Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 10/8 p. 8-11
  • Isang Paraisong Walang Suliranin—Malapit Nang Magkatotoo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Paraisong Walang Suliranin—Malapit Nang Magkatotoo
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kapangyarihan sa Likod ng Paraiso
  • Nagkakatotoo Na sa Kasalukuyan
  • “Magkita-kita Tayo sa Paraiso!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Paraiso—Guniguni Ba Lamang?
    Gumising!—1987
  • Pagkaraan ng Armahedon, Isang Paraisong Lupa
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Ang Daan Pauwi sa Paraiso
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 10/8 p. 8-11

Isang Paraisong Walang Suliranin​—Malapit Nang Magkatotoo

“MAKAKASAMA kita sa Paraiso.” Anong laking katiyakan ng mga salitang iyon sa lalaking naging kriminal noon! Hindi, hindi niya inaakalang maiiwasan niya ang mapunta sa isang maapoy na impiyerno at magtutungo sa langit pagkamatay niya. Bagkus, ang magnanakaw sa tabi ni Jesus ay nagkaroon ng kaaliwan mula sa pag-asang siya’y bubuhaying-muli kapag naisauli na ang Paraiso sa planeta. Pansinin, pakisuyo, kung sino ang nagsalita ng kapansin-pansing pananalitang iyan tungkol sa Paraiso​—ang mismong Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo.​—Lucas 23:43.

Ano ang nag-udyok sa pangako ni Kristo na Paraiso? Ang magnanakaw ay nagsumamo: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” (Lucas 23:42) Ano ba ang Kahariang ito, at ano ang kaugnayan sa pagitan nito at ng isang makalupang paraiso? Paano ginagarantiyahan nito na hindi magkakaroon ng suliranin sa Paraiso?

Ang Kapangyarihan sa Likod ng Paraiso

Sasang-ayon ka na ang tunay na paraiso ay darating lamang sa lupa kapag nawala na ang lahat ng kasalukuyang mga problema. Bigo ang mga pagsisikap ng tao na alisin ang mga ito hanggang sa ngayon, gaya ng sapat na pinatutunayan ng kasaysayan. Ang propetang Hebreo na si Jeremias ay umamin: “Talastas ko, O Jehova, na . . . hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Sino, kung gayon, ang makapapawi sa lahat ng kasalukuyang mga problema?

Sukdulang mga Lagay ng Panahon at Polusyon. Nang isang malakas na buhawi sa Dagat ng Galilea ang nagpaalimbukay sa malalaking alon anupat halos mawasak ang bangka, ginising ng mga marino ang kanilang kasama sa paglalakbay mula sa kaniyang pagkakatulog. Basta sinabi naman niya sa dagat: “Tigil! Tumahimik ka!” Ang ulat ng Ebanghelyo ni Marcos ay naglalahad ng nangyari: “Ang hangin ay humupa, at nagkaroon ng isang malaking katahimikan.” (Marcos 4:39) Ang kasamang iyan sa paglalakbay ay walang iba kundi si Jesus. Mayroon siyang kapangyarihan na pigilin ang lagay ng panahon.

Ang Jesus ding ito ang siyang humula sa pamamagitan ni apostol Juan na darating ang panahon na “dadalhin [ng Diyos] sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.” (Apocalipsis 1:1; 11:18) Hindi ito isang kahanga-hangang gawa na imposible para sa Isa na nag-alis sa buong daigdig ng mga taong di-makadiyos sa pamamagitan ng Baha noong panahon ni Noe.​—2 Pedro 3:5, 6.

Krimen at Karahasan. Ang Bibliya ay nangangako: “Ang mga manggagawa ng kasamaan mismo ay mahihiwalay, ngunit yaong umaasa kay Jehova ang magmamay-ari sa lupa. Ngunit ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:9, 11) Minsan pa, ang Diyos, si Jehova, ang nangangako na aalisin ang lahat ng krimen at karahasan, na inirereserba ang Paraiso para sa maaamo.

Karukhaan at Gutom. Ang kawalang-katarungan ngayon ay nagpapahintulot sa mga pamahalaan sa isang panig ng daigdig na mag-imbak ng mga pagkain nang “sobra-sobra” samantalang kasabay nito ang mahihirap na bansa ay nakikipagpunyagi sa karukhaan. Sinisikap ng mga ahensiyang nagbibigay ng tulong, na itinataguyod ng nagmamalasakit na mga tao sa buong daigdig, na tustusan ang pangunahing mga pangangailangan subalit kadalasang bigo kapag ang mga plano sa pamamahagi ay nabigo dahil sa kawalan ng batas at kaayusan. Ihambing mo ito sa itinala ni propeta Isaias: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan, sa bundok na ito, ng bangkete ng mga pagkaing nilangisang mainam, ng kapistahan ng mga alak na laon, ng matatabang bagay na puno ng utak, ng mga alak na laon, sinala.” (Isaias 25:6) Hindi ba iyan nagpapahiwatig na mawawala na ang pagkagutom? Tiyak iyan.

Digmaan. Ang mga pagsisikap na pamahalaan ang globong ito sa pamamagitan ng supranational na awtoridad ay napatunayang bigo. Hindi nahadlangan ng Liga ng mga Bansa, na itinatag noong 1920, ang pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II at ito’y bumagsak. Ang United Nations, na madalas papurihan bilang ang pinakamagaling na pag-asa para sa kapayapaan, ay nagpupunyaging awatin ang naglalabang panig sa mga dako ng labanan. Sa kabila ng naipahayag na mga pagsisikap nito ukol sa kapayapaan, marami pa ring digmaan, ito man ay digmaang sibil, etniko, o pangkomunidad. Ang pamahalaan ng Kaharian ng Diyos ay nangangakong aalisin ang kasalukuyang nagdidigmaang pangkat at tuturuan ang mga sakop nito sa mga daan ng kapayapaan.​—Isaias 2:2-4; Daniel 2:44.

Pagkasira ng Pamilya at Moral. Palasak ngayon ang pagkakahiwa-hiwalay ng pamilya. Nagiging palasak ang pagkadelingkuwente ng mga bata. Ang imoralidad ay lumalaganap sa lahat ng antas ng lipunan ng tao. Subalit, ang mga pamantayan ng Diyos ay hindi nagbabago mula sa pasimula. Pinatunayan ni Jesus na “iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawang babae, at ang dalawa ay magiging isang laman . . . Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:5, 6) Ipinag-utos pa ng Diyos na Jehova: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina . . . upang ito ay ikabuti mo at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.” (Efeso 6:2, 3) Ang mga pamantayang ito ay mananatili sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.

Sakit at Kamatayan. “Si Jehova . . . ay magliligtas sa atin,” ang pangako ng propetang si Isaias, “at walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’” (Isaias 33:22, 24) “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” ang sabi ng Kristiyanong apostol na si Pablo, “ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”​—Roma 6:23.

Aalisin ng Diyos na Jehova ang lahat ng mga problemang ito sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na pamahalaan sa mga kamay ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus. Gayunman, maaaring sabihin mo, ‘Ito’y parang isang Utopianong panaginip. Tiyak, nakalulugod kung ito’y magkakatotoo, ngunit magkakatotoo nga ba ito?’

Nagkakatotoo Na sa Kasalukuyan

Para sa marami, ang posibilidad ng pamumuhay sa isang paraisong walang suliranin dito mismo sa lupa ay hindi totoo. Kung ganiyan ang nadarama mo, suriin mo ang patotoo na ito nga ay mangyayari.

Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay isang internasyonal na komunidad ng mahigit na limang milyon katao na namumuhay na sa paano man sa isang kalagayang walang suliranin sa kanilang 82,000 kongregasyon na nakakalat sa 233 bansa. Maaari mong dalawin ang alinman sa kanilang mga pagtitipon, malalaki o maliliit, at ano ang masusumpungan mo?

(1) Isang Kaiga-igaya at Malinis na Kapaligiran. Sa pagkokomento tungkol sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Norwich, Inglatera, ganito ang sabi ng manedyer ng football stadium: “Ang mapayapang kapaligiran sa nakalipas na apat na araw . . . ay nakahahawa. Nakararanas ka ng personal na katahimikan na kabaligtaran ng anumang apat na araw sa maigting na daigdig ng negosyo at sa pang-araw-araw na buhay sa paligid natin. Talagang naiiba ang mga Saksi at mahirap ipaliwanag.”

Ang tagapayo sa pagsasanay ng isang industriya ng konstruksiyon na dumalaw sa mga tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa London ay nagsabi: “Hangang-hanga ako kapuwa sa aking nakita at narinig at lubha akong namangha sa kapaligiran ng ganap na kapayapaan at katahimikan na umiiral hindi lamang sa inyong mga gusali kundi rin naman sa gitna ng [mga lalaki’t babae]. Inaakala kong malaki ang maituturo ng iyong paraan ng pamumuhay at kaligayahan sa iba pa sa maligalig na daigdig na ito.”

(2) Katiwasayan at Kapayapaan. Isang kolumnista para sa Journal de Montréal sa Canada ay sumulat: “Hindi ako Saksi. Subalit saksi ako sa bagay na ang ang mga Saksi ay sumasaksi sa kasanayan at wastong paggawi. . . . Kung sila lamang ang tao sa daigdig, hindi na natin kailangan pang tarangkahan sa gabi ang ating mga pinto at maglagay ng alarma para sa mga magnanakaw.”

(3) Ang pagkamatapat sa pamahalaan ng Kaharian ng Diyos ay nagpapakilala sa mga Saksi. Ang kanilang neutral na katayuan ay umiinis sa ilan, bagaman hindi naman kailangan. Ang hindi nila pagsangkot sa kasalukuyang mga panukala ng pulitika na pagpapabuti ay hindi dahil sa kawalan ng interes na mapaayos ang lipunan. Bagkus, sinisikap nilang gumawi sa paraan na nakalulugod sa isa na namamahala sa pamamagitan ng isang makalangit na pamahalaan, alalaong baga, ang Maylikha ng lupa, ang Diyos na Jehova.

Ang mga paniniwala ng mga Saksi, na lubusang nakasalig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay humahadlang sa kanila na mahulog sa bitag ng pagiging isang sekta o kulto. Interesado sila sa lahat ng iba pang tao, na mula sa anumang relihiyosong pananampalataya. Hindi, hindi nila pinipilit ang mga taong ito na baguhin ang kanilang pangmalas. Sinisikap nilang tularan ang kanilang Lider, si Kristo Jesus, sa pamamagitan ng paghaharap ng maka-Kasulatang katibayan ng Paraisong walang suliranin na malapit nang itatag sa lupa.​—Mateo 28:19, 20; 1 Pedro 2:21.

(4) Espirituwal na Kalusugan at Kaligayahan. Sa totoo lang, hindi inaangkin ng mga Saksi ni Jehova na sila’y lubusang walang suliranin sa panahong ito. Imposible ito sa gitna ng mga tao na nagtataglay ng palatandaan ng minanang kasalanan mula kay Adan. Subalit sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos, gumagawa sila upang malinang ang personal na mga katangiang gaya ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” (Galacia 5:22, 23) Ang kanilang pagsamba kay Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang siyang nagbubuklod sa kanila sa pagkakaisa at nagpapanatiling buháy sa kanilang pag-asa.

Inaasahan namin na ang iyong pagdalaw sa lokal na dakong tipunan ng mga Saksi ay kukumbinsi sa iyo na babaguhin ng Diyos ang lupa tungo sa isang literal na paraiso.

Mawawala na ang kasalukuyang mga suliranin. Kahit na ang nagtatagal na di-kasakdalan ay unti-unting maglalaho habang ikinakapit ang mga pakinabang ng haing pantubos ni Kristo sa masunuring sangkatauhan. Oo, maaaring maging iyo ang sakdal na kalusugan at kaligayahan.

Ang simpleng paghahanda ay tutulong sa iyo na matamasa ang pag-asang iyon. Humiling sa mga Saksi para sa iyong personal na kopya ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan.a Sa sandaling panahon, sa pamamagitan nito ay matututuhan mo ang hinihiling sa iyo ng Diyos upang ikaw man ay magtamasa magpakailanman ng buhay sa isang paraisong walang suliranin.

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 10]

Ang mga paniniwala ng mga Saksi, na lubusang nasasalig sa Bibliya, ay humahadlang sa kanila sa pagiging isang sekta o kulto

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Inilalagay na ngayon ang pundasyon para sa isang paraisong walang suliranin

Malapit nang umiral ang isang pisikal na paraiso sa buong daigdig

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share