Ang Maraming Gamit ng Chitenge
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NAMIBIA
ANG chitenge—alam mo ba kung ano ito? Kung may panahon ka, sumama ka sa maikling biyahe sa isang nayong Aprikano at tingnan ang maraming gamit ng chitenge sa trabaho at sa libangan.
Ang nayong dadalawin natin ay ang Rundu, Namibia. Ang unang paghinto natin ay sa abalang palengke. Ang mga babaing may masasayang mukha ay tumatawad, bumibili, nagtitinda, o basta nakikipagkuwentuhan lamang. Subalit tingnan mong mabuti, at makikita mo na halos lahat sila ay nakasuot ng isang naiibang kasuutan, isang paldang itinatapis na kilala bilang chitenge.
Ang koton na chitenge ay dalawang metro ang haba at isa’t kalahating metro ang lapad at may napakaraming iba’t ibang kulay at disenyo. Ang ilan ay may disenyo ng mga larawan ng mga hayop, at ang iba naman, ng mga tao o tanawin.
Pagkatapos, dadalawin natin ang ilan sa mga taganayon sa kanilang maayos ang pagkakagawang kubo na yari sa putik at kugon. Abalang-abala ang mga babae sa kanilang mga gawain—kinakalaykay ang buhangin sa harap ng kanilang bahay o inihahanda ang gatong para sa pagkain ng pamilya. Ang ilan ay nakasuot lamang ng chitenge, sa pagkakataong ito’y nakataas at itinapis sa dibdib na parang daster. Kapag nakabihis ang mga babae—marahil nakablusa at palda—itatapis nila ang chitenge sa kanilang balakang upang huwag madumhan ang kanilang palda kapag sila’y naglalakad sa maalikabok na mga daan sa nayon.
Napansin mo ba ang kaakit-akit na dalagang iyon? Ipinulupot niya ang chitenge—ang buong dalawang metro nito—sa isang masalimuot at magandang turban. At tingnan mo kung paano niya kinakarga ang kaniyang sanggol. Ibinuhol niya ang isa pang chitenge na parang sakbat at isinuot ito sa isang balikat. Ang kaniyang sanggol ay talagang tuwang-tuwa na kargahin sa ganitong paraan sa likod ng Ina. Kung iiyak ito, hihilahin lamang niya ang sakbat sa harap niya at pasususuhin o aaliwin ito habang siya’y patuloy na naglalakad.
Maaaring nakita mo rin na ibinuhol niya ang kaniyang pera sa isang dulo ng kaniyang tapis na palda—isang kombinyenteng pitaka. Pagkatapos mamili, kaniyang kinakalag ang isa pang chitenge, inilalagay ang mga gulay sa loob nito, bihasang itinatali ang mga ito sa tela, at isinusunong ang bag na ito ng groseri upang dalhin ito sa bahay.
Pagpasok niya sa bahay, mapapansin mo ang iba pang mahuhusay na gamit ng maraming gamit na telang ito. Sa harap ng bawat pinto ay nakasabit ang isang chitenge na matingkad ang kulay. Gaya ng makikita mo, walang mga dingding sa loob. Isang pisi ang itinatali mula sa isang dulo ng bahay hanggang sa kabilang dulo, at apat na chitenge ang nakasabit dito, na naghihiwalay sa sala at sa silid tulugan.
Inilapag ng nag-anyaya sa amin ang kaniyang mga gulay at natalos niya na wala siyang panggatong. Bago siya magtungo sa ilang upang magtipon ng isang bungkos na kahoy, tiniyak niyang mayroon siyang dalang ekstrang chitenge. Pagkatapos tipunin ang mga panggatong, ginamit niya ang isang chitenge upang italing sama-sama ang lahat ng piraso ng kahoy. Pagkatapos ay kumuha siya ng isa pang chitenge at ipinulupot ito nang mahigpit at ginawang isang makapal, hugis-doughnut na dikin, na inilalagay niya sa kaniyang ulo. Ito’y nagsisilbing isang mahusay na sapin kapag sunong niya ang malaking bungkos ng kahoy at dinadala ito pauwi.
Pagkatapos na makapagpakulo ng kaniyang pagkain ang aming kaibigan ay ipinasiya niyang may panahon pa siya upang dalawin ang kaniyang mga kapitbahay. Samantalang siya’y nagsasalita at kumukumpas, inilatag niya ang kaniyang chitenge sa lupa na parang kumot at inilagay rito ang kaniyang sanggol. Binigyan naman nito ng konsuwelo ang kaniyang ina sa pamamagitan ng isang magiliw na ngiti nang bigyan siya nito ng patpat na mapaglalaruan.
Kaagad namang iniwan ng aming kaibigan ang kaniyang mga kapitbahay upang tingnan ang pagkain. Subalit nagdilim ang langit, at biglang umulan. Hindi nababahala, kinarga niya ang kaniyang sanggol sa isang kamay at mapamaraang itinalukbong ang chitenge sa kaniyang ulo. Habang sukob sila sa kaniyang kagyat na payong, humayo na siyang pauwi upang tingnan ang pagkain.
Palda, daster, pitaka, bag ng groseri, sapin, kumot, payong, tagabuhat-ng-sanggol, turban—ang mga gamit ng chitenge ay waring walang katapusan at isang patotoo sa katalinuhan ng mga Aprikanong ito.
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang “chitenge” ay maraming gamit: bilang panali sa panggatong, isang sakbat upang kargahin ang sanggol, isang magandang turban, isang makulay na kumot