Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 6/22 p. 16-18
  • Mga Hiyas sa Pampang

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Hiyas sa Pampang
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paglipad ng Tutubi
  • Isang Ulo na Punô ng mga Mata
  • Isang Pagbabago sa Istilo ng Buhay
  • Ang Katibayan Laban sa Ebolusyon
  • Ang Pakpak ng Tutubi
    Gumising!—2010
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1998
  • Hindi Kapani-paniwalang mga Insekto Hinihiya ang mga Eruplano ng Tao
    Gumising!—1992
  • Ang Kagila-gilalas na Daigdig ng mga Insekto
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 6/22 p. 16-18

Mga Hiyas sa Pampang

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya

A TUWING ako’y namamasyal sa tabi ng ilog o sa isang sapa, lagi kong hinahanap ang isa sa aking paboritong hiyas​—ito’y maaaring pula, bughaw, o berde. Minsa’y makakakita ako ng isa na walang katinag-tinag sa isang dahon; makikita ko naman ang iba na lumilipad-lipad sa ibabaw ng tubig o humahagibis pa nga sa aking harapan. Ang hiyas na aking hinahanap ay ang tutubi​—ang kumikinang-kinang na “helikopter” sa daigdig ng mga insekto.

Naagaw ang pansin ko ng mga lumilipad na hiyas na ito maraming taon na ang nakalipas nang di-sinasadyang mapadaan ako sa isang sapa na mabagal ang agos sa kakahuyan. Ilang tutubi ang paroo’t paritong lumilipad sa liwanag ng araw​—ang ilan ay may kulay na matingkad na kumikinang-kinang na asul at ang iba naman ay nagliliwanag sa pinaghalong kulay na luntian at dilaw. Gumugol ako ng isang oras sa pagmamasid sa kanilang pagsasayaw sa hangin, anupat naging isang munting sayawan ang kagubatan. Sapol noo’y natawag ang pansin ko ng mga ito.

Mientras mas marami akong natututuhan tungkol sa mga tutubi, lalo kong napahahalagahan ang kanilang kagandahan at ang kanilang halaga. Ang una kong natuklasan ay na may pagkakaiba sa pagitan ng mga tutubing kalabaw at mga tutubing karayom. Ang mga tutubing kalabaw ay mas matibay sa paglipad at karaniwang mas malalaki, samantalang ang mga tutubing karayom​—gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito​—ay mas maselan at mas mahina kung lumipad. Ang malaking pagkakaiba ay nasa kanilang paraan ng pagbuka ng kanilang mga pakpak. Ang isang tutubing kalabaw na nakadapo ay karaniwang nakabuka nang pahalang ang dalawang pares ng pakpak nito, samantalang ang mga pakpak naman ng tutubing karayom ay nakatiklop sa itaas ng katawan nito.a

Pinag-isipan ko kung paano nakahuhuli ang mga tutubing kalabaw ng mga lamok mula sa hangin nang gayon na lamang kadali. Para sa akin ay halos imposibleng mahampas ko ang isang bangaw na nakadapo sa dingding ng kusina. ‘Anong bagay,’ ang tanong ko sa aking sarili, ‘mayroon ang tutubi na wala ako?’ Dalawang bagay: ang lubusang kasanayan sa hangin at mga mata na kaiinggitan ng isang bantay.

Ang Paglipad ng Tutubi

Ang tawaging isang helikopter ang isang tutubi​—isang pangkaraniwang palayaw sa Espanya​—ay talagang mapanghamak na paghahambing. Ang kanilang pag-aakrobatiko sa hangin ay napakabilis anupat imposible kung minsan para sundan ng mata ang mga ito. Sa isang iglap, naaabot ng ilang uri ng tutubi ang pinakamatuling bilis na halos 96 na kilometro sa isang oras. Maaari rin itong lumipad-lipad o lumipad nang pabaligtad, pasulong, o patagilid sa isang kisap-mata. Isa pa, kapag ang isang tutubi ay biglang pumipihit sa hangin, tinataya ng mga siyentipiko na nakakaya nito ang puwersa na hanggang 2.5 G.

Ang mga tutubing kalabaw ay may dalawang pares ng mga pakpak na madaling maikilos at tulad puntas. Bagaman ang mga pakpak na ito ay tila maseselan, ang mga ito’y maaaring kumampay ng hanggang 40 ulit sa isang segundo at kaya pang lumipad sa kabila ng kaunting pinsala. Inilalarawan ang mga ito ng biyologong si Robin J. Wootton bilang “mumunting obramaestra ng napakatalinong pagkadisenyo.”

“Mientras mas nauunawaan natin ang kilos ng mga pakpak ng insekto,” ang sabi pa niya, “lumilitaw na mas napakahusay at napakaganda ng kanilang mga disenyo. . . . Kakaunti kung may anumang katulad ang mga ito sa teknolohiya.” Hindi kataka-taka, ang mga pamamaraan sa paglipad ng tutubi ay kasalukuyang pinag-aaralan ng mga inhinyero sa eroplano.

Isang Ulo na Punô ng mga Mata

Kung ang paglipad ng tutubing kalabaw ay pambihira, gayundin ang masasabi tungkol sa paningin nito. Ang dalawang masalimuot na mga mata nito ay halos tumatakip sa ulo ng tutubi. Ang bawat mata nito ay may 30,000 bahagi na hugis hexagonal na tulad ng maliliit na mata sa loob ng isang mata, yamang ang bawat isa ay nagdadala ng magkahiwalay na larawan sa utak. Gayunman, hindi iyan nangangahulugan na libu-libong iba’t ibang larawan ang nakikita ng tutubi, nang sabay-sabay. Sa halip na makita ang isang buong larawan, gaya natin, napapakiramdaman nito ang kilos, disenyo, pagkakaiba, at mga hugis.

Ang lahat ng larawang iyon ay nangangailangan ng pag-aanalisa. Kaya, ang 80 porsiyento ng utak ng tutubi ay nakatuon sa pag-aanalisa ng impormasyong nakikita. Kakaunting sistema sa paningin ang kasinsensitibo nito​—maaaring makita ng tutubi ang isang lamok na 20 metro ang layo. Maging kung takipsilim, kapag madilim na anupat mahihirapan ang isang tao na makita ang maliliit na langaw, madali namang mahuli ng tropikal na mga tutubi ang mga ito.

Nangangailangan ang mabilis at paurung-sulong na paglipad ng tutubi sa taniman sa tabi ng ilog ng napakabilis na pagdedesisyon sa isang iglap. Kaya nitong gampanan ang napakalaking gawaing ito sapagkat maaari nitong makita ang sandaang magkakaibang larawan sa isang segundo, mahigit na limang ulit kaysa magagawa natin. Kaya, ang isang pelikula, na nagpapalabas ng 24 na larawan sa isang segundo, ay magmimistulang isang serye lamang ng hindi kumikilos na mga larawan para sa isang tutubi.

Isang Pagbabago sa Istilo ng Buhay

Kapag nagsimula ang buhay ng isang tutubi, walang pahiwatig na ito’y magiging isang magandang nilikhang lumilipad sa dakong huli. Pagkatapos na mapisa, ang uod sa tubig ay nananatiling halos walang katinag-tinag sa isang lawa o sapa, anupat naghihintay na sunggaban ang anumang maaabot na pagkain. Marami ang naghuhunos ng balat sa pagtagal-tagal​—ilang buwan o maging mga taon sa kalagayan ng ilang uri ng tutubi​—ang larva ay umaakyat sa tambo. Doon magaganap ang pambihirang pagbabagong-anyo.

Ang balat ay pumuputok sa thorax, at ang buung-buong tutubi ay lalabas. Tulad ng paru-paro, ang kalalabas na adulto ay kailangang maghintay ng ilang oras bago tumigas ang mga pakpak nito at nagsisimula ang bagong buhay. Sa loob lamang ng ilang araw, ang katutubong talino nito ang magpapangyari rito na matagumpay na makapanghuli at makabisado ang masalimuot na pamamaraan nito sa paglipad.

Hindi magtatagal ang bata pang tutubi ay magiging eksperto sa paghuli ng mga langaw at lamok na lumilipad. Malaki ang nagagawa nito sa paglunok araw-araw ng mga insekto na kasimbigat nito. Upang matiyak ang siguradong panustos na pagkain nito, inaangkin ng mga maraming lalaking tutubi ang maliliit na teritoryo, na mahigpit nilang binabantayan.

Hinuhuli ng ilang uri ng tutubi ang mga aphid (dapulak) o salaginto, ang iba naman ay humuhuli ng maliliit na palaka, at ang isang tropikal na tutubing karayom ay kumakain pa nga ng mga gagamba. Ito’y lilipad-lipad sa sapot ng isang malaking orb-spider at susunggaban ang mas maliliit na gagamba na pumupunta sa sapot upang mamulot ng mga mumo na natira ng may-ari ng sapot.

Ang Katibayan Laban sa Ebolusyon

Itinuturing ng maraming siyentipikong naniniwala sa ebolusyon ang tutubi na siyang pinakaunang lumilipad na mga insekto. Ang isang fossil na natuklasan sa Pransiya ay may nakabakat na mga pakpak ng isang tutubi na ang buka ng pakpak ay limampu’t limang centimetro! Ito ang pinakamalaking insektong napag-alaman, na tatlong ulit ang laki sa anumang nabubuhay na tutubi.

‘Paano naging posible,’ ang tanong ko sa aking sarili, ‘na ang isa sa pinakamasalimuot na mekanismo sa paglipad na alam ng tao ay basta lumitaw at ganap na nabuo?’ “Walang mga fossil ng insekto na nasa pagitan ng walang pakpak at may pakpak na kalagayan,” ang pag-amin ng aklat na Alien Empire​—An Exploration of the Lives of Insects. Nagpapatunay ito na ang mga tutubi ay gawa ng isang matalinong Dalubhasang Disenyador.

Matagumpay na nasakop ng mga tutubi ang halos lahat ng bahagi ng mundo. Naiaangkop ng mga ito ang kanilang mga sarili na tumira sa tabi ng alpinong lawa, ekwatoryal na latian, o maging sa languyan sa mga lugar sa labas ng lunsod.

Napagmasdan ko ang kuyog ng mga tutubi sa isang tropikal na dalampasigan sa Aprika gayundin ang nag-iisa na lamang na mga emperor dragonfly na walang tigil na nagpapaikut-ikot sa kanilang paboritong lawa sa Europa. At nang ako’y mamangka sa madahong libis sa Pilipinas, nagsilbing konsorte ang mga tutubing karayom na matitingkad ang kulay, anupat dumadapo pa nga sa aking mga braso.

Bagaman ang mga tutubi ay maaaring kabilang sa pinakamasalimuot na makinang lumilipad sa lupa, lalo akong humahanga sa ganda ng kilos nito at kariktan kaysa kakayahan nito sa paglipad. Ang pagkanaroroon ng mga ito ay nagdaragdag ng pantanging kinang sa aming mga lawa at pampang. Ang mga ito ang natatanging hiyas​—laging naroroon upang tayo’y masiyahan.

[Talababa]

a Paminsan-minsan, ibinababa ng mga tutubing kalabaw ang mga pakpak nito at nakaturo naman sa araw ang katawan nito. Ito ang posisyon na kanilang ginagawa upang magpalamig, yamang binabawasan nito ang bahagi ng katawan na nakahantad sa araw.

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Ang mga tutubing kalabaw, na dumadapo nang pahalang ang mga pakpak, ay karaniwang mas malalaki kaysa mga tutubing karayom, na itinitiklop ang kanilang mga pakpak sa itaas ng kanilang katawan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share