Ang Iyong mga Bato—Isang Pansala Para Mabuhay
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA IRELAND
ANG lupa at ang katawan ng tao ay magkatulad sa isang bagay: Upang matustusan ang buhay, parehong nangangailangan ito ng pansala. Ang lupa ay nangangailangan ng proteksiyon mula sa patuloy na pagbomba ng nakapipinsalang mga sinag mula sa araw. Ang suson ng ozone sa ating atmospera ang sumasala sa mga ito, anupat nagpapangyari sa liwanag na nagtutustos ng buhay na makapasok sa lupa. At ang iyong katawan? Inilalabas ng maraming kemikal na proseso sa iyong katawan ang nakalalasong mga sangkap at dumi sa dugong dumadaloy sa iyong katawan. Kung pananatilihin ito, magdudulot ito ng malubhang suliranin para sa iyo, maging ng kamatayan. Kailangang patuloy na salain ang mga ito at alisin.
Ang pagsasalang ito ang isa sa pangunahing gawain ng iyong mga bato. Subalit paano magagawa ng maliit na sangkap na ito ng katawan na makilala, maihiwalay, at maalis ang nakapipinsalang mga elemento, subalit kasabay nito’y matitiyak na ang mahahalagang elemento ay mananatili upang mapakain at mapangalagaan ang iyong katawan? At paano mo matutulungan ang iyong mga bato na manatiling malusog?
Ano ang Nasa Loob ng Iyong mga Bato?
Ang mga tao ay karaniwan nang may dalawang bato—masusumpungan ang bawat isa alinman sa magkabilang tabi ng gulugod sa ibabang bahagi ng likod. Ang bawat isa ay sampung centimetro ang haba, limang centimetro ang lapad, at dalawa’t kalahating centimetro ang kapal at tumitimbang ng mula sandaan at sampu hanggang sandaan at pitumpung gramo. Makikita ang ilang tiyak na mga bahagi nito kapag hiniwa sa gitna ang bato mula itaas pababa, gaya ng makikita sa kasamang larawan.
Upang mailarawan kung paano kumikilos ang bato, gunigunihin ang isang istadyum na puno ng libu-libong manonood na dumarating para sa isang paligsahan. Una, ang mga tao ay dapat na maghiwa-hiwalay sa maraming maliit na linya. Pagkatapos, ang mga tao sa bawat linya ay papasok nang isa-isa sa mga pintuang panseguridad, kung saan patatabihin ang mga taong walang tiket. Ang mga manonood na may tiket ay makapapasok upang makaupo sa nakaatas na mga upuan.
Sa katulad na paraan, ang lahat ng maraming elementong bumubuo sa iyong dugo ay kailangang umikot sa iyong buong katawan. Gayunman, habang ito’y ginagawa, ang mga ito’y dapat na paulit-ulit na magdaan sa iyong mga bato sa pamamagitan ng malaking mga ugat ng dugo, ang mga renal artery, isa sa bawat bato. (Tingnan ang larawan sa pahina 24.) Pagkatapos na makapasok sa bato, ang renal artery ay bubuka sa mas maliliit na ugat sa loob at labas ng mga suson ng bato. Ang iba’t ibang elemento sa iyong dugo kung gayon ay naipadadala sa mas maliliit at mas madaling pangasiwaang “mga linya.”
Sa wakas, ang dugo ay makararating sa maliliit na kumpol, ang bawat isa ay binubuo ng halos 40 ugat ng dugo na mahigpit ang pagkakabuhol at pagkaliliit. Ang bawat kumpol, na tinatawag na glomerulus, ay napalilibutan ng dalawang suson ng lamad na kung tawagin ay Bowman’s capsule.a Kapag magkasama, ang glomerulus at Bowman’s capsule ang bumubuo ng unang bahagi ng ‘mga pintuang panseguridad’ ng iyong bato, ang nephron—ang pangunahing pansala ng iyong bato. May mahigit na isang milyong nephron sa bawat bato. Subalit ang mga ito’y napakaliliit anupat kakailanganin mo ang isang mikroskopyo upang suriin ang isa!—Tingnan ang larawan ng nephron, lubusang pinalaki, sa pahina 25.
Dalawang Yugtong Pagsala sa Iyong Dugo
Ang mga selula ng dugo at mga protina sa iyong ugat ay mahalaga. Ang mga ito ang naglalaan sa iyong katawan ng mahalagang mga paglilingkod gaya ng pagtutustos ng oksiheno, pagsasanggalang, at pagsasaayos ng pinsala. Upang maiwasan ang pagkawala ng mga selula ng dugo at mga protina, inihihiwalay ng unang yugto sa pagsala ang mga ito sa lahat ng iba pang mga elemento. Ang pantanging tungkuling ito ay ginagawa ng Bowman’s capsule. Subalit paano?
Ang mga ugat na pumapasok sa glomerulus ay nahahati at nagiging pagkaliliit na capillary na may pagkanipis-nipis na pinakadingding. Kaya, mailalabas ng presyon ng dugo ang tubig at iba pang maliit na mga molekula sa napakapinong mga lamad nito, mula sa dugong dumadaloy sa iyong katawan, at patungo sa Bowman’s capsule at sa nakapulupot na tubo na konektado rito. Ang tubong ito ay tinatawag na convoluted tubule. Ang molekula ng mas malalaking protina at ang lahat ng mga selula ng dugo ay mananatili sa dugong dumadaloy sa iyong katawan at patuloy na dadaloy sa pagkaliliit na ugat o mga capillary.
Ngayon ang pagsala ay nagiging mas maingat. Kailangang tiyakin ng iyong bato na walang bagay na mahalaga sa iyong katawan ang makaaalpas! Ang likido na dumadaloy sa mga tubong ito sa pagkakataong ito ay matubig, na binubuo ng tunaw na kapaki-pakinabang na mga molekula kasama na ang mga dumi at hindi kinakailangang mga elemento. Ang pantanging mga selula sa loob ng pinakadingding ng tubo ang nakakakilala sa kapaki-pakinabang na mga molekula, gaya ng tubig, asin, asukal, mineral, bitamina, mga hormone, at amino acid. Ang mga ito ay may kahusayang pinipili sa pamamagitan ng pagpapasok muli nito sa tubo at pagbabalik nito sa nakapaligid na kawing-kawing na mga capillary upang mapasama muli sa dugong dumadaloy sa iyong katawan. Ang mga capillary ay magsasama-samang muli bilang maliliit na ugat na nagkasama-sama noon upang maging ugat ng dugo na tinatawag na renal vein. Dahil dito ang iyong dugo, na ngayo’y nasala na at nalinis na, ay lalabas sa bato at magtutustos ng buhay sa iyong katawan.
Ang Paglalabas ng Dumi
Subalit kumusta ang likido na nasa tubo pa rin? Maliwanag na ito’y nagtataglay ng mga elemento na hindi kailangan ng iyong katawan. Habang ang likido ay nagpapatuloy na dumaloy sa tubo patungo sa mas malaking collecting tubule, o collecting duct, ang ibang selula sa pinakadingding ng tubo ay naglalabas ng karagdagan pang likido rito, kasali na ang ammonia, potassium, urea, uric acid, at sobrang tubig. Ang panghuling produkto ay ang ihi.
Ang mga collecting duct mula sa iba’t ibang nephron ay nagsasama-sama at naglalabas ng ihi sa mga butas sa dulo ng mga pyramid. Ang ihi ay nagtutungo sa renal pelvis at pagkatapos ay lumalabas sa ureter, ang tubo na nagdurugtong sa bato at sa pantog. Ang ihi ay nakaimbak sa iyong pantog bago ilabas ito sa iyong katawan.
Sa kabila ng pagiging pagkaliit-liit nito, ang mahigit na dalawang milyong nephron sa iyong mga bato ay may kahanga-hangang gawain. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang mga nephron . . . ang sumasala ng buong limang-litrong dami ng tubig sa dugo sa tuwing 45 minuto.” Sa panahong ang iba’t ibang elemento ay pumasok na muli at nakumpleto na ang maraming proseso, ang isang normal, malusog na katawan ay makapaglalabas na ng halos dalawang litro ng dumi sa anyo ng ihi sa bawat 24 na oras. Tunay na isang puspusan at maingat na sistema ng pagsasala!
Ingatan ang Iyong mga Bato!
Ang iyong mga bato ay kusang naglilinis at kusang nagmamantini, anupat may kakayahang gumana sa loob ng mahabang panahon. Gayunman, may bahagi kang gagampanan upang matulungan ang mga ito sa kanilang gawain. Napakaraming tubig ang dapat dumaan sa iyong mga bato upang manatiling malusog ang iyong katawan. Ang totoo, ang sapat na dami ng iniinom na tubig ay itinuturing na pangunahing paraan upang maiwasan ang impeksiyon sa bato at ang pagbuo ng mga bato.b Ang pag-inom ng tubig ay tumutulong din sa iyong panunaw at mga sistema sa puso at ugat, gaya ng sinabi ni Dr. C. Godec, ang pinuno ng Urology Department of Long Island College Hospital, New York.
Gaano karaming tubig? Si Dr. Godec at ang maraming iba pang doktor ay nagmumungkahi na karagdagan pa sa ibang pagkain at inumin, ang bawat tao ay dapat na uminom ng di-kukulangin sa dalawang litro ng tubig araw-araw. “Karamihan sa mga tao ay kulang ng tubig sa katawan,” ang sabi ni Dr. Godec sa Gumising! Sinabi niya na hangga’t walang diperensiya ang iyong mga bato o ang iyong puso, mabuti ang tubig para dito. “Subalit kailangang uminom ka nang sapat,” ang sabi ni Dr. Godec. “Ang karamihan ng mga tao ay hindi umiinom nang sapat.”
Mas nagugustuhan ng iba ang lasa ng tubig kapag nilalagyan ng kaunting pampalasa, gaya ng limon. Mas gusto naman ng iba ang lasa ng tubig-bukal o tubig na sinala sa pamamagitan ng activated charcoal. Sa anumang kalagayan, ang simple o bahagyang-bahagyang may pampalasang tubig ay mas mabuti sa iyong mga bato kaysa anumang ibang inumin. Sa katunayan, ang asukal sa mga katas ng prutas at pinatamis na inumin ay makadaragdag lamang sa pangangailangan ng katawan para sa tubig. Ang mga inuming nagtataglay ng alkohol o caffeine ang sanhi ng pagkawala ng tubig sa katawan.
Ang kinaugaliang pag-inom ng dalawang litro ng tubig sa isang araw ay maaaring maging isang hamon. Sa isang bagay, nakaaabala o nakahihiya para sa maraming tao na malimit na magtungo sa palikuran kaysa karaniwan. Subalit ipagpapasalamat ito ng iyong katawan dahil sa karagdagang ginagawa mo. Maliban pa sa pag-iingat sa iyong kalusugan, ang pag-inom ng sapat na dami ng tubig ay makapagpapaganda pa nga ng iyong hitsura. Sinasabi ng mga doktor na ang mabuting pagkain at maraming iniinom na tubig ay mas mabisa sa pagpapanatiling maganda ng iyong kutis kaysa anumang pamahid sa balat.
Nakalulungkot naman, ang ating mekanismo sa pagkauhaw ay hindi sakdal, at nababawasan pa nga ang pagiging sensitibo nito habang tayo’y tumatanda. Kaya, hindi tayo maaaring umasa sa pagkauhaw lamang upang ipabatid sa atin kung gaano karaming tubig ang ating kailangan. Paano mo matitiyak kung sapat ang iyong naiinom? Sinisimulan ng ilan ang kanilang araw sa pag-inom ng dalawang basong tubig, at pagkatapos ay umiinom pa sila ng paisa-isang basong tubig paminsan-minsan. Ang iba naman ay naglalagay sa harapan nila ng lalagyan ng tubig na malinaw at madaling abutin—isang paalaala na kailangang uminom pana-panahon sa buong araw. Anumang paraan ang iyong gawin, ang pag-inom ng maraming dalisay, malinis na tubig ay isang mabuting paraan upang ipakita ang pagpapahalaga sa iyong mga bato—ang kahanga-hangang pansala na nagpapanatili sa iyong buhay.
[Mga talababa]
a Noong maagang bahagi ng mga taon ng 1840, inilarawan ng isang Ingles na siruhano at histologist na si William Bowman ang maliit na kapsulang ito at ang gawain nito. Kaya ito’y ipinangalan sa kaniya.
b Tingnan ang isyu ng Gumising! ng Agosto 22, 1993, pahina 20-2, at ang Awake! ng Marso 8, 1986, pahina 18.
[Kahon sa pahina 25]
Ang Nephron—Ang Pangunahing Pansalang Bahagi
MAY mahigit na isang milyong nephron sa bawat bato. Ang mga tubo na matatagpuan sa bawat isang nephron ay sumusukat ng halos 3 centimetro ang haba at 0.05 milimetro lamang ang lapad. Subalit, kung magagawang kalasin ang lahat ng mga tubo sa isang bato, ang mga ito’y aabot sa halos 30 kilometro!
Ang Bowman’s capsule ay baluktot na dulo lamang ng convoluted tubule ng nephron. Ang tubong ito ay napalilibutan ng kawing-kawing ng ubod nang liit na mga daluyan ng dugo na tinatawag na mga capillary. Ang mga tubo ay tumatalunton sa mas malaking collecting duct, na siya namang naglalabas ng dumi at nakalalasong mga elemento na sinasala ng nephron.
[Dayagram sa pahina 24, 25]
Ang renal vein ang naglalabas ng bagong nasalang dugo sa iyong katawan
Ang renal artery ang nagdadala ng hindi pa nasalang dugo sa bato
Ang mga renal pyramid ay hugis balisungsong na nagdadala ng ihi sa renal pelvis
Ang cortex ay nagtataglay ng glomerulus ng bawat nephron
Ang renal pelvis ay tulad-imbudo na nagtitipon ng ihi at dinadala ito sa ureter
Ang ureter ang nagdadala ng ihi mula sa bato tungo sa pantog
[Dayagram sa pahina 25]
Ang mga nephron, halos dalawang milyon na pagkaliliit na hugis tubong pansala, ang naglilinis ng dugo
Glomerulus
Ang ihi ay natitipon sa convoluted tubule, pagkatapos ay nagtutungo sa pantog
Bowman’s capsule
Mga capillary