Cocos Island—Ang mga Kuwento Nito Tungkol sa mga Nakabaong Kayamanan
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Costa Rica
ISANG isla na mga 480 kilometro mula sa timog-kanluran ng baybayin ng Costa Rica ang napabantog sa mga kuwento nito tungkol sa mga nakabaong kayamanan. Naniniwala ang ilan na ibinatay ni Robert Louis Stevenson ang kaniyang tanyag na aklat na Treasure Island sa mga istorya ng kayamanan ng mga pirata na nakabaon doon.
Tinawag ng mga tagaguhit ng mapa at ng mga marino ang isla sa iba’t ibang pangalan mula nang ito’y matuklasan noong ika-16 na siglo. Sa mga katutubong nagsasalita ng Kastila, ang isla ay kilala ngayon bilang Isla del Coco (Munting Pulo ng Niyog). Ang pangalan nito sa Ingles ay Cocos Island.
Sa pagitan ng Costa Rica at ng Galápagos Islands, may isang lupain sa ilalim ng dagat na kilala bilang ang Burol ng Cocos. Ang mga aktibidad ng bulkan ang nagpalitaw sa nag-iisang isla nito. Ang maliit na baku-bakong lupang ito ang tanging pangunahing isla sa silanganing Dagat Pasipiko sa tropiko na may sapat na ulan upang matustusan ang isang tropikal na maulang-gubat. Ang isla ay nagkakaroon ng mga 7,000 milimetro ng ulan taun-taon!
Inilarawan ng ika-18-siglong makatang Ingles na si Coleridge ang hirap na dinanas ng sinaunang marino na nasa “tubig, tubig, kabi-kabila, pero wala ni isang patak na mainom.” Gayunman, noong ika-17 at ika-18 siglo, ang tubig-tabang ng Cocos Island ay nagsilbing oasis sa dagat para sa mga magdaragat na nakasumpong sa isla.
Ang Alamat ng Nakatagong Kayamanan
Noong mga panahon na ang internasyonal na komunikasyon at komersiyo ay umaasa lamang sa paglalakbay sa dagat, ang armadong pagnanakaw sa laot, o panunulisang-dagat, ay isang panganib sa lipunan. Nagiging banta rin sa isa’t isa ang mga pirata.
Matapos looban ang isang maliit na bayan sa baybay-dagat o ang isang barko, ang ninakaw na mga bagay ay pinaghahati-hatian ng mga tripulante. Kaya naman, ang bawat pirata ay nagkakaproblema kung paano niya babantayan na huwag manakaw ng kaniyang mga kasamahan ang kaniyang parte sa ninakaw. Ang paraan nila ay itago ang kayamanan sa isang lihim na lugar sa pag-asang makukuha nilang muli ito pagkaraan. Ang mapa ng kayamanan, na di-maintindihan anupat tanging ang gumawa lamang nito ang nakababasa, ang naging susi upang masumpungan ang nakatagong kayamanan.
Sinasabi ng isa sa mga alamat ng Cocos Island na ang matagumpay na panloloob sa mga barko at mga lunsod sa Baybaying Pasipiko ng Sentral Amerika ay naging dahilan upang makahakot ng katakut-takot na ginto at alahas ang isang pangkat ng mga pirata. Palibhasa’y sagana sa tubig-tabang at sa maraming karne sa isla (sinimulan doon ang pagkain ng baboy sa pagtatapos ng ika-18 siglo), isinaplano ng kapitan ng barko na gawing kaniyang himpilan ng operasyon ang Cocos Island.
Ayon sa isang bersiyon ng kuwento, inaabot nang buong maghapon ang pagpaparte ng mga ninakaw. Sinusukat ang mga ginto sa pamamagitan ng palayok. Palibhasa’y nangangambang makuha ng kanilang sakim na mga kasamahan ang kanilang kayamanan, ipinasiya ng lahat ng pirata na ibaon ang kanilang naparteng kayamanan sa iba’t ibang lugar sa isla. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga lubid upang makaakyat sa matatarik na dalisdis na sunud-sunod sa kahabaan ng baybaying-dagat sa isla, isa-isang naglaho ang mga pirata papasok sa tropikal na kagubatan. Bagaman ang ilan ay may tiwala sa kanilang memorya, ang iba naman ay bumalik taglay ang mapa na sila lamang ang nakababasa, na magtuturo sa kanila pabalik-muli sa kayamanan nila. Gayunman, ang nakapapagod na pagsisikap na ito ay nawalan ng saysay. Sinasabi pa sa alamat na matapos itago ang kanilang ari-arian, naglayag na muli ang mga pirata sakay ng kanilang sasakyang-dagat upang humanap ng mas malaking mananakaw. Nang sumapit sila sa kanilang sumunod na daungan, sa pangambang magkaroon ng pag-aalsa, pinababa ng kapitan ang mga pinaghihinalaang rebelde at pumalaot muli sa dagat. Muntik nang magkatotoo ang kaniyang inaasahan na makikilala ang mga ito bilang mga pirata at sila’y bitayin. Ang hindi niya naisip ay ang abilidad ng kaniyang dalawang kasamahang tripulante na may pinakamataas na ranggo na makipagkasundo sa mga awtoridad na ibig bumihag sa kapitan. Nagsugo ang Hukbong Pandagat ng Britanya ng isang barko upang buong-sikap na tugisin ang sasakyang-dagat, at naging dahilan ito ng pagkakabihag at pagkamatay ng kapitan at ng kaniyang mga tripulante.
Nitong nakaraang siglo, ang alamat na ito’y lalong nagpalaki sa pag-asa ng mga naghahanap ng kayamanan. Ngunit, gaya ng inilalarawan ng sumusunod na salaysay, dapat na magdalawang-isip muna ang mga maghahanap ng kayamanan bago simulan ang ekspedisyon ng paghuhukay sa Cocos Island. Inilarawan sa isang artikulong napalathala sa The New York Times ng Agosto 14, 1892, ang paghahanap na ginawa ni Kapitan August Gisler upang matuklasan ang kayamanan ng mga ginto, pilak, at mga alahas, na nagkakahalaga ng $60,000,000. Ang paghahanap ni Gisler ng kayamanan ay nangangahulugan ng paghiwalay niya sa kabihasnan at pagtitiis sa pinakamahirap na kalagayan sa islang ito sa kagubatan na walang tao. Gumugol siya ng di-kukulangin sa $50,000 halaga mula sa kaniyang sariling bulsa at mahigit na 19 na taon ng paghahanap ng kayamanan. Noong 1908, umalis si Gisler sa Cocos Island na bangkarote at lumung-lumo, dahil wala siyang natagpuang kayamanan sa kabila ng lahat niyang pagsisikap.
Hindi lahat ay nasiraan ng loob sa pagkabigo ni Gisler na makatuklas ng kayamanan. Nagkaroon pa ng mahigit na 500 organisadong ekspedisyon sa isla. Ayon sa maaaring makuhang impormasyon, walang sinuman ang nakakita ng ikinukuwentong kayamanan.
Ang Likas na Kayamanan sa Cocos Island
Kamakailan lamang, isang naiibang uri ng naghahanap ng kayamanan ang nahikayat sa Cocos Island. Ang mga ekoturista gayundin ang mga naturalista at iba pang mga siyentipiko ay naakit sa mga halaman at hayop ng isla at mamahaling koleksiyon ng buhay-dagat sa nakapalibot na mga tubig.
Ang isla ay nababalot ng malalagong pananim ng tropiko. Mga 450 iba’t ibang klase ng insekto at mga arthropod ang nauri, bagaman tinatayang may mahigit na 800 klase pa ang nasa isla. May 28 ilog, na nakaikot sa baku-bakong lupain at bumubuhos mula sa mariringal at matatarik na dalisdis bilang napakagagandang talon.
Isa sa 97 uri ng ibon sa isla ay ang mapuputing tern. May nakatutuwang katangian ang mga ito ng paglipad-lipad sa ulunan ng mga tao, na para bagang hindi natatakot sa mga namamasyal sa isla. Ang kawili-wiling ugaling ito ang naging dahilan kung kaya tinagurian ang mga ibong ito sa Kastila na espíritu santo, o banal na espiritu, na tumutukoy sa ulat ng Bibliya tungkol sa bautismo ni Jesus.—Tingnan ang Mateo 3:16.
Sa kailaliman ng mga tubig na nakapalibot sa Cocos Island ay naroroon ang isang daigdig na pinamumutiktikan ng likas na kayamanan. Kabilang sa mga ekoturistang pumasyal sa isla ay ang mga scuba diver, na gayon na lamang ang paghanga sa napakaraming pating na hammerhead. Ang hammerhead at white-tipped na mga pating ay madalas sa mga tubig na ito at nakikitang lumalangoy nang sama-sama sa mga grupong 40 at 50. Hinahangaan din ng mga maninisid ang napakalinaw na tubig. Pinanggigilalasan nila ang pagtatanghal ng mga kulay habang ang mga isda sa tropiko ay nanginginain sa mga lumot at sa nakalutang na mumunting hayop at halaman.
Patuloy na napanatili ng bansang Costa Rica ang mataas na pagpapahalaga sa biyolohikal na kayamanan nito bilang tradisyon. Kamakailan lamang, 18 porsiyento ng lupain nito ang iningatan sa isang pambansang parke at reserbadong lupain. Noong 1978, ipinahayag na ang Cocos Island ay bahagi ng parkeng iyan, na ngayo’y binubuo ng 56 na protektadong mga lugar sa bansa. Noong 1991, pinalawak pa ang protektadong lugar upang maisama ang 24 na kilometrong hangganan sa palibot ng isla. Ang pagpapatrulya at pangangalaga sa kapaligiran ng dagat mula sa pangkomersiyong pangingisda ay naghaharap ng isang hamon. Nangangamba ang mga tagapag-ingat ng kapaligiran na masira ng walang-limitasyong pangingisda ang delikadong ekosistema ng daigdig sa ilalim ng dagat na nakapalibot sa isla.
Hanggang sa ngayon, popular pa rin ang Cocos Island sa mga kuwento nito tungkol sa mga pangahas na pirata at sa kanilang nakabaong kayamanan. Iniintriga at binibighani pa rin nito ang mga naghahanap ng kayamanan sa palibot ng daigdig. Ngunit, ang pinakamalaking kayamanan ng isla ay nananatiling nakabaon sa likas na yaman nito.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Mga larawan sa pahina 25-6: Sa kagandahang-loob ni José Pastora, Okeanos
[Mga larawan sa pahina 26]
Ang white-tipped na pating (1) at ang hammerhead na pating (2, 3) ay sama-samang lumalangoy sa tubig sa palibot ng Cocos Island sa mga grupong 40 at 50