Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 7/22 p. 21-23
  • Talaga Bang Nangungusap ang mga Tambol ng Aprika?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Talaga Bang Nangungusap ang mga Tambol ng Aprika?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Wika ng Tambol
  • Pakikipag-usap sa Pamamagitan ng Slit-Drum
  • Ang mga Tambol na Pinakamahusay Mangusap sa Lahat
  • “Ang Tambol na May Sari-saring Tunog”
    Gumising!—2003
  • Isang Jazz Drummer ay Nakasumpong ng Kaligayahan
    Gumising!—1988
  • ‘Kung Sana’y Makatutugtog Akong Gaya Niyan!’
    Gumising!—1991
  • Mga Gawa ng mga Saksi ni Jehova sa Modernong Panahon
    2004 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 7/22 p. 21-23

Talaga Bang Nangungusap ang mga Tambol ng Aprika?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria

SA KANIYANG paglalakbay sa Congo River noong 1876-77, ang manggagalugad na si Henry Stanley ay nagkaroon ng kaunting pagkakataon upang pag-isipan ang kahalagahan ng pagtatambol sa lugar na yaon. Para sa kaniya at sa kaniyang mga kasamang naglalakbay, ang mensaheng inihahatid ng mga tambol ay maaaring karaniwang buorin sa isang salita: digmaan. Ang malabong tunog na kanilang narinig ay nangangahulugan na sila’y sasalakayin ng malulupit na mandirigma na nasasandatahan ng mga sibat.

Sa dakong huli na lamang, sa panahong mas mapayapa na nalaman ni Stanley kung gaano karaming mensahe ang maihahatid ng tambol kaysa pagtawag lamang para sa digmaan. Ganito ang isinulat ni Stanley bilang paglalarawan sa isang grupong etniko na matagal nang nabubuhay sa Congo: “Hindi pa [nila] nagagawa ang mga hudyat sa pamamagitan ng kuryente subalit sila’y nagtataglay, sa paano man, ng isang sistema ng komunikasyon na kasimbisa nito. Ang kanilang naglalakihang mga tambol na hinahampas sa iba’t ibang bahagi ay nangungusap nang kasinlinaw ng tinig para sa nakauunawa nito.” Natanto ni Stanley na higit ang kahulugan ng inihuhudyat ng mga tambol kaysa inihuhudyat ng isang trumpeta o sirena; ang mga tambol ay naghahatid ng espesipikong mga mensahe.

Ang gayong mga mensahe ay maaaring paabutin sa iba’t ibang nayon. Ang ilang tambol ay naririnig sa layong lima hanggang pitong milya, lalo na kung ang mga ito’y tinatambol sa gabi mula sa naglalayag na balsa o sa tuktok ng burol. Pinakikinggan, inuunawa, at inihahatid ng mga nagtatambol sa malayo ang mga mensahe sa iba. Ang Ingles na manlalakbay na si A. B. Lloyd ay sumulat noong 1899: “Sinabi sa akin na mula sa iba’t ibang nayon, sa layong mahigit na 100 milya, ang mensahe ay maaaring ihatid nang wala pang dalawang oras, at naniniwala ako na posibleng gawin ito sa kaunting oras.”

Sa paglipas ng ika-20 siglo, patuloy na may ginampanang mahalagang bahagi ang mga tambol sa paghahatid ng impormasyon. Ang aklat na Musical Instruments of Africa, na inilathala noong 1965, ay nagsasabi: “Ang mga tambol na nangungusap ay ginamit bilang mga telepono at telegrapo. Ang lahat ng mensahe ay inihahatid​—upang ipaalam ang pagsilang, pagkamatay, pag-aasawa; mga laro, sayawan, at mga seremonya para sa inisasyon; mga mensahe sa pamahalaan, at digmaan. Kung minsan ang mga tambol ay naghahatid ng tsismis o mga biro.”

Subalit paano ba nakikipagtalastasan ang mga tambol? Sa Europa at saanman, ang mga mensahe ay inihahatid sa pamamagitan ng kuryente sa linya ng telegrapo. Ang bawat titik sa alpabeto ay nakatakda sa sarili nitong mga kodigo kaya maaaring baybayin ang bawat titik ng mga salita at mga pangungusap nang paisa-isa. Gayunman, ang mga tao sa Gitnang Aprika ay walang nakasulat na wika, kaya hindi nababaybay ng mga tambol ang mga salita. Ang mga nagtatambol sa Aprika ay gumagamit ng ibang sistema.

Ang Wika ng Tambol

Ang pinakasusi sa pag-unawa sa sinasabi ng tambol ay nakasalig sa mga wikang Aprikano mismo. Ang maraming wika sa Gitna at Kanlurang Aprika ay pangunahin nang may dalawang tono​—bawat pantig ng bawat binibigkas na salita ay may isa sa dalawang pangunahing tono, alin sa mataas o mababa. Nagbabago ang salita kapag nagbabago ang tono. Kuning halimbawa ang salitang lisaka, mula sa wikang Kele ng Zaire. Kapag ang lahat ng tatlong pantig ay binigkas sa mababang tono, ang salita ay nangangahulugang “lusak o latian”; ang mababa-mababa-mataas na pagbigkas ng mga pantig ay nangangahulugang “pangako”; ang mababa-mataas-mataas na tono ay nangangahulugang “lason.”

Ang mga slit-drum (mga tambol na may biyak o guwang) ng Aprika na ginagamit upang maghatid ng mensahe ay may dalawang tono rin, mataas at mababa. Gayundin, kapag naghatid ng mensahe ang mga tambol na binalutan ng balat ng hayop, ang mga ito’y ginagamit na may pares, ang isang tambol ay may mataas na tono at ang isa naman ay may mababang tono. Kaya, nakikipag-usap ang isang bihasang nagtatambol sa pamamagitan ng pagtulad sa tono ng mga salitang bumubuo sa wikang binibigkas. Ganito ang sabi ng aklat na Talking Drums of Africa: “Ang sinasabing wika ng tambol ay kasinghalaga ng sinasalitang wika ng tribo.”

Mangyari pa, ang dalawang tonong wika ay karaniwang maraming salita na may magkakaparehong tono at mga pantig. Halimbawa, sa wikang Kele, halos 130 pangngalan ang may iisang anyo ng tono (mataas-mataas) gaya ng salitang sango (ama). Mahigit na 200 ay may katulad na anyo ng tono (mababa-mataas) gaya ng nyango (ina). Upang maiwasan ang kalituhan, nagbigay ng konteksto ang mga nagtatambol para sa gayong mga salita, inilalakip ang maiikli at kilalang mga parirala na may sapat na pagkakaiba-iba upang maunawaan ng nakikinig kung ano ang sinasabi.

Pakikipag-usap sa Pamamagitan ng Slit-Drum

Ang isang uri ng nangungusap na tambol ay ang kahoy na slit-drum. (Tingnan ang larawan sa pahina 23.) Ang gayong mga tambol ay nabuo mula sa pag-ukit ng hungkag sa isang bahagi ng puno. Walang takip na balat sa magkabilang dulo nito. Bagaman ang tambol sa larawan ay may dalawang biyak o guwang, marami ang may iisa lamang biyak. Ang isang hampas sa isang gilid ng guwang ay maglalabas ng mataas na tono; ang isang hampas naman sa kabila ay maglalabas ng mababang tono. Ang slit-drum ay karaniwang isang metro ang haba, bagaman ang mga ito’y maaaring maging kasing-ikli ng kalahating metro o kasinghaba ng dalawang metro. Ang diyametro ay mula sa dalawampung centimetro hanggang sa isang metro.

Ang mga slit-drum ay ginagamit hindi lamang sa paghahatid ng mga mensahe mula sa iba’t ibang nayon. Inilarawan ng isang awtor mula sa Cameroon na si Francis Bebey ang ginagampanan ng mga tambol sa labanan ng pagbubunuan. Habang naghahanda ang dalawang magkalabang pangkat upang magtagpo sa plasa ng nayon, ang mga kampeon ay sumasayaw sa ritmo ng mga slit-drum samantalang ang mga tambol ay tumutunog upang papurihan sila. Ang tambol ng isang panig ay magpapahayag: “Kampeon, natagpuan mo na ba ang iyong katapat? Sino ang makakalaban mo, sabihin mo sa amin? Ang mahihinang nilalang na ito . . . iniisip nila na matatalo ka ng mahinang [kaluluwang] ito na tinatawag nilang kampeon . . . , subalit walang makatatalo sa iyo.” Mauunawaan naman ng mga manunugtog ng kalabang kampo ang mapagpatawang panunuksong ito at mabilis na tutugunin ito ng isang kawikaan sa pamamagitan ng pagtatambol: “Ang munting unggoy . . . ang munting unggoy . . . ibig niyang umakyat ng puno subalit iniisip ng lahat na siya’y mahuhulog. Subalit matigas ang ulo ng munting unggoy na ito, aakyat siya sa pinakatuktok, ang munting unggoy na ito.” Patuloy na lilibangin ng mga tambol ang buong labanan sa pagbubunuan.

Ang mga Tambol na Pinakamahusay Mangusap sa Lahat

Ang mga pressure drum ay nakahihigit. Ang mga tambol na iyong nakikita sa larawan sa kanan ay tinatawag na dundun; ang kilalang tambol na nagsasalita ng mga taong Yoruba, mula sa Nigeria. Ang tambol na ito, na may hugis na gaya ng hourglass, ay may takip sa magkabilang dulo na yari sa manipis, kinulting balat ng kambing. Ang mga takip ng magkabilang dulo ay pinagdurugtong sa pamamagitan ng taling balat. Kapag ang mga taling balat ay binatak, humihigpit ang takip sa dulo ng tambol anupat ito ang naglalabas ng mga nota na nasa oktaba o higit pa. Sa pamamagitan ng nakabaluktot na panghampas ng tambol at pagbabago ng tono at ritmo ng tunog, maaaring magaya ng isang bihasang nagtatambol ang pagtaas at pagbaba ng tinig ng tao. Kaya maaaring “makipag-usap” ang mga nagtatambol sa ibang nagtatambol na nakapagbibigay-kahulugan at nakatutugtog ng wika sa pamamagitan ng tambol.

Noong Mayo 1976 ang kahanga-hangang kakayahan ng mga nagtatambol na makipag-usap sa pamamagitan ng mga tambol ay ipinamalas ng mga abay na manunugtog ng isang pinunong Yoruba. Ang mga boluntaryo mula sa tagapakinig ay bumubulong ng magkakasunod na mga tagubilin sa pinakapinuno ng mga nagtatambol na, siya namang magtatambol ng mga tagubilin sa isa pang manunugtog na nasa malayo mula sa looban. Ang manunugtog ay magpapalipat-lipat ng lugar bilang pagtugon sa mga tagubilin mula sa tambol at isasagawa ang anumang kilos na hiniling na gawin niya.

Hindi madaling matutuhan ang paghahatid ng mensaheng tinatambol. Pansinin ang sinabi ng manunulat na si I. Laoye: “Ang pagtatambol ng mga Yoruba ay masalimuot at mahirap na sining anupat humihiling ito ng maraming taon ng pag-aaral. Ang nagtatambol ay hindi lamang hinihilingang magtaglay ng napakahusay na kakayahan sa kamay at ritmo, kundi ng isang mabuti rin namang memorya sa panitikan at kasaysayan ng bayan.”

Nitong nakaraang mga dekada ang mga tambol ng Aprika ay hindi gaanong nangungusap gaya ng dati, bagaman napananatili pa rin ng mga ito ang mahalagang bahaging ginagampanan sa musika. Ganito ang sabi ng aklat na Musical Instruments of Africa: “Napakahirap matutuhan ng paghahatid ng mensahe sa mga tambol; kaya, ang sining na ito ay napakabilis maglaho sa Aprika.” Ganito pa ang sabi ng espesiyalista sa media na si Robert Nicholls: “Ang naglalakihang mga tambol noon, na ang mga tinig ay umaabot ng milya-milyang layo at na ang tanging gamit ay maghatid ng mga mensahe, ay nakatakdang maglaho.” Higit na kumbinyente para sa karamihan ng mga tao sa ngayon ang gumamit ng telepono.

[Larawan sa pahina 23]

Slit-drum

[Larawan sa pahina 23]

Nangungusap na tambol ng mga Yoruba

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share