Isang Maaliwalas na Kinabukasan Para sa Ating mga Anak
MULA noong wakas ng Digmaang Pandaigdig II, ang mga pamahalaan ng daigdig ay bumalangkas at lumagda ng maraming kasunduan upang pangalagaan ang mga sibilyan sa digmaan. Kabilang sa mga ito ang mga kasunduan na nagpapahintulot na ang pananamit pati na ang mga panustos na gamot at pagkain ay makarating sa mga bata. Ang internasyonal na mga kasunduan ay nangako na pangangalagaan ang mga bata mula sa seksuwal na pagsasamantala, pagpapahirap, at karahasan. Ipinagbawal din ng mga kasunduan ang pagpapatala ng sinumang wala pang 15 anyos sa hukbong sandatahan.
Pinupuri ng The State of the World’s Children 1996, isang ulat ng United Nations Children’s Fund, ang mga batas na ito bilang “tunay na mga palatandaan” at ang sabi pa: “Ang mga pulitikong nakaaalam na may mga pamantayan na doo’y maaari silang hatulan ay malamang na mapakilos na isaalang-alang ang mga pamantayang iyon sa kanilang pagsusuri.”
Mangyari pa, batid din ng mga pulitiko na ang internasyonal na komunidad ay kadalasang kulang kapuwa sa kakayahan at pagkukusang ipatupad ang mga kautusan. Sa gayo’y inaamin ng ulat na “dahil sa malawakang pagwawalang-bahala sa mga simulaing ito, madaling labagin ang umiiral na kalipunan ng internasyonal na batas.”
At nariyan din ang bagay tungkol sa pera. Noong 1993, ang mga labanan ay nagngalit sa 79 na mga bansa. Animnapu’t lima sa mga ito ay mahihirap na bansa. Saan kinuha ng mahihirap na bansang ito ang mga sandata na ginamit sa pakikipagbaka? Ang karamihan ay mula sa mayayamang bansa. At sino ang limang pangunahing nagpapaluwas ng mga sandata sa nagpapaunlad na bansa? Ang limang permanenteng miyembro ng United Nations Security Council!
Ang mga Nagmamalasakit
Mangyari pa, may mga taimtim na nagmamalasakit sa kalagayan ng mga bata sa digmaan. Maibiging tinutulungan kapuwa ng mga indibiduwal at mga organisasyon ang mga batang biktima ng digmaan. Halimbawa, ang mga Saksi ni Jehova, na hindi nakikilahok sa digmaan, ay gumawa niyaon. Ngunit upang hindi mabiktima ang mga bata sa digmaan talagang kailangang mawala mismo ang digmaan, isang pag-asa na waring hindi mangyayari. Dahil sa mahabang kasaysayan ng alitan at digmaan ng sangkatauhan, marami ang naghinuha na hindi kailanman mapangyayari ng mga tao ang pandaigdig na kapayapaan. Sa puntong ito, tama sila.
Naghinuha rin ang mga tao na hindi kailanman makikialam ang Diyos sa mga suliranin ng mga bansa o magdadala ng namamalaging kapayapaan sa planetang ito. Sa puntong ito, mali sila.
Ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay lubhang nababahala sa mga bagay na nangyayari sa lupa. Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, si Jehova ay nagtatanong: “Mayroon ba akong anumang kaluguran sa kamatayan ng isang balakyot . . . at hindi ba mabuti na siya’y tumalikod sa kaniyang mga lakad at patuloy na mabuhay?” Ang Diyos ay mariing sumasagot: “Wala akong kaluguran sa kamatayan ng isa na namamatay.”—Ezekiel 18:23, 32.
Pag-isipan ito: Kung ninanais ng ating mahabaging Maylalang na magsisi at tamasahin ang buhay kahit na ng balakyot na mga nasa hustong gulang, tiyak din na nais niyang ang mga bata’y mabuhay at tamasahin ang buhay! Subalit, hindi pagtitiisan ng ating maibiging Maylalang ang balakyot magpakailanman. “Ang mga manggagawa ng masama mismo ay mahihiwalay,” ang pangako ng Salita ng Diyos. “Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na.”—Awit 37:9, 10.
Mahal ni Jesu-Kristo, na may kasakdalang ipinabanaag ang personalidad ng kaniyang makalangit na Ama, ang mga bata at sinabi na “ang kaharian ng mga langit ay sa mga tulad nito.” (Mateo 19:14) Ang paghahain ng mga bata sa mga diyos ng digmaan ay kasuklam-suklam kapuwa sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.—Ihambing ang Deuteronomio 18:10, 12.
Ang Pangako ng Diyos na Isang Maaliwalas na Kinabukasan
Pinahintulutan ng Diyos ang mga digmaan at paghihirap sa nakalipas na mga dantaon upang ang katotohanang binanggit ni propeta Jeremias ay mapatunayang totoo magpakailanman: “Talastas ko, O Jehova, na hindi nauukol sa makalupang tao ang kaniyang lakad. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Di na magtatagal, ang Bibliya ay nangangako, ipagbabangong-puri ni Jehova ang kaniyang pansansinukob na soberanya sa “pagpapatigil sa mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.” (Awit 46:9) Inihula rin sa Bibliya ang panahon na “papandayin [ng mga tao] ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Ano ang mangyayari sa mga napatay sa digmaan? May pag-asa pa ba para sa kanila? Si Jesus ay nangako ng isang pagkabuhay-muli ng mga patay sa isang lupang wala nang digmaan, na nagsasabing: “Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan . . . ay lalabas.” (Juan 5:28, 29) Sa katulad na paraan, may pagtitiwalang binanggit ni apostol Pablo: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15.
Ang mga pangako ng Diyos ay tiyak na matutupad. Mayroon siyang kapangyarihan at determinasyon na isagawa ang lahat ng nilayon niya. (Isaias 55:11) Kapag sinabi ni Jehova na aalisin niya ang digmaan, aalisin niya ito. Kapag ipinangako niyang bubuhaying-muli yaong mga namatay, gagawin niya ito. Gaya ng sinabi ni anghel Gabriel, “sa Diyos ay walang kapahayagan ang magiging imposible.”—Lucas 1:37.
[Larawan sa pahina 10]
Kapag wala nang digmaan, lahat ng bata ay magtatamasa ng kaayaayang buhay