nakatutok sa tunay na buhay, oo, sa buhay na walang-hanggan sa Paraisong lupa. (1 Timoteo 6:19)—Gaya ng inilahad ni Dolly Horry.
[Larawan sa pahina 15]
Kasama ng nanay ko, na nangangaral sa Tompkins Square Park