Mga Magulang na Nagigipit
ANG bagong mga magulang ay kadalasang nag-uumapaw ang puso sa kagalakan. Halos lahat ng bagay tungkol sa kanilang sanggol ay wari bang nakapagpapakilig sa kanila. Ang unang ngiti, unang salita, at unang hakbang ng sanggol ay itinuturing na napakahalagang mga pangyayari. Nililibang nila ang mga kaibigan at mga kamag-anak sa pamamagitan ng mga kuwento at mga litrato. Walang alinlangan, mahal nila ang kanilang anak.
Subalit, nagkakaroon naman ng kalunus-lunos na mga pangyayari sa ilang pamilya sa paglipas ng panahon. Ang mapaglarong pakikipag-usap ng mga magulang ay nahahalinhan ng masasakit at mapanlait na salita; ang magiliw na mga pagyapos ay nahahalinhan ng mga hampas na may kasamang galit o hindi man lamang paghaplos; ang pagmamapuri ng magulang ay nahahalinhan ng kapaitan. “Hindi ako dapat kailanman nagkaroon ng mga anak,” ang sabi ng marami. Sa ibang pamilya naman mas masahol pa ang problema—ang mga magulang ay hindi nagpakita ng pag-ibig kahit sanggol pa lamang ang bata! Sa alinmang kaso, ano ang nangyari? Nasaan ang pag-ibig?
Mangyari pa, ang mga bata ay walang kakayahang alamin ang mga sagot sa mga katanungang iyon. Subalit hindi iyan hahadlang sa kanila sa pag-abot sa kanilang sariling mga konklusyon. Sa kaibuturan ng puso, maaaring maghinuha ang bata, ‘Kung hindi ako mahal ni Nanay o ni Tatay, ito’y dahil sa may diperensiya ako. Napakasama ko siguro.’ Maaari itong lubhang paniwalaan—isa na maaaring pagmulan ng lahat ng pinsala sa buong buhay niya.
Subalit, ang katotohanan ay na hindi ipinakikita ng mga magulang sa mga anak ang pag-ibig na kailangan nila sa iba’t ibang kadahilanan. Totoong nakakaharap ng mga magulang ngayon ang matinding panggigipit, ang ilan sa mga ito ay walang-katulad ang katindihan. Para sa mga magulang na hindi handang harapin ang mga ito nang wasto, maaaring lubhang sirain ng mga panggigipit na ito ang kanilang kakayahan bilang mga magulang. Ganito ang sabi ng isang sinaunang kasabihan: “Tunay na nagpapamangmang sa pantas ang pagkapighati.”—Eclesiastes 7:7.
“Mga Panahong Mapanganib na Mahirap Pakitunguhan”
Isang sakdal-gandang panahon. Iyan ang inaasahang makita ng maraming tao sa siglong ito. Gunigunihin—wala nang panggigipit sa kabuhayan, taggutom, tagtuyot, digmaan! Ngunit ang mga pag-asang iyon ay hindi natupad. Bagkus, ang daigdig ngayon ay naging gaya ng inihula ng manunulat ng Bibliya noong unang siglo C.E. Siya’y sumulat na makakaharap natin sa ating panahon ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Karamihan ng mga magulang ang agad na sasang-ayon sa mga salitang ito.
Madalas masumpungan ng maraming bagong mga magulang ang kanilang sarili na natitigilan sa napakataas na halaga ng pagpapalaki ng mga anak sa daigdig ngayon. Kadalasan, ang dalawang magulang ay kailangang magtrabaho sa labas ng bahay upang mapaglaanan lamang ang mga pangangailangan. Ang mga gastos sa medisina, pananamit, pagpapaaral, pag-aalaga sa bata, at kahit na ang pagkain at tirahan ay pawang nakadaragdag sa maraming buwanang pagkakautang anupat nadarama ng maraming magulang na para bang sila’y nalulula sa laki ng gastos. Ang kalagayan sa kabuhayan ay nagpapagunita sa mga estudyante ng Bibliya tungkol sa hula sa Apocalipsis na humuhula tungkol sa isang panahon kapag ang mga tao ay gugugol ng kita sa maghapon upang makabili lamang ng mga pangangailangan sa buhay na tatagal lamang ng isang araw!—Apocalipsis 6:6.
Hindi maaasahang mauunawaan ng mga bata ang lahat ng panggigipit na ito na nakakaharap ng kanilang mga magulang. Hindi, sa kanila mismong kalikasan, ang mga bata ay nangangailangan, uhaw sa pag-ibig at pansin. At ang panggigipit na nakaiimpluwensiya sa kanila mula sa media at mula sa mga kaeskuwela na magkaroon ng pinakabagong laruan, damit, at mga elektroniks ay gumigipit sa mga magulang na ibigay ang humahabang listahan ng mga bagay na gusto.
Ang isa pang panggigipit sa mga magulang, na wari bang sumisidhi sa ngayon, ay ang pagiging rebelde. Kapansin-pansin, inihula ng Bibliya ang malaganap na pagsuway ng mga bata sa mga magulang bilang isa pang pahiwatig ng ating magulong panahon. (2 Timoteo 3:2) Totoo, ang mga problema tungkol sa pagdisiplina sa mga bata ay hindi bago. At hindi mabibigyang-katuwiran ng magulang ang mapang-abusong pagtrato sa isang bata dahil sa masamang asal ng bata. Subalit hindi ka ba sasang-ayon na ang mga magulang sa ngayon ay dapat makipaglaban sa pagpapalaki sa mga anak sa isang kapaligiran ng pagiging rebelde? Ang popular na musikang nagtataguyod ng poot, paghihimagsik, at kabiguan; mga programa sa TV na naglalarawan sa mga magulang bilang mga mangmang at sa mga anak bilang ang kanilang matatalinong amo; mga pelikulang lumuluwalhati sa ugaling salig sa mararahas na bugso ng damdamin—ang mga bata ngayon ay pinauulanan ng gayong mga impluwensiya. Ang mga batang nagaganyak at tumutulad sa kulturang ito ng pagrerebelde ay lubhang nagpapahirap sa kanilang mga magulang.
“Walang Likas na Pagmamahal”
Subalit, may isa pang bahagi ang sinaunang hula ring ito na nagdudulot ng higit pang problema sa pamilya ngayon. Ito’y nagpapahiwatig na maraming tao ang “walang likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:3) Ang likas na pagmamahal ay siyang nagbubuklod sa pamilya. At kahit na yaong lubhang hindi naniniwala tungkol sa hula ng Bibliya ay sasang-ayon na nasaksihan ng ating panahon ang nakagigitlang pagkasira sa buhay pampamilya. Sa buong daigdig, tumaas ang bilang ng diborsiyo. Sa maraming pamayanan, mas karaniwan ang mga pamilyang may nagsosolong magulang at mga pamilya sa pangalawang asawa. Kung minsan nakakaharap ng mga nagsosolong magulang at mga amain at madrasta ang pantanging mga hamon at panggigipit anupat nahihirapan silang magpakita sa mga bata ng pag-ibig na kailangan nila.
Subalit, mayroong mas malalim na epekto. Maraming magulang ngayon ang nagsilaki sa mga tahanan na doo’y may kaunti o walang “likas na pagmamahal”—mga tahanang pinaghiwalay ng pangangalunya at diborsiyo; mga tahanang sinira ng kawalang-damdamin at poot; marahil mga tahanan pa nga na doo’y karaniwan ang berbal, emosyonal, pisikal, o seksuwal na pag-abuso. Ang paglaki sa gayong mga tahanan ay hindi lamang pumipinsala sa mga bata kundi makapipinsala rin naman sa kanila pagsapit nila sa hustong gulang. Inilalarawan ng estadistika ang isang malagim na larawan—ang mga magulang na inabuso noong sila’y bata ay mas malamang na mang-abuso ng kanila mismong mga anak. Noong panahon ng Bibliya ang mga Judio ay may kasabihan: “Kinain ng mga ama ang hilaw na ubas, ngunit ang mga ngipin ng mga anak ang nangilo.”—Ezekiel 18:2.
Gayunman, sinabi ng Diyos sa kaniyang bayan na hindi kailangang maging gayon ang mga bagay-bagay. (Ezekiel 18:3) May isang mahalagang punto rito. Ang lahat ba ng panggigipit na ito sa mga magulang ay nangangahulugan na basta wala silang magagawa kundi pagmalupitan ang kanila mismong mga anak? Tiyak na hindi! Kung ikaw ay isang magulang at nasusumpungan mo ang iyong sarili na nakikipagpunyagi sa ilang nabanggit na panggigipit at ika’y nag-aalala kung ikaw ba kailanma’y magiging isang mabuting magulang, tibayan mo ang iyong loob! Hindi ka isang estadistika. Hindi kusang tinitiyak ng iyong nakaraan ang iyong kinabukasan.
Kasuwato ng maka-Kasulatang katiyakan na posibleng magkaroon ng pagsulong, ganito ang komento ng aklat na Healthy Parenting: “Kung hindi [ka] gagawa ng kusang mga hakbang upang gumawi nang naiiba kaysa iyong mga magulang, ang mga parisan ng iyong pagkabata ay mauulit gustuhin mo man o hindi ang mga ito. Upang maputol ang siklong ito, kailangang magkaroon ka ng kabatiran tungkol sa nakasasamang mga parisan na ipinagpapatuloy mo at alamin kung paano babaguhin ang mga ito.”
Oo, kung kinakailangan, mapuputol mo ang siklo ng mapang-abusong pagpapalaki ng mga anak! At mahaharap mo ang mga panggigipit na lubhang nagpapahirap sa pagpapalaki ng mga anak ngayon. Subalit paano? Saan mo matututuhan ang pinakamabuti, pinakamaaasahan, na mga pamantayan ng mabuting pagpapalaki ng mga anak? Tatalakayin ng aming susunod na artikulo ang paksang ito.
[Larawan sa pahina 6]
Sa ilalim ng panggigipit, hindi naipahahayag ng ilang magulang ang pag-ibig sa kanilang mga anak
[Larawan sa pahina 7]
Dapat ipahayag ng mga magulang ang pag-ibig na kailangan ng kanilang mga anak