Itinuwid ng Isang Europeong Korte ang Isang Pagkakamali
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GRESYA
ANG serbisyo militar ay sapilitan sa Gresya. May mga panahon na, mga 300 Saksi ni Jehova ang nabibilanggo dahil sa pagtangging maglingkod sa militar. Para sa Amnesty International ang mga ito’y nabilanggo dahil sa budhi at patuloy na pinakikiusapan ang magkakasunod na Griegong pamahalaan na palayain ang mga ito at magpatibay ng batas na magpapahintulot sa mga ito na magsagawa ng serbisyong pambayan na di-uring pinarurusahan.
Noong 1988, pinagtibay ang bagong batas na may epekto sa serbisyo militar. Bukod sa ibang bagay, ito’y sa kondisyong “ang sumusunod ay libre sa serbisyo militar: . . . Mga rekrut na mga ministro ng relihiyon, mga monghe o kasalukuyang sinasanay na mga monghe mula sa isang kinikilalang relihiyon, kung iyon ang nais nila.” Ang mga ministro ng relihiyon ng Simbahang Griego Ortodokso ay lagi nang nakalilibre sa paraang simple lamang at walang kahirap-hirap, walang nakakaharap na problema at pang-aabuso sa kanilang saligang karapatang pantao. Ganito rin ba sa mga ministro ng minoryang relihiyon? Isang pagsubok ang di-nagtagal ay nagbigay ng sagot.
Ibinilanggo Nang Labag sa Batas
Kaayon ng batas na ito, sa pagtatapos ng 1989 at sa pagsisimula ng 1990, sina Dimitrios Tsirlis at Timotheos Kouloumpas, mga hinirang na relihiyosong ministro ng Central Congregation ng Kristiyanong Saksi ni Jehova sa Gresya, ay nagharap ng aplikasyon sa kani-kanilang tanggapan sa pagrerekrut upang malibre sa serbisyo militar. Kalakip ng kanilang aplikasyon, nagsama sila ng mga dokumento na nagpapatunay na sila’y mga aktibong ministro ng relihiyon. Gaya ng inaasahan, ang mga aplikasyon ay tinanggihan sanhi ng mababaw na dahilan na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kabilang sa isang “kilalang relihiyon.”
Sina Brother Tsirlis at Kouloumpas ay nagreport sa kani-kanilang sentro ng pagsasanay militar at inaresto, sa paratang na insubordinasyon, at sila’y naditini. Samantala, tinanggihan ng General Headquarters for National Defense ang kanilang apelasyon sa desisyon ng mga tanggapan ng pagrerekrut. Ginamit ng mga awtoridad ng militar ang argumento na ipinabatid sa kanila ng Banal na Sinodo ng Simbahang Griego Ortodokso na ang pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova ay isang di-kinikilalang relihiyon! Ito’y taliwas sa pasiya ng ilang korte sibil na nagsabing ang mga Saksi ni Jehova ay tunay na isang kilalang relihiyon.
Humatol naman ang mga korte militar na sina Tsirlis at Kouloumpas ay nagkasala ng insubordinasyon at sinentensiyahan ang mga ito ng apat na taóng pagkabilanggo. Iniapela ng dalawang kapatid ang desisyong ito sa Military Appeal Court, na tatlong ulit na nagpaliban sa pagsisiyasat ng apelasyon sa iba’t ibang kadahilanan. Gayunman, sa bawat pagkakataon ay tinanggihan nito ang pansamantalang pagpapalaya sa mga nag-aapela mula sa pagkabilanggo, bagaman may ganitong paglalaan ang batas ng Griego.
Samantala, sa hiwalay na kaayusan ng paglilitis, pinawalang-saysay naman ng Supreme Administrative Court ang desisyon ng General Headquarters for National Defense, sa dahilang ang mga Saksi ni Jehova ay talaga namang kabilang sa kilalang relihiyon.
Sa loob ng 15 buwan na sina Tsirlis at Kouloumpas ay nasa Avlona Military Prison, sila’y napaharap sa napakadi-makatao at masamang pakikitungo kasama ng iba pang nakabilanggong mga Saksi. Isang ulat noon ang nagsabi hinggil sa “nakapandidiring kalagayan sa bilangguan na kinaroroonan [ng mga bilanggong Saksi ni Jehova], anupat binabanggit ang bulok na karne at mga buntot ng daga, na madalas na inihahain kasama ng pagkain, ang pagpapaikli ng mga oras ng pagdalaw depende sa kapritso ng administrasyon, ang kakulangan ng espasyo dahil sa sobrang dami ng mga bilanggo at sa mas masahol na pakikitungong ipinakikita sa mga nabilanggo dahil sa kanilang budhi.”
Sa wakas, pinawalang-sala ng Military Appeal Court sina Brother Tsirlis at Kouloumpas ngunit kasabay nito ay ipinasiyang ang Estado ay walang pananagutan na bayaran sila sa kanilang pagkakaditini yamang “ang pagkakaditining ito ay sanhi ng malubhang kapabayaan ng mga aplikante.” Ito’y nagbangon ng makatuwirang mga tanong sa pangkat ng marurunong sa batas: Sino ang dapat managot sa malubhang kapabayaan? Ang mga Saksi ba o ang mga korte militar?
Agad na pinalaya ang mga kapatid na ito mula sa bilangguan at sa wakas ay inalis sa hukbong sandatahan dahil sa sila’y mga ministro ng relihiyon. Nang sila’y palayain, ipinatalastas ng Amnesty International na nalulugod ito sa pagpapalaya kina Dimitrios Tsirlis at Timotheos Kouloumpas at ipinahayag ang pag-asa na sa hinaharap, ang mga ministro ng mga Saksi ni Jehova ay di-isasali sa serbisyo militar ayon sa mga probisyon ng batas ng Gresya. Gayunman, di-nagtagal at ang pag-asang ito ay nabigo.
Labas-Pasok sa Bilangguan
Isa pang hinirang na ministro ng relihiyon ng mga Saksi ni Jehova ang kinailangang dumanas ng medyo naiibang karanasan sa gayunding kadahilanan. Noong Setyembre 11, 1991, nag-aplay si Anastasios Georgiadis para sa eksemsiyon sa serbisyo militar na sinusunod ang gayunding paraan. Pagkalipas ng anim na araw ay sinabihan siya ng tanggapan ng pagrerekrut na ang kaniyang aplikasyon ay tinanggihan, muli dahil sa ayaw tanggapin ng Banal na Sinodo ng Simbahang Griego Ortodokso na ang mga Saksi ni Jehova ay isang kilalang relihiyon. At ganito nga ang nangyari sa kabila ng ipinahayag na pasiya ng Supreme Administrative Court sa kaso nina Tsirlis at Kouloumpas!
Ang nakasulat na sagot mula sa General Headquarters for National Defense ay nagsasaad: “Sumapit ang Administrasyon sa isang negatibong pasiya hinggil sa aplikasyon [ni Georgiadis], batay sa ekspertong opinyon na ibinigay ng Banal na Sinodo ng Simbahan ng Gresya, na hindi tumatanggap sa mga Saksi ni Jehova bilang isang kilalang relihiyon.”—Amin ang italiko.
Ipinasok si Georgiadis sa Nafplion Training Camp noong Enero 20 at karaka-rakang inilagay sa pandisiplinang selda ng kampo. Pagkaraan ay inilipat siya sa Avlona Military Prison.
Noong Marso 16, 1992, pinawalang-sala ng Military Court of Athens si Georgiadis. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na tinanggap ng isang korte militar sa Gresya na tunay ngang isang kilalang relihiyon ang mga Saksi ni Jehova. Agad siyang pinalaya ng direktor ng Avlona Military Prison ngunit inutusan siyang magreport muli para sa serbisyo sa Abril 4, sa sentro ng pagrerekrut sa Nafplion. Pagsapit ng petsang iyon, muling tumanggi si Georgiadis na magpalista at muli na namang pinaratangan ng insubordinasyon, naditini sa ikalawang pagkakataon, at inilagay sa paglilitis.
Noong Mayo 8, 1992, siya’y pinawalang-sala ng Military Court of Athens mula sa isang bagong kasong kriminal ngunit ipinasiyang hindi babayaran ang pagkakaditini sa kaniya. Agad na pinalaya si Georgiadis mula sa Avlona Military Prison ngunit sa ikatlong pagkakataon ay inutusan na namang magreport para sa serbisyo sa sentro ng pagrerekrut sa Nafplion, noong Mayo 22, 1992! Muli na naman siyang tumanggi na magpalista at sa ikatlong pagkakataon ay pinaratangan ng insubordinasyon at siya’y naditini.
Noong Hulyo 7, 1992, pinawalang-saysay ng Supreme Administrative Court ang desisyon noong Setyembre 1991, sa dahilang ang mga Saksi ni Jehova ay talagang kabilang sa isang kilalang relihiyon. Noong Hulyo 27, 1992, sa wakas ay pinalaya na si Georgiadis mula sa Thessalonica Military Prison. Noong Setyembre 10, 1992, siya’y pinawalang-sala ng Korte Militar ng Thessalonica ngunit nagsabi na si Georgiadis ay hindi kailangang bayaran dahil sa ang kaniyang pagkakaditini ay sinasabi na namang ‘sanhi ng kaniyang malubhang kapabayaan.’
Laganap na Reaksiyon
Bilang komento sa naging kaso ni Georgiadis, ganito ang pahayag ng Parlamento ng Europa: “Ang situwasyong ito ay isang kaso ng diskriminasyon laban sa mga ministro ng relihiyon ng mga Saksi ni Jehova may kinalaman sa simulain ng pagkakapantay-pantay sa ilalim ng batas at sa pagtatamasa ng karapatan sa pantay-pantay na pakikitungo.”
Noong Pebrero 1992, isinaad ng Amnesty International na ito’y “naniniwala na [si Anastasios Georgiadis] ay nabilanggo dahil lamang sa pakikitungong may diskriminasyon sa bahagi ng mga awtoridad ng militar laban sa mga ministrong Saksi ni Jehova at nananawagan sa kaniyang karaka-raka at walang-pasubaling paglaya bilang isang bilanggo dahil sa budhi.”
Maging ang piskal ng militar sa isa sa paglilitis kay Georgiadis ay napilitang magsabi: “Ang lawak ng pagsulong ng kultura sa lipunan ay nakikita sa paraan ng pakikitungo nito sa ilang situwasyon may kinalaman sa mga mamamayan nito. Kung tayo rito sa Gresya ay nagnanais na iayon ang pagsulong ng ating kultura sa mga pamantayan ng Europa, kung nais nating sumulong, kung gayon ay dapat tayong sumunod sa mga regulasyong internasyonal at alisin sa atin ang pagtatangi. Ang isang sektor na lalo nang kinakikitaan nito ay ang paggalang sa indibiduwal na karapatan ng mamamayan. Gayunman, maliwanag na nakikita sa aktuwal na mga pangyayari at sa mga taktika ng administrasyon na ang pagtatangi at kawalan ng pagpaparaya ay nangingibabaw laban sa mga minoryang relihiyon. Ang kasong pinag-uusapan ay napakasama.”
Si Ian White, isang miyembro ng Parlamento ng Europa, na taga-Bristol, Inglatera, ay sumulat: “Ang ideya na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi ‘isang kilalang relihiyon’ ay ngingitian lamang ng marami sa Bansang ito. Tiyak, bagaman kakaunti sa bilang kung ihahambing, ang mga Saksi ay kilalang-kilala sa Bansang ito at sila’y madalas na nagbabahay-bahay.” Sa mahigit na 26,000 Saksing nangangaral sa Gresya, mahirap mangyaring sila’y maging ‘isang di-kilalang relihiyon’!
Isang grupo ng sampung miyembro ng Parlamento ng Europa ang sumulat upang ipahayag ang kanilang galit sa naging kaso ni Georgiadis, na sinasabing sila’y “labis-labis na nagtataka at nalulungkot” sa ganitong mga paglabag sa karapatang pantao sa Gresya.
Pag-apela sa Europeong Korte ng Karapatang Pantao
Matapos mapawalang-sala at mapalaya sa bilangguan, nadama ng tatlong naging biktima ng diskriminasyong ito sa relihiyon na bilang udyok ng tuntunin ng moralidad, sila’y nararapat lamang na mag-apela sa Europeong Korte ng Karapatang Pantao. Ang saligan ng apelasyong ito ay ang ilegal na pagkakaditini sa kanila, na napatunayang hindi talaga makatarungan, at ang mental at pisikal na pagpapahirap na dinanas nila, gayundin ang napakalaking pinsalang naidulot sa moral at sosyal na paraan dahilan sa paulit-ulit na pag-aalis ng kanilang kalayaan sa loob ng napakatagal na panahon. Dahil dito ay ipinaglaban nila ang isang makatarungan at angkop na halaga bilang kabayaran.
Buong-pagkakaisang nagpasiya ang Europeong Komisyon ng Karapatang Pantao na sa naging kaso nina Tsirlis at Kouloumpas, nagkaroon ng paglabag sa kanilang karapatan sa kalayaan at seguridad ng tao, ang pagkakaditini sa kanila ay labag sa batas, sila’y may karapatan sa kaukulang kabayaran, at hindi sila binigyan ng makatarungang pagdinig sa isang hukuman. Ganito rin ang naging konklusyon ng Komisyon sa naging kaso ni Georgiadis.
Itinuwid ang Kawalan ng Katarungan
Ang pagdinig ay itinakda noong Enero 21, 1997. Maraming tao sa loob ng hukuman, kasali na ang mga estudyante mula sa lokal na unibersidad, mga peryodista, at ilang mga Saksi ni Jehova mula sa Gresya, Alemanya, Belgium, at Pransiya.
Si Ginoong Panos Bitsaxis, ang abogado para sa mga Saksi, ay nagsalita hinggil sa “paulit-ulit na pagmamatigas at pagpupumilit ng mga Griegong awtoridad na huwag kilalanin ang pag-iral ng isang minoryang relihiyon,” alalaong baga’y ang mga Saksi ni Jehova. Tinuligsa niya ang ginagawa ng mga Griegong awtoridad na pagbatay sa kanilang opisyal na opinyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova ayon sa pangmalas ng pangunahing mga kalaban nito—ang Simbahang Griego Ortodokso! Patuloy pa niya: “Hanggang saan kaya ito makararating? . . . At hanggang kailan?” Binanggit niya ang tungkol sa “pagtangging kilalanin ang isang relihiyosong komunidad, isang pagtangging sa wari’y kakatwa kung makikita mong ito’y ginagawa nang tuwiran, lantaran, at wala sa katuwiran, labag sa legalidad, labag sa napakaraming desisyon ng Supreme Administrative Court.”
Pinatunayan ng kinatawan ng pamahalaan ng Gresya ang may-pinapanigang saloobin ng Griegong mga awtoridad sa pagsasabi: “Hindi dapat kaligtaan na halos ang buong populasyon ng Gresya ay ilang siglo nang kabilang sa Simbahang Ortodokso. Natural lamang na ang maging resulta nito ay na ang organisasyon ng Simbahang iyan at ang katayuan ng mga ministro nito at ang kanilang papel sa Simbahan ay napakaliwanag. . . . Ang katayuan naman ng mga ministro ng Simbahan ng mga Saksi ni Jehova ay hindi gaanong maliwanag.” Tunay ngang isang lantarang pag-amin sa di-makatuwirang pakikitungo sa minoryang mga relihiyon sa Gresya!
Pinagtibay ang Kalayaan sa Relihiyon
Ibinaba ang hatol noong Mayo 29. Ang Presidente ng Kapulungan, si Ginoong Rolv Ryssdal, ang bumasa ng desisyon. Ang Korte, na binubuo ng siyam na hukom, ay buong-pagkakaisang naniniwala na nilabag ng Gresya ang Artikulo 5 at 6 ng Europeong Kombensiyon. Ipinagkaloob din nito sa mga aplikante ang halagang humigit-kumulang na $72,000 bilang kabayaran at gastos. Higit na mahalaga, kalakip sa desisyon ang maraming kapuri-puring argumento na pabor sa kalayaan ng relihiyon.
Tinukoy ng Korte na “lantarang ipinagwalang-bahala ng mga awtoridad ng militar” ang katotohanan na ang mga Saksi ni Jehova ay tinatanggap bilang isang “kilalang relihiyon” sa Gresya, ayon sa naging hatol ng Supreme Administrative Court. Nagkomento pa ito: “Ang nauugnay na pagpupumilit ng mga awtoridad na huwag tanggapin ang mga Saksi ni Jehova bilang isang ‘kilalang relihiyon’ at dahil dito’y ipinagwawalang-bahala ang karapatan ng aplikante na maging malaya ay may bahid ng diskriminasyon kung ihahambing sa paraan ng pagkuha ng eksemsiyon ng mga ministro ng Simbahang Griego Ortodokso.”
Ang kasong ito ay binigyan ng malawakang publisidad ng Griegong media. Ganito ang pahayag ng Athens News: ‘Binatikos ng Europeong korte ang Gresya hinggil sa paghahabol ng Jehova.’ Ang desisyon sa kasong Tsirlis and Kouloumpas and Georgiadis v. Greece ay nagbangon ng pag-asa na iaayon ng Estado ng Gresya ang batas nito sa hatol ng Europeong Korte, nang sa gayon ay magtamasa naman ng kalayaan sa relihiyon ang mga Saksi ni Jehova sa Gresya nang walang pakikialam ang administrasyon, militar, o simbahan. Isa pa, isa na namang hatol ito na ibinigay ng Europeong Korte laban sa sistema ng hudisyal sa Gresya hinggil sa mga bagay na may kinalaman sa kalayaan sa relihiyon.a
Napakahalaga para sa mga Saksi ni Jehova ang kanilang kalayaan, at sila’y nagsisikap na magamit ito upang makapaglingkod sa Diyos at upang makatulong sa kanilang kapuwa. Pinagsikapang dalhin ng tatlong Saksing ministrong ito ng relihiyon ang kanilang mga kaso hanggang sa Europeong Korte ng Karapatang Pantao, hindi dahil sa materyal na pakinabang, kundi dahil lamang sa moral at etikal na mga kadahilanan. Kaya naman, ipinasiya ng tatlong ito na ang kaukulang kabayaran na ibinigay sa kanila ay bukod-tanging gagamitin nila sa pagpapalawak ng edukasyonal na gawain ng mga Saksi ni Jehova.
[Talababa]
a Ang unang desisyon, na inilabas noong 1993, ay ang kasong Kokkinakis v. Greece; ang pangalawa, na inilabas noong 1996, ay ang kasong Manoussakis and Others v. Greece.—Tingnan Ang Bantayan, Setyembre 1, 1993, pahina 27-31; Gumising!, Marso 22, 1997, pahina 14-16.
[Larawan sa pahina 20]
Sina Esther at Dimitrios Tsirlis
[Larawan sa pahina 21]
Sina Timotheos at Nafsika Kouloumpas
[Larawan sa pahina 22]
Sina Anastasios at Koula Georgiadis