Ang Tawag Nila Rito’y Libangan
ANG ampiteatro ay nag-uumapaw sa katuwaan. Sampu-sampung libo ang nagkakatipon para sa isa sa lubhang kapana-panabik na panoorin ng sinaunang Roma. Masayang nagagayakan ng mga sagisag na bandila, rosas, at makulay na mga tapistri ang arena. Ang mga bukal ay nagbubuga ng tubig na pinabango, na nagsasaboy ng halimuyak sa hangin. Nadaramtan ng kanilang pinakamagarang kasuutan ang mayayaman. Ang usapan ng pulutong ay nasisingitan ng mga bulalas ng tawanan, subalit pinasisinungalingan ng pagkakasayahan ng karamihang ito ang nakagigimbal na bagay na malapit nang mangyari.
Di-nagtagal ay tinawag ng malakas na tunog ng trumpetang tubæ na nagbabanta ng masama ang dalawang gladiator upang maglaban. Nagkakagulo ang pulutong habang walang-awa at buong kabangisang naglaslasan sa isa’t isa ang mga kalahok. Hindi halos marinig ang kalantog ng mga tabak dahil sa nakabibinging hiyawan ng mga manonood. Walang anu-ano, sa pamamagitan ng isang mabilis na pagkilos, napabagsak ng isang kalaban ang kaniyang kaaway. Ang kapalaran ng bumagsak na gladiator ay nasa kamay ngayon ng mga manonood. Kung ikakaway nila ang kanilang mga panyo, mabubuhay siya. Sa pamamagitan ng isa lamang kumpas ng kanilang hinlalaki, ang kapulungan—kasali na ang mga babae at mga batang babae—ay nag-uutos ng hatol na kamatayan. Sa loob lamang ng ilang sandali ang walang buhay na katawan ay kinakaladkad sa sahig ng arena, ang lupang tigmak ng dugo ay binubungkal sa pamamagitan ng mga pala, sinasabugan ng bagong buhangin, at inihahanda ng pulutong ang kanilang sarili para sa natitira pang pagdanak ng dugo.
Para sa marami na naninirahan sa sinaunang Roma, iyan ang libangan. “Kahit na ang pinakamahigpit na moralista ay hindi tumututol sa kalugurang ito sa pagdanak ng dugo,” sabi ng aklat na Rome: The First Thousand Years. At ang labanan ng mga gladiator ay isa lamang sa anyo ng bulok na libangan na iniaalok ng Roma. Itinatanghal din ang tunay sa buhay na mga digmaan ng hukbong-dagat para sa kasiyahan ng uhaw-sa-dugong mga manonood. Isinasagawa pa nga sa publiko ang mga pagbitay, kung saan ang nahatulang kriminal ay tatalian sa isang tulos at lalamunin ng gutom na gutom na mababangis na hayop.
Para naman doon sa mga hindi mahilig sa madugong labanan, ang Roma ay nag-aalok ng iba’t ibang palabas sa entablado. Para sa mga palabas na mime (panggagaya)—maiikling palabas tungkol sa araw-araw na buhay—ang “pangangalunya at mga pag-iibigan ang pangunahing mga paksa,” sulat ni Ludwig Friedländer sa Roman Life and Manners Under the Early Empire. “Ang mga salita ay puno ng malaswa ang pagkakagawa na mga ekspresyon, at bastos ang pagpapatawa, na may saganang pagngibit, nagmamadaling mga kumpas, at, higit sa lahat, kakatwang mga sayaw sa saliw ng plawta.” Ayon sa The New Encyclopædia Britannica, “may katibayan na aktuwal na isinasagawa ang pangangalunya sa entabladong pinagtatanghalan ng mime noong panahon ng Imperyo Romano.” May mabuting dahilan na tinawag ni Friedländer ang mime na “ang pinakamaliwanag at pangahas na dula tungkol sa imoralidad at kalaswaan,” at sinabi pa niya: “Ang pinakamahahalay na eksena ang labis na pinapalakpakan.”a
Kumusta naman sa ngayon? Nagbago na ba ang panlasa ng tao sa libangan? Isaalang-alang ang katibayan, gaya ng tinatalakay sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Kung minsan, ang pagbitay ay isinasagawa sa entablado upang maging makatotohanan ang isang dramatikong produksiyon. Ganito ang sabi ng aklat na The Civilization of Rome: “Karaniwang ginagampanan ng isang kriminal na nahatulan ng kamatayan ang papel ng artista sa kapaha-pahamak na sandali.”
[Picture Credit Line sa pahina 3]
The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck