Ang Pangmalas ng Bibliya
Magwawakas ba ang Lupa sa Pagkatupok?
NASUNOG nang labis sa nuklear na pagkatupok, naging abo dahil sa lumalaking araw, o natupok ng isang galit na diyos—ang paraan ay maaaring magkaiba-iba, subalit maraming tao ang naniniwala na ang planetang Lupa, ang tahanan ng sangkatauhan, ay magwawakas sa isang tumutupok na apoy, isang malawakang pagkalipol.
Binabanggit ng ilan ang mga teksto sa Bibliya na nagpapahiwatig sa paggiya ng Diyos sa isang malaking sunog bilang kabayaran sa mga pagkakasala ng tao laban sa lupa. Inuulit pa nga ng iba ang opinyon ni Paul Davies, isang propesor sa University of Adelaide, sa Australia, na sumulat tungkol sa kaniyang nakikini-kinitang hindi maiiwasang pagbulusok ng lupa sa maapoy na pagkawasak. Ganito ang naging mga teoriya niya sa kaniyang aklat na The Last Three Minutes: “Habang palaki nang palaki ang araw, lalamunin nito . . . ang Lupa sa maapoy na kapaligiran nito. Ang ating planeta ay magiging abo.” Ano nga ba ang katotohanan tungkol sa kahihinatnan ng lupa? Paano natin mauunawaan ang mga teksto sa Bibliya na humuhula tungkol sa maapoy na pagkalipol?
Nagmamalasakit ba ang Diyos?
Sa Jeremias 10:10-12, ipinagbibigay-alam sa atin ang ganito: “Si Jehova ay tunay na Diyos. . . . Siya ang Maygawa sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, Siya ang maytatag sa mabungang lupain sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at Siya ang naglatag ng kalangitan sa pamamagitan ng kaniyang kaunawaan.” Ginawa ng Diyos ang lupa at itinatag ito. Kaya sa pamamagitan ng karunungan, pag-ibig, at kaunawaan, maingat na inihanda niya ang lupa upang magtagal nang walang-hanggan bilang magandang tahanan para sa sangkatauhan.
Kung tungkol sa paglikha ng Diyos sa sangkatauhan, ganito ang ulat ng Bibliya: “Nilalang niya sila na lalaki at babae. At, binasbasan sila ng Diyos at sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.’ ” (Genesis 1:27, 28) Nang makumpleto niya ang kaniyang paglalang, walang pag-aalinlangang masasabi niyang “napakabuti.” (Genesis 1:31) Ibig niyang manatili ng gayon ang mga bagay-bagay. Kung paanong idinidisenyo at pinagaganda ng mga magiging magulang ang magiging silid ng kanilang isisilang na sanggol, gumawa ang Diyos ng magandang hardin at inilagay ang taong si Adan doon upang linangin ito at pangalagaan ito.—Genesis 2:15.
Tinalikdan ni Adan ang kaniyang kasakdalan at ang kaniyang pananagutan na pangalagaan ang lupa. Subalit pinabayaan ba ng Maylikha ang Kaniyang layunin? Ang Isaias 45:18 ay nagsasabi na hindi ito pinabayaan ng Diyos: “Sapagkat ganito ang sabi ni Jehova, na Maylikha ng langit, . . . ang Nag-anyo ng lupa . . . , Siyang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, at kaniyang ginawa ito upang tahanan.” (Tingnan din ang Isaias 55:10, 11.) Bagaman pinabayaan ng tao ang kaniyang pananagutang mangalaga, ipinagpatuloy ng Diyos na gawin ang kaniyang layunin sa lupa at sa mga nabubuhay rito. Ang Batas na ibinigay sa sinaunang bansang Israel ay naglaan ng “sabbath ng lubos na kapahingahan para sa lupain” tuwing ikapitong taon. Kasali rito ang makataong mga batas na nag-iingat sa mga hayop. (Levitico 25:4; Exodo 23:4, 5; Deuteronomio 22:1, 2, 6, 7, 10; 25:4; Lucas 14:5) Ang mga ito’y ilan lamang sa mga halimbawa sa Bibliya na maliwanag na nagpapahiwatig na ang Diyos ay nagmamalasakit nang lubusan sa sangkatauhan at sa lahat ng ipinagkatiwala niyang pangalagaan ng tao.
“Ang Dating Lupa”
Kaya paano natin gagawing magkasuwato ang mga teksto sa Bibliya na waring nagkakasalungatan? Ang isang gayong teksto ay nasa 2 Pedro 3:7, na, ayon sa King James Version, ay nagsasabi ng ganito: “Ang sangkalangitan ngayon at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding mga salita ay iningatang talaga sa apoy na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.” Ang isa pa ay nasa Apocalipsis 21:1, na ganito ang sabi: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na.”
Kung ang mga salita ni Pedro ay gagawing literal at ang planetang Lupa ay lalamunin ng tunay na apoy, kung gayon ang literal na langit—ang mga bituin at iba pang mga bagay sa langit—ay malilipol din ng apoy. Gayunman, ang pangmalas na ito ay salungat sa katiyakang masusumpungan sa mga kasulatang gaya ng Mateo 6:10: “Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa,” at Awit 37:29: “Ang matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” Isa pa, ano ang epekto ng apoy sa dati nang napakainit na araw at mga bituin, na patuloy na nakalilikha ng nuklear na mga pagsabog?
Sa kabilang dako, malimit na ginagamit ng Bibliya ang katagang “lupa” sa isang makasagisag na diwa. Halimbawa, ganito ang sabi ng Genesis 11:1: “Ngayon ang buong lupa ay nagpatuloy na iisa ang wika.” Dito, ang salitang “lupa” ay tumutukoy sa sangkatauhan sa pangkalahatan, o sa lipunan ng mga tao. (Tingnan din ang 1 Hari 2:1, 2; 1 Cronica 16:31.) Ang konteksto ng 2 Pedro 3:5, 6 ay nagpapahiwatig ng katulad na makasagisag na paggamit ng “lupa.” Ito’y tumutukoy sa araw ni Noe nang ang balakyot na lipunan ng mga tao ay malipol sa Baha subalit si Noe at ang kaniyang sambahayan gayundin ang mundo mismo ay naligtas. (Genesis 9:11) Gayundin naman, sa 2 Pedro 3:7, sinasabi nito na ang mga malilipol ay “mga taong masama.” Ang pangmalas na ito ay sumasang-ayon sa kalakhang bahagi ng Bibliya. Ang balakyot na lipunan na itinalagang mapuksa ay siya ring “dating lupa” na tinukoy sa Apocalipsis 21:1, na naunang sinipi.
Oo, kung paanong ginagawa ng isang nagmamalasakit na makalupang ama ang lahat ng bagay upang matiyak ang kaligtasan ng kaniyang tahanan, ang Diyos na Jehova ay talagang nababahala sa kaniyang mga nilalang. Minsan niyang pinalayas ang imoral at balakyot na mga tao mula sa matabang lupain sa Libis ng Jordan at tiniyak sa bagong mga mangangalaga ng lupa, na nakipagtipan sa kaniya, na kung kanilang susundin ang kaniyang mga utos, ‘hindi sila iluluwa ng lupain sa pagkahawa nila, gaya ng pagluluwa sa bansang nagsitahan ng una kaysa kanila.’—Levitico 18:24-28.
“Ang Bagong Lupa”
Sa ngayon, ang lipunan na haling sa kabuktutan sa sekso, napakalupit, at tiwali sa pulitika ay nagparumi sa lupa. Ang Diyos lamang ang makapagliligtas dito. Ganiyan nga ang gagawin niya. Sa Apocalipsis 11:18, siya’y nangangako na ‘dadalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’ Ang isinauli at binagong lupa ay kakalatan ng mga taong may takot sa Diyos at taimtim na nagmamahal sa kanilang kapuwa. (Hebreo 2:5; ihambing ang Lucas 10:25-28.) Ang mga pagbabago na magaganap sa ilalim ng makalangit na Kaharian ng Diyos ay magiging napakalaki anupat sinasabi ng Bibliya na ito’y “isang bagong lupa”—isang bagong lipunan ng mga tao.
Kapag binabasa natin ang mga kasulatang gaya ng Awit 37:29 at nauunawaan natin ang sinabi ni Kristo sa Mateo 6:10, tayo’y nakukumbinsi na hindi ang di-makontrol na puwersa ng kalikasan o ang tao na nagtataglay ng lahat ng kaniyang mapangwasak na kapangyarihan ang siyang magwawakas sa ating planetang lupa. Hindi nila maaaring tutulan ang layunin ng Diyos. (Awit 119:90; Isaias 40:15, 26) Ang tapat na sangkatauhan ay mabubuhay sa lupa sa gitna ng mga kalagayan ng saganang kagandahan at walang katapusang kaligayahan. Iyan ang katotohanan tungkol sa kahihinatnan ng lupa, sapagkat ito at lagi ang naging layunin ng maibiging Maylikha para sa sangkatauhan.—Genesis 2:7-9, 15; Apocalipsis 21:1-5.