Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 7/22 p. 18-20
  • Bakit Ako na Lang Lagi ang May Kasalanan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Ako na Lang Lagi ang May Kasalanan?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Naninisi ang mga Magulang
  • Mga Pamilyang May Problema
  • Pakikitungo sa Di-makatuwirang Paninisi
  • Paano Ko Mapahihinto ang Palaging Paninisi sa Akin?
    Gumising!—1997
  • Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Paano Kung Nag-aaway Sina Tatay at Nanay?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Mga Nagsosolong Magulang, Maraming Problema
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 7/22 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Ako na Lang Lagi ang May Kasalanan?

“Ang aking tatay ay may alerdyi at nagtatrabaho siya na kasa-kasama ang mga taong naninigarilyo. Kapag umuuwi siya ng bahay, kung minsa’y galit na galit siya. Maiwawaglit niya ang mga bagay-bagay at ako ang sisisihin niya rito. Kapag sinabi ko sa kaniya na siya ang nakawala nito, magagalit siya at sasabihin niya sa akin na hindi ko siya dapat pagsabihan.”​—Isang tin-edyer na babae.

KUNG minsan ba’y nadarama mo na ikaw ang sinasangkalan ng iyong pamilya? Para bang ang anumang hindi mabuting bagay na mangyayari ay isinisisi sa iyo? Waring totoo iyan para sa 14-na-taong-gulang na si Joy. Siya’y bahagi ng isang pamilya na may nagsosolong magulang at malimit na siya ang nag-aalaga sa kaniyang mas nakababatang mga kapatid. “Mananaog ako kapag nagsimula silang mag-away,” ang reklamo ni Joy. “Mistula silang mga hangal at parang mga bata, at kapag umuwi ng bahay si Itay, bubulyawan niya ako dahil sa wala ako roon upang pahintuin ang pag-aaway.”

Kung tinatawag ka ng iyong mga magulang na laki sa layaw, tamad, o iresponsable o nagbabansag pa ng ibang tawag anupat para bang nakabaon na ang iyong mga pagkakamali, kung minsan pa nga ay parang inaasahan nilang mabibigo ka. Binansagan si Ramon ng kaniyang pamilya na propesor na lumilipad ang isip​—isang palayaw na kinamumuhian niya. Baka kinaiinisan mo rin ang isang palayaw o bansag na nagpapatingkad ng iyong mga pagkakamali, kahit na ito’y sinasabi nang may paglalambing. Sa halip na himukin kang magbago, ang negatibong pagbabansag ay baka lamang magpatindi sa iyong nadarama na ikaw ang laging masisisi.

Ang paninisi ay lalong masakit kapag ito’y waring bunga ng paboritismo. “Ako ang panggitnang anak,” ang sabi ng isang tin-edyer na nagngangalang Frankie, “at ako ang laging kawawa sa huli.” Para bang ang iyong mga kapatid ay walang kasalanan subalit ikaw ang pinananagot kapag nagkaproblema.

Kung Bakit Naninisi ang mga Magulang

Mangyari pa, normal lamang para sa mga magulang na ituwid ang kanilang mga anak kapag sila’y nagkamali. Aba, ang pagbibigay ng kapaki-pakinabang, positibong pagtutuwid ay isa sa mga paraan ng pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Subalit, kung minsan maging ang pinakamabuting mga magulang ay maaaring magalit nang husto o pabigla-bigla pa ngang gumawa ng maling mga konklusyon. Gunitain ang isang pangyayaring naganap nang si Jesus ay bata pa. Sa pagkakataong ito ay nawawala si Jesus. Siya pala’y nasa templo ng Diyos, at nakikipagtalakayan tungkol sa Bibliya. Magkagayon man, nang masumpungan siya ng kaniyang mga magulang, nagtanong ang kaniyang ina: “Anak, bakit mo kami pinakitunguhan nang ganito? Narito ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo na nasa pagkabagabag ng isip.”​—Lucas 2:48.

Yamang si Jesus ay sakdal, walang dahilan upang matakot na siya’y masasangkot sa masamang paggawi. Subalit tulad ng lahat ng mapagmahal na mga magulang, nadama ng kaniyang ina ang pananagutan sa kaniyang anak at totoong nagalit, marahil ay natatakot na baka may mangyaring hindi mabuti sa kaniya. Gayundin, baka magalit nang husto ang iyong mga magulang kung minsan, hindi dahil sa sila’y masama o malupit, kundi dahil sa sila’y talaga lamang nagmamalasakit sa iyo.

Isip-isipin mo rin na tayo’y nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Dahil sa pagtatrabaho at pangangalaga sa inyong tahanan, ang iyong mga magulang ay totoong nakararanas ng matinding kaigtingan, at ito’y nakaaapekto sa paraan ng kanilang pakikitungo sa iyo. (Ihambing ang Eclesiastes 7:7.) Ganito ang sabi ng isang manggagawa sa kalusugang-pangkaisipan: “Sa ilang pamilya, kapag nagkakaroon ng problema, madaling mag-init ang ulo ng mga magulang at makagawa ng pabigla-biglang desisyon bagaman sila’y mga taong likas na walang kinikilingan.”

Ang mga nagsosolong magulang ay lalo nang madaling magbunton ng kanilang sama ng loob sa kanilang mga anak, dahil sa wala silang kabiyak na maaari nilang makausap tungkol sa mga bagay-bagay. Sabihin pa, ang mapagbuntunan ng matinding galit ng isang magulang dahil sa personal na kabiguan niya ay hindi nakatutuwa. Ganito ang sabi ng 17-taong-gulang na si Lucy: “Kung may ginawa akong masama at kailangan akong parusahan, okey lang sa akin iyon. Pero kapag ako’y pinarusahan dahil masama ang kondisyon ng aking ina, talagang hindi makatuwiran iyan.”

Ang paboritismo ay isa pang dahilan. Bagaman karaniwang mahal ng isang magulang ang lahat ng kaniyang mga anak, pangkaraniwan nang may itinatangi siyang anak.a (Ihambing ang Genesis 37:3.) Ang madama na ikaw ang anak na hindi gaanong mahal ay masakit na mismo. Subalit kung waring ang iyong mga pangangailangan ay ipinagwawalang-bahala o na malimit kang masisi sa mga bagay na ginawa ng iyong mga kapatid, tiyak na sasama ang iyong loob. “Mayroon akong kapatid, si Darren,” ang sabi ng kabataang si Roxanne. “Siya ang munting anghel ni Inay. . . . Lagi akong sinisisi ni Inay, pero hindi kailanman si Darren.”

Mga Pamilyang May Problema

Nangyayari paminsan-minsan sa mabuting mga pamilya ang di-makatuwirang paninisi. Subalit sa mga pamilyang may problema ay baka patuloy ang paninisi, panghihiya, at panghahamak ng mga magulang. Kung minsan ang paninisi ay may kasama pang “mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita.”​—Efeso 4:31.

Masisisi ba ang isang kabataan dahil sa gayong silakbo ng galit ng mga magulang? Totoo na ang isang masuwaying anak na lalaki o babae ay maaaring maging isang “kapaitan” sa isang magulang. (Kawikaan 17:25) Gayunman, sinabi ng Bibliya sa mga magulang ang ganito: “Huwag ninyong inisin [sa literal, “pukawin sa galit”] ang inyong mga anak.” (Efeso 6:4) Para sa lahat ng Kristiyano, dapat na magkaroon ng pagpipigil-sa-sarili ang isang magulang, “nagpipigil sa ilalim ng kasamaan.” (2 Timoteo 2:24) Kaya kapag hindi nakapagpigil-sa-sarili ang isang magulang, hindi niya dapat ibunton ito sa mga pagkakamali ng kaniyang anak.

Ang panlalait ay maaaring katunayan na ang isang magulang ay nakararanas ng kabalisahan sa emosyon, panlulumo, o mababang pagpapahalaga-sa-sarili. Maaari rin nitong ipahiwatig ang mga problemang gaya ng kabalisahan sa pag-aasawa o alkoholismo. Ayon sa isang pinagmulan ng impormasyon, ang mga anak ng mga magulang na sugapa ay malimit na nagiging pinakasangkalan. “Wala silang ginawang tama. Sila’y maaaring tawaging ‘tanga,’ ‘masama,’ ‘sakim,’ at iba pa. Sa gayon ang mga miyembro ng pamilya ay nagtutuon ng pansin sa bata (o mga bata) na kinikilalang ‘problema’ at nagagambala mismo ng kanilang nadaramang pagkaasiwa at mga problema.”

Pakikitungo sa Di-makatuwirang Paninisi

Si Dr. Kathleen McCoy ay nagsabi nang ganito: “Ang pagbabansag, pangmamata at pamimintas sa personalidad ng [isang] bata . . . ay maaaring maging salik sa mababang pagpapahalaga-sa-sarili, panlulumo at hindi pakikipag-usap ng isang tin-edyer.” O gaya ng sabi ng Bibliya, ang malupit na pagtrato ay maaaring ‘makapukaw sa galit’ ng mga anak at maaaring “masiraan [sila] ng loob.” (Colosas 3:21) Baka maisip mo na ikaw ay walang kabuluhang tao. Baka magkaroon ka rin ng negatibong damdamin sa iyong mga magulang. Maaaring mahinuha mo na wala ka nang gaanong magagawa upang mapaluguran sila at wala nang dahilan para sikapin pang gawin iyon. Ang galit at sama ng loob ay maaaring sumibol, anupat magpapangyari sa iyo na tanggihan ang anumang disiplina​—maging ang kapaki-pakinabang na pagpuna.​—Ihambing ang Kawikaan 5:12.

Paano mo ito mapakikitunguhan? Ang malaking bagay ay nakadepende sa iyong partikular na kalagayan. Bakit hindi ka huminto at dilidilihin ito sa makatotohanang paraan? Halimbawa, talaga bang totoo na lagi kang sinisisi? O baka naman may tendensiya lamang ang iyong mga magulang na maging labis na mapamuna kung minsan at makapagsalita nang maling bagay? “Sapagkat tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit,” ang sabi ng Bibliya, at kasama riyan ang mga magulang. (Santiago 3:2) Kaya kahit na kung ang iyong mga magulang ay medyo maging labis ang reaksiyon sa pana-panahon, kailangan bang salubungin mo rin ang kanilang galit? Ang payo ng Bibliya sa Colosas 3:13 ay angkop na angkop: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”

Ang empatiya sa iyong mga magulang ay makatutulong sa iyo na gawin ito. Ganito ang sabi ng Kawikaan 19:11: “Ang matalinong unawa ng tao ay nagpapakupad sa galit, at ang kaluwalhatian na kaniyang paraanin ang pagkakasala.” Kung ang iyong itay ay waring di-pangkaraniwan na nagiging maramdamin kapag umuuwi sa bahay mula sa trabaho at sinisisi ka sa isang bagay na hindi mo naman ginawa, kailangan pa bang palakihin ang usaping iyon? Ang pagkabatid na baka siya’y maigting at pagod ay maaaring makatulong sa iyo na ‘paraanin ang pagkakasala.’

Kumusta naman kung ang di-makatuwirang paninisi ay hindi lamang paminsan-minsang nakagagalit kundi palagi at walang lubay? Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap ang mga paraan upang mapabuti ang iyong kalagayan.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit ba Napakahirap Makasundo ang Aking Kapatid na Lalaki at Babae?” sa aming labas ng Hulyo 22, 1987.

[Larawan sa pahina 19]

Makatuwiran para sa isang magulang na magbigay ng nagtutuwid na payo kapag kinakailangan ito

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share