Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 11/8 p. 26-27
  • Kaninong Patnubay ang Mapagkakatiwalaan Mo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaninong Patnubay ang Mapagkakatiwalaan Mo?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kamay ng Diyos ang Pumapatnubay sa Kaniyang Bayan
  • Mangunyapit sa Kamay ng Diyos!
  • “Tumayo Kayong Matatag at Tingnan Ninyo ang Pagliligtas ni Jehova”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Pag-alis
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • ‘Si Jah ang Naging Aking Kaligtasan’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Pihahirot
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 11/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Kaninong Patnubay ang Mapagkakatiwalaan Mo?

“AALIS na tayo!” ang sabi ng ama sa kaniyang limang-taóng-gulang na anak na lalaki. Iniabot ng ama ang kaniyang kamay, at walang pag-aatubiling inabot ng anak na lalaki ito at inihawak ang kaniyang munting kamay sa mga daliri ng kaniyang ama. Saan man ang kanilang patutunguhan, nagtitiwala ang bata sa pag-akay ng kaniyang magulang at sumusunod siya nang may pagtitiwala. Anuman ang mangyari, hindi bumibitiw sa mahigpit na pagkakahawak ang bata.

Dahil tayo’y nabubuhay sa mga panahong ito na walang katiyakan sa ekonomiya, pulitika, at sariling buhay, hindi mo ba tatanggapin ang pumapatnubay na kamay mula sa isang pinagmumulan na mapagkakatiwalaan mo nang lubusan? Subalit, tayo’y nabubuhay sa panahong ang mga taong walang prinsipyo ay nagsasamantala sa mga taong walang karanasan. Kaya, may mabuting dahilan na maging maingat sa kung sino ang ating pinagkakatiwalaan. Marahil ay totoong nasiraan ka ng loob noon nang biguin ka ng isang tao na pinagtiwalaan mong papatnubay sa iyo.

Gayunman, hinihimok tayo ng Bibliya na magtiwala sa Diyos. “Sapagkat ako, si Jehova na iyong Diyos, ay hahawak ng iyong kanang kamay, ang Isa na magsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Aking tutulungan ka,’” ang iniulat ng propetang si Isaias. (Isaias 41:13) At ganito rin ang payo ni apostol Pedro: “Samakatuwid, magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”​—1 Pedro 5:6, 7.

Magkagayon man, maaaring maitanong mo, ‘Anong dahilan mayroon ako para magtiwala sa Diyos para sa patnubay?’ Ang sumusunod na makatuwirang mga dahilan ay masusumpungan sa ulat ng sinaunang mga Israelita.

Ang Kamay ng Diyos ang Pumapatnubay sa Kaniyang Bayan

Ang sunud-sunod na mga pangyayari na umabot sa sukdulan noong gabi ng Nisan 14, 1513 B.C.E., ang sumira sa determinasyon ng mapaniil na nagpapatrabahong si Faraon at ng mga Ehipsiyo, anupat pinalaya nila ang bayan ng Diyos, ang mga Israelita, mula sa pagkaalipin. (Exodo 1:11-13; 12:29-32) Noong Nisan 15, ang nagsasayang bansa ng Israel ay nagtuloy sa ilang patungo sa Lupang Pangako. Ang pinakatuwid na ruta ay sa hilaga ng Memfis, sa kahabaan ng baybayin ng Mediteraneo, malapit sa lupang sinasakop ng kinatatakutang mga Filisteo, at patungo na sa Lupang Pangako. Gayunman, may ibang daan na naisip ang Diyos.​—Exodo 13:17, 18; Bilang 33:1-6.

Naglaan ang Diyos ng isang nakikitang giya sa sinaunang bansa ng Israel na nagmistulang isang haligi ng ulap kung araw at isang haligi ng apoy kung gabi. (Exodo 13:21, 22) Kalakip ng sobrenatural na kababalaghang ito, ginamit ni Jehova bilang kaniyang makalupang kinatawan ang tapat na taong si Moises. (Exodo 4:28-31) Kaya, may di-mapag-aalinlanganang katibayan na ginagabayan ng kamay ng Diyos ang mga Israelita.

Sa ikalawang lugar ng kanilang pagkakampo, sa Etham, “sa hangganan ng ilang,” inakay ni Jehova si Moises na magbalik at magkampo sa baybayin ng Dagat na Pula, sa Pihahiroth. (Exodo 13:20) Ang waring hindi maipaliwanag na pagkilos na ito ang nag-udyok kay Faraon na maghinuhang ang mga Israelita ay “nasisilo sa lupain.” Palibhasa’y lumakas ang loob, nagbago ang puso ni Faraon. Ngayon siya’y determinadong muling alipinin ang mga Israelita, anupat tinipon niya ang kaniyang hukbo at naghanda sa pagtugis sa kanila.​—Exodo 14:1-9.

Dahil sa pagdadala sa bansa sa ibang direksiyon, maliwanag na sa isang mababang kapatagang patungo sa Dagat na Pula, sa wari’y para bang inilalagay ni Moises ang mga Israelita sa kanilang ikasisilo sa pagitan ng kabundukan sa magkabilang panig ng kampo sa Pihahiroth, Dagat na Pula, at ng sumusugod na hukbo ni Faraon. Sa wari nga, ang mga Israelita ay naging madaling tudlaan ng mabilis na pananakop o pagkalipol.

Ano ang naging epekto nito sa kanila? Sila kaya’y magpapakita ng pagtitiwala sa patnubay ni Jehova? Sa panlabas, walang pag-asa ang kalagayan. Kaya naman, ang iba ay nataranta. Ang iba naman ay nagbulung-bulungan laban kay Moises. Ang ilan ay handa pa ngang sumuko at bumalik sa pagkaalipin sa Ehipto!​—Exodo 14:10-12.

Mangunyapit sa Kamay ng Diyos!

Sa kalagayang ito kailangan ng mga Israelita na magpakita ng tulad-batang pagtitiwala sa Makapangyarihan-sa-Lahat. Lingid sa kaalaman ng buong bansa, may mabuting dahilan si Jehova sa pagtatagubilin kay Moises sa pagtawid sa Dagat na Pula sa Pihahiroth. Dahil sa pinasimunuan ang daraanan ng mga Israelita patungo sa Lupang Pangako sa gawing timog ng lupain ng mga Filisteo, ipinakita ni Jehova ang maibiging pang-unawa. Pagkatapos ng 215 taon sa Ehipto, walang alinlangan na ang mga Israelita ay hindi handa para sa pakikipaglaban sa isang bansa na may malulupit na mandirigma. Kaya naman, pinili ni Jehova ang isang ruta na makaiiwas sa gayong labanan.a​—Exodo 13:17, 18.

Ang pagkaligtas ng bansa at ang pagkatalo ni Faraon at ng kaniyang hukbo sa Dagat na Pula ay nagbigay ng kahanga-hangang patotoo sa kapangyarihan ng Diyos na magligtas. Isa pa, gayon na lamang ang laki ng pasasalamat ng mga Israelita na, bagaman hindi nakauunawa sa dahilan ng pag-akay ng Diyos sa kanila sa isang partikular na daan, hindi sila bumitiw sa kamay ng Diyos! Nangunyapit sila at nakita ang makahimalang paghahati ng Dagat na Pula gayundin ang pagkapuksa ng kanilang mga kaaway. Ginantimpalaan ang kanilang pagtitiwala sa pagpatnubay ni Jehova.​—Exodo 14:19-31.

Minsan pa, isaalang-alang natin ang halimbawa ng batang nakahawak sa kamay ng isang magulang. Kapag ang bata ay nababahala, paano siya kumikilos? Sa halip na bumitiw o lumuwag ang kaniyang pagkakahawak, hihigpitan ng bata ang pagkakahawak ng kaniyang munting kamay sa mga daliri ng kaniyang magulang. Sa paggawa ng gayon, ipinamamalas niya ang walang pag-aalinlangang pagtitiwala na mailalaan ng magulang ang tapat na patnubay at kalakasan sa panahon ng kagipitan.

Sa gayunding paraan, kapag nakararanas tayo ng kaligaligan sa ating buhay, kailangang higpitan natin ang ating pagkakahawak, anupat higit na nagtitiwala sa patnubay ng Diyos! Ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay maaaring maging pumapatnubay na liwanag natin. (Awit 119:105) Isa pa, tandaan na kalakip sa ating pagtitiwala ang pagtitiis. Kaya, dapat tayong magbigay ng panahon kay Jehova upang lutasin ang mga bagay-bagay, kahit na kung sa ilang yugto ng panahon ay wari bang hindi natin lubusang maunawaan kung bakit niya tayo inaakay sa isang daan. Oo, makapagtitiwala tayo sa patnubay ng Diyos.​—Exodo 15:2, 6; Deuteronomio 13: 4; Isaias 41: 13.

[Talababa]

a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Pihahiroth, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, mga pahina 638-9, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share