Ang Pangmalas ng Bibliya
Bakit Ka Matatakot sa Isang Diyos ng Pag-ibig?
“MALIGAYA ANG TAONG NATATAKOT KAY JEHOVA.”—Awit 112:1.
KUNG “ang Diyos ay pag-ibig,” gaya ng pagkakalarawan ng Bibliya sa kaniya, bakit kailangang matakot sa kaniya? (1 Juan 4:16) Ang pag-ibig at takot ay karaniwan nang itinuturing na magkasalungat. Kaya naman, anong papel ang ginagampanan ng takot sa ating kaugnayan sa Diyos? Bakit matatakot sa isang Diyos ng pag-ibig? Kung titingnang mabuti ang paggamit sa Bibliya ng salitang “takot,” mas mauunawaan natin ang tungkol sa bagay na ito.
Sa halos lahat ng wika ang isang salita ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang kahulugan, depende sa konteksto. Gayundin naman, ang Bibliya ay bumabanggit ng iba’t ibang uri ng takot. Kapag ginagamit nito ang salita may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos, hindi ito tumutukoy sa pangingilabot, pagkasindak, o pangamba sa nagbabantang parusa. Sa halip, ang takot sa Diyos ay nangangahulugan ng kapaki-pakinabang na damdamin—matinding paghanga, pagpipitagan, at taimtim na paggalang. Ang marangal na damdaming ito ay may kakambal na pag-ibig at pagkaakit sa Diyos, hindi ang tendensiyang lumayo o magtago sa kaniya.
Ang takot sa Diyos ay pumapalit sa labis-labis at nakapanginginig na takot. Hinggil sa taong natatakot sa Diyos, sumulat ang salmista: “Siya’y hindi matatakot maging sa masamang balita. Ang kaniyang puso ay matatag, na tumitiwala kay Jehova.” (Awit 112:7) Walang pananakot mula sa masasamang tao o mula kay Satanas mismo ang makapananaig sa ating taimtim na paggalang at pagpipitagan kay Jehova. (Lucas 12:4, 5) Ni hindi rin tayo dapat matakot na lumapit sa Diyos sa panalangin. Sa halip, sa kontekstong ito, “ang takot ay itinatapon sa labas ng . . . pag-ibig.”—1 Juan 4:18.
Ang Kalangitan at ang Kadakilaan ng Diyos
Si Haring David noon ay isang lalaking may takot sa Diyos. Gayon na lamang ang kaniyang matinding paghanga habang dinidili-dili ang kagandahan at kasalimuutan ng paglalang. Bumulalas siya: “Ako’y magbibigay-papuri sa iyo sapagkat ako’y ginawa sa kamangha-manghang paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.” (Awit 139:14) Habang pinagmamasdang mabuti ang kalangitan sa gabi, bumulalas siya: “Ang mga langit ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos.” (Awit 19:1) Sa palagay mo kaya’y nahintakutan si David sa karanasang ito? Sa kabaligtaran, ito’y nag-udyok sa kaniya upang umawit ng papuri kay Jehova.
Ang sumulong na kaalaman hinggil sa mga langit sa ngayon ay nagbibigay sa atin ng higit pang matibay na dahilan upang makadama ng matinding paghanga. Kamakailan lamang, sinilip ng mga astronomo sa pamamagitan ng Hubble Space Telescope ang dako pa roon ng kalangitan na hindi nagawa ng sinumang tao noon. Pumili sila ng isang bahagi ng kalangitan na waring walang laman ayon sa mga teleskopyong nasa lupa at ipinokus ang Hubble sa isang lugar na kasinliit lamang ng butil ng buhanging hawak sa layong isang dipa. Ang nakitang larawan ay punung-puno, hindi ng indibiduwal na mga bituin, kundi ng mga galaksi—napakalawak na mga sistemang binubuo ng bilyun-bilyong bituin—na hindi pa kailanman nakita ng tao!
Ang laki, hiwaga, at kababalaghan ng uniberso ay nagkikintal ng sindak sa isang masigasig na tagapagmasid. Gayunman, ang gayong kababalaghan ay isa lamang larawan ng kaluwalhatian at kapangyarihan ng Maylalang. Tinatawag ng Bibliya ang Diyos na Jehova na “ang Ama ng makalangit na mga liwanag” at nagsasabi sa atin na “binibilang [niya] ang mga bituin; lahat ng mga ito’y tinatawag niya sa kanilang pangalan.”—Santiago 1:17; Awit 147:4.
Ang pagiging napakalawak ng uniberso ay makikita rin sa haba ng panahon ng mga pangyayari sa kalangitan. Ang liwanag mula sa mga galaksi na nakuha ng Hubble Space Telescope ay naglalakbay na noon pa sa kalawakan sa loob ng bilyun-bilyong taon! Hindi ba nararapat lamang na ang ating pagiging baguhan at maliit kung ihahambing sa pagkapermanente ng kalangitan ay maging dahilan upang tayo’y matinding humanga at taimtim na magpitagan sa Isa na gumawa ng mga bituin? (Isaias 40:22, 26) Ang pagkatanto na ‘isinasaisip ng Diyos na lumalang ng lahat ng ito ang mortal na tao at nagmamalasakit sa kaniya’ ay nagpapalalim ng ating pagpapahalaga sa ating Maylalang at nagiging dahilan upang hangarin nating makilala siya at mapaluguran siya. (Awit 8:3, 4) Ang marangal na paggalang at pagpapahalagang ito ang tinatawag ng Bibliya na takot sa Diyos.
Isang Mapagpatawad na Diyos
Tayong lahat ay di-sakdal. Kahit na nagsisikap na gawin ang tama, tayo’y nagkakasala pa rin nang di-sinasadya. Kapag nangyari iyan, tayo ba’y manghihilakbot na baka mawala ang pabor ng Diyos sa atin? Ang salmista ay sumulat: “Kung mga pagkakamali ang iyong titingnan, O Jah, O Jehova, sino kaya ang makatatayo? Sapagkat nasa iyo ang tunay na pagpapatawad, upang ikaw ay katakutan.” (Awit 130:3, 4) Ang pagiging napakabait at mapagpatawad ng “Dakilang Maylikha” ay nag-uudyok sa kaniyang mga mananamba na magkaroon ng taimtim na pagpapahalaga at pagpipitagan.—Isaias 54:5-8.
Ang takot sa Diyos ay gumaganyak sa atin na gumawa ng mabuti at umiwas din sa paggawa ng mga bagay na masama ayon sa Diyos. Ang ating kaugnayan sa ating makalangit na Ama ay maaaring ihalintulad sa kaugnayan ng isang mabait na taong ama sa kaniyang mga anak. Kung minsan, nalilimutan ng mga anak ang dahilan kung bakit pinagbabawalan sila ng kanilang ama na maglaro sa kalye. Ngunit, kapag hahabulin na nila ang bola patungo sa matrapik na daan, napipigil sila dahil sa naalaala nila ang pagbabawal ng kanilang ama—na posibleng makapagligtas sa kanila sa kamatayan. Gayundin naman, ang takot sa Diyos ng isang nasa hustong gulang na ay maaaring pumigil sa kaniya sa paggawa ng isang bagay na sisira sa buhay—ang sa kaniya at ang sa iba.—Kawikaan 14:27.
Pagkatakot sa Kahatulan ng Diyos
Sa kabaligtaran naman, ang isang tao na hindi nakokonsiyensiya sa di-pagpapalugod sa Diyos ay may dahilan upang matakot sa isang paraang lubhang naiiba. Kung paanong pinarurusahan ng mga pamahalaan ng tao ang masasamang elemento, may karapatan ang Diyos na kumilos laban sa matitigas ang ulo at di-nagsisising manggagawa ng masama. Ang pansamantalang pagpapahintulot ng Diyos sa kabalakyutan ay nagpangyari sa ilan na magpakagumon sa maling landasin. Subalit maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na di na magtatagal at darating din ang araw na aalisin niya ang lahat ng masasamang elemento sa lupa. (Awit 37:9, 10; Eclesiastes 8:11; 1 Timoteo 5:24) Ang di-nagsisising balakyot ay may dahilan upang matakot sa parusa ng Diyos. Ngunit, ang uring ito ng takot ay hindi ang uri ng takot na inirerekomenda ng Bibliya.
Sa halip, iniuugnay ng Bibliya ang takot kay Jehova sa magagandang bagay sa buhay—pag-awit, kagalakan, pananalig, karunungan, mahabang buhay, pagtitiwala, kasaganaan, pag-asa, at kapayapaan, bilang pagbanggit sa ilan.a Kung patuloy tayong lalakad na may takot kay Jehova, tatamasahin natin ang mga pagpapalang ito magpakailanman.—Deuteronomio 10:12-14.
[Talababa]
a Tingnan ang Exodo 15:11; Awit 34:11, 12; 40:3; 111:10; Kawikaan 10:27; 14:26; 22:4; 23:17, 18; Gawa 9:31.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Sa kagandahang-loob ng Anglo-Australian Observatory, larawang kuha ni David Malin