Pagmamasid sa Daigdig
Nakamamatay na mga Sakit sa Australia
“Ang bilang ng mga Australianong namamatay mula sa mga sakit na nauugnay sa AIDS ay bumaba sa kauna-unahang pagkakataon sapol nang itago ang mga ulat tungkol sa mga virus,” ang ulat ng Herald Sun ng Melbourne. Salig sa kamakailang inilabas na mga impormasyon sa Australian Bureau of Statistics, ipinakikita ng pagsusuri na 666 katao ang namatay noong 1995 dahil sa AIDS—13-porsiyentong pagbaba. Ang kabuuang bilang ng namamatay sa bansa ay bumaba ng 4 na porsiyento, na ang kanser at sakit sa puso pa rin ang nangungunang sanhi ng pagkamatay. Gayunman, ang dumaraming bilang ng mga Australiano ay namamatay ngayon mula sa Alzheimer’s at iba pang sakit na nauugnay sa isip. Ayon sa pambansang kalihim ng Alzheimer’s Association Australia, “ang inihulang bilis ng pagdami ng mga nagkakasakit sa isip ay lilikha ng malaking kagipitan sa mga pasilidad na nilayong tumulong sa mga tao na may sakit at sa mga nangangalaga sa kanila.”
Mga Opinyon Tungkol sa Kinabukasan
Sa pagdating ng ika-21 siglo, nagkakaroon ng napakaraming opinyon tungkol sa kinabukasan. Sa isang surbey na isinagawa ng Newsweek sa Estados Unidos, tinanong ang mga tao tungkol sa kanilang mga inaasahan sa susunod na siglo. Halos 64 na porsiyento ng mga sinurbey ay nanghula na ang mga astronaut ay lalakad sa planetang Mars. Halos 55 porsiyento ang umaasang sa wakas ang mga tao ay makapaninirahan sa ibang mga lugar sa uniberso. Pitumpung porsiyento ang nag-iisip na makasusumpong ang mga siyentipiko ng lunas para sa AIDS, at 72 porsiyento ang nanghuhula na magagawa ang isang panlunas sa kanser. Sa mas pesimistikong bahagi naman, nakikini-kinita ng 73 porsiyento sa mga kinapanayam ang mas malawak na agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap, at 48 porsiyento ang umaasang magkakaroon ng mas maraming digmaan kaysa nakalipas na 100 taon. Ipinalalagay ng halos 70 porsiyento na hindi maaalis ng tao ang gutom sa daigdig.
Isang Nakapanghihilakbot na Masamang Karanasan
Ayon sa FDA Consumer, ang insidente at kalubhaan ng sugat dahil sa pagkasunog sa Estados Unidos ay bumaba nang husto sa nakalipas na 20 taon. Ang bilang ng nakaliligtas na mga biktima dahil sa pagkasunog ay bumuti rin. Sinabi ni Charles Durfor, isang opisyal ng Food and Drug Administration, na “tatlumpu hanggang apatnapung taon na ang nakalilipas, maraming nasunog na pasyente ang hindi nakaligtas. Hindi lamang nailigtas ng totoong makabagong paggamot ang maraming buhay ng pasyenteng nasunog, kundi napapabuti pa nito ang uri ng buhay.” Taun-taon, mahigit na 50,000 Amerikano ang nasusunog na kailangang maospital. Ayon sa American Burn Association, halos 5,500 biktima ang namamatay. “Ang malubhang pagkasunog ay isa sa pinakanakapanghihilakbot na masamang karanasan na mararanasan ng katawan,” ang sabi ng FDA Consumer.
“Tapat” na Pandaraya
Ang mga kompanya ng seguro sa Argentina ay nalulugi ng $200 milyon taun-taon dahil sa mga pandaraya sa bahagi ng kanilang mga kliyente. Bunga nito, tumaas ng mahigit na 30 porsiyento ang mga seguro sa sasakyan kaysa karamihan ng ibang mga bansa. Ayon sa pahayagang Ambito Financiero, “halos kalahati ng mga pandaraya ay ginagawa ng matatawag na ‘tapat na mga mamamayan.’ ” Diumano’y halos 40 porsiyento ng mga may hawak ng polisa ang sinasabing umabuso sa kompanya ng seguro sa paano man. Nahinuha ng pahayagan na ang gayong pandaraya ay pagpapakita ng isang anyo ng paghihiganti ng mga di-nasisiyahang mga kliyente na nakadaramang sila’y niloko ng kani-kanilang mga kompanya ng seguro.
Isang Dagat na Namamatay
Ang Patay na Dagat ay lumiliit. “Bagaman ito na ang pinakamababang bahagi ng tubig sa Lupa (410 metro na mas mababa sa hangganan ng mga karagatan sa daigdig), ang pinakaibabaw ng Dagat na Patay ay patuloy na umuurong,” ang sabi ng U. S. News & World Report. Bakit? Maliban pa sa epekto ng pagsingaw, inilihis ng ilang sistema ng irigasyon at mga prinsa ang tubig mula sa Ilog Jordan, ang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Dagat na Patay. Gayundin, “pinabilis ng mga pabrika ng kemikal na humihigop ng tubig mula sa Dagat na Patay patungo sa pasingawang lawa na nag-aalis ng mga mineral ang pag-urong nito.” Sapol noong kalagitnaan ng mga taon ng 1950, ang pinakaibabaw ng Dagat na Patay ay bumaba ng halos 20 metro. Isang hakbang upang hadlangan ito na kasalukuyang pinagtatalunan ay ang paggawa ng isang kanal na 190 kilometro ang haba na magdadala ng tubig mula sa Dagat na Pula. Ang tubig ay hihigupin na 120 metro ang taas at ibabagsak naman sa taas na 530 metro tungo sa Dagat na Patay.
Sinirang mga Pangako
Kakaunting mag-asawa sa Alemanya ang tumutupad sa kanilang sinumpaan sa pag-aasawa. Ang resulta, ang ulat ng Nassauische Neue Presse, ay dumaraming pagdidiborsiyo at nadaragdagang bilang ng mga batang nagdurusa. Noong 1995 halos 170,000 pag-aasawa ang nawasak, anupat nakaapekto sa 142,300 bata. Kinakatawanan nito ang 5-porsiyentong pagdami sa mga batang naapektuhan sa nakalipas na mga taon. Sinabi ng pahayagan na sa mga kasalang ginanap noong 1950, 1 sa 10 ang nabigo sa loob ng 25 taon. Sa mga nagsipag-asawa noong 1957, halos 1 sa 8 ang naghihiwalay sa loob ng 25 taon. Ang bilang ng pag-aasawa noong 1965 na nagwakas sa loob ng 25 taon ay 1 sa 5. Kabilang sa mga nagpakasal sapol noong 1970, 1 sa bawat 3 mag-asawa ang nagdiborsiyo.
Natuklasan na ang Panlunas sa Lahat?
Ayon sa isang pagsusuri, “ang pagkain na mababa sa taba at sagana sa prutas at gulay ay natuklasan sa kauna-unahang pagkakataon na mabilis na nakapagpapababa ng presyon ng dugo at kasimbisa ng mga gamot,” ang ulat ng The New York Times. Sinabi ni Dr. Denise Simon-Morton, lider ng Prevention Scientific Research Group sa National Heart, Lung and Blood Institute, na ipinakikita ng pagsusuri na “malulunasan ng pagkain nito ang lahat ng problema sa kalusugan”—tumutulong na maiwasan ang sakit sa puso, mataas na presyon sa dugo, at maraming kanser. Pinatunayan ng pagsusuri ang mga epekto ng pagbabago ng pagkain sa daan-daang nasa hustong gulang na nasa anim na medikal center sa palibot ng bansa. Ang mga kalahok ay pinaghiwa-hiwalay sa tatlong grupo. Ang isang grupo ay binigyan ng pagkain na katulad sa “pangkaraniwang” pagkain ng Amerikano. Ang ikalawang grupo ay pinakain ng maraming prutas at gulay, subalit ang lahat ng ibang bagay ay katulad ng pangkaraniwang pagkain ng Amerikano. Ang ikatlo ay pinakain ng maraming prutas, gulay, at mga produktong mababa sa taba na mababa rin sa kabuuang taba, kolesterol, at saturated fat. Ang ikalawa at ikatlong grupo ay kapuwa bumaba ang presyon ng dugo na may kahanga-hangang medikal na ulat, subalit ang ikatlong grupo ang nakitaan ng pinakamabuting mga resulta. Para sa mga kalahok na may mataas na presyon ng dugo, ang mga resulta ay mabuti o mas mabuti pa nga kaysa nagawa ng pag-inom ng gamot. Kalakip sa dalawang diyeta ang siyam hanggang sampung ahin ng prutas at mga gulay sa bawat araw.
Bumabalik sa Trabaho ang mga Tao sa Hapon
“Isang malaking pagbabago ang nagaganap sa industriya ng mga Hapones,” ang sabi ng newsmagazine na Far Eastern Economic Review. “Sa loob ng dalawang dekada, pinagsikapang abutin ng mga pabrikang Hapones ang pinakamahusay na magagawa nang palitan ng makina ang mga tao. Ngayon ay bumabalik na ang tao. Ang ilang malalaking pagawaan ay talagang biglang nag-alis ng mga robot na nasa magkakasunod na hanay ng pagawaan at pinalitan ang mga ito ng mga tao.” Bakit? Sapagkat taglay ng mga tao ang isang bagay na wala ang mga robot—ang pagkabumabagay. Kapag magpapalit na ng modelo ng produkto, mabilis na nakababagay ang mga tao, samantalang gugugol naman ng mga buwan upang maiprogramang muli ang mga robot. “Noon, ginagamit namin ang mga tao na para bang mga robot,” ang sabi ni Tomiaki Mizukami, presidente ng pabrika ng NEC. “Subalit ngayon ay kailangang gamitin natin ang kanilang talino. Ang paggamit ng robot ay mabuti, subalit ngayo’y natutuklasan natin na ang paggamit ng mga tao ay talagang mas mabilis.” Halimbawa, natuklasan na ang mga manggagawa sa NEC ay makabubuo ng mga telepono na 45 porsiyento na mas mahusay kaysa mabubuo ng mga robot. Mas kakaunti rin ang lugar na inuukupa ng mga tao kaysa mga makina, at dahil sa mas simpleng mga makinang ito anupat kakaunting mga mekaniko ang kailangan at mas mababa ang gastos sa pagmamantini. “Pagkalipas ng dalawa o tatlong taon ng pag-eeksperimento na walang gaanong awtomatikong makina, sinasabing ang mga may pagawaan ay nakatitipid ng malaking salapi at may mas mataas na produksiyon,” ang sabi ng magasin.
“Bagong” mga Piramide na Tatanawin
Sa loob ng mga taon ang mga turista ay nagkakalipumpon upang makita ang Great Pyramid sa Giza, na itinayo ni Haring Khufu—na kilala rin bilang Cheops. Subalit kakaunti ang nakakita ng mga monumento na iniwan ng kaniyang ama, si Snefru. Iyan ay sa dahilang ang huling nabanggit ay hindi maaaring puntahan, na napalibutan ng himpilan ng hukbo sa Dahshûr. Subalit nagbago na iyan. Binuksan ngayon ng nakatataas na Council of Antiquities ng Ehipto ang lugar para sa publiko. Mula sa 11 piramide na naroroon, 3 ang itinayo ni Snefru—lahat-lahat ay 5 ang nagawa niya—at kasama na ang Red Pyramid, ang unang ginawa na makinis ang mga tabi. Ang dating itinayong mga piramide ay may baitang sa gilid. Marahil ang mas nakaiintriga ay ang Bent Pyramid, tinawag ng gayon dahil ang matarik na pagkakahilig nito sa bandang ibaba ay nagbago nang biglang-bigla sa kalahatian sa itaas na bahagi. Ang matarik na pagkakahilig ay waring sumisira ng loob ng mga magnanakaw ng bato, na siyang dahilan kung bakit ang piramideng ito ang pinakanaingatan ang panlabas na takip sa anumang mga piramide sa Ehipto. Samantalang ang naunang mga hari ay dinidiyos nang husto pagkamatay lamang, “ipinahayag ni [Snefru] ang kaniyang sarili bilang ang nabubuhay na diyos ng araw na si Re,” ang sabi ng magasing Time. “Si Snefru ay inilibing sa Red Pyramid, inilagay sa isang napakagandang libingan na may tatlong silid na inaakalang siyang pinakamaganda noong panahon ng Sinaunang Kaharian.”