Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 5/8 p. 22-24
  • Paggawa ng Pangginaw—Sa Patagonia

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paggawa ng Pangginaw—Sa Patagonia
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paggawa ng Pangginaw sa Makalumang Paraan
  • Paggagantsilyo​—Sari-saring Istilo
  • Ang Makabagong Pamamaraan
  • Bibili Ka ba ng Isang Pangginaw?
  • Ang Kahanga-hangang Lana
    Gumising!—1991
  • Lana, Balahibo ng Tupa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang mga Kulay at Tela Noong Panahon ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Panulid
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 5/8 p. 22-24

Paggawa ng Pangginaw​—Sa Patagonia

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ARGENTINA

“GINIGINAW ako!” Sa mga lugar na may katamtamang temperatura, sino ang hindi pa nakapagsabi ng ganito? At ang reaksiyon ay maaaring, ‘Nasaan kaya ang pangginaw ko?’

Kung isa ka sa milyun-milyong nagsusuot ng pangginaw, naisip mo na ba kung paano ito ginawa? Paano kaya inikid ang lana? Paano nakuha ang mga kulay? Dito sa Argentina ay may katutubong mga Indian na gumagawa ng lahat ng ito sa pamamagitan ng kamay. Dalawin natin sila at tingnan kung paano nila ginagawa iyon.

Paggawa ng Pangginaw sa Makalumang Paraan

Marami sa mga Mapuche, isang tribo ng mga Indian mula sa mga taong Araucaniano, ang nakatira sa gawing timog ng Patagonia, sa Argentina. Gumagamit sila ng kinagisnang pamamaraan ng pag-ikid ng lana at pagkulay rito. Tuwing tagsibol sa Katimugang Hemispero, sa pagtatapos ng Nobyembre at pagsisimula ng Disyembre, ginugupitan nila ng balahibo ang mga tupa, na gumagamit ng espesyal na gunting na bakal. Ang paggupit sa mga tupa ay isang sining na talagang dapat panoorin!

Maliwanag, ang tinatanggal na lana mula sa tupa ay may nakadikit na damo, mga halaman, at lupa. Kaya ito ay kailangang hugasan nang husto. Ginagawa ito sa pamamagitan ng paglulubog nito sa mainit na tubig at saka pagpapatuyo rito. Pagkatapos, inaalis ang anumang duming natira. Ito ang tinatawag na escardado, o pagsuklay sa lana. Kapag ginawa nang wasto ang prosesong ito, ang lana ay magiging malinis, tuyo, at napakalambot. Nangangahulugan ito na ang balahibo ay handa nang gawing lanang panggantsilyo, o sinulid.

May dalawang tradisyunal na paraan ng paggawa ng sinulid. Ang isa, gumagamit ng isang kidkiran. (Tingnan ang larawan 1.) Ang lana ay ginagawang sinulid ng tagaikid sa pamamagitan ng pag-ikid nito sa kidkiran habang ikinikiskis ang lana sa kaniyang binti sa pamamagitan ng isang kamay at pinipilipit ito. Ang sinulid kung gayon ay natitipon sa kidkiran. Ang kapal ng sinulid ay nakokontrol sa pamamagitan ng dami ng lana na inikid sa kidkiran.

Ang isa pang pamamaraan ng paggawa ng sinulid ay gumagamit ng isang ruwedang pang-ikid, na pinaaandar ng tagaikid sa pamamagitan ng pedal sa paa. Ang lana ay ipinapasok sa ruweda sa pamamagitan ng isang butas, at kinokontrol ng tagaikid ang kapal ng sinulid. (Tingnan ang larawan 2.) Kapag nabuo na ang sinulid, maaari itong gawin na isang tipikal na bola ng lana na binibili ng karamihan sa mga babae. Pero kumusta naman ang pagtitina sa lana ng iba’t ibang kulay? Paano ito ginagawa?

Gumagawa ang mga Mapuche ng kulay mula sa ilang ugat o halaman sa pamamagitan ng pagpapakulo sa mga ito nang mga 30 minuto sa tubig na medyo maalat. Katulad ito sa paraan ng ilang Indian na Navajo sa Arizona, E.U.A., sa paggawa ng mga kulay para sa mga kumot na kanilang hinahabi. Sa Argentina, para sa dilaw na kulay, nagpapakulo ang mga Mapuche ng mga ugat ng palumpong na michai, isang Indian na pangalan para sa halamang Berberis darwinii; para sa kayumangging kulay na may patseng puti, gumagamit sila ng dahon ng palumpong na radal, o ng ligaw na walnut; para sa pula, gumagamit sila ng beets. Bagaman matrabaho ang pamamaraang ito, ang mga kulay ay hindi madaling kumupas. Ngayon, yamang nakulayan nang lahat ang mga sinulid, makapagsisimula na tayong maggantsilyo ng pangginaw.

Paggagantsilyo​—Sari-saring Istilo

Sa loob ng maraming siglo ay gumagamit na ang mga kababaihan ng mga karayom sa paggagantsilyo ng lana upang maging isang tela na maaaring tahiin para makabuo ng isang kasuutan. Apat na karayom ang magagamit upang maggantsilyo ng mga medyas, manggas, at mga hugis-tubo. Sinasabi ng isang reperensiya na ang paggagantsilyo ay malamang na nagsimula sa Arabia noong mga 200 C.E. Pagkatapos ay lumaganap ang kasanayang ito sa Europa, at dinala ng mga Kastila ang paggagantsilyo sa Timog at Sentral Amerika noong ika-16 na siglo, bagaman ang sining na ito ay maaaring noon pa ginagawa ng ilang magsasaka sa lugar na iyon.

Nagtatanong naman ngayon ang ating palakaibigang manggagantsilyo, “Gaano kakapal ang gusto mong pangginaw?” Ang pasiyang iyan ang titiyak sa lapad ng mga karayom at sa kapal ng lana na gagamitin niya. Pagkatapos, “Anong mga kulay ang gusto mo?” Kapag napagpasiyahan na ito, magsisimula na siyang maggantsilyo.

Ang nakapagtataka sa walang-alam ay ang bagay na ang sining ng paggagantsilyo ay binubuo lamang ng dalawang saligang tutos​—ang knit, o simple, gaya ng tawag ng ilan dito, at ang purl. Ang purl ay isang binaligtad na simpleng tutos at bumubuo ng mga patindig na pinakapalupo sa gantsilyo. Kung pagsasamahin, sa paggamit ng dalawang tutos na ito ay makagagawa ng sari-saring disenyo.

Ginagawa nang bukod ng ating manggagantsilyo ang mga bahagi ng pangginaw, at saka pinagkakabit-kabit ang mga ito​—ang harap, ang likod, ang mga manggas, at ang leeg​—upang mabuo ang produkto. Sabihin pa, gumugugol ng mga oras, maging ng mga araw, upang makagawa ng kasuutan. Kaya kung makatanggap ka ng isa bilang regalo, huwag mong maliitin ito! Malaking pagtitiyaga ang kinailangan sa paggawa nito.

Ang Makabagong Pamamaraan

Mula noong industriyal na pagbabago, nakaimbento ng mga makina na makagagantsilyo ng libu-libong pangginaw sa napakaikling panahon. Sa ngayon ang industriyal na mga makinang ito sa paggagantsilyo ay malimit na pinaaandar sa pamamagitan ng mga computer. Maraming kababaihan ang gumagamit ng mas maliit na makina sa bahay, na nakapagtitipid ng malaking panahon.

Sa Patagonia, ang paggagantsilyo ay isa pa ring negosyo ng pamilya na doo’y ang ina ang naggagantsilyo at ang asawang lalaki at mga anak naman ang tumutulong upang matapos ang magandang produkto. Kadalasan, gumagamit sila ng isang pambahay na makinang panggantsilyo at saka ibinebenta ang kanilang ekstrang gawa sa isang pagawaan ng mga kasuutang ginantsilyo. Nakadaragdag ito sa badyet ng pamilya.

Bibili Ka ba ng Isang Pangginaw?

Ano ang dapat mong isaalang-alang kapag bibili ka ng isang pangginaw? Kung gusto mo ng isang pangginaw na gawa sa kamay, malamang na mas malaki ang ibabayad mo, kaya ang dapat ay sulit sa presyo ang mabibili mo. Maingat mong piliin ang pangginaw, ayon sa iyong pangangailangan, at suriin mo ang kalidad. Paano mo magagawa ito? Tingnan kung paano ginawa ang mga dugtong at kung kasya ang leeg. Tingnan ang hibla at pagkayari ng sinulid. Ito ba’y 100-porsiyentong lana? May halo? Kung babanatin, madali ba itong lumuwang at nananatiling gayon, o bumabalik ito sa dating porma? Pagkatapos, tuwing isusuot mo ang iyong pangginaw, isipin mo ang lahat ng trabahong ginugol dito, lalo na kung ito ay gawang-kamay sa Patagonia!

[Mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

TIMOG AMERIKA

ARGENTINA

Patagonia

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Mga larawan sa pahina 23]

1. Paggamit ng kidkiran sa paggawa ng sinulid

2. Ang ruwedang pang-ikid ang siyang mas madaling pamamaraan sa paggawa ng sinulid

3. Malapitang tingin sa lana na ipinapasok sa ruwedang pang-ikid

4. Ang tradisyunal na paraan sa paggagantsilyo

5. Ang harap ng isang pangginaw

6. Modernong makinang panggantsilyo na pinaaandar sa pamamagitan ng computer

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share