“Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo”—Ikaw?
ANO ang pag-ibig? Sa buong daigdig, may mga kasabihan na nagtatampok sa kahalagahan ng tunay na pag-ibig. Isang sawikain sa Zulu ang nagsasabing, “Ang pag-ibig ay hindi namimili ng damo na lalagpakan nito.” Sa Pilipinas sinasabi ng mga tao na, “Ang pag-ibig ang pampalasa sa buhay.” Ganito ang sabi ng isang sawikain sa Lebanon, “Ang pag-ibig ay nagpapaumanhin sa mga pagkukulang subalit pinalalaki ng pagkapoot ang mga pagkakamali.” Gayundin ang isinasaad ng isang kasabihan sa Ireland, “Ikinukubli ng pag-ibig ang di-magagandang bagay.” Ang mga taga-Wales ay nagsasabing, “Ang pag-ibig ay mas malakas kaysa sa isang higante.” Ang mga Norwego ay nagsasabing, “Ang isang iniibig ay laging maganda.” Baka sabihin naman ng isang Ingles, “Ang karampot na pag-ibig ay mas matimbang pa sa isang libra ng batas.” Sa Espanya, may kasabihang, “Ang tunay na pag-ibig ay namamalagi hanggang sa kamatayan.”
Walang alinlangan, ang tunay na pag-ibig ay pinahahalagahan saanman tayo pumaroon. Ang pag-ibig na totoong may malaking magagawa sa ating buhay ay yaong inilarawan ng manunulat sa Bibliya na si Pablo: “Ang pag-ibig ay may mahabang-pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—1 Corinto 13:4-8.
Oo, “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” Ang pag-ibig ay nagpapahilom. Ang pag-ibig ay nagbubuklod. Ang pag-ibig ay ipinakikita hindi lamang sa salita kundi sa walang-kasakimang mga gawa. Ang pag-ibig ay may malinis na motibo. Kaya naman, isinulat din ni Pablo: “Kung ibinibigay ko ang lahat ng aking pag-aari upang pakainin ang iba, at kung ibinibigay ko ang aking katawan, upang ako ay makapaghambog, ngunit walang pag-ibig, hindi ako nakikinabang sa paanuman.” Kung tayo’y nagsasakripisyo o nagreregalo upang may maipakita lamang sa iba, kung gayon ito’y walang kabuluhan sa paningin ng Diyos.—1 Corinto 13:3.
Ganito ang sabi ni Jesus: “Kapag ikaw ay nagbibigay ng mga kaloob ng awa, huwag kang hihihip ng trumpeta sa unahan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw . . . upang sila ay luwalhatiin ng tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Taglay na nila nang buo ang kanilang gantimpala. Ngunit ikaw, kapag nagbibigay ng mga kaloob ng awa, huwag mong hayaang malaman ng iyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng iyong kanan.” Oo, ang pag-ibig ay hindi nagyayabang o nagmamapuri.—Mateo 6:2, 3.
Ang pag-ibig na walang pagpapaimbabaw ay hindi naghahanap ng personal na kapakanan. Ang tunay na pag-ibig ay nagpapangyaring maging nakagiginhawang kasama ang isang tao. (Mateo 11:28-30) Ang sumusunod na siniping pananalita ng di-kilalang tao ay maaaring mag-udyok sa atin na isipin kung anong uri ng pag-ibig ang taglay natin para sa iba: “Ang katuwiran na walang pag-ibig ay nagpapangyari sa atin na maging walang-konsiderasyon. Ang pananampalatayang walang pag-ibig ay nagpapangyari sa atin na maging panatiko. Ang kapangyarihan na walang pag-ibig ay nagpapangyari sa atin na maging brutal. Ang tungkulin na walang pag-ibig ay nagpapangyari sa atin na maging masyadong matigas. Ang pagkamaayos na walang pag-ibig ay nagpapangyari sa atin na maging makitid ang isip.”
Ang mga tao na namumuhay lamang ayon sa batas ay maaaring mahulog sa silo ng kawalan ng pag-ibig. Tayong lahat ay magiging tunay na nakapagpapatibay kung mamumuhay tayo kaayon ng payo ni Pablo: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Subalit, bukod pa sa lahat ng mga bagay na ito, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:12-14.
[Larawan sa pahina 15]
Ang pag-ibig ay isinasagawa ng mga tunay na Kristiyano gaya ng itinuro ni Jesus