Matutong Tanggapin ang Pagbukod
“TULAD ng mga palaso sa kamay ng makapangyarihang lalaki, gayon ang mga anak ng kabataan,” ang sulat ng salmista sa Bibliya. (Awit 127:4) Hindi nararating ng palaso ang tudlaan nito nang di-sinasadya. Dapat ay maingat itong asintahin. Sa katulad na paraan, hindi mararating ng mga anak ang tunguhing maging responsableng mga adulto kung walang patnubay ng magulang. “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran,” ang payo ng Bibliya, at “kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.”—Kawikaan 22:6.
Ang pagbabago mula sa pagiging pakaining bata tungo sa pagiging independiyenteng adulto ay hindi magagawa sa magdamag. Kaya kailan dapat simulang sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak upang maging independiyente? Pinaalalahanan ni apostol Pablo ang binatang nagngangalang Timoteo: “Mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (2 Timoteo 3:15) Isip-isipin, sinimulan ng ina ni Timoteo na bigyan siya ng espirituwal na pagsasanay samantalang siya’y sanggol pa!
Ngayon, kung ang mga paslit na sanggol ay nakikinabang mula sa espirituwal na pagsasanay, hindi ba makatuwiran lamang na hangga’t maaari ay agahan ang pagsasanay sa mga anak tungo sa pagiging adulto? Ang isang paraan upang magawa ito ay turuan silang maging responsable at makapagpasiya sa kanilang sarili.
Turuan ang mga Anak na Maging Responsable
Paano mo mapasisigla ang iyong mga anak na maging responsable? Nagugunita ng isang mag-asawang nagngangalang Jack at Nora ang tungkol sa kanilang anak na babae: “Nang siya’y nagsisimula pa lamang lumakad, natutuhan niyang dalhin ang mga medyas o maliliit na bagay sa kaniyang kuwarto at ilagay ang mga ito sa tamang drower. Natutuhan din niyang itabi ang mga laruan at mga aklat sa kani-kanilang dako.” Ito ang maliliit na pasimula, subalit ang bata ay natututo nang gumawa ng responsableng pagpapasiya.
Habang nagkakaedad ang bata, marahil ay mapagkakatiwalaan na siya ng mas mabibigat na pananagutan. Kaya naman pinayagan nina Abra at Anita ang kanilang anak na babae na magkaroon ng alagang aso. Ang bata ay may pananagutan sa pag-aalaga sa aso at nagbigay pa nga ng salapi mula sa kaniyang baon para sa pangangalaga rito. Ang pagsasanay sa mga anak na kumilos kasuwato ng kanilang mga pananagutan ay nangangailangan ng pagtitiyaga. Subalit ito’y sulit naman at nakatutulong sa kanilang emosyonal na paglaki.
Ang mga gawain sa bahay ay nagbibigay ng isa pang pagkakataon upang turuan ang mga anak ng pananagutan. Talagang inililibre ng ilang magulang ang kanilang mga anak mula sa mga tungkulin ng pamilya, palibhasa’y itinuturing na ang pakikibahagi nila rito ay lalong nakaaabala sa halip na makatulong. Iniisip naman ng iba na ang kanilang mga anak ay dapat na ‘magtamasa ng mas mabuting buhay kaysa naranasan nila noong sila’y mga bata pa.’ Ito’y maling pangangatuwiran. Ang Kasulatan ay nagsasabi: “Kung may nagpapalayaw ng kaniyang lingkod mula sa kabataan, siya ay magiging di-mapagpasalamat sa huling bahagi ng kaniyang buhay.” (Kawikaan 29:21) Ang simulain ng tekstong ito ay tiyak na kumakapit sa mga anak. Nakalulungkot nga kapag ang isang kabataan na sumasapit sa pagbibinata’t pagdadalaga ay hindi lamang nagiging “di-mapagpasalamat” kundi hindi rin marunong gumawa maging ng pinakasimpleng mga gawain sa bahay.
Ang mga kabataan noong panahon ng Bibliya ay karaniwang inaatasan ng mga gawain sa bahay. Halimbawa, sa murang gulang na 17, ang kabataang si Jose ay may pananagutan na sa pangangalaga sa kawan ng pamilya. (Genesis 37:2) Hindi ito isang madaling gawain, yamang napakalaki ng kawan ng kaniyang ama. (Genesis 32:13-15) Dahil sa bagay na si Jose ay lumaking isang makapangyarihang lider, malamang na malaki ang nagawa ng maagang pagsasanay na ito upang hubugin ang kaniyang pagkatao sa positibong paraan. Ang magiging hari ng Israel na si David ay pinagkatiwalaan ding mangalaga sa kawan ng kaniyang pamilya noong kaniyang kabataan.—1 Samuel 16:11.
Ang aral para sa mga magulang ngayon? Atasan ang inyong mga anak ng makabuluhang mga gawain sa bahay. Taglay ang panahon, pagsisikap, at pagtitiyaga, matuturuan mo ang mga kabataan na makibahagi sa paglilinis, pagluluto, pagmamantini ng bakuran, at pagkukumpuni ng bahay at sasakyan. Totoo, depende ito sa edad at kakayahan ng bata. Subalit kahit na ang mga batang paslit ay karaniwan nang maaaring makibahagi sa ‘pagtulong kay Itay na ayusin ang kotse’ o sa ‘pagtulong kay Inay na magluto ng pagkain.’
Ang pagtuturo ng mga gawain sa bahay ay nangangailangan din na bigyan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng isang napakahalagang regalo—ang kanilang panahon. Isang mag-asawa, mga magulang ng dalawang anak, ay tinanong hinggil sa lihim ng matagumpay na pagsasanay ng anak. Ang sagot nila: “Panahon, panahon, panahon!”
Maibiging Pagtutuwid
Kapag ginawa ng mga bata ang kanilang gawain nang mahusay, o sa paano man ay nagsikap na gawin ito, pasiglahin sila sa pamamagitan ng sagana at taimtim na papuri! (Ihambing ang Mateo 25:21.) Mangyari pa, bihirang magawa ng mga bata ang mga gawain na ayon sa kakayahan ng isang adulto. At kapag ang mga bata’y pinahintulutang gumawa ng kanilang sariling pagpapasiya, madalas na sila’y magkakamali. Subalit mag-ingat sa labis na pagpuna! Hindi ba’t ikaw man ay nagkakamali rin bilang isang adulto? Kaya bakit hindi magpasensiya kapag nagkamali ang iyong anak? (Ihambing ang Awit 103:13.) Magpataan para sa mga pagkakamali. Malasin ang mga ito bilang bahagi ng proseso ng pagkatuto.
Ganito ang sabi ng mga awtor na sina Michael Schulman at Eva Mekler: “Ang mga batang pinakikitunguhan sa mabait na paraan ay hindi natatakot na sila’y parurusahan dahil sa pagpapasiya sa sarili.” Subalit, “ang mga anak ng walang pakiramdam o malupit na mga magulang ay takot na magsagawa ng anumang pagkukusa, pati na ng mga bagay na kapaki-pakinabang, sapagkat sila’y natatakot na baka mali para sa kanilang mga magulang ang kanilang ginawa at sa gayo’y pintasan o parusahan sila.” Ang komentong ito ay kasuwato ng payo ng Bibliya sa mga magulang: “Huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Kaya kapag ang mga pagsisikap ng bata ay hindi nakaabot sa mga inaasahan, bakit hindi siya purihin sa paano man dahil sa kaniyang pagsisikap? Pasiglahin siya na pagbutihin pa sa susunod. Ipaalam sa kaniya na ang kaniyang pagsulong ay nakapagpapagalak sa iyo. Tiyakin mo sa kaniya na mahal mo siya.
Mangyari pa, kung minsan ay kailangan ang pagtutuwid. Totoo ito lalo na sa mga taon ng pagbibinata’t pagdadalaga, kapag ang mga kabataan ay nakikipagpunyaging makapagtatag ng kanila mismong pagkakakilanlan, upang tanggapin bilang mga indibiduwal batay sa kanila mismong mga kakayahan. Kaya makabubuting malasin ng mga magulang ang gayong mga pagsisikap na makamit ang pagsasarili na taglay ang pang-unawa sa halip na laging ituring ang mga ito bilang paghihimagsik.
Totoo, ang mga kabataan ay malamang na kumilos nang may kapusukan o padala sa “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Kaya ang hindi pagtatakda sa pag-uugali ng kabataan ay makapipinsala sa damdamin ng isang bata; hindi niya matututuhan ang pagpipigil-sa-sarili at disiplina-sa-sarili. Ang Bibliya ay nagbababala: “Ang batang pinababayaan sa layaw ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina.” (Kawikaan 29:15) Subalit ang angkop na disiplina, na maibiging ibinibigay, ay kapaki-pakinabang at naghahanda sa isang kabataan para sa mga pangangailangan at panggigipit ng pagbibinata’t pagdadalaga. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Siyang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit siyang umiibig ay naglalapat sa kaniya ng disiplina.” (Kawikaan 13:24) Gayunman, tandaan na ang diwa ng disiplina ay pagtuturo at pagsasanay—hindi pagpaparusa. Ang “pamalo” na binabanggit dito ay malamang na tumutukoy sa baston na ginagamit ng mga pastol upang patnubayan ang kanilang mga kawan. (Awit 23:4) Ito’y sagisag ng maibiging patnubay—hindi ng mabagsik na kalupitan.
Edukasyon Para sa Buhay
Ang patnubay ng magulang ay lalo nang kailangan pagdating sa edukasyon ng isang anak. Magpakita ng interes sa edukasyon ng iyong anak. Tulungan siyang pumili ng angkop na kurso sa paaralan at gumawa ng responsableng pasiya tungkol sa kung kakailanganin ba ang anumang karagdagang edukasyon.a
Mangyari pa, ang pinakamahalagang edukasyon sa lahat ay ang espirituwal na edukasyon. (Isaias 54:13) Kakailanganin ng mga bata ang makadiyos na mga pamantayan upang makaligtas sa daigdig ng mga adulto. Ang kanilang “mga kakayahan sa pang-unawa” ay dapat na sanayin. (Hebreo 5:14) Malaki ang magagawa ng mga magulang upang tulungan sila sa bagay na ito. Ang mga pamilya sa mga Saksi ni Jehova ay hinihimok na magkaroon ng isang regular na pag-aaral ng Bibliya na kasama ng kanilang mga anak. Bilang pagtulad sa halimbawa ng ina ni Timoteo, na nagturo sa kaniya ng mga Kasulatan mula sa pagkasanggol, tinuturuan din ng mga magulang na Saksi ang kanilang maliliit na anak.
Ginagawa ng isang nagsosolong magulang na nagngangalang Barbara ang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya na totoong kalugud-lugod na karanasan para sa kaniyang mga anak. “Sa gabing iyon ay tinitiyak kong nabibigyan ko ang mga bata ng isang masarap na pagkain, na kumpleto sa panghimagas na gustung-gusto nila. Pinatutugtog ko ang mga tape na Kingdom Melodies upang lumikha ng tamang kapaligiran. Saka, pagkatapos ng panimulang panalangin, karaniwang pinag-aaralan namin ang magasing Bantayan. Subalit kung may pantanging pangangailangan, nagagamit ko ang publikasyong gaya ng Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Ang mga Sagot na Lumulutas.”b Ayon kay Barbara, ang pag-aaral ng Bibliya ay tumutulong sa kaniyang mga anak upang “taglayin ang mga pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay.”
Oo, wala nang higit pang regalong maibibigay sa isang bata kundi ang kaalaman at pag-unawa sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ito’y maaaring “magbigay sa walang karanasan ng talino, sa isang nasa kabataan ng kaalaman at kakayahang umisip.” (Kawikaan 1:4) Palibhasa’y nasasangkapan, ang isang kabataang nagbibinata’t nagdadalaga ay may kakayahang humarap sa mga bagong panggigipit at mga kalagayan.
Gayunman, ang pagbukod ng mga anak ay naghuhudyat ng isang malaking pagbabago sa istilo-ng-buhay ng karamihan sa mga magulang. Kung paano nila matagumpay na mahaharap ang isang bakanteng pugad ay tatalakayin sa ating susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Tingnan ang seryeng “Mga Magulang—Kayo Man ay May Araling-Bahay!” sa labas ng Setyembre 8, 1988, ng Gumising!
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 6]
“Ang mga anak ng walang pakiramdam o malupit na mga magulang ay takot na magsagawa ng anumang pagkukusa, pati na ng mga bagay na kapaki-pakinabang, sapagkat sila’y natatakot na baka mali para sa kanilang mga magulang ang kanilang ginawa at sa gayo’y pintasan o parusahan sila.”—Bringing Up a Moral Child, nina Michael Schulman at Eva Mekler
[Kahon sa pahina 6]
Mga Nagsosolong Magulang—Ang Hamon ng Pagpapahintulot na Bumukod
Isang nagsosolong magulang na nagngangalang Rebecca ay nagsabi: “Napakahirap para sa mga nagsosolong magulang na pahintulutan ang kanilang mga anak na bumukod. Kung hindi natin babantayan ang ating mga sarili, tayo’y may hilig na labis na protektahan at hadlangan ang kanilang pagsulong.” Ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya,c pahina 106-7, ay nagbibigay ng nakatutulong na mga obserbasyong ito:
“Natural lamang sa mga nagsosolong magulang ang mapalapit na mabuti sa kanilang mga anak, gayunman, dapat ingatan na ang mga hangganang inilagay ng Diyos sa pagitan ng mga magulang at ng mga anak ay hindi masira. Halimbawa, maaaring bumangon ang malulubhang suliranin kapag inasahan ng nagsosolong ina ang kaniyang anak na lalaki na siyang kumuha ng pananagutan na maging ulo ng tahanan o pakitunguhan ang kaniyang anak na babae bilang katapatang-loob, anupat pinabibigatan ang batang babae ng mga maseselan na suliranin. Ang paggawa nito ay hindi angkop, pabigat, at maaaring makalito sa isang bata.
“Tiyakin sa iyong mga anak na ikaw, bilang magulang, ang mangangalaga sa kanila—hindi ang kabaligtaran. (Ihambing ang 2 Corinto 12:14.) Kung minsan, kakailanganin mo ang ilang payo o suporta. Hingin ito sa Kristiyanong matatanda o maaaring sa maygulang na Kristiyanong kababaihan, hindi sa iyong mga menor pang anak.—Tito 2:3.”
Kapag naitatag ng nagsosolong mga magulang ang tamang mga hangganan at napanatili ang isang magandang kaugnayan sa kanilang mga anak, karaniwang mas madali para sa kanila na hayaan silang bumukod.
[Talababa]
c Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang praktikal na pagsasanay ay makatutulong sa mga anak na maging mas responsableng mga adulto
[Mga larawan sa pahina 8]
Ang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya ay maaaring magbigay sa mga bata ng kinakailangang karunungan upang maharap ang buhay bilang adulto