Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 5/8 p. 25-27
  • Ang Hiwaga ng mga Dolmen—Bakit, Kailan, at Paano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Hiwaga ng mga Dolmen—Bakit, Kailan, at Paano?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Megalitikong mga Monumento
  • Kailan Itinayo ang mga Ito? Nino, Paano, at Bakit?
  • Newgrange—Mas Maraming Katanungan Kaysa sa Kasagutan?
    Gumising!—2001
  • Paglilibing, Mga Dakong Libingan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Isang Patuloy na Pakikipag-Laban sa Tubig
    Gumising!—2004
  • Krisis sa Relihiyon sa Netherlands
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 5/8 p. 25-27

Ang Hiwaga ng mga Dolmen​—Bakit, Kailan, at Paano?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NETHERLANDS

‘ANO ba ang dolmen?’ baka itanong mo. Ito ay isang lugar noong unang panahon na may dalawa o higit pang mabibigat na batong nakatayo na may pinakabubong na bato, na karaniwang nagmimistulang isang silid, na kadalasa’y ginagamit bilang libingan. Ang mga ito’y karaniwang masusumpungan sa gawing kanluran, hilaga, at timugang Europa.

Sa Olandes na lalawigan ng Drenthe, ang mga dolmen ay kalimitang nasa lugar na magaganda at kaakit-akit. Isinulat ng bantog na pintor na si Vincent van Gogh sa isa sa kaniyang mga liham: ‘Gayon na lamang ang kagandahan ng Drenthe anupat mabuti pang hindi ko na ito nakita kung hindi rin lamang ako makapananatili rito magpakailanman.’ Wala nang mahihiling pa ang mahihilig sa kalikasan at ang mga interesado sa arkeolohiya kapag nadalaw nila ang mga dolmen sa Drenthe.

Ngunit bakit nga ba natatawag ang ating pansin ng mga sinaunang kalipunang ito ng mga bato? Ang isang sagot ay pagkamausisa. Bakit nga kaya nagpakahirap nang husto ang mga tao noon na kilusin at hubugin at buhatin ang pagkabibigat na batong ito? Ang ilan ay tumitimbang nang tone-tonelada. At noong mga panahong iyon, wala pa silang mga makabagong crane na pambuhat! Kaya, ano nga ba ang ating matutuklasan tungkol sa mga dolmen?

Megalitikong mga Monumento

Inuuri ang mga dolmen bilang megalitikong mga monumento (ang “megalith,” mula sa Griego, ay nangangahulugang “napakalaking bato”). Marahil ay pamilyar ka sa mga menhir ng Pransiya, na pinanganlan ayon sa isang salita mula sa Brittany na nangangahulugang “mahabang bato.” Ang Balearikong isla ng Minorca ay may mga megalith na kilala bilang mga taula (mga mesa), na may mabibigat na tipak na palapad na nakapatong nang pahalang sa nakatayong bato, anupat nagmistulang isang mabigat at malaking T.

Ang mga tao’y patuloy na naiintriga ng Stonehenge, sa Inglatera, isang nakabilog na naglalakihang bato, na ang ilan ay tumitimbang nang hanggang 50 tonelada. Mga 80 mangasul-ngasul na haliging bato ang dinala mula sa layong mahigit na 380 kilometro mula sa Preseli Mountains sa Wales. Ayon sa aklat ng National Geographic Society na Mysteries of Mankind​—Earth’s Unexplained Landmarks, “ipinalalagay ng mga iskolar na ang monumento [Stonehenge] . . . ay isang templo na maaaring nagpapaaninag sa walang-katapusan at paikot na pagkilos ng araw, buwan, at mga bituin sa langit, ngunit hanggang doon na lamang.”

Ang dolmen sa ngayon ay isa na lamang balangkas ng monumentong libingan, yamang ang pagkalalaking bato sa pasimula ay hindi nakikita dahil natatabunan ng isang bunton ng buhangin o lupa. Natuklasan na ang dolmen ay libingan ng bayan noon. Ipinahihiwatig ng ilang katibayan na mahigit sa sandaang tao ang nakalibing sa isang partikular na dolmen​—talagang ito’y isang sementeryo!

Sa Netherlands, 53 na dolmen ang naiingatan pa hanggang sa ngayon; 52 rito ang nasa lalawigan ng Drenthe. Kapansin-pansin, ang mga ito’y hindi nagawa nang di-sinasadya, kundi karamihan ay nakahanay nang pasilangan-kanluran, na ang pasukan ay nasa timugan, na maaaring may kinalaman sa mga panahunang posisyon ng araw. Gumamit ang mga sinaunang tagapagtayo ng mga suhay na batong nakatayo at malalaking pinakabubong na bato, habang ang mga siwang sa pagitan ng mga bato ay tinakpan ng maliliit na bato. Ang sahig ay nilatagan ng mga bato. Ang pinakamalaking dolmen sa Netherlands, malapit sa nayon ng Borger, ay may habang 22 metro at mayroon pa ring 47 malalaking bato. Ang isa sa mga pinakabubong na bato ay mga 3 metro ang haba at tumitimbang ng 20 tonelada! Lahat ng ito’y nagbabangon ng ilang katanungan.

Kailan Itinayo ang mga Ito? Nino, Paano, at Bakit?

Ang mga sagot sa ganitong mga tanong ay napakalabo sapagkat wala namang nasusulat na kasaysayan sa Europa noon. Kaya nga, angkop lamang na tukuyin ang mga dolmen bilang mahihiwagang monumento. Ano kung gayon ang nalalaman tungkol sa mga ito? Sa paanuman, anong mga pag-aangkin ang isinagawa?

Noong 1660, ipinalagay ni “Reberendo” Picardt, ng maliit na lunsod ng Coevorden, sa Drenthe, na ang mga ito’y itinayo ng mga higante. Sa kalaunan, nagpakita ng interes sa mga libingang ito ang lokal na mga awtoridad. Dahil sa ang mga batong ito ay ginagamit sa pagpapatibay ng mga dike at sa pagtatayo ng mga simbahan at mga tahanan, gumawa ng batas ang Drenthe Landscape Administration noong Hulyo 21, 1734, upang maingatan ang mga dolmen.

Noon lamang 1912 isinagawa ng mga eksperto ang masinsinang pagsusuri sa ilang dolmen. Nasumpungan sa mga dolmen ang mga bibinga (mga piraso ng paso), mga kagamitan (mga ulo ng palakol na yari sa bato, talim ng palaso), at mga palamuti, na gaya ng mga abaloryo, ngunit iilan lamang ang mga nalabing kalansay, sapagkat ang mga ito’y hindi gaanong naingatan sa mabuhanging lupa. Kung minsan, nakasusumpong ng mga bibinga mula sa nabasag na hanggang 600 lalagyan. Ipagpalagay nang dalawa o tatlong lalagyan ng pagkain ang nakatalaga sa bawat bangkay, kung gayon ay maaaring marami-rami ring tao ang napalibing sa ilang nitso.

Sinasabi ng mga siyentipiko na ang mga dolmen ay itinayo sa pamamagitan ng malalaking bato mula sa Scandinavia, na tinangay ng malalaking tipak ng yelo noong sinaunang tagyelo. Sinasabing ang mga nagtayo ay mga magsasaka ng tinatawag na “Basong Imbudo” na kultura, anupat tinawag na ganito dahil sa natuklasang mga baso na korteng imbudo.

Ganito ang sabi ng isang teoriya sa naging paraan ng pagtatayo: “Malamang na ikinarga ang mabibigat na bato sa mga gulong na yari sa kahoy at hinila sa tulong ng mga lubid na katad. Upang maitaas ang mga pinakabubong na bato, marahil ay nagtayo ng isang rampa ng buhangin at putik.” Ngunit talagang walang sinumang nakatitiyak kung paano ito ginawa. Bakit hindi inilibing na lamang ang mga patay sa karaniwang paraan? Ano ang paniniwala ng mga tagapagtayo tungkol sa kabilang buhay? Bakit nag-iwan pa ng mga bagay-bagay sa mga libingan? Pawang hula lamang ang naisasagot ng mga mananaliksik. Dahil sa napakatagal nang naitayo ang mga dolmen, imposibleng masabi nang eksakto kung kailan ito itinayo, nino, bakit, at paano.

Kapag, sa takdang panahon ng Diyos, binuhay na muli ang mga patay, maaari nang masagot ng mga magbabalik ang ilan sa mga tanong na ito. (Juan 5:28; Gawa 24:15) Sa wakas, sa panahong iyon ay maaari nang isiwalat ng mga nagtayo ng dolmen kung kailan sila nabuhay, kung sino sila, kung bakit nila itinayo ang kanilang kahanga-hangang mga monumento, at kung paano nila ito ginawa.

[Larawan sa pahina 25]

Ang taula sa Minorca, Espanya

[Larawan sa pahina 25]

Dolmen malapit sa Havelte, Netherlands

[Mga larawan sa pahina 26, 27]

Stonehenge, Britanya

Ibaba: Ang Napakalaking Dolmen, malapit sa Borger, Netherlands

[Larawan sa pahina 26]

Ang muling itinayong dolmen na malapit sa nayon ng Schoonoord, Netherlands, na doo’y makikita ang bunton ng lupa at ang nakalitaw na mga bato

[Larawan sa pahina 27]

Mahabang nitso sa Emmen (Schimmeres), Netherlands

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share