Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 8/8 p. 8-11
  • Tulungang Sumulong ang Inyong mga Anak

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tulungang Sumulong ang Inyong mga Anak
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tamang Kapaligiran
  • Papuri
  • Komunikasyon
  • Pagsupil sa Galit
  • Pagpapanatili ng Kaayusan at Paggalang
  • Pag-alaga sa Espirituwal na mga Pangangailangan
  • Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Turuan ang Inyong mga Anak na Ibigin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Matutulungan Ka ba ng Bibliya na Sanayin ang Iyong mga Anak?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 8/8 p. 8-11

Tulungang Sumulong ang Inyong mga Anak

PAGDATING sa pagpapalaki ng anak, maraming magulang ang naghahanap sa lahat ng dako para sa mga kasagutan na, sa katunayan, ay madali nilang makukuha sa kanila mismong tahanan. Di-mabilang na mga pamilya ang may Bibliya, subalit inaalikabok lamang sa istante sa halip na gamitin sa pagpapalaki ng anak.

Tunay, marami ngayon ang nag-aalinlangan sa paggamit ng Bibliya bilang isang patnubay sa buhay pampamilya. Pinawawalang-saysay nila ito bilang lipas na, makaluma, o napakahigpit. Subalit isisiwalat ng isang tapat na pagsusuri na ang Bibliya ay isang praktikal na aklat para sa mga pamilya. Tingnan natin kung paano.

Ang Tamang Kapaligiran

Sinasabihan ng Bibliya ang ama na malasin ang kaniyang mga anak na parang “mga puno ng olibo sa palibot ng [kaniyang] dulang.” (Awit 128:3, 4) Ang batang mga puno ay hindi magiging mga punong nagbubunga kung hindi maingat na binubungkal, kung hindi bibigyan ng tamang pangangalaga, lupa, at halumigmig. Sa katulad na paraan, ang matagumpay na pagpapalaki ng anak ay nangangailangan ng pagsisikap at pangangalaga. Kailangan ng mga bata ang isang mabuting kapaligiran upang sumulong sa pagkamaygulang.

Ang unang sangkap para sa gayong kapaligiran ay pag-ibig​—sa pagitan ng mag-asawa at sa pagitan ng mga magulang at mga anak. (Efeso 5:33; Tito 2:4) Maraming miyembro ng pamilya ang nagmamahalan sa isa’t isa ngunit hindi nila nakikita ang pangangailangan na ipahayag ang pag-ibig na iyon. Gayunman, isaalang-alang ito: Wasto bang matatawag na pakikipagtalastasan sa isang kaibigan kung sinulatan mo siya subalit hindi mo kailanman nilagyan ito ng direksiyon, selyo, o ipinadala ito? Sa katulad na paraan, ipinakikita ng Bibliya na ang tunay na pag-ibig ay higit pa kaysa init na nadarama sa puso; ipinahahayag nito ang sarili sa pamamagitan ng mga salita at mga kilos. (Ihambing ang Juan 14:15 at 1 Juan 5:3.) Nagpakita ng halimbawa ang Diyos, ipinahahayag ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang Anak sa pamamagitan ng mga salita: “Ito ang aking Anak, ang iniibig, na aking sinang-ayunan.”​—Mateo 3:17.

Papuri

Paano maipakikita ng mga magulang ang gayong pag-ibig sa kanilang mga anak? Bilang pasimula, hanapin ang mabuti. Madaling hanapan ng kamalian ang mga bata. Ang kanilang pagiging bata, kawalan ng karanasan, at kasakiman ay lalabas sa maraming paraan, sa araw-araw. (Kawikaan 22:15) Subalit gagawa sila ng maraming mabubuting bagay sa bawat araw. Alin ang tututukan mo ng pansin? Hindi laging tinututukan ng pansin ng Diyos ang ating mga pagkakamali kundi inaalaala ang mabubuting ginagawa natin. (Awit 130:3; Hebreo 6:10) Dapat na gayundin ang pakikitungo natin sa ating mga anak.

Isang binata ang nagkomento: “Sa buong buhay ko sa bahay, hindi ko kailanman maalaala na pinapurihan ako sa anumang paraan​—ito man ay para sa mga nagawa sa bahay o sa paaralan.” Mga magulang, huwag ninyong waling-bahala ang mahalagang pangangailangang ito ng inyong mga anak! Ang lahat ng mga anak ay dapat na papurihan nang palagian para sa mabubuting bagay na kanilang ginagawa. Babawasan niyan ang panganib na lumaki silang “sira ang loob,” kumbinsido na ang lahat ng kanilang gawin ay hindi kailanman mabuti.​—Colosas 3:21.

Komunikasyon

Isa pang mabuting paraan upang ipahayag ang pag-ibig sa inyong mga anak ay sundin ang payo ng Santiago 1:19: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” Pinagsasalita mo ba ang iyong mga anak at talaga bang nakikinig ka sa sinasabi nila? Kung alam ng iyong mga anak na sesermunan mo sila bago pa man sila matapos magsalita o kagagalitan sila kapag nalaman mo kung ano talaga ang nadarama nila, kung gayon ay sasarilinin na lamang nila ang kanilang niloloob. Subalit kung alam nila na ikaw ay talagang makikinig, malamang na magtapat sila sa iyo.​—Ihambing ang Kawikaan 20:5.

Subalit, kumusta naman kung isiwalat nila ang mga damdamin na alam mong mali? Panahon ba ito para sa isang galit na pagtugon, isang sermon, o disiplina? Ipagpalagay na, maaaring gawing mahirap ng tulad-batang silakbo ng damdamin ang pagiging “mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” Subalit isaalang-alang muli ang halimbawa ng Diyos sa kaniyang mga anak. Lumilikha ba siya ng lubusang nakatatakot na kapaligiran, anupat ang kaniyang mga anak ay takot na magsabi sa kaniya kung ano talaga ang kanilang nadarama? Hindi! Ang Awit 62:8 ay nagsasabi: “Magsitiwala kayo sa [Diyos] sa buong panahon, O bayan. Ibuhos ninyo ang nilalaman ng inyong puso sa kaniya. Diyos ang kanlungan sa atin.”

Kaya nang mag-alala si Abraham tungkol sa pasiya ng Diyos na lipulin ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra, hindi siya nag-atubiling sabihin sa kaniyang makalangit na Ama: “Malayo ngang mangyari tungkol sa iyo na ikaw ay kumikilos sa paraang ito . . . Ang Hukom ba ng buong lupa ay hindi gagawa ng kung ano ang tama?” Hindi nagalit si Jehova kay Abraham; nakinig Siya sa kaniya at pinawi ang kaniyang mga pangamba. (Genesis 18:20-33) Ang Diyos ay lubhang matiisin at magiliw, kahit na kung ibinubuhos ng kaniyang mga anak ang kanilang mga niloloob na lubhang di-makatarungan at di-makatuwiran.​—Jonas 3:10–​4:11.

Ang mga magulang ay kailangan ding lumikha ng isang kapaligiran na doon ang mga bata ay maluwag na makapagtatapat ng kanilang niloloob, gaano man kabalisa ito. Kaya kung makabagbag-pusong sumilakbo ang damdamin ng iyong anak, makinig. Sa halip na pagalitan, kilalanin ang mga damdamin ng bata at alamin ang mga dahilan. Halimbawa, maaaring sabihin mo: ‘Mukhang galit ka kay gayo’t ganito. Gusto mo bang sabihin sa akin kung ano ang nangyari?’

Pagsupil sa Galit

Mangyari pa, walang magulang ang katulad ni Jehova sa pagkamatiisin. At tiyak na nasusubok ng mga bata ang pagtitiis ng kanilang mga magulang sa sukdulan. Kung ikaw ay nagagalit sa iyong mga anak paminsan-minsan, huwag kang mag-alala na ito’y gumagawa sa iyo na maging isang masamang magulang. Kung minsan, may katuwiran kang magalit. Ang Diyos mismo ay matuwid na nagagalit sa kaniyang mga anak, kahit na sa ilan na mahal na mahal niya. (Exodo 4:14; Deuteronomio 34:10) Subalit, ang kaniyang Salita ay nagtuturo sa atin na supilin ang ating galit.​—Efeso 4:26.

Paano? Kung minsa’y nakatutulong na magpahinga ng ilang sandali upang humupa ang iyong galit. (Kawikaan 17:14) At tandaan, Ito’y bata! Huwag mong asahan ang paggawi ng nasa hustong gulang o pag-iisip ng maygulang mula sa iyong anak. (1 Corinto 13:11) Ang pag-unawa kung bakit kumikilos ang iyong anak nang gayon ay maaaring magpahupa ng iyong galit. (Kawikaan 19:11) Huwag kailanman kaligtaan ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng paggawa ng isang masamang bagay sa pagiging masama. Ang pabulyaw na pagbabansag sa bata na siya’y masama ay maaaring magpangyari sa bata na magtanong, ‘Bakit kailangan ko pang magpakabuti?’ Subalit ang maibiging pagtutuwid sa bata ay tutulong sa bata na sumulong sa susunod na pagkakataon.

Pagpapanatili ng Kaayusan at Paggalang

Ang pagtuturo sa mga bata ng kaayusan at paggalang ay isa sa pinakamalaking hamon na nakakaharap ng mga magulang. Sa maluwag na sanlibutan sa ngayon, marami ang nagtatanong kung tama nga bang higpitan ang kanilang mga anak. Ang Bibliya ay sumasagot: “Ang pamalo at saway ay nagbibigay ng karunungan; ngunit ang batang pinababayaan ay humihiya sa kaniyang ina.” (Kawikaan 29:15) Ayaw ng ilan ang salitang “pamalo,” anupat iniisip na ito’y nagpapahiwatig ng ilang uri ng pag-abuso sa bata. Subalit hindi gayon. Ang salitang Hebreo para sa “pamalo” ay tumutukoy sa isang tungkod, gaya niyaong ginagamit ng isang pastol upang akayin​—hindi salakayin​—ang kaniyang tupa.a Kaya ang pamalo ay kumakatawan sa disiplina.

Sa Bibliya, ang magdisiplina ay pangunahin nang nangangahulugang magturo. Iyan ang dahilan kung bakit ang sinasabi ng aklat ng Kawikaan nang apat na ulit, ‘makinig ka sa disiplina.’ (Kawikaan 1:8; 4:1; 8:33; 19:27) Kailangang matutuhan ng mga bata na ang paggawa ng tama ay may kaakibat na gantimpala at na ang paggawa ng mali ay may kaakibat na masamang kahihinatnan. Ang parusa ay maaaring magkintal ng negatibong mga aral, kung paanong ang mga gantimpala​—gaya ng komendasyon​—ay maaaring magkintal ng positibong mga aral. (Ihambing ang Deuteronomio 11:26-28.) Makabubuting tularan ng mga magulang ang halimbawa ng Diyos pagdating sa parusa, sapagkat sinabi niya sa kaniyang bayan na lalapatan niya sila ng parusa “sa nararapat na antas.” (Jeremias 46:28) Ang ilang bata ay nangangailangan lamang ng matigas na pananalita upang mapatino sila. Ang iba naman ay nangangailangan ng mas mahigpit na paraan. Subalit hindi kasali sa paglalapat ng parusa “sa nararapat na antas” ang anumang bagay na maaaring makapinsala sa bata sa emosyonal o pisikal na paraan.

Dapat na kasali sa timbang na disiplina ang pagtuturo sa mga bata tungkol sa mga hangganan at mga limitasyon. Marami sa mga ito ang malinaw na isinasaad sa Salita ng Diyos. Itinuturo ng Bibliya ang paggalang sa mga hangganan tungkol sa personal na mga pag-aari. (Deuteronomio 19:14) Inilalagay nito ang pisikal na mga hangganan, anupat ginagawang mali ang pag-ibig sa karahasan o ang sadyang pagpinsala sa iba. (Awit 11:5; Mateo 7:12) Itinatakda nito ang seksuwal na mga hangganan, anupat hinahatulan ang insesto. (Levitico 18:6-18) Kinikilala pa nga nito ang personal at emosyonal na mga hangganan, na nagbabawal sa atin na bansagan ang isa ng masasamang pangalan o manlait sa iba pang paraan. (Mateo 5:22) Ang pagtuturo sa mga bata tungkol sa mga limitasyon at mga hangganang ito​—kapuwa sa salita at sa halimbawa​—ay mahalaga sa paglikha ng isang mabuting kapaligiran para sa pamilya.

Ang isa pang susi upang mapanatili ang kaayusan at paggalang sa pamilya ay nakasalalay sa pag-unawa ng mga papel sa pamilya. Sa maraming pamilya ngayon, ang gayong mga papel ay malabo o nakalilito. Sa ilan, ipagtatapat ng isang magulang ang mabibigat na problema sa isang bata, mga problemang hindi kayang lutasin ng bata. Sa iba naman, ang mga bata ay pinapayagang maging munting mga diktador, anupat nagpapasiya para sa buong pamilya. Iyon ay mali at nakapipinsala. Ang mga magulang ay hinihiling na maglaan para sa mga pangangailangan ng kanilang mas batang mga anak​—ito man ay sa pisikal, emosyonal, o espirituwal na paraan​—hindi ang kabaligtaran. (2 Corinto 12:14; 1 Timoteo 5:8) Isaalang-alang ang halimbawa ni Jacob, na nakibagay sa lakad ng kaniyang buong pamilya at mga kasama upang huwag mahirapan ang mga bata. Naunawaan niya ang kanilang mga limitasyon at kumilos nang naaayon.​—Genesis 33:13, 14.

Pag-alaga sa Espirituwal na mga Pangangailangan

Wala nang hihigit pa sa halaga ng isang mabuting kapaligiran ng pamilya kaysa sa espirituwalidad. (Mateo 5:3) Ang mga bata ay may malaking kakayahan para sa espirituwalidad. Marami silang tanong: Bakit tayo umiiral? Sino ang gumawa ng lupa at ng mga hayop, puno, karagatan nito? Bakit namamatay ang tao? Ano ang nangyayari pagkamatay? Bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao? Ang talaan ay tila ba walang katapusan. Kadalasan, ang mga magulang ang ayaw mag-isip ng gayong mga bagay.b

Hinihimok ng Bibliya ang mga magulang na gumugol ng panahon sa pagbibigay sa kanilang mga anak ng espirituwal na pagsasanay. Inilalarawan nito ang pagsasanay na iyon sa mapagmahal na mga termino na gaya ng pag-uusap sa pagitan ng mga magulang at mga anak. Matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa Diyos at sa kaniyang Salita kapag sila’y lumalakad na magkasama, nauupo sa bahay na magkasama, at sa pagtulog​—kailanma’t maaari.​—Deuteronomio 6:6, 7; Efeso 6:4.

Higit pa kaysa pagmumungkahi lamang ng gayong espirituwal na programa ang ginagawa ng Bibliya. Naglalaan ito ng mga materyal na kailangan mo. Tutal, paano mo sasagutin ang mga tanong ng mga bata na nabanggit kanina? Taglay ng Bibliya ang mga kasagutan. Ang mga ito’y malinaw, ang mga ito’y kahali-halina, at ito’y nagbibigay ng maraming pag-asa sa daigdig na ito na walang pag-asa. Higit pa riyan, ang pag-unawa sa karunungan ng Bibliya ay magbibigay sa inyong mga anak ng pinakamatibay na suporta, ng pinakatiyak na patnubay sa nakalilitong panahon sa ngayon. Bigyan ninyo sila niyan, at sila’y susulong​—ngayon at hanggang sa hinaharap.

[Mga talababa]

a Tingnan ang Gumising!, Setyembre 8, 1992, mga pahina 26-7.

b Ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya ay dinisenyo para sa pag-aaral ng pamilya at naglalaman ng maraming praktikal na patnubay mula sa Bibliya tungkol sa pag-aasawa at pagpapalaki ng anak. Ito’y inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 11]

Humanap ng mga paraan upang laging mabigyan ng papuri ang inyong anak

[Kahon sa pahina 9]

Pagtulong sa mga Anak na Sumulong

• Maglaan ng tiwasay na kapaligiran kung saan nadarama nilang sila’y minamahal at kailangan

• Regular silang papurihan. Maging espesipiko

• Maging isang mahusay na tagapakinig

• Magpahingang sandali kapag nag-iinit sa galit

• Magtakda ng maliwanag, hindi pabagu-bagong mga hangganan at mga limitasyon

• Ibagay ang disiplina sa mga pangangailangan ng bawat bata

• Huwag umasa nang higit sa iyong anak kaysa nararapat

• Pangalagaan ang espirituwal na mga pangangailangan sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos

[Kahon sa pahina 10]

Nauna Pa Kaysa Kapanahunan Nito

ANG pag-unawa sa Bibliya ay tumulong sa sinaunang bayan ng Israel na magtamasa ng isang pamantayang buhay pampamilya na totoong nakahihigit sa nakapalibot na mga bansa. Ganito ang komento ng mananalaysay na si Alfred Edersheim: “Tungkol sa mga bayan sa labas ng Israel, hindi masasabing umiral ang buhay pampamilya, o kahit na ang pamilya, gaya ng pagkaunawa natin sa mga terminong ito.” Halimbawa, para sa sinaunang mga Romano, may batas na nagbibigay sa ama ng lubos na kapangyarihan sa pamilya. Maaari niyang ipagbili ang kaniyang mga anak sa pagkaalipin, pagtrabahuin sila bilang mga obrero, o parusahan pa nga sila​—nang buong laya.

Inaakala ng ilang Romano na kakatwa ang mga Judio sa magiliw na pagtrato sa kanilang mga anak. Sa katunayan, ang Romanong mananalaysay noong unang-siglo na si Tacitus ay sumulat ng nakapopoot na mensahe laban sa mga Judio, na sinasabing ang kanilang kaugalian ay “dating lisya at kasuklam-suklam.” Subalit, kaniyang kinilala: “Isang krimen sa kanila na pumatay ng bagong-silang na sanggol.”

Ang Bibliya ay nagbibigay ng matayog na pamantayan. Itinuro nito sa mga Judio na mahalaga ang mga anak​—sa katunayan ito’y itinuturing na isang mana mula sa Diyos mismo​—at dapat na tratuhin nang nararapat. (Awit 127:3) Maliwanag na ikinapit ng marami ang payong iyon. Isinisiwalat ito kahit sa kanilang wika. Binanggit ni Edersheim na bukod sa mga salita para sa anak na lalaki at babae, ang sinaunang Hebreo ay may siyam na salita para sa mga anak, bawat isa’y kumakapit sa iba’t ibang yugto ng buhay. Halimbawa, may salita para sa isang batang sumususo pa sa ina at isang salita naman para sa isa na naawat na. Para sa mga batang malaki-laki na, may salitang nagpapahiwatig na ang mga ito’y nagiging matatag at malakas na. At para sa mas malaki nang kabataan, may salita na literal na nangangahulugang ‘palayain ang sarili.’ Ganito ang komento ni Edersheim: “Tiyak, yaong masusing nagmasid sa buhay-bata na nakapaglalarawan sa bawat sumusulong na yugto ng pag-iral nito, ay tiyak na malapit sa kanilang mga anak.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share