Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 7/8 p. 20-23
  • Ligtas Ba ang mga Bata sa Inyong Aso?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ligtas Ba ang mga Bata sa Inyong Aso?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sanayin ang Bata
  • Sanayin ang Aso
  • Ang Mabagsik na Aso
  • Aso—Laging Pinakamatalik na Kaibigan ng Tao?
    Gumising!—1985
  • Kung Paano Sasanayin ang Iyong Aso
    Gumising!—2004
  • Ang Pang-amoy ng Aso
    May Nagdisenyo Ba Nito?
  • Aso
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 7/8 p. 20-23

Ligtas Ba ang mga Bata sa Inyong Aso?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

ANG dalawang-taóng-gulang na si Sydney ay nagpaikut-ikot nang napakalapit sa mabagsik na asong Rottweiler na nakatali. Sumunggab ang aso, anupat nasugatan ang anit ni Sydney, at halos natanggal ang kaniyang kaliwang tainga. Mangangailangan siya ng sunud-sunod na pagpapalit ng balat.

Habang mas maraming tao ang nag-aalaga ng mga aso bilang proteksiyon, dumarami naman ang ulat hinggil sa mga batang sinasalakay ng mga aso. Ang ilang aso na kilalang kumakagat ng mga bata ay ang Rottweiler, Doberman pinscher, bullmastiff, Alsatian (German shepherd), at bullterrier. Isiniwalat ng isang surbey na isinagawa sa Timog Aprika na sa mga kasong sinuri, ang karamihan ng mga batang kinagat ay sinalakay ng mga asong kilala nila. Halos kalahati ng mga ito ay mga biktima ng mga aso ng kapitbahay, at sangkapat ang nakakagat ng kanila mismong mga aso. Ang nakakagat ng ligaw na mga aso ay 10 porsiyento lamang. Malimit na nagagalit ng biktima ang aso sa paano man, marahil nang hindi ito nababatid. Maliwanag, maaaring maiwasan ang maraming pagsalakay ng aso kung gagawa ang mga may-ari ng aso at mga magulang ng ilang simpleng pag-iingat.

Sanayin ang Bata

Idiniriin ng maraming tagasanay ng aso na ang maliliit na bata at ang mga aso ay hindi dapat iwan na sila lamang nang hindi nasusubaybayan ng mga nasa hustong gulang. Hindi alam ng maliliit na bata kung paano pakitunguhan ang mga hayop. Kailangan silang turuan. Kaya, ikinakapit ng maraming tao ang alituntunin na kung walang isang responsableng adulto, ang mga aso at maliliit na bata ay dapat na nasa magkahiwalay ng lugar. Ganito ang sabi ng tagasanay na si Brian Kilcommons sa kaniyang aklat na Childproofing Your Dog: “Mula sa nababalitaan nating mga kuwento, ang karamihan ng mga problema ay nagaganap kapag hindi nakasubaybay ang mga adulto.”

Malimit, kailangang ingatan ang mga hayop mula sa mga bata! Hiningan ng tulong si Kilcommons nang sakmalin ng aso ng isang pamilya ang isang bata. Ang nagugulumihanang ama ay nagpaliwanag na ang kaniyang dalawa’t-kalahating-taóng-gulang na anak na lalaki ay tumakbo sa natutulog na aso at sinipa ito nang malakas. Ang aso, na totoong nasaktan, ay gumanti sa pamamagitan ng pagsakmal sa bata. Sa kalagayang ito, nagpigil nang husto ang aso na hindi makagat ang bata. Ganito ang payo ng tagasanay na ito sa mga magulang: “Huwag ninyong pahintulutan ang inyong anak na gawin sa aso ang bagay na hindi ninyo pahihintulutang gawin sa ibang bata.”

Turuan ang inyong anak na pakitunguhan nang may kabaitan ang mga hayop. Ituro sa kaniya na huwag kailanmang inisin ang aso. Kailangan ng mga magulang na maging alisto sa pagmamanman sa anumang posibleng mga panganib kapag ang mga bata at mga aso ay magkasama. Kung napansin ninyo na lumalayo o nagtatago ang aso mula sa bata, pahintuin ang bata sa paghabol dito. Kapag sinundan at nasukol ng bata ang aso, ang tanging panlaban nito ay tumahol, umangil, o mangagat pa nga. Dapat na hindi pabagu-bago ang pagdidisiplina ng mga magulang, upang malaman kapuwa ng aso at ng bata na pinaninindigan ng magulang ang kaniyang sinasabi.

Huwag tratuhin ang aso na parang itinakwil. Kapag naisilang ang panganay na anak ng mag-asawa na may aso, ang tendensiya ay ipagwalang-bahala ang aso at itaboy ito sa bakuran. Bagaman makatuwiran na maging maingat, ganito ang payo ng tagasanay na si Richard Stubbs: “Hindi dapat tratuhin ang aso na parang itinakwil. Sa halip, panatilihin ang dating ginagawa ng aso hangga’t maaari, at bigyan ito ng tamang atensiyon.”

Isaalang-alang kung paano tutugon ang iyong anak sa di-kilalang mga aso. Kung nakakita siya ng isang di-kilalang tao na naglalakad kasama ng isang aso sa lansangan, ano ang kaniyang gagawin? Tatakbo ba siya nang walang kaabug-abog sa alagang aso? Turuan siyang huwag gawin ito. Dapat muna siyang humingi ng pahintulot sa may-ari. Pagkatapos, kapag pumayag ang may-ari, maaari siyang lumapit nang dahan-dahan sa aso, upang huwag niyang matakot ito. Kailangang ipakilala niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagtayo sa malayu-layo at marahang makipag-usap sa aso. Ang palakaibigang aso ay lalapit sa iyong anak. Ang mga aso na naglalakad sa lansangan na walang nagbabantay ay pinakamabuting iwanang mag-isa.​—Tingnan ang kahong “Ang Ibinabadya ng Galaw ng Aso,” pahina 22.

Sanayin ang Aso

Palaging purihin ang iyong aso at maging positibo. Ang pagpaparusa o masasakit na salita ay hindi nagpapabilis sa pagkatuto sa halip ay kabaligtaran nito. Makabubuting matutuhan ng aso na lumapit kapag ito’y tinatawag at gayundin ang sumunod sa simpleng utos gaya ng “upo!” Natututuhan ng aso na sumunod sa amo nito, at nagbibigay ito ng pagkakataon na mas masusupil ng amo ang mahihirap na kalagayan. Mabisa ang simpleng mga pangungusap at parirala. Laging gamitin ang iyon at iyon ding mga salita. Kapag nagawa ng iyong aso ang ibig mong gawin nito, agad na bigyan ito ng gantimpala sa anyo ng papuri, tapik, o isang piraso ng pagkain. Upang mahimok na gawin muli ang ibig na ipinagagawa, ang gantimpala ay dapat na agad ibigay pagkatapos ng akto. Ang susunod na mahalagang salik ay ang pag-uulit hanggang sa maitanim nang husto ang ugali.

Kapag kumuha ka ng isang aso, alinman sa tuta o mas matanda nang aso, maaaring mangailangan ito ng tulong upang masanay sa mga bata. Ang mga bata ay kumikilos nang ibang-iba sa mga nasa hustong gulang. Sila’y mas maiingay at mas mapusok at malamang na sumunggab sa aso, na maaaring makatakot dito. Makabubuti na sanayin ang iyong alagang hayop sa gayong pabigla-biglang ugali. Kapag wala ang mga bata, sanayin ang aso sa biglang ingay. Gawing parang laro ang pagsasanay. Isigaw ang isang utos sa aso, at tumakbo patungo sa aso. Pagkatapos, agad na gantimpalaan ang aso. Gawing palakas nang palakas ang iyong sigaw. Makipaglaro sa iyong alagang hayop. Hindi magtatagal at ito’y masisiyahan sa larong ito.

Gustung-gusto ng maliliit na bata na yakapin ang mga aso, subalit dapat na ituro sa kanila na huwag gawin ito, yamang ang ilang aso ay natatakot kapag gayong kalapit ang isa. Kung sakaling yakapin ng mga bata ang iyong aso, masasanay mo itong magpayakap. Yakapin nang sandali ang iyong aso, pagkatapos ay bigyan ng isang piraso ng pagkain at papurihan ito. Unti-unting patagalin ang iyong mga yakap. Kapag umungol o umangil ang iyong aso, humingi ng tulong mula sa isang bihasang tagapagsanay.

Ang Mabagsik na Aso

Ang ilang aso ay tila likas na mabagsik at maaaring maging isang panganib sa mga miyembro ng pamilya. Ang mga lalaking aso ay mas malamang na magpakita ng ganitong mabagsik na paggawi.

Hindi gusto ng dominanteng aso na ito’y hawakan, lalo na sa sensitibong mga bahagi gaya ng mukha at leeg. Subalit, kung minsan ay maaaring lumapit ang aso sa iyo, bunggu-bungguin ka, o ipatong pa nga ang mga paa nito sa iyong kandungan, na para bang “humihingi” ng atensiyon. Baka bantayan pa nito ang inaari niyang mga lugar sa bahay, anupat kahit ang mga miyembro ng pamilya ay hindi nito pahihintulutang lumapit sa mga ito. Ito’y maaaring maging mapang-angkin sa mga bagay na gaya ng laruan at maaaring umangil o huminto sa pagngatngat kapag nilapitan habang ito’y abala sa mga ito.

Upang idiin ang pangingibabaw nito, sadyang ipagwawalang-bahala ng gayong mga aso ang alam nitong mga utos. Maaaring bungguin nito ang mga bata o makipag-unahan sa pinto. Maaari rin nitong patungan ang mga tao. Ito ay isang “akto ng pagdomina,” ang sabi ni Brian Kilcommons, at “hindi pakikipagtalik.” Siya’y nagbabala na ito’y “laging isang palatandaan na iniisip ng aso na siya ang sumusupil. Maaasahan na maaaring magkaroon ng problema.” Maaari ring makaugalian ng aso na sakmalin ang kamay ng amo nito upang mapansin.

Ang mga palatandaang ito ng pagiging agresibo ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Ang pagiging agresibo ay hindi basta mawawala; malamang na tumindi pa nga ito, at maaaring manganib ang mga bata na nasa bahay. Iminumungkahi ng maraming tagasanay na ipakapon ang aso, anuman ang kasarian nito, yamang pangkaraniwang nakatutulong ito upang bawasan ang pagiging agresibo.

Hindi makabubuti na hamunin ang isang mabagsik na aso upang ipakita kung sino ang amo nito. Ang totoo, ang agresibong pakikipaglaban at malupit na pagdidisiplina ay maaaring maging mapanganib. Sa mas mataktikang pamamaraan, maaaring ipakita sa aso kung sino ang sumusupil.

Sa tuwing lalapit sa iyo ang isang mabagsik na aso para humingi ng atensiyon at pinansin mo ito, pinatitibay nito ang pag-aakala ng aso na siya ang sumusupil. Kaya kapag humihingi ng atensiyon ang gayong aso, ipagwalang-bahala ito. Dapat na makipagtulungan ang buong pamilya sa ganitong pagtrato. Ang aso ay malilito sa simula at maaari pa ngang tumahol at mapanghalinang tumingin sa iyo, subalit tanggihan ang tuksong pagbigyan ito. Kapag ito’y tumigil at marahil ay nahiga sa isang sulok, kung gayon ay ito ang panahon na bigyan ito ng kaunting atensiyon. Sa ganitong paraan ay nalalaman ng aso na ikaw ang lider at ikaw ang nagpapasiya kung kailan magbibigay ng atensiyon.

Ang agresibong laro gaya ng pakikipaghilahan at pakikipagbuno ay maaaring magpaunlad ng dominanteng ugali ng aso at dapat na iwasan ito. Sa halip, halinhan ito ng hindi agresibong mga laro.

Mas makabubuting huwag patulugin ang aso sa silid-tulugan. Ang silid-tulugan ay isang kagalang-galang na lugar, at ang pagtulog doon ay maaaring magpataas sa inaakalang kalagayan ng aso na mas mataas pa kaysa mga anak sa loob ng bahay. Sa halip, ilagay ang tulugan ng aso sa kusina o sa kulungan ng aso sa labas ng bahay. Malimit na sa kanilang mga silid-tulugan unang nakakagat ng isang mabagsik na aso ang mga may-ari.

Kapag hindi tumugon ang iyong aso sa iyong pagsisikap, o habang ito’y iyong sinasanay, o sa anumang panahon, ay natatakot ka, humingi ng tulong sa isang bihasang tagasanay ng aso. Makapagmumungkahi ang inyong beterinaryo ng isang tagasanay. Ipakipag-usap muna sa kaniya ang tungkol sa kaniyang mga pamamaraan ng pagsasanay, at tiyakin na ikaw ay nasisiyahan sa kaniyang mga kakayahan bago mo pa man siya upahan. Ganito ang babala ng tagasanay na si Richard Stubbs: “Bagaman maaaring sumunod ang mabagsik na aso sa isang propesyonal na tagapagsanay, hindi ito isang garantiya na magiging gayundin ito sa mismong may-ari sa kaniya.” Dapat tiyakin ng may-ari ng aso na masupil niya ang kaniyang aso sa mahihirap na kalagayan.

Ang ilang aso ay mananatiling mabagsik kahit pagkatapos ng pinakamabuting pagsasanay, at ang pag-aalaga ng mga ito ay nagsasapanganib sa pamilya. Pagkatapos na gawin ang iyong buong makakaya, baka mas makabubuti na alisin mo ang aso sa halip na manganib na mapinsala. Makabubuting humingi ng payo sa isang beterinaryo o isang tagasanay. Maaari mong ipamigay sa iba ang iyong aso, subalit likas na may pananagutan ka na sabihin sa bagong may-ari ng aso ang naging mga problema mo sa aso.

Ganito ang payo ng tagasanay na si Peter Neville: “Ang dominanteng mga aso ay dapat lamang na pakitunguhan sa ilalim ng napakaingat na mga alituntunin at sa pamamagitan ng maingat na pagtatasa kung sino ang patuloy na manganganib at kung gaano kalaki ang panganib. Kung hindi matitiyak ang kaligtasan ng pinakananganganib na tao sa loob ng pamilya, kung gayon ay mas makabubuti na ipamigay ang aso sa bagong magmamay-ari nito na piniling mabuti, o kaya’y patayin na ito.”

Matututo at makikinabang sa emosyonal na paraan ang mga bata sa pagkakaroon ng mga alagang aso. Sa pamamagitan ng responsableng pagsubaybay, tumutulong ang mga magulang sa pagtiyak na ang lahat ng alaala ng kanilang mga anak sa kanilang mga alaga ay kaayaaya.

[Kahon sa pahina 22]

Ang Ibinabadya ng Galaw ng Aso

Ang paggawi ng mabagsik na aso ay nagsisiwalat ng palabang intensiyon nito. Sa pagtuturo sa iyong anak na kilalanin ang ibinabadya ng galaw ng aso, matutulungan mo siyang maiwasan ang mapanganib na mga situwasyon.

● Ang mabagsik na aso ay magsisikap na magtinging malaki. Ang balahibo sa batok nito ay maaaring nangangalisag. Ang aso ay maaaring umangil o tumahol na taas ang buntot. Kapag ang buntot nito ay matigas at mabilis na kumakawag na parang natutuwa, hindi ito nagpapahiwatig ng pakikipagkaibigan. Dapat na iwanang mag-isa ang ganitong aso.

● Ang takot na aso ay maaaring sumusukut-sukot na nakababa ang ulo at tainga at pasok ang buntot nito o nasa pagitan ng mga paa. Kapag nilapitan ang ganitong aso, maaaring ito’y maging mabagsik dahil sa takot. Iwan na ito.

● Ang asong nakarelaks ay nakatayo na nakataas ang ulo nang hindi naman napakataas o napakababa, nakanganga, at bahagyang nakababa ang buntot, subalit hindi naman nakalaylay. Ang kumakawag na buntot ay isang palakaibigang palatandaan. Karaniwan nang hindi mapanganib na makipagkaibigan sa ganitong aso.

(Hinalaw mula sa aklat na Childproofing Your Dog, nina Brian Kilcommons at Sarah Wilson.)

[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]

Kaligtasan Mula sa mga Aso

1. Subaybayan ang maliliit na bata at ang mga aso.

2. Turuan ang inyong anak na huwag kailanman inisin ang aso.

3. Humingi ng pahintulot sa may-ari bago haplusin ang isang di-kilalang aso.

4. Sanayin ang iyong aso na sumunod sa simpleng mga utos.

5. Sanayin ang iyong aso na niyayakap.

6. Iwasan ang agresibong mga laro.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share