Masaker sa Port Arthur—Bakit Ito Nangyari?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
LINGGO ng hapon, Abril 28, 1996, napakaganda ng panahon noon sa Port Arthur Historical Site, isang kilalang sentro para sa mga turista sa Tasmania, Australia. Punung-puno ang Broad Arrow Café ng mga taong nanananghalian. Mga 1:30 n.h., isang 28-taong-gulang na binata na kulay mais ang buhok na katatapos pa lamang kumain sa labas na kainan ng café ang pumasok sa gusali at namaril.
Patay na sumalagmak ang mga parokyano sa kanilang mga upuan, na may mga pagkain pa sa kanilang mga bibig. Sinabi ng pulisya na ito ay “gaya ng pagpaslang sa digmaan.” Nang inaakala ng lalaking namamaril na patay na ang lahat—nakapatay siya ng 20—tahimik siyang naglakad palabas. Sa loob ng mga segundo, nakapatay siya ng mas marami pa kaysa naganap sa nakalipas na apat na taon sa buong isla ng estado ng Tasmania!
Subalit, ang lalaking namamaril ay nagpatuloy sa kaniyang katuwaang pagpatay, sunud-sunod na pumatay ng mga biktima. Halimbawa, sa labasan naman ng makasaysayang lugar, nakita niya si Nanett Mikac kasama ng kaniyang maliliit na anak na babae. Pinatay niya si Nanett at ang kaniyang tatlong taong-gulang na anak. Pagkatapos, habang tumatakas ang anim na taong-gulang na anak, palihim na sinundan niya ito at binaril ang bata habang siya’y nakayukyok sa likod ng puno.
Pagkaraan nito, sa tollbooth sa labasan ng makasaysayang lugar, pinatay ng lalaking namamaril ang tatlong tao na nasa loob ng BMW (kotse) at kinuha ang kanilang kotse. Pagkatapos, sa hindi kalayuan, nasalubong niya ang isang lalaki’t babae sa isa pang kotse. Sapilitan niyang ipinasok ang lalaki sa lagayan ng bagahe sa likuran ng BMW at pinatay ang babaing kasama ng lalaki. Pagkatapos, nagmaneho siya nang di-kalayuan patungo sa bahay-panuluyan ng Seascape Cottage—dumating doon ng halos 2:00 n.h. Doon, sinunog niya ang BMW at ginawang hostage (bihag-panagot) ang lalaking kaniyang kinidnap at ang matanda nang mag-asawa na may-ari ng bahay-panuluyan. Nakapatay siya ng 12 katao mula nang umalis siya sa café, umabot ang bilang ng napatay sa 32. Marami pa ang nasaktan.
Pangangaral Noong Linggo ng Hapon
Samantala, si Jenny Ziegler at ang kaniyang pamilya, na kasama sa Port Arthur Congregation ng mga Saksi ni Jehova, ay nagtagpo noong 1:30 n.h. bilang paghahanda para sa paggawa sa ministeryo. Pagkatapos ang pamilya ay nagtungo sa Port Arthur Historical Site. Ibig dumalaw ni Jenny kay David Martin, ang palakaibigang may-ari ng bahay-panuluyan ng Seascape Cottage. Bago pa nito, siya at ang isa pang Kristiyanong sister ay masayang nakipag-usap sa kaniya tungkol sa Bibliya.
Halos pasado 2:00 n.h. noon, habang papalapit si Jenny, ang kaniyang asawa, at ang kanilang mga anak sa bahay-panuluyan, napansin nila ang usok na nagmumula sa isang nasusunog na kotse na nasa damuhan. Pinatigil sila ng mga pulis at sinabihang bumalik sila sa kanilang pinanggalingan. “Kinutuban kami sa mga bagay-bagay na nangyayari,” ang sabi ni Jenny. “Para bang ang mga daan ay waring di-pangkaraniwang pinabayaan.”
Gayunman, dahil sa hindi pa rin nila batid na may masamang nangyayari, lumiko ang pamilya sa haywey upang magtungo sa maliit na baybaying-dagat upang doon isagawa ang kanilang naisaplanong pangangaral. Doon, ang lahat ng bagay ay normal: Lumalangoy ang mga bata, ang mga tao ay naglalakad sa kahabaan ng dalampasigan sa dulo nito, at isang may edad nang mag-asawa ang nakaupo sa kanilang kotse ang nagbabasa. “Nilapitan sila ng aking asawa, at nagkaroon sila ng magandang pag-uusap,” ang sabi ni Jenny. “Ipinaalam niya sa kanila na waring may problema sa haywey at iminungkahi niyang kapag sila’y umalis sa tabing-dagat, mag-iba sila ng daan. Nakipag-usap ako nang maikli sa isang kabataang lalaki, at hindi nagtagal ay umalis na kami.”
Nagpatuloy ang pamilyang Ziegler sa daan patungo sa Port Arthur Historical Site. “Dito, nakaharang sa pasukan ng site,” ang sabi ni Jenny, “ang ilang kotse. Sa kalaunan ay napag-alaman namin na kanilang hinarangan ang mga bangkay ng mga taong nabaril. Sinabi sa amin ng isang lalaki: ‘Isang lalaki ang naghuramentado na may baril; marahil ay 15 ang napatay!’ Sinabihan kaming umalis kaagad.”
Kahindik-hindik na Wakas Nito
Hindi pa tapos ang kalagim-lagim na pangyayari, gaya ng sabi ni Jenny: “Nakanenerbiyos ang pagmamanehong pauwi dahil sa hindi namin alam kung nasaan ang lalaking namamaril. Sa tuwing may nakakasalubong kaming kotse sa daan, iniisip namin kung siya na ang nasa loob nito. Kahit na ligtas na kaming nakauwi ng bahay, pakiramdam nami’y madali kaming salakayin, yamang kami’y nakatira sa isang nakabukod na lugar kung saan ang isang taong nakaaalam sa malawak na lupain dito ay madaling makapagtago. Yamang batid ng ating mga Kristiyanong kapatid na lalaki at babae kung saan kami nagtungo noong hapong iyon, agad-agad kaming nakatanggap ng mga tawag sa telepono upang tiyakin kung kami’y ligtas.
“Habang pinag-iisipan namin kung ano ang nangyari, natanto namin na kung dumating kami upang dumalaw sa may-ari ng bahay-panuluyan nang maaga ng ilang minuto, baka isa kami sa mga napatay. Nakapanghihilakbot na isipin na maaaring inasinta kami ng baril ng salarin habang kami’y nakikipag-usap sa mga pulis doon!”
Sa wakas ay mahigit na 200 pulis ang pumalibot sa bahay-panuluyan ng gabing iyon ng Linggo, na nakakubli upang maiwasan ang paminsan-minsa’y pagpapaputok ng baril. Sa malas ay humihiling siya ng helikopter upang siya’y makatakas, subalit nabigo ang pakikipagnegosasyon noong gabi. Nang mga 8:00 n.u. noong Lunes, may nakitang usok na nagmumula sa bahay. Lumabas na buháy ang lalaking namamaril, bagaman nagkaroon siya ng mga sunog sa katawan. Ang tatlong hostage, kasama na ang may-ari ng bahay-panuluyan na sinubukang dalawin ng pamilyang Ziegler, ay natagpuang patay sa nasunog na mga nalabi sa bahay, anupat umabot ang napatay sa bilang na 35.
Bakit Ito Nangyari?
Halos pitong linggo bago nito, noong Marso 13, isang lalaking namamaril sa Dunblane, Scotland, ang pumasok sa isang gymnasium ng paaralan at pinagbabaril ang 16 na maliliit na bata at ang kanilang guro. Kaugnay ng matandang kasabihan sa mga balita sa telebisyon, “Kung may patayan, balita’y lalaganap,” ito’y naging internasyonal na balita. Sinabi ng ilang mga dalubhasang nag-aaral ng paggawi na maaaring ibig higitan ng lalaking namamaril sa Australia ang bilang ng namatay sa mga pinatay sa Dunblane. Kapansin-pansin naman, sa Estados Unidos, ang tinatawag na Zodiac killer, na sa loob ng mga taon ay tumakot sa New York City, ay nagsabi na sinikap niyang higitan ang ibang mamamatay-tao na kaniyang nabasa.
Ang isa pang salik na sinasabi ng marami na sanhi ng paglaganap ng pagpatay ay ang sekso at karahasan na ipinalalabas sa mga pelikula at mga video. Ganito ang ulat ng Herald Sun ng Australia: “May kabuuang 2000 karahasan at pornograpikong mga video ang nakumpiska mula sa bahay ng taong pumatay nang lansakan sa Port Arthur na si Martin Bryant. . . . Ang pagkatuklas sa mga nakatagong video ang nagpatuon ng pansin sa bahaging ginampanan ng mararahas na pelikula sa masaker sa Port Arthur.” Gayundin naman, iniulat ng Daily News sa New York na “dalawang kahon ng pornograpikong video ang nakalagay sa pang-isahang kama” ng umaming Zodiac killer.
Nang mapabalita ang masaker sa Port Arthur, nagpalit kaagad ng kanilang nakaiskedyul na mga programa ang ilang istasyon sa telebisyon. Pagkatapos nito, isinulat ng kolumnistang si Penelope Layland ang artikulong “Pagpapaimbabaw ng TV sa Karahasan at Kadalamhatian” at nagsabi ng ganito: “Sa paano man, ang hindi pagpapalabas ng gayong mararahas na panoorin ay tulad ng pakitang-tao na pagtahimik ng isang minuto bilang paggunita sa karahasang naganap.” Bukas lamang, sa susunod na linggo, sa susunod na buwan, balik na naman sa dati ang negosyo.”
Gayunman, upang magkaroon ng higit na kaunawaan kung bakit napakapalasak ng karahasan sa ngayon, kailangan nating bumaling sa Bibliya. Malaon nang inihula nito na “sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging . . . mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan.” (2 Timoteo 3:1-5) Sa gayon, ang pagdami ng karahasan sa ngayon ay nagpapatunay lamang na tayo’y nasa mga huling araw na at na ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay ay malapit na.—Mateo 24:3-14.
Gaya ng hinala ng marami, ang mga demonyo—ang balakyot na mga di-nakikitang espiritung puwersa—ay nasasangkot sa laganap na malupit, di-makataong paggawi. (Efeso 6:12) Pagkatapos na ilarawan ang pagpapalayas kay Satanas na Diyablo at sa kaniyang mga demonyo mula sa langit, ganito ang sabi ng Bibliya: “Kaabahan sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:7-9, 12) Tayo ngayo’y nasa yugto ng kaabahang iyan, at ginagamit ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang anumang pamamaraan na magagamit nila upang himukin ang mga tao na gumawa ng higit na mga gawa ng karahasan.
Subalit, si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at ang kanilang balakyot na sanlibutan ay malapit nang mawala, at ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos ang maghahatid ng bagong sanlibutan ng katuwiran. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10; 2 Pedro 3:13; 1 Juan 2:17; Apocalipsis 21:3, 4) Ganito ang sabi ni Jenny: “Sa kasalukuyan, tayo’y ‘nakikitangis sa mga taong tumatangis,’ subalit nais nating ibahagi ang pag-asa ng Kaharian sa mga taong nasa komunidad na labis na nabigla sa trahedyang ito.”—Roma 12:15.
[Larawan sa pahina 17]
Ang Broad Arrow Café, kung saan nagsimula ang masaker
[Map Credit Line sa pahina 16]
Mountain High Maps® Karapatang-sipi © 1995 Digital Wisdom, Inc.