Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Pinahihintulutan ng Diyos na Mangyari ang Masasamang Bagay?
SI Lidija ay isang tin-edyer lamang nang sumiklab ang digmaan sa kaniyang sariling-bayan—ang bansa na dating kilala bilang Yugoslavia. “Ginugol ko ang maraming araw at gabi sa isang madilim na taguan,” ang gunita niya. “Malimit na natutukso akong tumakbong palabas, kahit na ito’y nangangahulugang ako’y mapapatay! Bago ng digmaan, mayroon ka ng lahat ng gusto mo, pero ngayon ay maligaya ka na basta buháy ka.”
Ang mga kaigtingan at paghihirap dahil sa digmaan ang nagpahina nang husto sa espirituwalidad ni Lidija. Ganito ang sabi niya: “Hindi kami makapangaral o makadalo sa mga pulong sa loob ng mga linggo. Talagang naisip ko noon na pinabayaan na kami ni Jehova. Tinatanong ko nga ang aking sarili, ‘Bakit hindi niya kami tinutulungan ngayon?’”
Mga digmaan, krimen, karahasan, sakit, kasakunaan, aksidente—ang lahat ng masasamang bagay na gaya nito ay maaaring sumapit kahit na sa mga kabataan. At kapag sumapit ang trahedya sa iyo mismo, natural lamang na maisip mo, ‘Bakit pinahihintulutan ng Diyos na mangyari ang masasamang bagay na ito?’
Naitanong na rin iyan ng mga taong nananampalataya sa Diyos noong sinaunang panahon. Halimbawa, nang nakita ng propetang si Habacuc ang kalunus-lunos na kalagayan na umiral sa bayan ng Diyos, ganito ang paghihinanakit niya: “O Jehova, hanggang kailan ako daraing, at hindi mo diringgin? Hanggang kailan ako daraing sa iyo dahil sa pandarahas, at hindi ka magliligtas? Bakit hinahayaan mong makita ko ang kasamaan, at iyo lamang pinagmamasdan ang kasamaan?” (Habacuc 1:2, 3) Gayundin ang namimighating damdamin na nararanasan ng ilang Kristiyanong kabataan sa ngayon.
Kuning halimbawa ang nadama ng isang kabataang Kristiyano pagkatapos ng di-inaasahang pagkamatay ng kaniyang ama. Ganito ang sabi niya: “Nagwala ako, nagsisisigaw sa bintana, naghihihiyaw sa Diyos na Jehova. . . . Sinisi ko siya sa lahat ng bagay. Bakit nangyari ito? Napakahusay na ama ni Itay at isang mapagmahal na asawa, at ngayon ay nangyari ito—hindi ba nagmamalasakit si Jehova?” Sa mga kalagayang tulad nito, normal lamang na magulumihanan, masaktan, o magalit pa nga. Tandaan, ang tapat na propetang si Habacuc ay nagulumihanan din dahil sa pinahintulutang umiral ang kabalakyutan. Gayunman, kung ang isang tao ay patuloy na magkimkim ng sama ng loob, may panganib diyan. Siya’y maaaring ‘magalit kay Jehova mismo.’—Kawikaan 19:3.
Kung gayon, paano mo maiiwasang magkaroon ng galit at matinding sama ng loob? Una muna, dapat mong maunawaan kung saan nagmula ang kasamaan.
Hindi Nagmumula sa Diyos ang Masasamang Bagay
Nililiwanag ng Bibliya na hindi kailanman nilayon ng Diyos na magdusa tayo nang ganito. Inilagay niya ang unang mag-asawa sa paraisong tahanan na walang kirot at pagdurusa. (Genesis 1:28) Walang alinlangang batid mo kung paano sumama ang mga bagay-bagay: Hinikayat ng isang di-nakikitang espiritung nilalang, na nakilala bilang Diyablo at Satanas, sina Adan at Eva na sumuway sa Diyos. (Genesis, kabanata 3; Apocalipsis 12:9) Sa paggawa nito, ipinailalim ni Adan sa paghatol ang lahat ng kaniyang supling sa kasalanan at sa nakapipinsalang mga epekto nito.—Roma 5:12.
Maliwanag, hindi Diyos ang nagdulot ng kasamaan sa sangkatauhan, kundi ang tao mismo. (Deuteronomio 32:5; Eclesiastes 7:29) Kaya naman, lahat ng masasamang bagay na nararanasan ng mga tao sa ngayon—ang sakit, kamatayan, digmaan, kawalang-katarungan—ay bunga ng kusang paglabag ni Adan. Isa pa, lahat tayo ay sumasailalim ng tinatawag ng Bibliya na “panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Kapuwa ang balakyot at matuwid ay nakararanas ng di-pangkaraniwang aksidente at mga trahedya.
Ang Pagpapahintulot ng Diyos sa Kabalakyutan
Bagaman nakaaaliw na malamang hindi ang Diyos ang pinagmumulan ng kabalakyutan, baka iisipin mo pa rin, ‘Bakit niya pinahihintulutan ang kabalakyutan na magpatuloy?’ Minsan pa, babalik ito sa usaping ibinangon sa Eden. Sinabi ng Diyos kay Adan na kapag siya’y sumuway, siya’y mamamatay. (Genesis 2:17) Subalit, sinabi ng Diyablo kay Eva na kung siya’y kumain sa ipinagbabawal na punungkahoy, siya’y hindi mamamatay! (Genesis 3:1-5) Sa katunayan, tinawag ni Satanas ang Diyos na isang sinungaling. Isa pa, ipinahiwatig ni Satanas na ang tao ay mas makikinabang nang husto kung siya ang magpapasiya sa kaniyang sarili mismo at hindi na kailangang sabihin ng Diyos kung ano ang dapat niyang gawin!
Hindi maaaring ipagwalang-bahala ng Diyos ang mga paratang na ito. Nakita mo na ba ang isang kaklase mong humamon sa awtoridad ng isang guro? Kung siya’y basta hahayaan ng guro, ang ibang estudyante rin ay maaaring tumulad sa kaniya. Sa gayunding paraan, maaaring sumabog ang kaguluhan sa sansinukob kung hindi hinarap ni Jehova ang hamon ni Satanas. Ginawa iyan ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa tao na sumunod sa paraan ni Satanas ng paggawa ng bagay-bagay. Nasiyahan ba ang tao sa tulad-diyos na kalayaan na ipinangako ni Satanas? Hindi. Ang pamamahala ni Satanas ay nagdulot ng kaguluhan at kahapisan, nagpapatunay na siya’y isang napakasamang sinungaling!
Pahihintulutan ba ng Diyos na magpatuloy magpakailanman ang kabalakyutan? Hindi. Upang lutasin ang usaping ibinangon ni Satanas, hindi magtatagal ay wawakasan na ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan. (Awit 37:10) Subalit paano ba natin pakikitunguhan ang kasalukuyan?
Isang Usapin na Nagsasangkot sa Iyo
Una sa lahat ay tantuin na ang usaping ito sa pagitan ng Diyos at ni Satanas ay nagsasangkot sa iyo! Paano? Isaalang-alang ang aklat sa Bibliya na ipinangalan sa matuwid na taong si Job. Nang itawag-pansin ng Diyos si Job bilang isang halimbawa ng tapat na mananamba, ganito ang tugon ni Satanas: “Sasambahin ka ba ni Job kung wala siyang nakukuha mula sa iyo?” (Job 1:9, Today’s English Version) Oo, nangatuwiran si Satanas na kung siya’y pagbibigyang manggipit, maitatalikod niya ang sinumang tao mula sa paglilingkod sa Diyos!—Job 2:4, 5.
Samakatuwid siniraang-puri ni Satanas ang lahat ng mga taong may takot sa Diyos. Siniraang-puri ka niya. Gayunman, ganito ang sabi ng Kawikaan 27:11: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang may maisagot ako sa kaniya na tumutuya sa akin.” Oo, kapag naglilingkod ka sa Diyos sa kabila ng matitinding kahirapan, talagang nakatutulong ka na patunayang si Satanas ay isang sinungaling!
Hindi naman maikakaila, kapag napapaharap sa masasamang bagay, hindi madaling isipin ang mga usaping nasasangkot. Si Diane, na noo’y sampung taóng gulang lamang nang mamatay ang kaniyang ina, ay nagsabi: “Natatakot ako na baka maging matigas ako o magkimkim ng sama ng loob dahil sa mga pagsubok sa aking buhay.” Gayunman, ang pagkaalam kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kabalakyutan ay nakatulong sa kaniya na magkaroon ng wastong pangmalas sa kaniyang mga problema. Ngayon ay ganito ang kaniyang sabi: “Bagaman may mga bagay sa aking buhay na napakahirap para sa akin na batahin, ang mga kamay ni Jehova ay laging sumasaakin.”
Ipinaaalaala sa atin ni Diane ang isang mahalagang bagay: Hindi inaasahan ni Jehova na mababata natin ang mga panggigipit na ito sa ganang sarili lamang natin. Ganito ang pagbibigay-katiyakan sa atin ng Awit 55:22: “Ihagis ang iyong pasanin kay Jehova mismo, at siya mismo ay aalalay sa iyo. Kailanman ay hindi niya hahayaan ang matuwid na makilos.” Naging totoo ito para sa kabataang si Kotoyo. Nakaharap niya ang isang trahedya nang mamatay ang kaniyang mga magulang sa lindol noong 1995 na yumanig sa Kobe, Hapon. Para sa kaniya at sa kaniyang nakababatang mga kapatid, ganito ang sabi niya: “Yamang tinuruan kami ng aming ina na manalig kay Jehova, kami’y makapagtitiis.”
Kumusta naman si Lidija, ang kabataang babae na nabanggit sa pasimula? Nang maglaon, kaniyang natanto na hindi naman talaga siya pinabayaan ni Jehova. Ganito ang kaniyang sabi: “Laging sumasaamin si Jehova. Inakay niya kami at ginabayan ang aming mga hakbang.”
Si Jehova—Isang Maibiging Diyos na Nagmamalasakit
Mararanasan mo rin ang tulong mula sa Diyos kapag nangyari ang masasamang bagay sa iyo. Bakit? Sapagkat si Jehova ay nagmamalasakit sa iyo! At bagaman pinahihintulutan niya ang masasamang bagay na mangyari sa mabubuting tao, naglalaan din naman siya ng mapagmahal na kaaliwan. (2 Corinto 1:3, 4) Ang isang paraan kung paano niya ito ginagawa ay sa pamamagitan ng Kristiyanong kongregasyon. Doon ay makasusumpong ka ng ‘mga kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid,’ na maaaring magpalakas sa iyo kapag dumating ang mga problema. (Kawikaan 18:24) Ganito ang gunita ni Kotoyo: “Mula sa unang araw pagkatapos ng lindol, nagtungo kami sa lugar kung saan nagtipon ang mga kapatid, at tumanggap kami ng pampatibay-loob at mga kinakailangan naming bagay. Nagpangyari iyan sa akin na magkaroon ako ng katiwasayan. Hangga’t nasa atin si Jehova at ang mga kapatid, sa palagay ko’y makakayanan natin ang anumang bagay.”
Dahil sa kilalá ka ni Jehova bilang isang indibiduwal, mapangangalagaan din niya ang iyong mga pangangailangan kapag nangyari ang masasamang bagay. Naaalaala pa ni Daniel kung paano niya nabata ang pagkamatay ng kaniyang ama, na ganito ang kaniyang sinabi: “Si Jehova ay nagiging iyong ama, at ang kaniyang organisasyon ay naglalaan ng espirituwal na mga lalaki na nagsisilbing huwaran. Si Jehova ay laging naglalaan ng kasagutan sa mga katanungan na likas na maipakikipag-usap ko sana sa aking ama.” Naranasan din ni Diane ang maibiging pangangalaga ni Jehova sapol nang mamatay ang kaniyang ina. Ganito ang sabi niya: “Sa pamamagitan ng mga taong may edad na at maygulang sa espirituwal na naglalaan ng pampatibay-loob, patnubay, at payo, ginabayan niya ako at tinulungan niya ako na mabata ko ang anumang pagkasira ng loob.”
Mangyari pa, ang makaranas ng masasamang bagay ay hindi kailanman kaayaaya. Subalit magkaroon ng kaaliwan sa pagkaalam kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang gayong mga bagay. Patuloy na paalalahanan ang iyong sarili na hindi na magtatagal ay lulunasan ng Diyos ang problema. Aba, ang lahat ng bakas ng masasamang bagay na ating nararanasan sa wakas ay mawawala na! (Isaias 65:17; 1 Juan 3:8) Sa pamamagitan ng pagsamantala sa lahat ng mga inilalaan ng Diyos upang tayo’y makapagbata, magagawa mo ang iyong bahagi sa pagpapatunay na isang sinungaling si Satanas. Sa kalaunan, ‘papahirin ng Diyos ang luha sa iyong mga mata.’—Apocalipsis 21:3, 4.
[Mga larawan sa pahina 19]
Hindi na magtatagal ay aalisin ni Jehova ang lahat ng masasamang bagay