Ang “Great Rift Valley”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya
ITO’Y isang napakalaking trinsera, isang hukay sa balat ng lupa na gayon na lamang kalaki anupat maaari itong makita mula sa buwan! Ito’y mula sa Libis ng Jordan sa gawing hilaga ng Israel hanggang sa Mozambique—pagkalawak-lawak na 6,400 kilometro—tinatalunton ng kahabaan nito ang kontinente ng Aprika.
Noong 1893, ang heologong taga-Scotland na si J. W. Gregory ang unang gumawa ng detalyadong pagsusuri sa kahanga-hangang kalikasang ito. Natanto ni Gregory na ang napakalaking trinsera ay nabuo, hindi dahil sa pagkaagnas mula sa tubig at hangin, kundi “sa pamamagitan ng paglubog ng mabigat na bato, samantalang ang karatig na lupa ay nananatiling hindi gumagalaw.” (Ihambing ang Awit 104:8.) Tinawag niya ang napakalaking guwang na ito sa ibabaw ng lupa na Great Rift Valley.
Hanggang sa ngayon ay hindi lubusang maunawaan ng mga siyentipiko ang mga puwersa sa ilalim ng lupa na lumikha sa libis na ito sa nakalipas na libu-libong taon. Magkagayon man, hindi mapipigilang humanga ang isa dahil sa napakaraming sari-saring bagay na masusumpungan doon. Masusumpungan sa bahagi ng Great Rift Valley na nasa gawing Aprika, na nagsisimula sa Ethiopia, ang isa sa nakatatakot na lugar sa balat ng lupa, ang Danakil Depression, (na kilala rin bilang Afar Triangle). Ang pagkalaki-laking lunas na ito ng alat ay humahangga sa Dagat na Pula at isang disyerto na may lawak na 150,000 kilometro kudrado. Ang lupa rito ay lumubog ng 120 metro ang lalim sa hangganan ng dagat. Ang temperatura ay maaaring tumaas hanggang sa pagkainit-init na 54 digri Celsius. Mula roon ang guwang ay tumataluntong pataas sa bulubunduking mga lupa ng Etiopia—isang malamig na lugar na 1,800 metro sa itaas ng hangganan ng dagat, na ang pinakatuktok ng bundok ay umaabot hanggang sa kasintaas ng 4,300 metro. Ang makapal na maulang gubat ay tumatakip sa mga dalisdis ng matabang bulubunduking mga lupain, na siyang nagtutustos ng tubig sa maraming ilog, gaya ng Blue Nile. Kung maglalakbay sa bandang timog patungo sa silangang pasangang-daan nito, ang guwang ay tuluy-tuloy na tumataas at bumababa sa napakagandang ayos.
Masusumpungan sa kahabaan ng Great Rift Valley ang mga tuktok ng bulkan na may iba’t ibang hugis at laki gayundin ang mas maliliit na guwang na nagsanga ang daan. Sa dakong kanluran ng guwang, ang mga pagyanig ng bulkan ang bumuo sa hanay ng mga bundok sa Ruwenzori at Virunga na nag-ugnay sa mga hangganan ng Rwanda, Zaire, at Uganda. Ang ilang taluktok ay nakikitaan pa rin ng palatandaan ng pagyanig dahil sa init sa ilalim ng lupa at paminsan-minsang bumubuga ng usok at laba na nagbabaga sa init. Hindi malayo sa silangang dako ng guwang, ang sinaunang mga taluktok ng bulkan gaya ng Kilimanjaro at Bundok ng Kenya ay gayon na lamang kataas anupat sa kabila ng matinding init ng araw sa ekwador, ang mga tuktok nito’y natatakpan ng niyebe. Ang mainit na mga bukal ay naglalabas ng singaw at ang pagkainit-init na tubig ay masusumpungan din sa buong kahabaan ng Rift Valley, na nagpapatunay sa pagyanig na umiiral pa rin sa kailaliman ng balat ng lupa.
Humahangga ang libis sa dako pa roon sa katimugan, sa Tanzania, ang napakalawak na kapatagan ng damo. Ito’y tinatawag na siringet sa wikang Masai, ang salitang nangangahulugang “malawak na kapatagan.” Ito’y mas kilala sa tawag na Serengeti Plain, ang saganang damuhan nito ang nagpapakain sa pagkarami-raming kawan ng maiilap na hayop. Dito nagaganap ang pandarayuhan ng napakaraming wildebeest—totoong isang kahanga-hangang pangyayari!
Ang mga Lawa ng Guwang
Sa kahabaan ng silangang bahagi ng Great Rift Valley sa Aprika ay masusumpungan ang magkakasunod na lawa na nagtataglay ng sodium carbonate. Ang mga kemikal na ito ay tumatagos mula sa lugar na pinatutunguhan ng tubig ng bulkan o sumasama sa mga lawa dahil sa pagyanig sa mga daan sa ilalim ng lupa. Ang ilang lawa, gaya ng Lake Turkana sa hilagaan ng Kenya, ay may kaunting alkalina. Dahil sa napalilibutan ng libu-libong kilometro kudrado ng nag-iisang ilang na disyerto, ang Lake Turkana kung minsan ay gumaganda na nagiging kulay berdeng jade at pinamumugaran ng pinakamaraming buwaya sa daigdig. Ang mga lawa na gaya ng Lawa ng Magadi sa Kenya at Lawa ng Natron sa Tanzania ay punung-puno ng asin anupat halos nagiging matitigas na deposito ito ng sapin-sapin na puting soda. Ang sanhi? Ang kawalan ng malalabasan na magtatangay sa mga asin. Ang karamihan ng tubig ay nakalalabas sa pamamagitan ng pagsingaw, anupat naiiwan ang purung-purong mga mineral. Kakaunting hayop ang nabubuhay sa lugar na ito at sa palibot ng mapait na tubig ng mga lawang soda ng Rift Valley. Gayunman, kapansin-pansing eksepsiyon ang kulay rosas na mga flamingo na nagpapalipat-lipat sa mga lawang soda, na nanginginain ng pagkaliliit na lumot na nabubuhay sa napakatapang na tubig. Dito ang mga flamingo ay nagtitipun-tipon na ubod nang dami, anupat ito’y mistulang umaalong dagat na kulay rosas.
Ang isa pang nabubuhay na hayop sa nakamamatay na tubig na ito ay ang maliit na isdang tinatawag na tilapia grahami. Ang isdang ito na hindi tinatablan ng alkalina ay malimit na masumpungan sa mga lagusan ng singaw sa ilalim ng tubig, kung saan ang tubig ay napakainit anupat hindi ito mahawakan. Subalit, dito nabubuhay ang maliit na isdang ito, na nanginginain ng lumot ng lawa.
Kakaunting guwang ng lawa sa silangan ay may tubig-tabang. Ang Lawa ng Naivasha, sa Kenya, ang isa rito. Ito’y matatagpuan na 1,870 metro ang taas mula sa hangganan ng dagat, at ang napakalinaw na tubig nito ay nagiging kanlungan ng iba’t ibang uri ng isda gayundin ng mga kawan ng hippo na nagpapainit sa araw. Sa kahabaan ng dalampasigan ay makikita ang mayabong na tanim ng mga papiro at mga halamang pantubig, na nagpapakain sa mahigit na 400 iba’t ibang uri ng makukulay na ibon. Masusumpungan sa paligid ang kulay dilaw na mga punong akasya at ang nakapalibot na mga hanay ng bundok, anupat ubod nang gandang pagmasdan ang Lawa ng Naivasha.
Sa gitna ng kaanyuan ng Rift Valley ay masusumpungan ang ikalawa sa pinakamalaking bahagi ng tubig-tabang sa daigdig, ang Lawa ng Victoria. Ang tubig nito ay sumasalpok sa mga dalampasigan ng Kenya, Uganda, at Tanzania, at ito ang isa sa pinagmumulan ng tubig ng Ilog ng Nilo. Sa dulo pa sa gawing timog, ang katubigan ng Lawa ng Tanganyika ay may lalim na umaabot ng 1,440 metro. Ito ang ikalawa sa pinakamalalim na lawa sa daigdig.
Ang Napakaraming Pagkasari-sari ng mga Hayop
Ang East African Rift Valley ang bumubuhay sa napakaraming sari-saring buhay-ilang. Ang mga buffalo, giraffe, rhinoceros, at mga elepante ang ilan sa naglalakihang mga mamal na malayang nakagagala sa ilang na lugar ng guwang, sa walang-takdang lawak nito. Makikita sa tuyong mga rehiyon na walang tubig ang mga zebra, oryx, at ostrich. Ang antelope na napakagandang kumilos ay napakataas kung tumalon habang ang mga ito’y nag-uunahan sa malawak na damuhan. Ang mga lahi ng pusa na may batik na gaya ng leopardo at cheetah ay naninila sa malawak na kapatagan, at ang pag-ungol ng marangal na leon ay malimit na maririnig sa kalaliman ng gabi. Nakatira naman sa matatayog na bundok ng Virunga ang pambihirang mga bakulaw ng kabundukan. Doon naman sa ibaba sa pinakasahig ng guwang, ang mga baboon ay dahan-dahang naglalakad sa baku-bakong lupa, na naghahanap ng mga insekto, binhi, at mga alakdan. Sumasalimbay naman sa kaitaasan, ang malalakas na agila at mga buwitre na pagkalapad-lapad ng buka ng mga pakpak na ginagamit ang thermal, o tumataas na daloy ng mainit na hangin. Ang makukulay na ibong touraco, barbet, hornbill, at mga loro ay nakatira sa mababang lugar sa matinik na mga palumpong. Ang pamilya ng butiki na sari-sari ang hugis, laki, at kulay ay nagkukumamot sa pagtakbo, na para bang napapaso ang mga paa sa apoy.
Ang mga Taong Pagala-gala sa Rift
Ang East African Rift Valley ay tahanan ng maraming tribong mula sa medyo disyertong lugar na kapuwa mga pastol at mga taong gumagala-gala. Sila’y malalakas na mga tao na naglalakad nang paluksu-lukso na katangian ng Aprikanong lagalag. Sa mga lugar na kakaunti ang ulan, ang buong nayon ay malimit na nagbabalot at naglilipat upang maghanap ng bagong mapagpapastulan para sa kanilang mga alagang hayop. Bagaman walang mga pasaporte o mga visa, malaya silang nakatatawid sa walang takdang mga hangganan ng mga bansa at waring hindi interesado sa pag-unlad sa labas ng bayan at sa ibang paraan ng pamumuhay. Sa liblib na mga lugar na ito, ang buhay ay mabagal. Ang panahon ay sinusukat sa pamamagitan ng pagsikat at paglubog ng araw. Ang kayamanan ng isang tao ay natitiyak sa bilang ng mga kamelyo, kambing, baka, o mga tupa na kaniyang pag-aari o sa dami ng kaniyang anak sa kaniyang sambahayan.
Ang mga bahay ay simple ang pagkakagawa subalit sa malikhaing paraan. Ang mga sanga ng puno ay binabaluktot at sama-samang tinatali upang mabuo ang hugis simburyong kayarian. Pagkatapos ang labas nito ay palilibutan ng nilalang damo, balat ng mga hayop, o putik na hinaluan ng dumi ng baka. Ang gayong mga tahanan ay malimit na may lutuan, isang maliit na kulungan para sa alagang mga hayop, at isang kama na isang piraso lamang ng balat ng hayop. Napupuno ng usok ang bahay dahil sa apoy mula sa dapugan, anupat naiingatang walang mga langaw at lamok ang loob ng bahay. Malimit na itinatayo ng isang nayon o grupo ng pamilya ang kanilang maliit na mga kubong hugis simburyo nang pabilog na napalilibutan ng matinik na mga sanga na mahirap pasukin, anupat naiingatan ang kanilang alagang mga hayop mula sa mga hayop sa ilang kung gabi.
Sa kabuuang haba at lawak ng Great Rift Valley masusumpungan ang iba’t ibang mga tao na may natatanging mga katangian sa mukha, wika, at kaugalian, sari-sari ayon sa kani-kanilang mga tribo at lugar. Napakarami rin ng relihiyosong mga paniniwala. Ang ilan ay yumakap sa Islam; ang iba naman ay Kristiyano sa pangalan. Maraming tao ang mapamahiin at may hilig na iukol ang anumang bagay na hindi nila maunawaan sa mga puwersang sobrenatural. Nitong nakalipas na mga taon lamang marami sa liblib na lugar ang nahantad sa impluwensiya ng nasa labas ng nayon sa pamamagitan ng mga programa na nagtuturo at nagbibigay ng medikal na pangangalaga.
Hindi kataka-taka, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap din na makausap ang malalakas na pagala-galang mga taong ito. Umaasa ang mga Saksi na mapabatiran sila ng mga pangako ng Bibliya tungkol sa panahon kapag wala nang sinuman ang mahihirapan para kumuha ng kabuhayan mula sa tigang na lupa. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya, at ang ilang ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng rosa.” (Isaias 35:1) Samantala, ang Great Rift Valley ay mananatili bilang isang monumento ng malikhaing pagkasari-sari na ginawa ng Maylikha ng lahat ng bagay, ang Diyos na Jehova.
[Mapa sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ISRAEL
EHIPTO
SAUDI ARABIA
Dagat na Pula
YEMEN
Gulpo ng Aden
ERITREA
SUDAN
UGANDA
RWANDA
BURUNDI
ZAIRE
ZAMBIA
MALAWI
DJIBOUTI
ETHIOPIA
SOMALIA
KENYA
TANZANIA
MOZAMBIQUE
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1995 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 15]
Sa Serengeti Plain, isang totoong kahanga-hangang bagay ang nagaganap—ang napakalaking pandarayuhan ng wildebeest
[Credit Line]
Ibaba: © Index Stock Photography and John Dominis, 1989
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang mga flamingo ay nagtitipun-tipon na ubod nang dami, anupat mistulang umaalong dagat na kulay rosas
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ibinabahagi ng mga Saksi ni Jehova ang mensahe ng Bibliya sa mga tao sa Rift Valley