Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 2/8 p. 18-21
  • Naghahasik Nang May Luha, Umaani Nang May Galak

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Naghahasik Nang May Luha, Umaani Nang May Galak
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Panahon ng Kagalakan
  • Isang Panahon ng mga Luha
  • Kalakasan na May Luha
  • Panibagong Kagalakan
  • Higit Pang Kagalakan, Higit Pang mga Luha
  • Mga Aral na Aking Natutuhan
  • Maging Malapít sa Dumirinig ng Panalangin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Sa Pakinig ng Isang Paslit
    Gumising!—1997
  • “Yamang Taglay Namin ang Ministeryong Ito . . . , Hindi Kami Nanghihimagod”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Kung Paano Ako Nakinabang Mula sa Pangangalaga ng Diyos
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 2/8 p. 18-21

Naghahasik Nang May Luha, Umaani Nang May Galak

“MAGSAYA ka sa iyong pagreretiro sa init ng araw ng Espanya!” Milyun-milyong Europeo ang nadala sa nakatutuksong alok na ito at lumipat doon. Nang marating ko ang edad na 59 na taon, ipinasiya ko rin na ipagbili ang lahat at lumipat ako mula sa Inglatera patungo sa Espanya, subalit ang hinahanap ko ay higit pa sa sikat ng araw at kasiyahan.

Pinili kong magpunta sa Santiago de Compostela​—isa sa pinakamaulang lunsod ng Espanya​—yamang ang aking tunguhin ay maglingkod bilang isang pambuong-panahong ministro sa halip na magpahingalay sa init ng araw. Dalawampu’t dalawang taon bago nito, napilitan akong iwan ang aking pag-eebanghelyo sa Espanya dahil sa mga kalagayan, kung saan ako’y nagtungo dahil sa mas malaki ang pangangailangan doon. Lagi kong hinahangad na makabalik, at ngayon sa wakas ay nagtagumpay ako.

Subalit ang pakikibagay ay hindi kasindali ng iniisip ko. Parang isang bangungot sa akin ang unang buwan! Noon lamang ako nakadama ng gayong pagod sa buong buhay ko. Ako’y nakatira sa ikalimang palapag ng apartment, na walang elebeytor. Araw-araw ay manhik-manaog ako sa maburol na mga lansangan ng Santiago, na pumapanhik sa di-mabilang na mga hagdan sa pagsisikap ko na maipangaral ang mabuting balita sa mas maraming tao hangga’t maaari. Pagkatapos ng nakapapagod na buwang iyon, nagsimula akong saklutin ng pag-aalinlangan. Tama ba ang ginawa kong desisyon? Hindi kaya napakatanda ko na para sa ganitong uri ng gawain?

Gayunman, noong ikalawang buwan ay nasumpungan kong nagbabalik ang aking lakas. Iyon ay halos gaya ng nanumbalik na lakas ng isang mananakbo sa pangmahabaang distansiya. Sa katunayan, pumasok ako sa isa sa pinakamaligayang yugto ng aking buhay. Nagsimula ang kagalakan ko sa pag-aani, pagkalipas ng maraming taon ng pagtatanim nang may luha. (Awit 126:5) Hayaan mong isaysay ko ito.

Isang Panahon ng Kagalakan

Kami ng aking kabiyak na si Pat ay lumipat sa Espanya noong 1961. Noon, ang gawain sa ministeryo ng mga Saksi ni Jehova ay hindi opisyal na kinikilala roon. Magkagayon man, ang atas na pangangaralan namin ay nasa maaraw na lunsod ng Seville, kung saan halos 25 lamang ang nakikibahagi sa gawaing pangangaral.

Isang araw sa aming ministeryo, nakausap ko ang isang Pranses na lalaki na nagpipinta ng bahay. Kinabukasan isang babae ang lumapit sa aming mag-asawa at nagtanong kung may nakausap kaming isang pintor kahapon. Sinabi niya na ito’y kaniyang asawa, si Francisco. Eksaktong-eksakto ang pagkakalarawan sa amin ng asawang lalaki sa kaniyang asawa anupat madali kaming nakilala ng babae. “Nasa bahay siya ngayon kung ibig ninyo siyang dalawin,” ang pagbibigay-alam niya sa amin.

Hindi kami nagsayang ng panahon sa pagtanggap ng paanyaya, at hindi nagtagal ang buong pamilya ay nakipag-aral sa amin ng Bibliya. Nang maglaon, si Francisco ay nagbalik sa Pransiya dahil sa kabuhayan. Nag-alala kami. Maputol kaya ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa mga Saksi? Gayunman, agad-agad pagdating niya roon, nakatanggap kami ng isang sulat mula sa kaniya na pumayapa sa aming mga kaisipan. Sinabi niya na siya’y sinubok ng kaniyang bagong amo tungkol sa kung ilang relihiyon mayroon sa Espanya.

“Buweno, may dalawa, ang Katoliko at ang Protestante,” ang maingat na pagpapaliwanag ni Francisco. Yamang ang ating gawain ay hindi pa legal, inakala niyang hindi makabubuting magsabi nang higit pa.

“Natitiyak mo ba?” ang tanong ng kaniyang amo.

“Buweno, ang totoo, may tatlo,” ang sagot ni Francisco, “at kasama ako sa ikatlo​—sa mga Saksi ni Jehova.”

“Ayos lang naman iyan,” ang tugon ng kaniyang amo. “Ako’y isang lingkod sa inyong kongregasyon!” Nang gabi ring iyon si Francisco ay dumalo sa pulong ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Noong 1963 kami’y inilipat mula sa Seville patungo sa Valencia, at hindi pa natatagalan, sa Barcelona. Doon ako ay tumanggap ng pagsasanay upang maglingkod bilang isang naglalakbay na ministro. Pagkatapos, kami’y pinabalik sa Valencia upang maglingkod sa gawaing paglalakbay sa lugar na iyan. Subalit pagkalipas ng dalawang taon sa magandang larangan ng gawaing ito, nagkaproblema si Pat sa kaniyang panimbang. Hindi nagtagal, nahirapan na siyang maglakad. Kaya nagpasimula ang panahon na kami’y ‘naghasik nang may luha.’​—Awit 126:5.

Isang Panahon ng mga Luha

May pag-aatubili naming nilisan ang Espanya upang magpagamot sa Inglatera. Ang sanhi ng mga sintomas ni Pat? Multiple sclerosis, isang sakit na nagpapahina anupat unti-unting binabalda ang isang tao nang patuluyan. Sa kalaunan, dahil sa masasamang epekto at mga problemang kaugnay nito, maaaring humantong ito sa kamatayan.

Totoong nahirapan kami nang husto sa pag-aayos ng aming buhay at pagharap sa sakit na ito. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, natutunan namin ang katotohanan ng mga salita ng salmista: “Aalalayan siya ni Jehova [ang sinumang kumikilos nang may kaawaan sa hamak] sa hiligan ng karamdaman.”​—Awit 41:3.

Sa loob ng halos sampung taon, palipat-lipat kami ng bahay. Napakasensitibo ni Pat sa ingay, at sinisikap naming makatagpo ng magandang lugar para tirahan niya​—na sa wakas ay natanto naming imposible. Nasanay na si Pat sa paggamit ng silyang de-gulong. Bagaman siya’y nakapagluluto at nakagagawa ng maraming iba pang gawain, siya’y nanlulumo dahil sa kaniyang limitadong pagkilos. Palibhasa’y naging napakaaktibo niya noon, nasumpungan niyang ang pisikal na kapansanang ito ay namamalaging pinagmumulan ng kaigtingan sa emosyon.

Kalakasan na May Luha

Natutunan ko kung paano tulungan si Pat na tumayo, maupo, magbihis, maligo, at mahiga’t bumangon sa kama. Ang pagdalo nang regular sa Kristiyanong mga pagpupulong ay tunay na isang hamon. Ito’y nangangailangan ng malaking pagsisikap na maghanda sa aming sarili. Subalit batid namin na ang tanging paraan upang kami’y manatiling malakas sa espirituwal ay makisama sa ating mga kapatid na Kristiyano.

Labing-isang taon kong inalagaan sa bahay si Pat, samantalang nagtatrabaho ako bilang isang draftsman sa araw. Sa wakas, natanto namin na dahil sa paghina ng kaniyang kalusugan, kinailangan niya ng pantanging pangangalaga na hindi ko maibigay. Kaya namalagi siya sa isang ospital mula Lunes hanggang Biyernes, at aalagaan ko naman siya sa bahay sa dulo ng sanlinggo.

Bawat Linggo pagkatapos mananghalian, dinadala ko si Pat sa Pulong Pangmadla at sa Pag-aaral ng Bantayan, na sa panahong ito ay ito lamang ang mga pulong na kaya niyang daluhan. Pagkatapos, ibabalik ko siya sa ospital. Ang rutin na ito’y totoong nakapapagod para sa akin, subalit sulit naman ito, sapagkat napananatili nitong malusog ang espirituwalidad ni Pat. Kung minsan ay pinag-iisipan ko kung gaano katagal ko ito matitiis, subalit binigyan ako ni Jehova ng lakas upang makapagpatuloy. Ako ang nangunguna tuwing Sabado ng umaga sa gawaing pangangaral bago ko sunduin si Pat sa ospital. Nasumpungan ko na sa panahon ng mapait na sandaling ito, ang aking Kristiyanong rutin ang nakatulong sa akin na magpatuloy.

Samantala, ginagawa ni Pat ang magagawa niya upang ipangaral ang mabuting balita. Sa ospital ay nakapagpasimula siya ng dalawang pag-aaral sa Bibliya sa mga nars na nangangalaga sa kaniya. Ang isa, na nagngangalang Hazel, ay sumulong hanggang sa punto ng pag-aalay ng kaniyang sarili kay Jehova. Nakalulungkot naman, hindi na nakadalo si Pat sa bautismo ni Hazel sapagkat siya’y yumao na bago nito, noong Hulyo 8, 1987.

Ang pagkamatay ni Pat ay isang panahon na kapuwa isang kaginhawahan at kalumbayan. Nakagiginhawa na makitang nagwakas na ang kaniyang pagdurusa, subalit ako’y labis na nalumbay sa pagkamatay ng aking kasama. Nag-iwan ng napakalaking kawalan ang kaniyang pagkamatay.

Panibagong Kagalakan

Bagaman parang nakapagtataka, napagpasiyahan na namin ni Pat kung ano ang susunod kong gagawin. Yamang pareho naming batid na malapit nang magwakas ang kaniyang buhay, pinag-usapan namin kung paano ako maglilingkod kay Jehova sa pinakamabuting paraan pagkamatay niya. Ang pareho naming pasiya ay na ako’y babalik sa Espanya, ang atas na napilitan naming iwan.

Tatlong buwan pagkamatay ni Pat, ako’y naglakbay sa opisina ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Espanya upang alamin kung saan ako pinakamabuting makapaglilingkod. Ako’y tumanggap ng atas bilang isang ministrong special pioneer at ako’y naatasan sa sinauna, maulang lunsod ng Santiago de Compostela.

Hindi pa natatagalan, nakatanggap ako ng isang sulat mula sa opisina ng sangay, na nagbigay sa akin ng tirahan ng isang interesadong tao na nagngangalang Maximino. Pagkatapos ng pagsisikap kong matagpuan siya sa bahay sa loob ng tatlong linggo, sa wakas ay natagpuan ko rin siya. Si Maximino, na isang tagapaglinis sa isang lokal na ospital, ay nakakuha ng isang tract na Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan at pagkatapos ay humiling ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.a Nang dalawin ko siya, nabasa na niya ang aklat nang tatlong beses. Siya’y humingi ng paumanhin dahil sa hindi niya gaanong nabasa ang Bibliya​—minsan lamang niyang nabasa ang ‘matandang bahagi’ at ang ‘bagong bahagi’ naman ay dalawang ulit. Ginawa niyang lahat ito samantalang siya’y naghihintay ng dadalaw sa kaniya.

Sinabi rin niya sa akin na nagtungo na siya sa Kingdom Hall na may intensiyong dumalo sa isa sa ating mga pagpupulong. Gayunman, yamang napakamahiyain niya, hindi siya pumasok sa ating pulungan. Nagsimula akong makipag-aral sa kaniya sa Bibliya, at dumalo siya sa mga pulong nang linggo ring iyon. Tinanggap niya ang katotohanan, subalit pinagpupunyagian niyang mabuti ang kaniyang problema ng pagkasugapa sa tabako. Sa tulong ni Jehova, sa wakas ay naihinto na niya ang kaniyang paninigarilyo, at siya ngayo’y isa nang bautisadong Saksi.

Higit Pang Kagalakan, Higit Pang mga Luha

Pagkalipas lamang ng isang taon pagbalik ko sa Espanya, ako’y inanyayahan na maging isang naglalakbay na tagapangasiwa muli. Subalit bago ko tinanggap ang atas na iyan, nagkaroon ng di-inaasahang pagbabago ang aking buhay. May nakilala akong isang payunir na nagngangalang Paquita, na naglilingkod malapit sa Santiago. Siya’y isang balo na nasa pambuong-panahong ministeryo sa loob ng maraming taon na. Hindi nagtagal ay natuklasan naming marami kaming bagay na pinagkakasunduan. Noong 1990, anim na buwan lamang pagkatapos kong magsimula sa gawaing paglalakbay, kami’y nagpakasal​—isang kagalakan muli.

Tulad ko, si Paquita ay ‘naghasik nang may luha.’ Ang una niyang atas bilang isang special pioneer ay hinadlangan ng isang trahedya. Samantalang naglilipat ng kagamitan sa Orense, sa kanilang bagong tahanan, ang kaniyang asawa ay namatay sa isang aksidente sa kotse​—isang parating na trak ang sumalubong sa kaniyang linya. Si Paquita at ang kaniyang sampung-taong-gulang na anak na babae ay nasa Orense na noon nang kanilang mabalitaan ang kaniyang pagkamatay. Sa kabila ng kalunus-lunos na pagkamatay, dalawang araw pagkatapos ng libing, nagsimula si Paquita sa kaniyang atas gaya ng naiplano na.

Sa loob ng mga taon, nagpatuloy si Paquita sa buong-panahong ministeryo. Pagkatapos, isang trahedya ang naganap na muli. Isa na namang aksidente sa kotse ang kumitil ng buhay ng kaniyang anak na babae, na noo’y 23 taóng gulang na. Gayon na lamang ito kasakit, at nagluwat ang kaniyang pagdadalamhati. Tulad ng dati, ang nakagawiang Kristiyanong gawain at ang suporta na kaniyang tinanggap mula sa kapuwa Kristiyano ay napakahalaga sa panunumbalik ng kaniyang lakas. Nakilala ko si Paquita noong 1989, dalawang taon pa lamang ang nakararaan pagkamatay ng kaniyang anak na babae.

Sapol ng aming pag-aasawa noong 1990, kami’y naglingkod sa gawaing paglalakbay sa Espanya. Bagaman nitong nakalipas na ilang taon ang isa sa naging pinakamasayang yugto sa aming buhay, hindi namin pinagsisihan ang naranasan naming mga pagsubok. Kami’y kumbinsido na kami’y hinubog sa isang positibong paraan.​—Santiago 1:2-4.

Mga Aral na Aking Natutuhan

Sa palagay ko maging ang pinakamasaklap na pagsubok ay may magagandang pitak, sapagkat ang mga ito’y nagtuturo sa atin ng mga aral. Higit sa lahat, naituro sa akin ng mga pagsubok ang kahalagahan ng empatiya, isang mahalagang katangian para sa isang Kristiyanong tagapangasiwa. Halimbawa, hindi pa natatagalan, may nakausap akong isang Kristiyanong kapatid na lalaki na may anak na lalaki na may kapansanan. Lubos kong naunawaan ang malaking pagsisikap na kaniyang ginagawa linggu-linggo sa pagdadala ng kaniyang anak sa lahat ng pulong. Pagkatapos naming mag-usap, pinasalamatan niya ako at nagsabi na iyon ang kauna-unahang pagkakataon na may isang tao na talagang nakaunawa sa hirap na dinaranas nilang mag-asawa.

Isa pang mahalagang aral na aking natutuhan ay ang pagtitiwala kay Jehova. Kapag ang lahat ng bagay ay mabuti, may hilig tayong magtiwala sa ating sariling lakas at kakayahan. Subalit kapag ang isang mahirap na pagsubok ay tumatagal nang mga taon at hindi mo ito mabata sa sariling lakas mo lamang, natututuhan mong magtiwala kay Jehova. (Awit 55:22) Ang tulong ng Diyos ang nagpangyari sa aking magpatuloy.

Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na laging madali ang mga bagay-bagay. Aaminin ko na noong panahon ng pagkakasakit ng aking unang asawa, kung minsan ako’y nagagalit at nasisiphayo sa aking kalagayan, lalo na kapag ako’y pagod na. Pagkatapos, sinusumbatan ako ng aking budhi sa aking nadarama. Ipinakipag-usap ko ito sa isang madamaying matanda na may karanasan sa kaniyang propesyon sa paggamot ng mga pasyenteng may pangmatagalang mga sakit. Tiniyak niya sa akin na naisaayos ko ang aking kalagayan at na ito’y totoong pangkaraniwan para sa di-sakdal na mga tao na magkaganito kapag kanilang kinakaharap ang nagtatagal na kaigtingan sa emosyon.

Bagaman kami ni Paquita ay totoong nagagalak sa ngayon sa aming buong-panahong paglilingkuran, sa palagay ko’y hindi namin kailanman ipagwawalang-bahala ang aming mga pagpapala. Ginantimpalaan kami ni Jehova sa maraming paraan at binigyan kami ng isang nakasisiyang gawain, isang gawain na magkasama naming gagawin. Sa loob ng mga taon pareho kaming naghasik nang may luha, subalit sa ngayon, dahil kay Jehova, kami’y umaani nang may galak.​—Gaya ng inilahad ni Raymond Kirkup.

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 21]

Kami ni Paquita ay nasisiyahang gumawa nang magkasama sa aming ministeryo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share