Mula sa Aming mga Mambabasa
Maulang Gubat ng Amason Hangang-hanga ako sa magkakasunod na artikulong “Ang Maulang Gubat ng Amason—Mga Alamat at Katotohanan.” (Marso 22, 1997) Bilang isang ekolohista sa halaman ng U.S. Forest Service, kailangan kong pag-aralan ang napakaraming babasahin hinggil sa kapaligiran. Gayunman, itinuturing kong ang inyong artikulo ang pinakamagaling sa lahat ng aking nabasa na tungkol sa paksang ito. Napakahusay ng pagkakasaliksik, nakapagtuturo, at napapanahon, at talagang nakawiwiling basahin. Nakatutuwang makita ang mga ideyang gaya ng biyodibersidad, ekstraksiyon, pagpapaliit, at ekosistema na lumitaw sa isang babasahing may ganitong napakalawak na pamamahagi sa buong daigdig. Mapabubuti nito ang mga bagay-bagay.
D.S., Estados Unidos
Ako po’y 12 taóng gulang, at gusto ko po kayong pasalamatang mabuti dahil sa mga artikulo. Binasa ko po ang mga ito nang gabi ring iyon na matanggap namin ang magasin! Palibhasa’y tungkol dito ang tinatalakay namin sa klase sa heograpiya sa paaralan, binigyan ko ng isang kopya ang aming guro sa heograpiya kinabukasan. Mangyari pa, nag-usisa ang iba sa klase, at umaasa akong makapagpapasakamay ako ng ilan pang magasin sa kanila.
T. E., Alemanya
Talagang nakawiwili ang mga artikulo. Pagkalaki-laki ng bilang ng mga uri ng insektong binanggit, na bawat isa’y may kani-kaniyang tungkuling ginagampanan sa ilalim ng mga dahon sa sahig ng kagubatan. Tinitiyak ni Jehova na ang pagkain ay naitutustos sa lahat ng naninirahan doon. Nauunawaan ko kung bakit niya ‘dadalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.
D. K. H., Estados Unidos
Pananakot—Anong Masama Rito? Salamat po sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Pananakot—Anong Masama Rito?” (Marso 22, 1997) Sa paaralan ay hinihiya ng bawat isa ang pinakamahina, at ako man ay napilitang gumawa ng gayon. Subalit ang payong ibinigay sa artikulong ito na ilagay ang sarili sa kalagayan ng taong iyon ay may malaking naitulong sa akin upang tigilan na ang pananakot. Salamat pong muli.
M. N., Pransiya
Ako po’y 17 taóng gulang, at nagpapasalamat nang marami dahil sa artikulo. Ito po’y sagot sa aking mga panalangin, at tunay na nakapagpalakas-loob sa akin. Ang pagkaalam na kinapopootan ni Jehova ang pananakot ay nakatulong sa akin nang malaki upang gumawa ng kinakailangang pagbabago sa aking ugali. Ang Ginintuang Alituntunin at ang halimbawa ni Jesus ay nagkabisa sa akin, at ang mga ito’y tumulong sa akin na gumawi nang tama.
V. T., Italya
Kamakailan, sa isang silid-hintayan, dinampot ko ang Gumising! at natuklasan ko ang artikulong ito na napakaganda ang pagkakasulat. Talagang nauunawaan ko ang namamalaging pinsalang maaaring idulot ng pananakot. Ang aking kapatid na lalaki ay dumurusta [sa akin, na kaniyang kapatid na babae] sa salita, sa emosyon, at sa pisikal. Kapag siya’y kinakausap tungkol dito, nagkikibit lamang siya ng balikat, tumatawa, at sinasabing biro lang naman iyon. Sinasabi niya sa akin na ako ang may problema dahil hindi ako marunong magbiro! Nang ako’y 13 at siya nama’y 15, tinatakot na niya ako ng seksuwal na pagmomolestiya. Palagi akong natatakot sa kaniya sapagkat siya’y mas matanda, mas malaki, at napakalakas! Hindi ako kailanman ipinagsanggalang ng aking mga magulang. Salamat, Gumising!, sa pagbibigay-pansin sa malulubhang suliranin sa buhay. Alam kong kailangan dito ang lakas ng loob. Nadarama kong nasaling ninyo ang maraming puso dahil sa artikulong ito.
B. S. M., Estados Unidos
Mga Hardinerong Langgam Pagkabasa ng artikulong “Isang Dalubhasang Hardinero” (Marso 22, 1997), bumisita ako sa isang eksibisyon at nasaksihan ko ang mismong gawain na inyong inilarawan. Sa tingin ay para itong mga dahong gumagalaw sa isang lubid na nakalawit mula sa kisame. Ang totoo, dala ng mga langgam ang mga dahong iyon, at sa di-kalayuan ay abala sila sa paglilinang ng isang halamanang-singaw. Tunay na isang kagila-gilalas na tanawin na makita ang inyong binanggit at ito’y naging dahilan upang ako at ang aking dalawang maliliit na anak na babae ay lalong mapalapit sa ating maibiging Ama sa langit, si Jehova.
P. F., Scotland