Matera—Lunsod ng mga Naiibang Tirahan sa Kuweba
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA
HALOS 50 taon na ang nakalilipas, ipinalagay ng ilan na ang kakaibang tirahang ito ay naging tulad ng “inferno” ni Dante, anupat nagawa nitong ipag-utos ng mga awtoridad na lisanin ang mga lugar na ito. Palibhasa’y natirhang muli, ang mga lugar na ito ay isinali na ngayon sa World Cultural and Natural Heritage, na iniingatan ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO).
Ano ba ang ating tinutukoy? At bakit pumukaw ng iba’t ibang reaksiyon ang mga ito sa paglipas ng panahon? Ang sagot sa unang katanungan ay simple: ang Sassi (sa literal, “mga Bato” sa Italyano) ng Matera, sa dakong timog ng Italya, na nasa itaas lamang ng pinakatakong ng “bota” ng Italya. Subalit upang masagot ang ikalawa, kailangan nating maunawaan kung ano ang mga ito at malaman ang kaunting kasaysayan ng mga ito. Bakit hindi ka sumama sa amin habang aming dinadalaw ang Sassi at makaalam ng ilang bagay tungkol sa mga ito?
“Kabilang sa magagandang tanawin sa Italya na lumilikha ng labis na paghanga,” ayon sa manunulat na si Guido Piovene, ang Sassi, sa totoo, ay isang lunsod na nagtataglay ng “di-pangkaraniwang panghalina.” Upang mapagmasdan nang husto ang magandang tanawin, nagtungo kami sa isang likas na lugar na tanawan kung saan makikita ang malalim na bangin. Sa kabila naman ng bangin na ito, sa aming harapan, ay ang lunsod ng Matera. Sa nagniningning na liwanag ng tag-araw, nakikita namin ang mga bahay na nakakapit sa batuhan; wari bang tumubo ang mga ito nang magkakapatong. Habang ang makipot na mga daan sa pagitan nito ay tumatalunton pababa sa bangin, ang mga ito’y nag-aanyong buhol na parang nakakahawig ng mga baitang ng isang malaking ampiteatro. Ang maraming butas sa pinakamukha ng batuhan na aming nakita ay, o naging, mga tirahan. Sa madaling salita, ito ang mga Sassi—mga bahay na nasa kuweba na inanyuan sa batuhan!
Isang Kakatwang Kapaligiran
Upang marating ang Sassi—ang sinaunang kabiserang lunsod ng Matera—kailangan naming magdaan sa modernong lunsod, na matrapik at maingay. Ang pagpasok sa matandang lunsod ay gaya ng pagpasok sa isang time warp; lumabas kami sa isang kakatwang kapaligiran kung saan ang kaguluhan ng kasalukuyang daigdig ay unti-unting pumanaw na nagbigay daan sa mga tanawin ng kahapong nagdaan.
Huwag mong asahang makikita mong lalabas ang mga nakatira sa kuweba. Sa ngayon, mahirap mo nang makita ang sinaunang mga groto, sapagkat ang harapan ng mga gusali na nasa batong-apog, kung hindi man buong mga gusali, ay itinayo sa harapan ng mga tirahang ito na may mga istilo ng iba’t ibang panahon: Edad Medya, baroque, at modernong panahon. Habang kami’y nagpapatuloy, ang tanawin ay waring patuloy na nagbabago sa amin mismong harapan.
Ayon sa mga arkeologo, ang mga grupo ng mga pagala-galang tao, marahil ay mga pastol, na nabuhay ilang libong taon na ang nakalipas, ang nanirahan sa lugar na ito. Ang maraming likas na mga butas ng kuweba na nangalat sa lugar ay nagbigay ng kanlungan mula sa kalagayan ng panahon at mula sa mga maninila. Hindi nagtagal, maraming kuweba ang tinirhan na. Tila ipinahihiwatig ng mga natuklasan ng mga arkeologo na ang lugar ay patuloy na tinirhan mula sa panahong iyon.
Gayunman, ang mga Sassi mismo ay unti-unting tinirhan. Noong panahong Greco-Romano, may maliit na panirahanan sa pinakatuktok ng nakausling batuhan, na kasalukuyang sentro ng sinaunang lunsod. Noong sinaunang panahon, ang sulat ni Raffaele Giura Longo, ang Sassi ay gaya ng “dalawang ilang na libis, dalawang lunas ng ilog na humiwalay sa mga gilid ng dating burol ng lunsod sa itaas at kung saan makikita ang pagkatarik na bangin; hindi ito tinitirhan subalit . . . ito’y natatakpan ng makapal na pananim.” Sa pasimula ng Edad Medya, taglay ang sistematikong paghuhukay ng malambot na batong-apog at ang paggawa ng mga kalsada, mga plasa, at mga bahay na gumagamit ng bato na nakuha mula sa mga hinukay, nagsimulang matamo ng Sassi ang tipikal na hitsura nito.
May pangangailangan para sa mga bahay at mga lugar upang doon alagaan ang mga hayop at gawin ang mga gawaing nauugnay sa pag-aalaga ng mga hayop, gaya ng paggawa ng keso. Gayunman, ang pangunahing gawain doon ay pagsasaka. Ang taniman ng gulay ay ginawa sa malalawak na bai-baitang na lupa na hinukay sa gilid ng malalim na bangin kung saan makikita ang Sassi. Makikita pa rin ang mga palatandaan ng bai-baitang na lupa. Ang karamihan ng sosyal na gawain ay nakatuon sa mga purok, looban na pinalilibutan ng ilang tirahan.
Isang Kahanga-hangang Sistema ng Pagtitipon ng Tubig
Masasabi rin naman na ang kasaysayan ng Sassi ay ang sabay na pakikipaglaban ng tao, at pakikibagay, sa batuhan at tubig. Bagaman hindi labis-labis, kung tag-ulan ay inaanod ng tubig-ulan ang lupang sinasaka sa mga bai-baitang na lupa—na pinaghirapan nang husto kung kaya nagawa—habang ito’y humuhugos pababa sa gilid ng bangin. Kaya nakita ng mga nakatira sa Sassi ang pangangailangan na palagusin ang tubig-ulan at tipunin ito.
Subalit paano at saan ito maaaring tipunin? Sa bai-baitang na lupa, anupat ang mga imbakang-tubig ay hinukay at iniwasang dumaloy. Isang sistema ng mga lagusan at alulod ang naghahatid ng anumang makukuhang tubig patungo sa imbakan ng tubig, na noong una’y ginamit may kaugnayan sa agrikultura sa halip na sa ibang paggagamitan nito. Ayon sa arkitektong si Pietro Laureano, ang bilang ng mga ito, na “makapupong higit kaysa natitirhang kuweba o kaysa mga kinakailangang imbakang-tubig para sa maiinom na tubig,” ay nagpapatunay na “ang mga imbakang-tubig ng Sassi ay dating kahanga-hangang sistema na tipunan ng tubig para sa irigasyon.”
Ang sistemang ito ay naglalaan din ng sapat na maiinom na tubig, at sa pagdami ng populasyon, ang salik na ito ay naging higit na mahalaga. Sa dahilang ito, isang malikhaing kaayusan ang ginawa. Ang mga imbakang-tubig ay pinagdugtung-dugtong, na magkakapareho ang taas at gayundin sa mga bai-baitang na lupa sa iba’t ibang antas. “Tulad ng isang sistema na may pagkalaki-laking distileriya, pinahintulutan nila ang patuloy na pagdadalisay ng likido habang ito’y nagdaraan sa isang imbakan ng tubig patungo sa iba pa.” Pagkatapos ang tubig ay kukunin mula sa isa sa maraming balon na nakapangalat sa Sassi. Ang pinakabibig ng ilan sa mga balong ito ay makikita pa rin hanggang sa ngayon. Ang saganang tubig sa ibang tigang na lupa ay bibihira.
Isang Bahay sa Batuhan
Habang kami’y pababa sa hagdan at sumusunod sa paikut-ikot na makitid na mga lansangan, natanto namin na ang sinaunang mga purok na ito ay isinaayos sa pababang antas, anupat malimit na nasusumpungan namin ang aming mga sarili na naglalakad sa mga bubungan ng mga bahay na ang mga pinto ay patungo sa mga balkon sa ibaba. Sa ilang lugar, may mga tirahang sampu ang palapag, na magkakapatong. Dito, ang tao ay nabubuhay na malapit sa bato. Kasing-aga ng ika-13 siglo, tinawag ng opisyal na mga dokumento ang mga purok na ito na “Sassi.”
Huminto kami sa labas ng isang tirahan. Ang harapan ng gusali na maadorno at halos makabago na ay hindi dapat makalinlang sa atin, sapagkat ang mas bagong pasukan sa batong-apog ay idinagdag sa orihinal. Ito ay isang tipikal na tirahan sa Sassi. Pagpasok namin sa pinto, bumaba kami ng ilang baitang na humantong sa isang malaking silid kung saan ang karamihan ng mga gawaing bahay ng pamilya ay minsang ginanap. Bumaba pa kami ng ilang baitang sa ikalawang silid, na may isa pang katabi. Ang ilang silid ay dating imbakan ng tubig na ginawang matitirhan—ang butas sa itaas, kung saan dating pumapasok ang tubig, ay sinarhan, at ang pasukan ay ginawa sa pamamagitan ng paghukay sa gilid ng bai-baitang na lupa. Ang kaloob-loobang mga silid ay minsang ginamit upang tirahan lamang ng mga hayop na pantrabaho, samantalang ang pamilya ay nakatira sa mga silid na pinakamalapit sa pasukan. Pumapasok ang liwanag at hangin sa pamamagitan ng malaking butas sa itaas ng pinto. Sabihin pa, ang mga nakatira ngayon sa Sassi ay hindi na nag-aalaga ng mga hayop na pantrabaho sa loob ng kanilang mga tahanan!
Marami sa mga tirahan ay kasimbaba ng antas ng lansangan. Bakit? Sapagkat ang pasukan at ilan sa mga tirahan sa kuweba mismo ay hinukay sa bahagyang padalisdis na ayos upang magamit ang sikat ng araw. Kung taglamig, kapag ang araw ay ubod ng baba sa guhit-tagpuan, ang sinag nito ay nakapapasok sa bahay, nagbibigay liwanag at nagpapainit dito; kung tag-araw ang sinag ng araw ay hanggang pasukan lamang nakapapasok, at ang loob ng tirahan ay nananatiling malamig at mahalumigmig. Sa likuran ng pader ng kuweba na aming dinadalaw, nakakita kami ng isang inukit na butas na may ilang “salansan.” Ito’y isang sundial, dinisenyo upang magsabi ng kilos ng araw sa buong taon. Nang kami’y papalabas na, may nadama kaming kakaibang bagay. Ang lamig ng kuweba ay agad-agad na nagpalimot sa amin ng init ng tag-araw sa labas!
Pagkasira at Pagsasauli-muli
Dahil sa magkabukod na kakatwang kapaligiran, ang Sassi ay nagkakaroon ng iba’t ibang pagbabago. Bagaman sa loob ng mga dantaon ang mga ito’y nanatiling magkakatugma at halos naging mabuting sentro ng lunsod, may bagay na nagbago noong ika-18 siglo. Ang bagong mga gusali at mga lansangan ay humadlang sa mahusay na sistema ng pamamanihala sa tubig, anupat lumikha ng mga problema sa regular na pag-aalis ng dumi. Bunga nito ay dumami ang sakit. Isa pa, ang mga pagbabago sa kabuhayan ng lugar ay nagbunga ng pagtindi ng karukhaan sa gitna ng mga pamilyang nagsasaka sa Sassi, na patuloy na nagiging matao.
Ang patuloy na pagkasira ng minsang magandang lugar ay waring hindi maiiwasan. Kaya taglay ang ideya ng paglutas sa problema nang minsanan, noong pasimula ng dekada ng 1950, ang opisyal na desisyon ay lisanin ang Sassi. Para sa mahigit na 15,000 residente sa Matera na nakatira roon, nangangahulugan iyan ng napakasaklap na karanasan lalo na mula sa panlipunang pangmalas, yamang ang malapit na buklod ng pagkakaibigan na nabuo sa magkakapit-bahay ay naputol.
Gayunman, ipinalalagay ng marami na ang kamangha-manghang tanawin ng bayang ito ay hindi dapat mawala. Kaya, dahil sa mahusay na pagsasauli-muli, ang Sassi sa ngayon ay unti-unting nakababawi at natitirhang muli. Sa ngayon, maraming turista ang nagnanais na madama ang kapaligiran na lumaganap sa sinaunang plasa at magkakasalabid na mga lansangan ng Sassi. Kung sakaling mapagawi ka sa bahaging ito ng daigdig, bakit hindi ka huminto upang bumisita sa lunsod na ito na dantaon na ang edad na tumubo sa batuhan?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
1. Ang magandang tanawin ng Sassi sa Matera; 2. “ang purok,” na may balon sa bandang kaliwa sa ibaba; 3. sa loob ng isang tipikal na tirahan; 4. ang butas na ginamit bilang sundial; 5. ang lagusan na minsang ginamit upang maghatid ng tubig sa imbakang-tubig