Pagmamasid sa Daigdig
Radyo Teleskopyo na Nakabase sa Kalawakan
Naglunsad kamakailan ang Institute of Space and Astronautical Science ng Hapon ng isang radyo teleskopyo na 8 metro ang diyametro, ang ulat ng Science News. Ang pagiging naiiba ng bagong teleskopyong ito ay nasa pagiging nakakonekta nito sa halos 40 nakabase sa lupa na mga radyo teleskopyo na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Ang sistemang ito ay kilala bilang ang Very Long Baseline Space Observatory. Ang mga inilalabas mula sa mga pinagmumulan ng mga hudyat ng radyo sa kalawakan, gaya sa mga quasar at black hole, ay natatanggap ng magkakalayong mga kagamitang ito at pinagsasama upang maglabas ng iisang larawan. Mientras mas malayo ang pagitan ng mga receiver, mas malinaw ang pinakahuling kuha. Ang naiikot na orbita ng teleskopyong ito ay halos 20,000 kilometro mula sa lupa sa pinakamalayong bahagi nito. Ang bagong teleskopyong nakabase sa kalawakan ay 1,000 ulit na mas malinaw ang kuha kaysa nakukuha ng Hubble Space Telescope sa nakikitang liwanag. “Sa linaw ng kuha ng larawang iyan,” ang sabi ng Science News, “makikita ng isang nagmamasid sa Los Angeles ang isang butil ng bigas sa Tokyo.”
TV Para sa mga Batang Bago pa Lamang Nakalalakad?
Upang magkapanahon para gawin ang mahahalagang gawain, malamang na paupuin ng mga magulang na pagod na ang maliliit na anak sa harapan ng TV. Subalit ayon sa magasing Parents, ito’y nagbabanta ng mga panganib sa bata. “Ang mararahas na programa,” kasali na ang maraming cartoon, ang sabi nito, “ay maliwanag na nagpapakita na humahantong sa malalang kapusukan ng mga batang manonood.” Isa pa, ipinakikita ng mga pagsusuri na isinagawa ni Dorothy Singer ng Yale University na “ang patuloy na panonood ng telebisyon bago pa sumapit sa edad ng nag-aaral na ay nauugnay rin sa di-mabuting paggawi at pagkaantala sa kakayahang magbasa” sa dakong huli. Iminumungkahi ni Singer na huwag lalampas sa 30 minuto ang panonood ng TV sa isang araw ng mga batang isang taon ang edad. Ang isa pang problema ay ang mga aksidente na maaaring maganap habang ang bata ay nanonood nang mag-isa ng TV. Ganito ang sabi ng awtor na si Milton Chen: “Sa isang saglit lamang madidisgrasya na ang isang di-nasusubaybayan at malikot na batang bago pa lamang nakalalakad.” Iminumungkahi ng magasing Parents na ilapag ang iyong anak na may ilang hindi delikadong mga laruan sa kuna na iyong natatanaw kapag ikaw ay nanananghalian o sumasagot sa telepono.
Sakit Dahil sa Pagkasugapa sa Internet
“Ang pinakabagong bunga ng panahon ng computer ay maaaring ang pagkasugapa sa Internet,” ang ulat ng Canadian Medical Association Journal. Sinurbey ni Dr. Kimberly Young ang 496 na nagbababad sa paggamit ng Internet, ang 396 sa mga ito ay napag-alamang sugapa na rito. Isiniwalat ng pananaliksik na kasali sa mga kahihinatnan ng pagkasugapa sa Internet ang “paglayo sa ibang tao, sigalutan sa pagsasama ng mag-asawa, pagbagsak sa pag-aaral, labis-labis na pagkabaon sa utang, [at] pagkatanggal sa trabaho.” Sinasabi ni Dr. Young na ang sakit “ay isang tunay na pagkasugapa na gaya ng alkoholismo o pusakal na sugarol.” Sinabi pa ng babasahin na “ang mga gumagamit ng computer na nasa bahay ang pinakananganganib.” Bagaman ang sinuman ay maaaring labis na malulong sa Internet, “ang isang pangkaraniwang sugapa ay babaing nasa kalagitnaang edad na may limitadong edukasyon,” ang sabi ni Dr. Young. Kasali sa mapanganib na mga palatandaan ang paggugol ng mas mahabang panahon sa harap ng computer, at “pagwawalang-bahala sa mahahalagang gawain sa lipunan o trabaho” upang gumamit ng Internet.
Nauudlot na Proyektong Tigre
Noong 1973, inilunsad ang Proyektong Tigre sa India upang iwasan ang pagkalipol ng pambansang hayop ng bansa. Nang panahong iyan ang bilang ng mga tigre sa India ay umunti na tungo sa 1,827. Ang proyekto ay tumanggap ng suporta sa buong mundo at kahanga-hangang tagumpay. Noong 1989 ang bilang ng tigre sa India ay dumami ng mahigit na 4,000. Gayunman, sa ngayon ang tigre ay muli na namang nanganganib, ayon sa India Today. Ang bilang ng tigre ay tinatayang bumaba pa sa 3,000. Bakit? Sinasabi ng ilan na ang ilegal na mga mangangaso ay pumapatay, sa katamtaman, ng di-kukulangin sa isang tigre araw-araw. Ang Proyektong Tigre ay nilayon upang mapangalagaan ang tigre. Subalit waring hindi nito nagagawa iyan. “Ang mga bantay sa kagubatan, malimit na binabaril, ay nasisiraan ng loob at walang kagamitan,” ayon sa ulat. Para sa tigre, “ang pag-iral ay pagbibigay-daan sa pagkalipol.”
Mukhang Matanda Subalit Namamatay Nang Bata
Gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga ulat, naniniwala ang mga mananaliksik na ang paninigarilyo ay madaling magpatanda. Ang matatagal nang naninigarilyo ay apat na ulit na malamang na mas maagang pumuti ang buhok at dalawang ulit na mas malamang na makalbo, ayon sa Lancet ng Britanya. Nag-uulat hinggil dito, sinabi ng UC Berkeley Wellness Letter na mas maraming kulubot sa mukha ang mga naninigarilyo at dalawang ulit na mas malamang na sila’y mabungi kaysa mga hindi naninigarilyo. Tinutukoy ng ulat ang pinakahuling pagsusuri na binanggit sa British Medical Journal na nagpapakita na ang mga taong buong-buhay na naninigarilyo ay kalahati lamang ang tsansa na umabot sa edad na 73 kaysa mga taong hindi naninigarilyo. Isa pa, iniuulat ng magasing Good Housekeeping na “ang mga hindi naninigarilyo na kasa-kasama ng mga naninigarilyo ay 20 porsiyento na mas malamang na magkaroon ng sakit sa puso.”
Panganib sa Kidlat
“Ang nakamamatay na tama ng kidlat,” ang ulat ng pahayagang The Australian, “ay mas malimit kaysa inaakala ng mga tao.” Ang kidlat ay pumapatay sa pagitan ng lima at sampung tao sa Australia bawat taon at sanhi ng mahigit na 100 kapinsalaan, ang sabi ng ulat. Walang gaanong babala sa pagdating ng kidlat, bagaman “ang ilang tao na tatamaan ng kidlat ay iniulat na tinatayuan ng kanilang balahibo,” ang sabi ni Phil Alford ng Bureau of Meteorology ng Melbourne. Upang magkaroon ng higit na pagkakataong makaiwas sa tama ng kidlat, iminumungkahi ni Alford na maghanap ka ng masisilungan mula sa kidlat sa isang matatag na gusali o sa loob ng sasakyang may matibay na bubungan na malayo sa bakal na kayarian nito.
Panlulumo ng Matatanda
“Ang panlulumo sa matatanda ay nakikita sa ibang paraan kung ihahambing sa mga kabataan,” ang ulat ng Jornal do Brasil. Sa halip na makitaan ng pagkaligalig o pagkabalisa, ang gayong panlulumo ay “nakikilala sa pamamagitan ng pagkawala ng mga kakayahang makaunawa—memorya, pagtutuon ng isip, at kakayahang mag-isip.” Higit pa, ayon kay Propesor Paulo Mattos ng Federal University sa Rio de Janeiro, “ang nanlulumong matatandang tao ay nagpapakita ng labis-labis na pagkadama ng pagkakasala sa mga bagay na walang kabuluhan. Nawawalan sila ng interes sa mga bagay na dati nilang ginagawa o dating nagbibigay ng kaluguran sa kanila,” kasali na ang pakikipag-usap. Ang gayong mga sintomas kung minsan ay napagkamalan na basta bahagi ng pagtanda, ang sabi ng ulat. Upang mapansin ang gayong mga pagbabago sa pag-uugali at upang makilala ang panlulumo, ganito ang sabi ni Dr. Mattos, “napakahalaga na ang mga tao ay laging makipag-ugnayan sa matatanda nang miyembro ng pamilya.”
Mga Anay sa Minahan ng Ginto
Noong 1984 ay nakatuklas ang isang taganayon ng ginto sa bansa ng Niger sa Aprika, at sinundan ito ng pag-uunahan sa ginto na siyang nagdala ng mga minero mula sa maraming bansa tungo sa bansang ito. Nagunita ng heologong taga-Canada na si Chris Gleeson na ginamit ng sinaunang sibilisasyon ng Aprika ang punso ng anay upang masumpungan ang kinalalagyan ng ginto. Ang Niger ay tirahan ng mga uri ng anay na gumagawa ng malalaking punso, ang ilan ay 1.8 metro ang taas at 1.8 metro ang diyametro. Ang punso ay lumalaki habang ang mga anay ay naghuhukay—kung minsan ay kasinlalim ng 75 metro—sa paghahanap ng tubig, ang paliwanag ng magasing National Geographic. Kumuha ng mga sampol ng lupa si Gleeson mula sa maraming punso sa pag-asang ipakikita ng mga ito kung saan siya maghuhukay. Ang karamihan ng sampol ay walang ginto, subalit ang iba ay mayroon! “Ang anumang punso na may ginto ay may ginto sa kabuuan nito,” ang natuklasan niya. Lumilitaw na habang naghuhukay ang mga anay para sa tubig, anuman ang kanilang masumpungan ay dinadala nito sa ibabaw, kasali na ang ginto.
Magandang Kaugalian sa Teleponong Cellular
Ang pagdating ng nabibitbit na mga teleponong cellular ay nagdiriin sa pangangailangan sa ilang sinaunang kaugalian, ayon sa Far Eastern Economic Review. Hinihimok ni Tina Liu na isang consultant sa negosyo sa Hong Kong ang pagpapakita ng paggalang at konsiderasyon, kapuwa sa taong nasa kabilang linya at sa mga taong maaaring nakapaligid sa iyo. Ipinapayo niya ang pakikipag-usap nang maliwanag subalit hindi malakas at hindi pagkain o pag-inom habang nakikipag-usap sa telepono. Iminumungkahi ni Liu ang pagbabawas sa mga tawag sa panahon ng miting at pagkonekta ng tawag sa ibang lugar o pagbukas ng vibrator na naghuhudyat ng tawag sa mga lugar na gaya ng ospital, aklatan, at mga auditoryum. Ang pag-abala sa sosyal na mga okasyon sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tawag ay maaaring magpadama sa mga kaibigan o mga kamag-anak na sila’y binabale-wala. May kinalaman sa pagkain sa labas, ganito ang sabi ni Liu: “Ang isang taong nakikipag-usap sa telepono samantalang nakikipag-date sa isang babae ay dapat na tapusin agad ang kaniyang tawag bago mawala ang bisa ng pumpon ng bulaklak.”
‘Matatalinong Likido’
Mientras kinukuryente ang ilang uri ng likido na may lumulutang-lutang na mga tipik (particle), ang mga tipik ay nakabubuo ng maliliit na kawing ng mga atomo, na nagpapangyari sa likido na maging mas malapot. Ang kakaibang bagay na ito ay tinatawag na Winslow effect, na ipinangalan kay Dr. W. M. Winslow, na nakatuklas nito noong 1940. Sapol noon, ang industriya sa sasakyan kasama ng iba pa, kalakip na mismo si Dr. Winslow, ngayo’y 93 na, ay patuloy na nagsasaliksik sa praktikal na paggamit ng gayong ‘matatalinong likido.’ Batid ng mga nag-eksperimento sa Michigan State University sa Estados Unidos na ang tinunaw na tsokolateng gatas ay may ilang katangian ng ‘matatalinong likido.’ Tulad ng ipinalalagay, sa pinakahuling eksperimento, ang tinunaw na tsokolate ay halos agad-agad na tumitigas kapag nahantad sa malakas na kuryente. Ang isa pang ‘matalinong likido,’ na binubuo ng gawgaw na nasa petrolyo, ay nag-iiba ang lapot anupat nagiging gaya sa pagitan ng gatas at ng mantikilya habang ang katindihan ng kuryente ay nagbabago.