Mga Lihim ng Pagtulog ng Hayop
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA
TULOG—halos sangkatlo ng ating buhay ay ginugugol natin sa maginhawang kalagayang ito. Hindi naman isang pag-aaksaya ng panahon, waring sinasapatan ng tulog ang maraming mahalagang pangangailangan ng katawan at isipan. Ang tulog sa gayon ay maaaring ituring na isang mahalagang kaloob mula sa Diyos.—Ihambing ang Awit 127:2.
Hindi kataka-taka, ang tulog ay gumaganap din ng mahalagang bahagi sa daigdig ng mga hayop. Oo, maraming kaurian ng mga hayop ang natutulog sa paraang kahali-halina, kung minsan ay nakatatawa, at kadalasa’y pambihira. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
Mga Kampeon sa Pagtulog
Ang sinumang nakakita na ng isang natutulog na leon na nakatihaya na ang mga paa ay pataas na nakaunat sa katanghaliang tapat sa Aprika ay makapanghihinuha na ang mabagsik na uring pusang ito ay maamo na gaya ng pusa sa bahay. Subalit, ang mga hitsura ay nakalilinlang. Ang ika-17 siglong manunulat na si Thomas Campion ay sumulat: “Sino ang mangangahas na galitin ang natutulog na leon?” Oo, kahit na ang malakas na leon ay nangangailangan ng tulog—mga 20 oras sa isang araw—upang isagawa ang maninilang istilo ng buhay nito.
Isaalang-alang din, ang tuatara, isang matamlay na tulad-butiking hayop na masusumpungan sa New Zealand. Gumugugol ito ng halos kalahating taon sa kalagayang bahagyang pagtulog sa panahon ng taglamig. Aba, ang tuatara ay napakatamlay anupat nakakatulog pa nga ito samantalang ngumunguya ng pagkain nito! Subalit ang pagtulog na iyon ay maliwanag na nakatutulong dito, sapagkat tinataya ng mga siyentipiko na ang ilang tuatura ay nabubuhay ng halos 100 taon!
Tulad ng kathang-isip na si Rip Van Winkle, ang ibang nilalang ay natutulog din nang mahabang panahon kung taglamig. Ito ang paraan kung kaya ang marami sa mga ito ay nakaliligtas sa malamig na mga taglamig. Bilang paghahanda, ang hayop ay gumagawa ng makakapal na suson ng taba sa katawan nito upang buhayin ito sa panahon ng mahabang pagtulog nito. Ano naman ang humahadlang sa natutulog na hayop na mamatay sa ginaw? Gaya ng paliwanag ng aklat na Inside the Animal World, ang utak ay nag-uudyok ng kemikal na mga pagbabago sa dugo ng hayop, anupat lumilikha ng isang uri ng likas na panlaban sa pagyeyelo. Habang lumalamig ang temperatura ng katawan ng kinapal na malapit na sa temperatura ng pagyeyelo, ang tibok ng puso nito ay bumabagal tungo sa hating-bilang ng normal na bilis nito; ang paghinga nito ay bumabagal. Saka nangyayari ang mahimbing na pagtulog, at ito’y maaaring tumagal sa loob ng maraming linggo.
Pagtulog ‘Habang Lumilipad’?
Ang ilang hayop ay natutulog sa lubhang pambihirang paraan. Isaalang-alang ang ibong-dagat na tinatawag na sooty tern. Kapag umalis ng pugad nito ang isang inakay na sooty tern, ito’y lumilipad patungo sa dagat at nananatili sa patuloy na paglipad sa susunod na ilang taon! Yamang hindi ito nasasangkapan ng hindi nababasang balahibo at wala itong paa na parang pato na gaya ng ibang tern na makalalapag sa tubig, iniiwasan ng sooty tern na malubog sa dagat. Ito’y naghahanap ng pagkain sa pamamagitan ng pagdagit sa maliliit na isda mula sa ibabaw ng tubig.
Subalit kailan ito natutulog? Ganito ang sabi ng aklat na Water, Prey, and Game Birds of North America: “Tila hindi sila maaaring matulog sa karagatan yamang mababarahan ng tubig ang mga balahibo nito. Ipinalalagay ng ilang siyentipiko na ang mga ibong ito ay maaaring natutulog habang lumilipad.”
Pag-idlip sa Ilalim ng Tubig
Natutulog ba ang mga isda? Ayon sa The World Book Encyclopedia, sa mga vertebrata (mga hayop na may gulugod) “ang mga reptilya, ibon, at mga mamal lamang ang nakararanas ng tunay na pagtulog, na may mga pagbabago sa wave pattern ng utak.” Magkagayon man, ang mga isda ay nagtatamasa ng tulad-pagtulog na mga panahon ng pahinga—bagaman ang karamihan ay hindi maipikit ang kanilang mga mata.
Ang ilang isda ay natutulog nang patagilid; ang iba naman ay patiwarik o patayo. Ang ilang isdang-lapad, gaya ng flounder, ay nananatili sa ilalim ng pinakasahig ng dagat samantalang gising. Kapag natutulog, ito’y lumulutang mga ilang pulgada mula sa ilalim ng dagat.
Ang makulay na parrot fish ay may pambihirang rutin sa pagtulog: Nagsusuot ito ng isang “pantulog.” Habang papalapit na ang panahon ng pagtulog nito, ito’y gumagawa ng uhog, o laway, na lubusang bumabalot sa katawan nito. Ang layunin? “Marahil upang hindi [ito] makita ng mga maninila,” sabi ng manunulat tungkol sa kalikasan na si Doug Stewart. Lumalabas ito mula sa malapot na kasuutan nito kapag ito’y nagigising.
Ang mga seal ay may kawili-wili ring rutin sa pagtulog. Pinapipintog nila ang kanilang mga lalamunan na parang lobo, anupat lumilikha ng isang uri ng likas na tsalekong panlutang. Habang nakalutang sa ganitong paraan, maaari silang matulog habang patayong nakalutang sa tubig na ang kanilang mga ilong ay nakalitaw sa ibabaw ng tubig para sa paghinga.
Pinananatiling Bukas ang Isang Mata
Mangyari pa, ang pagtulog sa iláng ay nagpapangyari sa isang hayop upang madaling masila. Kaya maraming kinapal ang natutulog na nakabukas ang isang mata, wika nga. Pinananatili ng kanilang mga utak ang isang antas ng pagiging alisto sa panahon ng pagtulog, anupat nagpapahintulot sa kanila na tumugon sa anumang tunog na nangangahulugan ng panganib. Gayunman ang ibang kinapal ay nakaliligtas sa paggawa ng regular na mga pagsusuring pangkaligtasan. Halimbawa, ang mga ibon na natutulog sa isang kawan ang sa pana-panahon ay nagbubukas ng isang mata at sumisilip, na sinisiyasat ang panganib.
Ang mga kawan ng antelope o zebra sa Aprika ay nagbabantayan sa isa’t isa sa panahon ng pagtulog. Kung minsan ang buong kawan ay mahihiga sa lupa na ang kanilang mga ulo ay nakaangat at alisto. Sa pana-panahon, ang isang hayop ay tatagilid at mahihigang malambot sa lupa sa mahimbing na pagkakatulog. Pagkaraan ng ilang minuto, isa namang miyembro ng kawan ang hahalili rito.
Sa katulad na paraan ang mga elepante ay natutulog bilang isang kawan. Subalit, ang mga adulto ay karaniwan nang nananatiling nakatayo at bahagyang natutulog, na binubuksan ang kanilang mga mata sa pana-panahon, itinataas at pinalalapad ang kanilang pagkalaki-laking mga tainga upang sumagap ng anumang tunog ng panganib. Sa ilalim ng pangangalaga ng pagkalalaking bantay na ito, ang maliliit na elepante ay nahihiga sa kanilang tagiliran at natutulog nang mahimbing. Sa kaniyang aklat na Elephant Memories, nagugunita ng manunulat na si Cynthia Moss ang pagkakita sa buong kawan na natutulog: “Una muna ang mga batang elepante, pagkatapos ang mas nakatatanda, at sa wakas ang adultong mga babae ay pawang nahihiga at natutulog. Sa liwanag ng buwan ang mga ito’y parang pagkalaki-laking abuhing bato, subalit pinasisinungalingan ng kanilang malalim at payapang paghihilik ang larawang ito.”
Marami pa tayong matututuhan tungkol sa mga ugali sa pagtulog ng mga hayop. Subalit kapag isinaalang-alang mo ang kakaunting nalalaman natin, hindi ka ba nauudyukan na pag-isipan ang kagila-gilalas na karunungan ng Isa na “lumikha ng lahat ng bagay”?—Apocalipsis 4:11.