Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 6/22 p. 19-23
  • Ang Paghahanap Namin ng Katarungan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paghahanap Namin ng Katarungan
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Problema sa mga Simbahan
  • Ang Militar at Pag-aasawa
  • Ang Aking Mahigpit na Pagsalansang
  • Nasapatan ang Paghahanap Ko ng Katarungan
  • Naabot sa Wakas ang Aking Puso
  • Pagtaguyod sa Buong-Panahong Ministeryo
  • Kapag Lubusan Nang Natupad ang Katarungan
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Ang Malaon Ko Nang Pakikipagbaka Upang Masumpungan ang Tunay na Pananampalataya
    Gumising!—1995
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • Bahagi 4—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 6/22 p. 19-23

Ang Paghahanap Namin ng Katarungan

GAYA NG INILAHAD NI ANTONIO VILLA

Noong 1836 lahat ng taga-Texas na mga tagapagtanggol ng The Alamo​—na wala pang 200 ang bilang​—ay napatay ng isang hukbong Mexicano na binubuo ng halos 4,000 lalaki. Pagkatapos, ang sawikaing “Alalahanin ang Alamo” ay ginamit upang pagdingasin ang pakikipagbaka para sa kasarinlan, na nakamtan nang dakong huli ng taong iyon. Noong 1845, ang dating bahagi ng Mexico ay naging bahagi ng Estados Unidos, at nasumpungan ng mga Mexicano ang kanilang mga sarili sa teritoryo ng kaaway. Naaalaala pa rin ang etnikong mga pagkakaiba.

AKO’Y isinilang noong 1937, hindi kalayuan sa San Antonio, Texas, ang kinaroroonan ng The Alamo. Noong mga araw na iyon ang mga banyo, inuman ng tubig, at iba pang pampublikong pasilidad ay may markang “Puti Lamang” at “Iba Pa.” Agad kong natutuhan na kabilang sa “Iba Pa” kami na may Mexicanong pinagmulan.

Kapag manonood ng sine sa isang sinehan, ang mga Mexicano at mga itim ay pinahihintulutang maupo lamang sa palko, hindi sa pangunahing awditoryum. Maraming restawran at mga bahay-kalakal ang hindi nagsisilbi sa mga Mexicano. Minsan nang ang aking maybahay, si Velia, at ang kaniyang kapatid na babae ay pumasok sa isang parlor, hindi man lang nagpakita ng kagandahang-asal ang mga may-ari na magsabing: “Hindi namin tinatanggap dito ang mga Mexicano.” Basta pinagtawanan nila sila hanggang si Velia at ang kaniyang kapatid na babae ay napahiya at umalis.

Kung minsan, ang mga lalaking puti​—karaniwan na kapag lasing​—ay naghahanap ng mga Mexicana, na itinuturing ng maraming puti na likas na imoral. Naisip ko, ‘Ayaw nila kaming makasama sa banyo o sa inuman ng tubig, subalit gusto nilang makasama sa kama ang mga Mexicana.’ Ang mga kawalang-katarungang ito ay nagpangyari sa akin na makadama ng kawalan ng kasiguruhan, at nang dakong huli’y maging mapanlaban.

Mga Problema sa mga Simbahan

Lalo pa akong nakadama ng kapaitan dahil sa pagpapaimbabaw ng relihiyon. Ang mga puti, itim, at Mexicano ay may kani-kaniyang mga simbahan. Nang naghahanda ako para sa aking unang Komunyon bilang isang Katoliko, ang pari ay nag-abot sa akin ng ilang sobre na may mga petsa upang ibigay sa aking tatay. Ibabalik namin ang isang sobre sa bawat linggo na may kasamang kontribusyon. Di-nagtagal pagkatapos niyan, sinabi sa akin ng pari: “Mas mabuti pang sabihin mo sa itay mo na hindi ko natatanggap ang mga sobre.” Ang galit na mga salita ng aking itay ay nakintal sa akin: “Interesado lang sila sa isang bagay​—sa salapi!”

Karaniwan na, may mga iskandalo na doon ay itinanan ng mga mangangaral ang mga babae sa kanilang mga kongregasyon. Ang mga karanasang gaya niyaon ay umakay sa akin na paulit-ulit na sabihin: “Dalawa lamang ang pakay ng relihiyon​—alin sa kunin ang iyong salapi o kunin ang iyong babae.” Kaya, kapag may dumadalaw na mga Saksi ni Jehova, itinataboy ko sila, na sinasabi: “Kung gusto ko ng relihiyon, ako mismo ang maghahanap nito.”

Ang Militar at Pag-aasawa

Noong 1955, sumali ako sa U.S. Air Force, kung saan umasa ako na kung pagbubutihin ko ang aking trabaho, makakamit ko ang paggalang na ipinagkait sa akin bilang isang Mexicano. Sa aking pagsisikap, nakamit ko ang pagkilala, sa wakas ay nasa ilalim ng pamamahala ko ang quality control. Nagsasangkot ito ng pagtatasa sa ibang departamento sa mga paglilingkod sa hukbo.

Noong 1959, pinakasalan ko si Velia. Si Velia ay relihiyosa. Gayunman, nasiraan siya ng loob sa iba’t ibang relihiyon na dinaluhan niya. Isang araw noong 1960, nang siya’y lumung-lumo, siya’y nanalangin: “Pakisuyo, Diyos ko, kung talagang umiiral kayo, ipabatid ninyo sa akin. Nais ko po kayong makilala.” Nang araw ring iyon isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa aming tahanan sa Petaluma, California.

Subalit, di-nagtagal pagkaraan nito, hindi na nakita ni Velia ang mga Saksi dahil sa isang pagbabago sa aking militar na atas. Noon lamang 1966, habang ako’y nasa Vietnam, na siya’y nakipag-aral na muli ng Bibliya sa kanila sa Seminole, Texas. Pag-uwi ko mula sa Vietnam maaga nang sumunod na taon, hindi ako natuwa na malaman na siya’y nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi.

Ang Aking Mahigpit na Pagsalansang

Inaakala kong si Velia ay malilinlang at masisiraan ng loob dahil sa relihiyon. Kaya naupo ako minsan sa pag-aaral at nakinig upang ilantad ang bahagyang bakas ng pagpapaimbabaw. Nang sabihin ng babae na ang mga Saksi ay neutral sa pulitika, ako’y sumabad: “Ano ba ang trabaho ng asawa mo?”

“Siya’y nagtatanim ng koton,” ang tugon niya.

“Ha!” Ang aroganteng sagot ko. “Ang mga uniporme ng militar ay gawa sa koton. Kaya kayo ay sumusuporta sa digmaan!” Ako’y naging maingay at di-makatuwiran.

Bagaman kami’y napalayo dahil sa isang bagong atas militar noong Hunyo 1967, sa Minot, North Dakota, natagpuan ng mga Saksi roon si Velia at muling nakipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Sumalansang ako na parang bata. Sinasadya kong dumating sa oras ng pag-aaral at isinasara nang malakas ang mga pinto, padabog na umaakyat sa mga hagdan, maingay na inihahagis ang aking bota sa sahig, at ilang ulit na ipina-flush ang kasilyas.

Si Velia ay malumanay magsalita at mapagpasakop na asawa na hindi kailanman gumagawa ng anumang bagay nang wala akong pahintulot. Bagaman masama sa loob na pinayagan ko siyang mag-aral ng Bibliya, alam niyang mas malaking problema ang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi. Kapag siya’y hinihimok na dumalo, lagi niyang sinasabi: “Huwag na lang. Ayaw kong magalit si Tony.”

Subalit, isang araw ay nabasa ni Velia sa Bibliya: “Huwag ninyong pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos.” (Efeso 4:30) “Ano ba ang kahulugan niyan?” tanong niya. Ganito ang paliwanag ng Saksing nagdaraos ng pag-aaral: “Buweno, ang banal na espiritu ng Diyos ang kumasi sa pagsulat ng Bibliya. Kaya nga kung hindi tayo sumusunod sa sinasabi ng Bibliya, kung gayon ay pinipighati natin ang banal na espiritu ng Diyos. Halimbawa, ang ilan ay hindi dumadalo sa mga pulong, bagaman alam nila na sinasabi ng Salita ng Diyos na dapat silang dumalo.” (Hebreo 10:24, 25) Iyan lang ang kinakailangan ng mapagpakumbabang puso ni Velia. Mula noon ay dumadalo na siya sa lahat ng pulong sa kabila ng pagsalansang.

Ako’y bubulyaw: “Paano mo nagagawang umalis ng bahay nang walang nakahaing pagkain sa mesa?” Mabilis na natutuhan ni Velia na laging ihanda ang aking pagkain na mainit. Kaya gumamit ako ng iba pang pagdadahilan: “Hindi mo ako mahal o ang ating mga anak. Iniiwan mo kami dahil sa mga pulong na iyon.” O kapag inaatake ko ang mga paniniwala ng mga Saksi at mahinahong sinisikap na ipagtanggol ito ni Velia, ginagamit ko ang aking paksang bocona​—“bungangera”​—tinatawag siyang isang walang-galang, hindi mapagpasakop na bocona.

Gayunman, si Velia ay dumadalo pa rin sa mga pulong, kadalasa’y umaalis ng bahay na luhaan dahil sa aking panlalait. Gayunma’y sinusunod ko ang ilang simulain. Hindi ko kailanman pinagbuhatan ng kamay ang aking asawa o nag-isip man na iwanan siya dahil sa kaniyang bagong-sumpong na pananampalataya. Ngunit nag-alala ako na baka may guwapong lalaki sa mga pulong na iyon na magkagusto sa kaniya. Naiisip ko pa rin na pagdating sa relihiyon, ‘Interesado sila alin sa salapi o sa babae.’ Madalas akong magreklamo habang nagbibihis si Velia para sa mga pulong: “Nagpapaganda ka para sa iba ngunit hindi kailanman para sa akin.” Kaya nang una akong magpasiyang dumalo ng pulong, sabi ko: “Pupunta ako​—ngunit upang bantayan ka lamang!”

Subalit, ang tunay kong motibo ay upang makasumpong ng isang bagay laban sa mga Saksi. Sa isa sa unang mga pulong na dinaluhan ko, isang paksa tungkol sa pag-aasawa “lamang sa Panginoon” ang ipinahayag. (1 Corinto 7:39) Pagdating namin sa bahay, may kabagsikan akong nagreklamo: “Nakita mo na! Katulad din sila ng iba​—nagtatangi sa sinuman na hindi nila kapananampalataya.” Mapakumbabang nagkomento si Velia: “Subalit hindi sila ang may sabi nito, ito ang sinasabi ng Bibliya.” Agad akong tumugon sa pamamagitan ng pagsuntok sa dingding at pagsigaw: “Nariyan na naman ang pagiging bocona mo!” Sa katunayan, bigo ako sapagkat batid kong tama siya.

Nagpatuloy akong dumalo sa mga pulong at nagbasa ng mga literatura ng Saksi, subalit ang motibo ko ay hanapan ito ng mali. Nagsimula pa nga akong magkomento sa mga pulong​—ngunit upang ipakita lamang sa mga tao na hindi ako isang “mangmang na Mexicano.”

Nasapatan ang Paghahanap Ko ng Katarungan

Noong 1971 ay napunta kami sa Arkansas dahil sa aking karera sa militar. Nagpatuloy ako sa pagdalo sa mga pulong na kasama ni Velia, na noong Disyembre 1969 ay nabautismuhan bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay kay Jehova. Hindi ko na siya sinasalansang, ngunit ayaw ko rin ang sinuman na makikipag-aral sa akin sa Bibliya. Ang aking kaalaman bunga ng pagbabasa ng literatura sa Bibliya ay totoong sumulong. Subalit, pawang kaalaman lamang sa ulo​—bunga ng pagnanais kong maging magaling sa lahat ng aking gawin. Gayunman, unti-unting nakaapekto sa aking puso ang pakikisama sa mga Saksi ni Jehova.

Halimbawa, napansin ko na ang mga itim ay may bahagi sa pagtuturo sa mga pulong sa kongregasyon. Ngunit sa simula ay nasabi ko sa aking sarili, ‘Oo, ginagawa lamang nila iyan sa loob ng bulwagan.’ Gayunman, nang dumalo kami sa isang kombensiyon sa isang malaking istadyum ng baseball, nagulat ako nang makita ko na mayroon ding mga itim na may bahagi sa programa doon. Inaamin ko na walang pagtatangi sa mga Saksi. Isinasagawa nila ang tunay na katarungan.

Natanto ko rin na ang mga Saksi ni Jehova ay may tunay na pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35) At nang nagtrabaho akong kasama nila sa pagtatayo ng kanilang Kingdom Hall, nakita ko na sila’y mga karaniwang tao. Nakita ko silang napapagod, nagkakamali, at nagkakasagutan pa nga kapag ang mga bagay ay hindi nagtagumpay. Sa halip na lumayo dahil sa mga di-kasakdalang ito, lalo akong naging tiwasay sa piling nila. Marahil natanto ko na may pag-asa pa ako sa kabila ng marami kong mga pagkukulang.

Naabot sa Wakas ang Aking Puso

Una kong natanto na ako’y nagkakaroon ng kaugnayan kay Jehova nang noong 1973, ipinaliwanag ng Ang Bantayan na ang paninigarilyo ay isang ‘karumihan ng laman’ at isang kasalanang karapat-dapat sa pagtitiwalag. (2 Corinto 7:1) Ako noon ay humihitit sa pagitan ng isa at dalawang pakete ng sigarilyo isang araw. Maraming ulit ko nang sinubok na huminto noon subalit walang nangyari. Datapwat, ngayon sa tuwing nadarama kong gusto kong manigarilyo, tahimik akong hihingi ng tulong kay Jehova sa panalangin upang ihinto ang maruming bisyong ito. Sa pagtataka ng lahat, hindi na ako kailanman nagsigarilyong muli.

Ang aking pagreretiro sa militar ay nakatakda noong Hulyo 1, 1975. Natanto ko na kung nais kong gawin ang itinuturo ng Bibliya, kailangan kong ialay ang aking buhay kay Jehova. Kailanman ay hindi pa ako nagkaroon ng personal na pag-aaral ng Bibliya, kaya talagang nabigla ang matatanda sa kongregasyon nang sabihin ko sa kanila, noong Hunyo 1975, na nais kong magpabautismo karaka-raka pagkatapos ng aking karera sa militar. Ipinaliwanag nila na kailangan ko munang tuparin ang utos ni Jesus na makibahagi sa gawaing pangangaral. (Mateo 28:19, 20) Ginawa ko ito noong unang Sabado ng Hulyo. Nang araw ring iyon ay nakipagkita ako sa isang matanda at sinagot ang mga katanungan sa Bibliya na kahilingan para sa mga kandidato sa bautismo. Pagkaraan ng tatlong linggo ako’y nabautismuhan.

Nang makita akong nagpabautismo, ang aming tatlong anak​—sina Vito, Venelda, at Veronica​—ay gumawa ng mabilis na pagsulong sa espirituwal. Sa loob ng sumunod na dalawang taon, ang dalawa sa pinakamatanda kong anak ay nabautismuhan, sinundan ng bunso kong anak pagkalipas ng apat na taon. Kapag nakikipag-usap ako sa mga taong may kabatiran sa katotohanan ng Bibliya subalit walang anumang ginagawa tungkol dito, madalas kong sinasabi sa kanila ang tungkol sa mga kahihinatnan ng kanilang hindi pagkilos. Sinasabi ko sa kanila na bagaman maaaring hindi ito sinasabi ng kanilang mga anak, sila’y nag-iisip, ‘Kung hindi gaanong mahalaga ang katotohanan kay Itay, kung gayon ay hindi rin ito gaanong mahalaga sa akin.’

Pagtaguyod sa Buong-Panahong Ministeryo

Ang aming buong pamilya ay nagsimula sa buong-panahong ministeryo bilang mga payunir sa Marshall, Arkansas. Kami ni Velia ay nagsimula noong 1979, at ang mga bata ay sumama sa amin sa gawain nang sumunod na mga taon habang ang bawat isa’y nagtapos mula sa haiskul.

Noong mga unang taon ng dekada ng 1980, narinig namin ang mga ulat tungkol sa pagkauhaw sa kaalaman sa Bibliya ng mga tao sa Ecuador, Timog Amerika, at ginawa naming tunguhin na lumipat doon. Noong 1989 ang aming mga anak ay malalaki na at kaya nang pangalagaan ang kanilang mga sarili. Kaya nang taong iyon kami’y dumalaw sandali sa Ecuador upang “tiktikan ang lupain.”​—Ihambing ang Bilang 13:1, 2.

Dumating kami noong Abril 1990 sa Ecuador, ang aming bagong tahanan. Yamang limitado lamang ang aming pananalapi​—kami’y nabubuhay sa aking pensiyon sa militar​—kailangang badyetin naming maingat ang aming pera. Subalit nahigitan ng mga kagalakan ng buong-panahong ministeryo sa espirituwal na mabungang teritoryong ito ang anumang pinansiyal na mga pagsasakripisyo. Sa simula, kami’y gumawa sa daungang lunsod ng Manta, kung saan ang bawat isa sa amin ay nagdaraos ng mula 10 hanggang 12 lingguhang mga pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos, noong 1992, ako’y nagsimulang maglingkod bilang isang naglalakbay na ministro, na kasama ng aking asawa. Iba’t ibang kongregasyon ang dinadalaw namin sa bawat linggo.

Kapag Lubusan Nang Natupad ang Katarungan

Bilang paggunita, nakita namin ni Velia na ang kawalang-katarungang naranasan namin nang kami’y lumalaki ay tumutulong sa amin ngayon sa aming ministeryo. Naging higit na palaisip kaming huwag hamakin ang sinuman na maaaring mas dukha o walang gaanong pinag-aralan kaysa amin o isa na may etnikong pinagmulan na kakaiba sa amin. Naunawaan din namin, na marami sa ating mga kapatid na Kristiyanong lalaki at babae ang dumaranas ng kawalang-katarungan sa lipunan na masahol pa ang naranasan kaysa sa amin. Gayunman, hindi sila nagrereklamo. Itinututok nila ang kanilang mga mata sa dumarating na Kaharian ng Diyos, at iyan ang natutuhan naming gawin. Matagal na kaming huminto sa paghahanap ng katarungan sa sistemang ito; kundi sa halip, ginugugol namin ang aming buhay sa pag-akay sa mga tao sa tanging tunay na lunas sa kawalang-katarungan, ang Kaharian ng Diyos.​—Mateo 24:14.

Natutuhan din namin na ang sinuman sa atin na totoong sensitibo sa mga kawalang-katarungan ay dapat na maging maingat na huwag umasa ng sakdal na katarungan sa bayan ng Diyos. Ito’y dahilan sa lahat tayo ay di-sakdal at nahihilig sa paggawa ng masama. (Roma 7:18-20) Subalit, may katapatang masasabi namin na nasumpungan namin ang isang maibigin, multinasyonal na samahan ng kapatiran na nagsisikap na gawin ang tama sa pinakamabuti nilang kakayahan. Inaasahan namin na kasama ng bayan ng Diyos sa lahat ng dako, kami’y makapapasok sa bagong sanlibutan ng Diyos na doo’y tatahan ang katuwiran.​—2 Pedro 3:13.

[Blurb sa pahina 20]

Agad akong tumugon sa pamamagitan ng pagsuntok sa dingding

[Larawan sa pahina 21]

Kasama ni Velia, nang ako’y sumali sa hukbong panghimpapawid

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ni Velia, noong 1996

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share