Isang Paraisong Walang Suliranin—Panaginip Ba Lamang?
“NAPAKAPAYAPA!” Ang tanawin mula sa kagubatan ng pino sa itaas ng Lawa ng Redfish sa estado ng Idaho, E.U.A., ay totoong napakatahimik. “Ganiyang-ganiyan ang nasa isip ko tungkol sa paraiso,” ang sabi ng isang manlalakbay.
Maningning ang sikat ng araw sa timugang baybayin ng isla ng Cyprus sa Mediteraneo. Ang alon ay banayad na sumasalpok sa dalampasigan. Habang nakaupo sa isang restawran sa tuktok ng matarik na dalisdis na nakatunghay sa tanawing ito, ang bisita ay bumulalas: “Ito’y paraiso!”
Pinahahalagahan ng marami sa atin ang mga alaala ng mga tanawing gaya nito. Subalit talos ng mga residente na karaniwang pinasisinungalingan ng mararahas na katotohanan ng araw-araw na buhay ang malaparaisong kapaligiran: mga sunog sa kagubatan sa makahoy na mga paanang burol ng Rocky Mountains, polusyon ng dagat na nakaaapekto sa isda at sa wakas sa mga tao—bukod pa sa nagsasapanganib-buhay na mga alitan sa pagitan ng mga bansa at sa pagitan ng mga lahi.
Paraiso—Ano ba Ito?
Paano mo inilalarawan ang paraiso? Ganito ang ibinibigay ng The New Shorter Oxford English Dictionary bilang unang pagpapakahulugan nito: “Ang halamanan ng Eden na inilarawan sa Gen[esis] 2, 3.” Ito’y tumutukoy sa paglalarawan na nasa unang aklat ng Bibliya tungkol sa lugar kung saan inilagay ng Diyos ang unang tao, si Adan. Sa orihinal na Paraisong iyon, saganang tumutubo ang mga punungkahoy na “kanasa-nasa sa paningin ng isa at mabuti bilang pagkain.”—Genesis 2:9.
Iniuugnay ng nakatalang ikalawang kahulugan ng diksyunaryong iyon ang “paraiso” sa “Langit, sa teolohiyang Kristiyano at Muslim” subalit idinaragdag nito pagkatapos: “Ngayo’y pangunahin nang matulain.” Subalit para sa ating manlalakbay at bisita, ang paraiso ay “isang dako ng nakahihigit na kagandahan o kaluguran,” ang ikatlong kahulugan na ibinibigay ng diksyunaryo.
Ang Britanong estadista noong ika-16 na siglo na si Sir Thomas More ay sumulat ng isang aklat na pinamagatang Utopia kung saan inilarawan niya ang imahinasyong bansa na doon ang mga batas, pamahalaan, at sosyal na mga kalagayan ay sakdal. Waring hindi ito makatotohanan anupat ang Webster’s New Collegiate Dictionary ay nagbibigay ng isang kahulugan ng “Utopia” bilang “isang di-praktikal na plano para mapabuti ang lipunan.”
Para sa mga tagasunod ng lider na si Jim Jones ng sektang People’s Temple, ang Utopia ay paghahawan sa kagubatan ng Guyana. Nakalulungkot naman, noong 1978 ang paraisong ito na inaasam-asam ay naging tanawin ng kamatayan para sa mahigit na 900 sa kanila—isang masamang panaginip nga! Bunga nito, iniuugnay kung minsan ng mga tao ang ideya ng paraiso sa kakatwang mga sekta na ang mga gawain ay nakasisindak at nakababalisa.
Sa isang daigdig kung saan nagbabanta ang krimen at karahasan, kung saan lumalaganap ang sakit kapuwa sa mga nasa hustong gulang at sa mga bata, at kung saan nababahagi ang mga komunidad dahil sa pagkapoot at mga pagkakaiba sa relihiyon, ang magagandang kapaligiran ay kadalasang isang pagpapaimbabaw lamang. Hindi kataka-taka na iniisip ng mga tao na ang paraiso ay isa lamang panaginip! Subalit hindi nito napahinto ang ilang tao sa pagsisikap na hanapin o gumawa pa nga ng paraiso para sa kanilang sarili. Gaano sila katagumpay?