Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 3/8 p. 19-21
  • Hindi ba Inirerekomenda ng Bibliya ang Edukasyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hindi ba Inirerekomenda ng Bibliya ang Edukasyon?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Edukasyon Noong Unang Siglo
  • Maingat na Timbangin ang Bagay-Bagay
  • Depende sa Personal na Pagpapasiya
  • Edukasyon—Gamitin Ito sa Pagpuri kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Ang Edukasyon na may Layunin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Pagpapanatili sa Edukasyon sa Kaniyang Dako
    Gumising!—1994
  • Kung Papaano Minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang Edukasyon
    Ang mga Saksi ni Jehova at ang Edukasyon
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 3/8 p. 19-21

Ang Pangmalas ng Bibliya

Hindi ba Inirerekomenda ng Bibliya ang Edukasyon?

“Tanging ang mangmang ang siyang humahamak sa edukasyon.”​—Publilius Syrus, Moral Sayings, unang siglo B.C.E.

HINIHIMOK tayo ng Bibliya na ating ‘ingatan ang praktikal na karunungan at ang kakayahang umisip.’ (Kawikaan 3:21) Ibig ni Jehova, ang Diyos ng kaalaman, na maging mga edukadong tao ang mga sumasamba sa kaniya. (1 Samuel 2:3; Kawikaan 1:5, 22) Gayunman, baka magbangon ng mga katanungan ang ilang pangungusap sa Bibliya. Halimbawa, nang tinutukoy ang mga bagay na dati niyang itinataguyod, pati na ang kaniyang mataas na edukasyon, sumulat si apostol Pablo: “Itinuturing ko iyon na pawang basura lamang.” (Filipos 3:3-8, Today’s English Version) Sa isa pang kinasihang liham, sinabi niya: “Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.”​—1 Corinto 3:19.

Kung gayon, hindi ba inirerekomenda ng Bibliya ang edukasyon? Hanggang saan dapat humantong ang isang Kristiyano sa pagtataguyod ng sekular na edukasyon? Sapat na ba ang pinakamababang hinihiling ng batas, o dapat pang kumuha ng karagdagang edukasyon?

Ang Edukasyon Noong Unang Siglo

Sa mga Kristiyano noong unang siglo, iba’t iba ang antas ng kanilang pinag-aralan. Minalas ng ilang prominenteng tao ang mga taga-Galilea na sina apostol Pedro at Juan bilang mga “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” (Gawa 4:5, 6, 13) Nangangahulugan ba ito na ang dalawang lalaking ito ay hindi marunong bumasa’t sumulat o hindi nakapag-aral? Hindi. Nangangahulugan lamang ito na ang edukasyon nila ay hindi mula sa Hebreong mga paaralan ng mataas na edukasyon sa Jerusalem. Ang mga isinulat ng dalawang matapang na tagapagtaguyod na ito ng Kristiyanismo ay nagpapatunay sa bagay na sila’y edukado at matatalinong tao na may kakayahang ipaliwanag nang husto ang Kasulatan. Kasali sa kanilang edukasyon ang praktikal na pagsasanay sa pag-aasikaso sa materyal na mga pangangailangan ng kani-kanilang pamilya. Sila’y magkasosyo sa maliwanag na isang maunlad na negosyo sa pangingisda.​—Marcos 1:16-​21; Lucas 5:7, 10.

Sa kabaligtaran, si Lucas, ang alagad na sumulat ng isa sa Mga Ebanghelyo gayundin ng aklat ng Mga Gawa, ay may mas mataas na pinag-aralan. Isa siyang manggagamot. (Colosas 4:14) Naiiba ang istilo ng kaniyang mga kinasihang sulat dahil sa kaniyang kaalaman sa medisina.​—Tingnan ang Lucas 4:38; 5:12; Gawa 28:8.

Bago naging isang Kristiyano, si apostol Pablo ay naturuan ng Judiong batas, sa ilalim ng pangangasiwa ng isa sa pinakamatatalinong iskolar nang panahong iyon, si Gamaliel. (Gawa 22:3) Si Pablo ay nakapag-aral sa maituturing ngayon na isang pamantasan. Isa pa, itinuturing na marangal sa lipunang Judio ang matuto ang mga kabataan ng isang hanapbuhay, kahit na kukuha sila ng mataas na edukasyon sa mga susunod na taon. Maliwanag na si Pablo ay natutong gumawa ng tolda nang siya’y bata pa. Ang gayong mga kasanayan ang nagpangyari sa kaniya na matustusan ang sarili sa kaniyang buong-panahong ministeryo.

Gayunpaman, kinilala ni Pablo na kung ihahambing sa nakahihigit na halaga ng kaalaman sa Diyos, ang sekular na edukasyon​—bagaman kinakailangan​—ay may limitadong halaga. Kaya naman, higit sa lahat ay pinahahalagahan ng Bibliya ang pagtatamo ng kaalaman sa Diyos at kay Kristo. Makabubuti sa mga Kristiyano sa ngayon na magkaroon ng ganitong makatotohanang pangmalas sa sekular na edukasyon.​—Kawikaan 2:1-5; Juan 17:3; Colosas 2:3.

Maingat na Timbangin ang Bagay-Bagay

Nasumpungan ng ilang Kristiyano na ang pagkuha ng karagdagang edukasyon, gaya ng alinman sa mga kursong akademiko o bokasyonal, ay tumulong sa kanila na matustusan ang materyal na mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Ang pag-aasikaso sa pamilya ay angkop lamang, sapagkat ‘ang paglalaan para sa sambahayan ng isa’ ay isang sagradong tungkulin. (1 Timoteo 5:8) Ang pagkakaroon ng kinakailangang kasanayan upang magawa ito ay isang praktikal na karunungan.

Gayunman, ang mga kapakinabangan at suliranin ay dapat pagtimbangin niyaong mga nakadarama ng pangangailangan na kumuha ng higit pa sa saligang edukasyon upang maabot ang tunguhing ito. Kasali sa maaaring maging pakinabang ay ang pagiging nasasangkapan upang makakuha ng trabaho na magpapangyari sa isa na matustusan nang sapat ang kaniyang sarili at ang isang pamilya habang masigasig niyang itinataguyod ang ministeryong Kristiyano. Karagdagan pa, baka matulungan niya ang iba sa materyal na paraan, anupat ‘may maipamahagi sa sinumang nangangailangan.’​—Efeso 4:28.

Ano ang ilang maaaring maging suliranin? Maaaring kasali rito ang pagkalantad sa mga turo na nagpapahina sa pananampalataya sa Diyos at sa Bibliya. Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na mag-ingat sa “may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman’ ” at sa “pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao.” (1 Timoteo 6:20, 21; Colosas 2:8) Di-maikakaila, maaaring maging mapanganib sa pananampalataya ng isang Kristiyano ang pagkalantad sa ilang anyo ng edukasyon. Dapat mabatid niyaong nagbabalak kumuha ng karagdagang pagsasanay o pag-aaral ang panganib ng gayong nakapipinsalang mga impluwensiya.

Si Moises, na “tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo,” ay nag-ingat ng matibay na pananampalataya sa kabila ng pagtatamo ng edukasyon na tiyak na kinapapalooban ng mga maramihang diyos at lumalapastangan-sa-Diyos na mga turo. (Gawa 7:22) Gayundin naman, nag-iingat ang mga Kristiyano sa ngayon na huwag mapadaig sa nakasasamang impluwensiya sa anumang kapaligiran na kinaroroonan nila.

Ang isa pang maaaring maging panganib sa pagtataguyod ng karagdagang edukasyon ay ang bagay na ang kaalaman ay nagmamalaki, o nagbubunga ng kahambugan. (1 Corinto 8:1) Marami ang naghahangad ng kaalaman sa pamamagitan ng edukasyon taglay ang mapag-imbot na mga hangarin, at maging ang wastong pagtataguyod ng kaalaman ay maaaring humantong sa pagkadama ng kahigitan sa iba o labis na pagpapahalaga sa sarili. Hindi nalulugod ang Diyos sa gayong mga saloobin.​—Kawikaan 8:13.

Tingnan ang mga Fariseo. Ipinagmamalaki ng mga miyembro ng prominenteng relihiyosong sektang ito ang kanilang sarili dahil sa kanilang karunungan at umano’y pagiging matuwid. Dalubhasa sila sa malaking kalipunan ng maraming rabinikong tradisyon, at minamaliit nila ang pangkaraniwang mga tao, na hindi gaanong nakapag-aral, anupat itinuturing ang mga ito na walang pinag-aralan, hamak, at kasumpa-sumpa pa nga. (Juan 7:49) Bukod dito, sila’y mga mangingibig ng salapi. (Lucas 16:14) Ipinakikita ng kanilang halimbawa na kapag itinaguyod na may maling motibo, ang edukasyon ay maaaring maging sanhi upang ang isang tao ay maging mayabang o kaya’y maging mangingibig ng salapi. Samakatuwid, sa pagtiyak ng uri at antas ng edukasyon na itataguyod, makabubuti na itanong ng isang Kristiyano sa kaniyang sarili, ‘Ano ba ang aking motibo?’

Depende sa Personal na Pagpapasiya

Kagaya noong unang siglo, iba’t iba rin ang antas ng pinag-aralan ng mga Kristiyano sa ngayon. Sa ilalim ng patnubay ng kanilang mga magulang, ang mga kabataan na nakatapos ng pag-aaral na itinakda ng batas ay maaaring magpasiya na kumuha ng karagdagang sekular na edukasyon. Gayundin, ang mga nasa hustong gulang na nagnanais mapabuti ang kanilang paraan ng paglalaan para sa kanilang pamilya ay maaaring magkaroon ng pangmalas na ang gayong karagdagang pag-aaral ay isang mabisang paraan upang maabot ang gayong tunguhin.a Ang ilang pitak ng tradisyunal na akademikong edukasyon ay nagdiriin ng pagpapasulong ng pangkalahatang kakayahan ng isip sa halip na yaong propesyonal o bokasyonal na mga kasanayan. Kaya naman, baka masumpungan ng isang tao na kahit pagkatapos gumugol ng malaking panahon sa pagkuha ng gayong edukasyon, kulang pa rin siya ng mga kasanayan na hinahanap ng mga may-patrabaho. Dahil dito, minabuti ng ilan na kumuha ng mga kursong bokasyonal o teknikal, sa layuning mas madaling makakuha ng trabaho.

Sa paano man, ang gayong mga pasiya ay personal na bagay. Hindi dapat punahin o hatulan ng mga Kristiyano ang isa’t isa sa bagay na ito. Sumulat si Santiago: “Sino ka na humahatol sa iyong kapuwa?” (Santiago 4:12) Kung nagbabalak ang isang Kristiyano na kumuha ng karagdagang edukasyon, makabubuti na suriin niya ang kaniyang sariling motibo upang tiyakin na hindi nangingibabaw ang makasarili at materyalistikong interes.

Maliwanag na ipinapayo ng Bibliya ang timbang na pangmalas sa edukasyon. Kinikilala ng Kristiyanong mga magulang ang nakahihigit na halaga ng espirituwal na edukasyon salig sa kinasihang Salita ng Diyos at sila’y nagbibigay ng timbang na payo sa kanilang mga anak hinggil sa karagdagang edukasyon. (2 Timoteo 3:16) Palibhasa’y makatotohanan tungkol sa buhay, kinikilala nila ang kahalagahan ng sekular na edukasyon sa pagtatamo ng mga kasanayang kailangan ng kanilang malalaki nang anak upang matustusan ang kanilang sarili at ang kanilang magiging pamilya. Samakatuwid, sa pagtiyak kung kukuha ng karagdagang edukasyon, at hanggang saan, ang bawat Kristiyano ay makagagawa ng mahusay na pagpapasiya sa sarili salig sa debosyon sa Diyos na Jehova, na “kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.”​—1 Timoteo 4:8.

[Talababa]

a Para sa mas detalyadong impormasyon sa paksang ito, tingnan Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1992, pahina 10-21, at ang brosyur na Ang mga Saksi ni Jehova at ang Edukasyon, kapuwa inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 20]

“Ingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang umisip.”​—Kawikaan 3:21

[Blurb sa pahina 21]

Sa pagsasaalang-alang kung kukuha ng karagdagang edukasyon, makabubuti na itanong ng isang Kristiyano sa kaniyang sarili, ‘Ano ba ang aking motibo?’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share