Kung Paano Sinisira ng Digmaan ang mga Bata
ANG digmaan, isa sa maraming gera sibil sa Sierra Leone, ay naganap maaga noong 1995. Sa paghinto ng putukan, ang apat-na-taóng-gulang na si Tenneh, na ang mga magulang ay namatay na sa digmaan, ay nakahandusay na sugatan. Isang bala ang naiwan sa ulo niya, sa likod ng kaniyang kanang mata, at may panganib na ang bala ay maaaring pagmulan ng impeksiyon na kakalat sa kaniyang utak at papatay sa kaniya.
Pagkaraan ng labing-anim na buwan, naisaayos ng mag-asawang Britano na isakay ng eroplano si Tenneh patungong Inglatera para sa operasyon. Inalis ng isang pangkat ng mga seruhano ang bala, at natuwa ang mga tao na naging matagumpay ang operasyon, anupat nailigtas ang buhay ng bata. Subalit, ang pagsasaya ay napatahimik sa pagkaalam na si Tenneh ay nanatiling isang ulila na hindi sana dapat nabaril.
Mga Sandata, Gutom, at Sakit
Bagaman si Tenneh ay tinamaan ng ligaw na bala, parami nang paraming bata ang talagang pinupuntirya sa halip na dati’y mga di-sinasadyang biktima lamang. Nang sumiklab ang alitan ng tribo, hindi sapat ang pagpatay sa mga nasa hustong gulang; ang mga anak ng kalaban ay itinuturing na mga kalaban sa hinaharap. Ganito ang sabi ng isang pulitikal na komentarista sa Rwanda sa isang brodkast sa radyo noong 1994: “Upang mapatay ang malalaking daga, kailangang patayin mo ang mumunting daga.”
Gayunman, ang karamihan ng mga batang namamatay sa mga digmaan ay hindi biktima ng mga bomba o mga bala kundi bagkus ng gutom at sakit. Halimbawa, sa mga digmaan sa Aprika, ang kakulangan ng pagkain at mga serbisyo medikal ay pumatay ng halos 20 ulit na mas maraming tao kaysa sa aktuwal na digmaan. Ang pagputol sa mahahalagang mga panustos ay isang taktika ng digmaan na walang-awang ipinatutupad sa modernong panahon. Kinalatan ng mga sundalo ang malalaking sukat ng lupang tinatamnan ng pagkain ng mga mina sa lupa, sinira ang mga panustos na binutil at mga sistema ng tubig, at sinamsam ang tulong na mga panustos. Giniba rin nila ang mga sentrong pangkalusugan, anupat nangalat ang medikal na mga tauhan.
Ang mga bata ang malubhang naaapektuhan ng mga taktikang iyon. Sa pagitan ng 1980 at 1988, halimbawa, ang mga batang namatay sa mga dahilang nauugnay sa digmaan ay may bilang na 330,000 sa Angola at 490,000 sa Mozambique.
Walang Tahanan, Walang Pamilya
Ang digmaan ay lumilikha ng mga ulila sa pamamagitan ng pagpatay sa mga magulang, subalit ginagawa rin ito sa pamamagitan ng pagwawatak-watak sa mga pamilya. Sa buong daigdig, halos 53 milyon katao ang tumakas mula sa kani-kanilang tahanan sa ilalim ng banta ng karahasan. Iyan ay halos 1 sa bawat 115 katao sa lupa! Sa paano man ay kalahati ang mga bata. Sa pagkatarantang tumakas, ang mga bata ay karaniwang napapahiwalay sa kani-kanilang mga magulang.
Bunga ng labanan sa Rwanda, 114,000 bata ang napawalay sa kanilang mga magulang sa pagtatapos ng 1994. Ayon sa isang surbey noong 1995, 1 sa 5 bata sa Angola ang nagkaroon ng kahawig na karanasan. Para sa maraming bata, lalo na sa mga musmos pa, ang trauma na hindi makasama ang mga magulang ay mas nakababalisa kaysa kaguluhan ng digmaan mismo.
Napatay ng mga Mina sa Lupa
Sa buong daigdig daan-daang libong batang lumabas upang maglaro, upang pastulin ang mga hayop, upang mangahoy, o magtanim ng mga pananim, ang pinasabog lamang ng mga mina sa lupa. Ang mga mina sa lupa ay pumapatay ng 800 katao sa bawat buwan. Sa 64 na mga bansa ay may sama-samang kabuuan na halos 110 milyong minang nakabaon sa lupa. Ang Cambodia lamang ay tinamnan ng pitong milyon ng gayong mga mina, dalawa sa bawat bata.
Mahigit na 40 bansa ang gumagawa ng halos 340 uri ng mina na iba’t iba ang hugis at kulay. Ang ilan ay parang bato, ang iba naman ay parang pinya, ang iba naman ay parang maliliit na berdeng paruparo na banayad na lulutang-lutang sa lupa mula sa mga helikopter, nang hindi sumasabog. Ipinahihiwatig ng mga ulat na ang ilang mina sa lupa, na dinisenyong magtinging mga laruan, ay inilagay na malapit sa mga paaralan at palaruan kung saan masusumpungan ng mga babae at mga bata ang mga ito.
Nagkakahalaga lamang ng mga $3 upang gumawa ng isang antipersonnel na mina, subalit nagkakahalaga sa pagitan ng $300 at $1,000 upang alisin ang isang mina sa lupa. Noong 1993 halos 100,000 mina sa lupa ang naalis, ngunit dalawang milyong bagong mina ang inilagay. Ang lahat ay matiyagang naghihintay ng mga biktima, hindi nito nakikilala kung sino ang sundalo at kung sino ang bata, hindi nito kinikilala ang kasunduan sa kapayapaan, at nananatili itong aktibo hanggang 50 taon.
Noong Mayo 1996, pagkaraan ng dalawang taóng talakayan sa Geneva, Switzerland, nabigo ang internasyonal na mga tagapag-areglo na makakuha ng pagbabawal sa paggamit ng mga mina sa lupa sa buong daigdig. Bagaman ipinagbawal nila ang ilang uri ng mina at naglagay ng mga paghihigpit sa paggamit ng iba pa, ang ganap na pagbabawal sa mga mina sa lupa ay hindi muling isasaalang-alang hanggang sa susunod na repasong komperensiya, na nakatakda sa taóng 2001. Mula ngayon hanggang sa panahong iyon, ang mga mina sa lupa ay kikitil ng 50,000 katao pa at babalda sa 80,000. Ang karamihan ay mga bata.
Pagpapahirap at Panghahalay
Sa mga digmaan kamakailan ang mga bata ay pinahirapan nang husto, upang parusahan ang kanilang mga magulang o upang makakuha ng impormasyon tungkol sa kanilang mga magulang. Kung minsan, sa malupit na larangan ng digmaan, hindi kinakailangan ang katuwiran at ang pagpapahirap sa mga bata ay nangyayari para lamang sa paglilibang.
Ang seksuwal na karahasan, kabilang na ang panghahalay, ay karaniwan sa digmaan. Sa mga labanan sa Balkans, isang patakaran nang halayin ang mga babaing tin-edyer at puwersahin silang dalhin sa kanilang sinapupunan ang anak ng kaaway. Sa katulad na paraan, ginamit ng mga sundalo sa Rwanda ang panghahalay bilang isang sandata upang sirain ang mga buklod ng pamilya. Sa ilang pagsalakay halos lahat ng babaing tin-edyer na nakaligtas sa pagsalakay ng militia ay hinalay. Maraming batang babaing nagdalang-tao ang itinakwil ng kanilang mga pamilya at komunidad. Pinabayaan ng ilang batang babae ang kanilang mga sanggol; ang iba naman ay nagpakamatay.
Emosyonal na Kabagabagan
Ang mga bata sa digmaan ay kadalasang nagbabata ng mga karanasang masahol pa sa pinakamasamang panaginip ng maraming nasa hustong gulang. Sa Sarajevo, halimbawa, ipinakita ng isang surbey sa 1,505 bata na halos lahat ay dumanas na paulanan ng bala. Mahigit sa kalahati ang tinamaan, at dalawang-katlo ang napasakalagayan na doo’y inaasahan nilang sila’y mapapatay.
Natuklasan sa isang surbey sa 3,000 batang taga-Rwanda na 95 porsiyento ang nakasaksi ng karahasan at mga pagpatay noong panahon ng paglipol ng lahi at na halos 80 porsiyento ang namatayan ng mga miyembro ng pamilya. Halos isang-katlo ang nakasaksi ng panghahalay o seksuwal na pagsalakay at nakita ng mahigit na isang-katlo ang ibang bata na nakikibahagi sa mga pagpatay o pambubugbog. Sinisira ng mga karanasang iyon ang mga murang isipan at puso. Ganito ang sabi ng isang ulat tungkol sa mga batang nagkaroon ng trauma mula sa dating Yugoslavia: “Ang mga alaala ng pangyayari ay mananatili sa kanila . . . na siyang dahilan ng labis na masamang panaginip, araw-araw na pagbabalik-gunita ng traumatikong mga pangyayari, takot, kawalang-kasiguruhan at matinding galit.” Pagkatapos ng paglipol ng lahi sa Rwanda, isang sikologo sa National Trauma Recovery Centre ang nag-ulat: “Kabilang sa mga sintomas na ipinakikita ng mga bata ay masasamang panaginip, nahihirapan sa pagtutuon ng isip, panlulumo at pagkadama ng kawalang-pag-asa tungkol sa hinaharap.”
Paano Matutulungan ang mga Bata?
Naniniwala ang maraming mananaliksik na ang trauma ay hindi nawawala kapag kinukuyom ng mga bata ang kanilang mga damdamin at mga alaala. Ang paggaling ay kadalasang nagsisimula kapag hinaharap ng bata ang masasamang alaala sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa isang madamayin at may kabatirang adulto sa kung ano ang nangyari. “Isa sa pinakamahalagang tulong ay ang papagtapatin at papagsalitain ang mga batang talagang may problema,” sabi ng isang social worker sa Kanlurang Aprika.
Ang isa pang mahalagang tulong sa pagpapagaling ng emosyonal na kirot ay ang matibay na pagkakaisa at suporta ng pamilya at ng komunidad. Tulad ng lahat ng mga bata, ang mga biktima ng digmaan ay nangangailangan ng pag-ibig, pag-unawa, at empatiya. Subalit, may dahilan nga ba upang maniwala na may pag-asa pa para sa lahat ng mga bata na magtamasa ng isang maaliwalas na kinabukasan?
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Ito’y Parang Bola
Sa Laos isang batang babae at ang kaniyang kapatid na lalaki ay patungo sa dako kung saan manginginain ang kalabaw. Nakita ng batang babae ang isang bagay sa estero na parang bola. Dinampot niya ito at inihagis ito sa kaniyang kapatid na lalaki. Nahulog ito sa lupa at sumabog, na agad sumawi sa batang lalaki.
[Kahon sa pahina 9]
Isa Lamang sa Libu-Libo
Nang magsimula ang labanan sa kaniyang dako sa Angola, si Maria, isang 12-anyos na ulila, ay hinalay at nagdalang-tao. Nang tumindi ang labanan, tumakas si Maria, na lumalakad ng 300 kilometro tungo sa isang ligtas na dako, kung saan siya ay pumasok sa isang gusali para sa mga batang nagsilikas. Palibhasa’y napakabata pa, maaga siyang nagdamdam sa panganganak, anupat nahirapan nang husto sa panganganak ng isang sanggol na kulang sa buwan. Ang sanggol ay nabuhay ng dalawang linggo lamang. Si Maria ay namatay pagkalipas ng isang linggo. Si Maria ay isa lamang sa libu-libong bata na pinahirapan at hinalay sa mga digmaan kamakailan.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Luray na mga Isipan at Puso
Kung paano kadalasang apektado ng karahasan ang mga bata ay inilalarawang mainam ng walong-taóng-gulang na si Shabana, ng India. Nakita niyang binubugbog ng isang mang-uumog ang kaniyang ama hanggang mamatay at pagkatapos ay pinugutan ng ulo ang kaniyang ina. Ang kaniyang isipan at puso ay nanatiling manhid, anupat ikinukubli ang pagkagimbal at pangungulila. “Hindi ko hinahanap-hanap ang aking mga magulang,” ang sabi niya sa isang tinig na walang damdamin, walang kabuhay-buhay. “Hindi ko sila naiisip.”