Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 2/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maagang Pagtuklas ng Kanser sa Suso
  • Mga Sugapa sa Gamot na Nabibili Nang Walang Reseta
  • Lakas ng Impluwensiya ng Estudyanteng Babae
  • Namatay ang Pinakamatandang Tao sa Daigdig
  • Bilinggwal na mga Bata
  • Ang Pagkabahala ng Tsino sa Pagpapalaki ng Anak
  • Ang Pinakamasamang Kaaway ng Pating?
  • Pag-iipon sa mga Hayop Mula sa Himpapawid
  • Abalang mga Taga-Canada
  • Ang Kaigtingan ng Kawalang-Trabaho
  • Ang Isda na Inaayawan ng Lahat
    Gumising!—1991
  • Ang Great White Shark—Sinasalakay
    Gumising!—2000
  • Ang Kawawang Pating
    Gumising!—2007
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 2/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Maagang Pagtuklas ng Kanser sa Suso

Ang kanser sa suso ang pinakakaraniwang sakit na pumapatay ng kababaihan sa Brazil, at tinatayang pumipinsala ng 1 sa bawat 12, ayon sa ulat ng babasahing Medicina Conselho Federal ng Brazil. Hinihimok ng babasahin ang lahat ng babae na lampas na sa 25 anyos na regular na suriin ang kanilang suso. Inirerekomenda rin ng Medicina na magpa-mammogram sa unang pagkakataon ang mga babaing nasa pagitan ng 35 at 40 anyos, isang mammogram sa bawat dalawang taon ng mga nasa pagitan ng 40 at 50, at taunang mammogram naman pagkatapos nito. Bagaman yaong mga babaing karaniwang kumakain ng maraming taba mula sa hayop at yaong may mga pamilyang ganito ang sakit ay mas nanganganib, ang 70 porsiyento sa mga pasyenteng may kanser sa suso ay hindi naman kabilang sa alinmang kategorya na nasa panganib. Ang bagay na ito, ayon sa Medicina, “ay maliwanag na nagpapakita sa kahalagahan ng pagkakaroon ng paraan sa maagang pagtuklas.”​—Tingnan ang Gumising! ng Abril 8, 1994.

Mga Sugapa sa Gamot na Nabibili Nang Walang Reseta

Ang pagkasugapa sa mga medisinang nabibili nang walang reseta ay dumarami sa Hilagang Ireland, ayon sa ulat ng The Irish Times. Sa Hilagang Ireland, gaya rin sa maraming iba pang bansa, ang mga produktong gaya ng mga pamawi sa kirot at mga medisina sa ubo na nagtataglay ng codeine o iba pang gamot na puwedeng maging dahilan ng pagkasugapa ay maaaring makuha nang walang reseta. Ang ilan na sa di-sinasadya’y naging sugapa ay nagsisikap na magpatuloy sa kanilang bisyo, palibhasa’y nagiging mahirap ang pagtigil at may kalakip na pagsusuka at panlulumo. Inubos ng isang sugapa ang kaniyang mana, ipinagbili ang kaniyang bahay, at nabaon sa utang na nagkakahalaga ng £18,000 ($29,000) upang mabili niya ang 70 botelya ng medisina linggu-linggo. Si Frank McGoldrick, ng Belfast’s Research on Chemical Dependency Group, ay nagsabi na nag-aatubiling aminin ng karamihan sa mga sugapa sa mga medisinang nabibili nang walang reseta na sila’y gumon na at ni ayaw maniwala sa katotohanang pinipinsala nila ang kanilang sarili. “Hindi sila lumalabag sa batas,” wika ni McGoldrick. “Ni hindi nababatid ng karamihan na sila’y sugapa.”

Lakas ng Impluwensiya ng Estudyanteng Babae

Ang mga batang babae na nasa mataas na paaralan ang siyang pasimuno ng moda para sa mga mamimili sa Hapon, ayon sa isang ulat na inilathala sa The Daily Yomiuri. Madaling lumaganap kung ano ang uso sa pamamagitan ng bibigang mensahe sa kanilang mga kaedad, na maaaring lumampas sa 1,000 kakilala. Ang kanilang impluwensiya ay umaabot din sa mga grupong may ibang edad sa pamamagitan ng mga magulang at mga kapatid. Ang “mga batang babae ay nagtataglay ng mga katangian ng isang mabuting mamimili: pera, pagkamausyoso sa mga bagong produkto at panahon para mapagbigyan ang hilig.” Humigit-kumulang sa 68 porsiyento ng mga tin-edyer na Hapones ang tumatanggap ng panggastos, na may aberids na $220 sa isang buwan, at ang karamihan ay tumatanggap din ng pera mula sa mapagpalayaw na mga lolo’t lola at mula sa mga trabahong pansamantala. Ang mga sosyologo ay nababahala sa genzai shiko ng mga batang babae, o ang saloobin na mabuhay-sa-kasalukuyan, at sa kawalan nila ng mas makabuluhang personal na mga tunguhin. Ang isang pag-aaral kamakailan ay nagpakita na ang mga batang babae ngayon na nasa mataas na paaralan ay “dumaranas ng pagkayamot sa pagkakamit ng anumang magustuhan nila nang hindi na kinakailangan pang magpagal.”

Namatay ang Pinakamatandang Tao sa Daigdig

Si Jeanne Louise Calment, ang pinakamatandang tao sa daigdig batay sa Guinness Book of World Records, ay namatay noong Agosto 4, 1997, sa edad na 122, ayon sa ulat ng pahayagang Pranses na Le Figaro. Si Jeanne ay ipinanganak noong Pebrero 21, 1875, sa Arles, timog-silangang Pransiya​—bago naimbento ang bombilya, ang ponograpo, at ang kotse. Nag-asawa noong 1896, siya’y nagkaanak ng isang babae na nalampasan pa niya ng 63 taon sa haba ng buhay, at isang lalaking apo, na namatay noong 1963. Sariwa pa sa kaniyang alaala ang pagtatagpo nila ng pintor na si Vincent van Gogh noong 1888, nang siya’y tin-edyer pa, at siya’y naging kaibigan ng makatang si Frédéric Mistral, na nanalo ng Nobel prize noong 1904. Maraming paniniste si Jeanne hinggil sa mga lihim ng haba ng buhay, na binabanggit ang mga salik gaya ng pagtawa, paggawa, at pagkakaroon ng “sikmurang gaya ng sa isang avestruz.”

Bilinggwal na mga Bata

Habang natututo ang isang sanggol ng katutubong wika, ang kalakhan ng kakayahan nito na makapagsalita ay nasa isang lugar ng utak na tinatawag na Broca’s area. Kamakailan, ang mga mananaliksik sa Memorial Sloan-Kettering Cancer Center sa New York ay gumamit ng functional magnetic resonance imaging upang matiyak kung anong bahagi ng utak ang gumagana kapag ang taong bilinggwal ay gumagamit ng una o ikalawang wika. Natuklasan nila na kapag ang isang tao ay magkasabay na natututo ng dalawang wika habang bata pa, ang dalawang ito ay naiimbak sa iisang bahagi ng Broca’s area. Gayunman, kapag ang ikalawang wika ay natutuhan sa panahon ng pagbibinata at pagdadalaga o pagkaraan nito, lumilitaw na ito’y napapatabi sa una, sa halip na mapahalo rito. Ang pahayagang The Times ng London ay nagkomento: “Parang ang pagkatuto ng unang wika ang siyang gumagawa ng mga sirkito ng Broca’s area, anupat ang ikalawang wika ay kailangang mapalagay sa ibang dako.” Naniniwala ang mga mananaliksik na ito’y makatutulong upang maipaliwanag kung bakit mas mahirap na matuto ng ikalawang wika sa pagtanda.

Ang Pagkabahala ng Tsino sa Pagpapalaki ng Anak

Isang malawakang pag-aaral hinggil sa kaugnayan ng magulang at anak ang isinagawa kamakailan sa ilalim ng pagtataguyod ng Chinese Academy of Social Sciences, ayon sa ulat ng China Today. Ang pagsasaliksik ay nagpapakita ng pagkabahala sa bahagi ng maraming magulang may kaugnayan sa pagpapalaki ngayon sa mga anak. Ayon sa China Today, “ang ilan ay lubhang nalilito hinggil sa kung ano talaga ang dapat ituro sa mga bata​—ang tradisyonal na moralidad ng Tsino gaya ng katapatan, kahinhinan, paghuhunos-dili at pagmamahal, o ang makabagong saloobin ng pakikipagpaligsahan?” Halos 60 porsiyento ng mga magulang ang nababahala hinggil sa negatibong mga epekto ng TV sa mga bata. Nagpayo sa mga magulang ang mananaliksik sa balita na si Bu Wei na kontrolin ang mga programa na pinanonood ng isang bata alinsunod sa kaniyang edad at personalidad, tingnan at ipakipag-usap sa bata ang mga programa, at huwag pahintulutang kunin ng TV ang malaking panahon ng bata.

Ang Pinakamasamang Kaaway ng Pating?

Ang pating ay karaniwan nang kinatatakutan ng mga tao. Subali’t waring mas malaki ang dahilan para matakot ang mga pating sa tao. “Halos isang daang” tao ang namamatay bawat taon dahil sa pagsalakay ng pating, samantalang tinatayang 100,000,000 pating ang pinapatay ng mga mangingisda taun-taon, ayon sa ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. Ang bagay na ito ay nagbibigay ng alalahanin sa maraming biyologo ng mga hayop sa dagat, na nangangambang ang likas na balanse ng mga karagatan ay maaaring magambala kung magpapatuloy ang paglipol sa mga ito. Ang mga pating ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagkontrol sa populasyon ng mga hayop sa dagat. Yamang matagal bago maabot ng mga pating ang seksuwal na pagkamaygulang at nagluluwal lamang ng ilang anak pagkatapos ng mahabang pagbubuntis, ang labis na pangingisda ay nagsasapanganib sa pag-iral ng ilang uri ng pating. Ang isang karaniwang pamamaraan na ginagawa na labis na ikinalulungkot ng mga eksperto sa hayop sa dagat ay ang “finning”​—pagkuha ng palikpik para kainin at muling paghahagis ng pating sa dagat upang doon mamatay.

Pag-iipon sa mga Hayop Mula sa Himpapawid

Ang mga eroplanong mabagal lumipad na tinatawag na ultralight ay ginagamit ngayon ng ilang Australyanong rantsero upang ipunin ang mga baka at mga tupa sa kanilang malalawak na rantso, ayon sa ulat ng pahayagang The Sunday Mail ng Brisbane, Australia. Sinasabi ng isang rantsero sa Queensland na sa pamamagitan ng kaniyang ultralight siya’y nakatitipid ng dalawang linggong sahod para sa ilang tauhan sa bawat pag-iipon niya sa kaniyang mga tupa. “Pinalitan ng motorsiklo ang kabayo, at ngayon ay pinapalitan ng ultralight ang motorsiklo,” ang wika niya. Ang magagaan na eroplano ay may malalakas na tape player na nagpapatugtog ng mga recording ng pagtahol ng mga aso. Kapag narinig ito, “ang gulát na mga baka at tupa ay kumakaskas patungo sa pinakamalapit na mga bakuran,” wika ng artikulo.

Abalang mga Taga-Canada

Nagtatrabaho ang mga taga-Canada nang mas mahabang oras, at marami ang nahihirapan dahilan sa mga epekto nito, wika ng pahayagang The Globe and Mail. Pangamba sa kabuhayan ang nagiging dahilan kung bakit ang mga lalaki at mga babae, lakip na ang mga magulang ng maliliit na bata, ay napipilitang magtrabaho nang mas puspusan at matagal. Halos 2,000,000 taga-Canada ang may aberids na siyam na oras sa pag-o-overtime sa isang linggo, at 700,000 ang may karagdagang ginagawa, kahit na isa man lamang ekstrang trabaho. Ang ilang mananaliksik ay nagsasabing ang antas ng kabalisahan ay pumaimbulog, lalo na sa mga nag-oopisina. Ang mga dalubhasa ay nababahala sa magiging epekto ng bagay na ito sa mga bata, na bihira nang makita ang kanilang mga magulang. Si Dr. Kerry Daly ng kagawaran ng mga pag-aaral sa pamilya sa University of Guelph, Ontario, ay nagsabi: “Ang mga tao ay totoong natutuliro sa kanilang buhay. Hindi nila matiyak kung paano makakawala rito.”

Ang Kaigtingan ng Kawalang-Trabaho

Ang emosyonal at sosyal na mga kaigtingan dahilan sa kawalang-trabaho ay maaaring makaapekto sa kalusugan ng isang tao, ayon sa mga pag-aaral na binanggit sa pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung. Ang immune system ng katawan ay sinasabing pinahihina ng gayong kaigtingan. Ang mga taong walang trabaho ay mas malamang din na makaranas ng alta presyon at ng mga atake sa puso kaysa roon sa mga may trabaho. “Ang kaigtingan na kailangang harapin ng mga walang trabaho sa matagal nang panahon ay mas malubha at lipos ng masasamang resulta kaysa roon sa may trabaho,” wika ni Propesor Thomas Kieselbach, ng Hannover University, ng Alemanya. “Halos lahat ng mga walang trabaho ay dumaranas ng ilang uri ng panlulumo.” Ang bilang ng mga walang trabaho sa Unyon ng Europa ay sinasabing halos katumbas ng pinagsama-samang populasyon ng Denmark, Finland, at Sweden.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share