Ang “Black Death” ay Hindi Siyang Wakas
NOONG Oktubre ng 1347, ang mga barkong pangkalakal mula sa Silangan ay pumasok sa daungan ng Messina, sa Sicily. Ang mga nagsasagwan ay maysakit at naghihingalo. Makikita sa kanilang mga katawan ang maiitim at sinlalaki ng itlog na mga bukol na nilalabasan ng dugo at nana. Ang mga magdaragat ay dumanas ng matinding kirot at namatay pagkaraan ng ilang araw mula nang lumitaw ang unang mga sintomas.
Ang mga daga mula sa mga barko ay kumarimot ng takbo upang makisama sa mga daga roon. Dala ng mga daga ang mga pulgas na may isang baktiryang nakamamatay sa tao. Sa gayon ay kumalat ang epidemyang karamdaman na nakilala bilang isang salot, ang Black Death, ang pinakamatinding salot sa kasaysayan ng Europa hanggang noong panahong iyon.
Ang salot ay may dalawang anyo. Ang isang anyo, na ipinapasa ng kagat ng nahawahang pulgas, ay kumakalat sa daluyan ng dugo at nagiging sanhi ng mga bukol at pagdurugo sa loob. Ang isa pa, na ipinapasa sa iba sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahin, ay pinagmulan ng impeksiyon sa mga baga. Dahil sa umiiral ang dalawang anyo, ang sakit ay mabilis na kumalat at taglay ang kakila-kilabot na kabagsikan. Sa loob lamang ng tatlong taon, ito’y kumitil sa sang-kapat ng populasyon sa Europa; marahil ay 25 milyon katao ang namatay.
Walang nakaaalam noon kung paano naipasa ang sakit sa mga tao. Ang ilan ay naniniwala na ang hangin ay may lason, marahil dahil sa isang lindol o sa isang di-pangkaraniwang pagkakahanay ng mga planeta. Ang iba naman ay nag-akala na ang mga tao’y nagkasakit sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa isang taong nahawahan. Bagaman iba-iba ang opinyon, maliwanag na ang sakit ay lubhang nakahahawa. Sinabi ng isang Pranses na manggagamot na waring ang isang taong maysakit ay “makahahawa sa buong daigdig.”
Walang alam na panghadlang at lunas ang mga tao. Pinag-isipan ng marami ang mga hula sa Bibliya na gaya niyaong nakaulat sa Lucas 21:11, na humuhula ng mga salot sa panahon ng kawakasan. Bagaman maraming salapi ang iniabuloy sa mga simbahan, ang salot ay patuloy na nagngalit. Ganito ang sulat ng isang Italyano noon: “Walang kampana ang tumunog at walang tumangis kahit na sino pa man ang namatay sapagkat inasahan ng halos lahat ang kamatayan . . . ang mga tao’y nagsabi at naniwala, ‘Ito na ang katapusan ng mundo.’ ”
Subalit, hindi pa ito ang wakas. Sa pagtatapos ng ika-14 na siglo, ang salot ay huminto. Nagpatuloy ang daigdig.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Archive Photos