Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 5/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mas Mabuti Pa Kaysa Pakialaman ng Tao
  • Trabaho, Igting, at Atake sa Puso
  • ‘Pinakamahusay na Transportasyon sa Buong Daigdig’
  • Dumarami ang mga Maton
  • Cesarean o Normal na Panganganak?
  • Humihina Na ang Relihiyosong Debosyon sa Gresya
  • Ipakain sa mga Kamatis ang Inyong mga Basurang Koreo
  • Tulong Para sa mga May Sakit sa Balat
  • Pakikipag-usap ng Magulang—Nakaaaliw na Tunog ba Lamang?
  • Paninindak—Ilang Sanhi at Epekto
    Gumising!—2003
  • Paninindak—Isang Pangglobong Problema
    Gumising!—2003
  • Paglaya Mula sa Paninindak
    Gumising!—2003
  • Pananakot—Anong Masama Rito?
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 5/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Mas Mabuti Pa Kaysa Pakialaman ng Tao

Sampung taon matapos itumba ng isang bagyo ang 15 milyong punungkahoy sa Inglatera noong 1987, natuklasang napakarami ang tumubo muli sa mga kakahuyang di-pinakikialaman ng tao, ulat ng The Daily Telegraph. Sa mga dakong nagbagsakan ang mga punungkahoy dahil sa hangin, higit na liwanag ang nakaabot sa lupa. Ito ang dahilan ng pagtubo ng mga suwi at mga palumpong hanggang sa taas na 20 talampakan, at mabilis ding dumami ang mga kulisap, ibon, at mga halaman. Ang mga bumagsak na mga puno ng oak at yew ay hindi nabulok gaya ng inaasahan, at ang troso ng mga ito, na ngayo’y gumulang na, ay triple na ang halaga. Ganito ang sabi ng konserbasyonistang si Peter Raine: “Higit na pinsala ang nagawa ng may mabuting intensiyong paglilinis [ng mga tao] kaysa ng bagyo mismo. Maraming punungkahoy na itinanim noong taglagas ang itinanim nang mabilisan at sa di-mahusay na paraan, at ang mga ito’y namatay.”

Trabaho, Igting, at Atake sa Puso

Ang mental na kaigtingan sa trabaho ay pangalawa sa pinakamapanganib na dahilan ng mga sakit sa puso at sa sirkulasyon, samantalang ang paninigarilyo ang una, ulat ng Frankfurter Rundschau. Bilang sumaryo ng isang surbey na isinagawa ng Federal Institute for Occupational Safety and Health, sa Berlin, Alemanya, sinasabi ng ulat: “Ang pinakananganganib ay ang mga empleado na ang kalayaan sa pagpapasiya ay napakalimitado at na ang trabaho ay iyon at iyon din. Kung sila’y tensiyonado pa rin sa kanilang malayang panahon, halimbawa’y dahil sa nagpapagawa sila ng sariling bahay o nag-aalaga ng may-sakit na kamag-anak, kung gayon ay lumalaki ang panganib ng atake sa puso nang halos siyam na ulit.” Hinihimok ng isang eksperto na bigyan ng higit na kalayaan sa pagpapasiya ang mga empleado. “Ang kahit minsanang pag-uusap sa isang buwan ng lahat ng manggagawa sa isang departamento ay makapagpapabuti sa mga bagay-bagay.”

‘Pinakamahusay na Transportasyon sa Buong Daigdig’

Kung ikaw ay naglalakbay nang wala pang walong kilometro sa isang lunsod, maaaring mas mabilis pa ang bisikleta kaysa sa kotse, pag-uulat ng The Island, ng Colombo, Sri Lanka. Tinatawag ng internasyonal na grupong pangkapaligiran na Friends of the Earth ang bisikleta bilang “ang pinakamahusay na anyo ng transportasyon sa Lupa.” Ipinaliwanag nila na ang bisikleta ay nakapaglalakbay ng hanggang 2,400 kilometro nang walang polusyon dahil sa enerhiyang nakukuha sa pagkain na katumbas ng isang galon lamang na gasolina, ayon sa ulat. Idinagdag nito na ang pagbibisikleta ay nakapaglalaan din ng mga pakinabang sa kalusugan.

Dumarami ang mga Maton

Isinisiwalat ng isang surbey na pinangasiwaan ng La Sapienza University ng Roma na maraming estudyante ang napapaharap sa mga uri ng pananakot lakip na ang pang-iinsulto, pang-aabuso, pang-uumit, pisikal na pananalakay, at pagbabanta. Partikular na napansin sa Roma ang mga paglabag na ito, kung saan mahigit na 50 porsiyento ng mga batang lalaki at babae ang nakaranas na ng pananakot sa loob ng tatlong buwan. “Sa higit pang masinsinang pag-uusap,” ipinaliwanag ng mananaliksik na si Anna Costanza Baldry, “ikinukuwento ng maraming batang babae ang mga pangyayari ng mas masahol pang pagmomolestiya na hindi nila inireport, dahil sa takot at . . . dahil sa ang turing nila sa ilang uri ng paggawi ay normal lamang,” sabi ng pahayagan sa Italya na La Repubblica.

Ang pananakot ay hindi lamang para sa mga bata. Iniulat ng The Irish Times na marami ring mga adulto ang nakararanas ng pananakot sa kanilang pinagtatrabahuhan, na kadalasan ay mula sa kanilang mga amo. “Masasakit na salita, pamimintas sa trabaho ng mga tao at ang pagkakalat ng mga tsismis tungkol sa kanila ang paboritong taktika ng mga maton sa pinagtatrabahuhan,” sabi nito. “Karaniwan din ang panghihiya at paglalagay ng mga di-makatotohanang tunguhin sa trabaho.” Ang pananakot ay iniuugnay sa mga epekto sa pag-iisip lakip na ang “pagkabalisa, pagkainis, panlulumo, paghihinala, igting, kawalan ng tiwala, kawalan ng pagpapahalaga sa sarili at pagbubukod sa sarili,” sabi ng Times. Sa malalalang kaso ang uring ito ng pananakot ay maaaring humantong sa “atake o pagpapatiwakal pa nga.”

Cesarean o Normal na Panganganak?

Madalas na mas pinipili ng mga doktor at ng mga ina sa Brazil ang cesarean section kaysa normal na panganganak. Nasumpungan ng doktor na “mas marami siyang napapaanak, mas maraming kinikita sa kaniyang opisina, at hindi na kailangang maaksaya ang kaniyang dulong sanlinggo,” pag-uulat ng magasing Veja. “Mas ginugusto [ng mga ina] na huwag nang sumailalim sa normal na paraan ng panganganak, upang maiwasan ang sakit (gayunman, mas matindi ang sakit habang nagpapagaling mula sa panganganak sa pamamagitan ng cesarean), at naniniwala silang ang pamamaraang ito ay may maidudulot na pakinabang sa kagandahan ng katawan (na hindi naman totoo).” Sa mga pampublikong ospital, sang-katlo ng lahat ng pag-aanak ay sa pamamagitan ng cesarean, at sa ilang pribadong ospital, ang bilang ay umaabot sa 80 porsiyento. “Ang panganganak ay naging isa nang produktong pangkomersiyo,” sabi ni Dr. João Luiz Carvalho Pinto e Silva, puno sa pagpapaanak sa University of Campinas. “Madalas na nalilimutan ng mga tao na ang cesarean ay isang operasyon na hindi gaya ng normal na panganganak. Mas maraming dugo ang nawawala, mas mahaba ang oras ng pampamanhid, at mas mataas ang posibilidad na maimpeksiyon.” Ayon sa doktor, “gagawin lamang ang cesarean sa tatlong kaso: kapag nanganganib ang buhay ng pasyente o ng sanggol, kapag hindi nagle-labor (nagdaramdam sa panganganak), o kapag may biglaang komplikasyon,” sabi ng Veja.

Humihina Na ang Relihiyosong Debosyon sa Gresya

Naglathala kamakailan ang pahayagan sa Atenas na Ta Nea ng isang surbey hinggil sa relihiyon sa Gresya na katulad ng isinagawa nito noong 1963. Ipinakikita ng resulta ang pagbaba ng relihiyosong debosyon sa bansang iyan. Noong nakalipas na henerasyon, 66 na porsiyento ang nagsabi na sila’y nagsisimba nang di-kukulangin sa dalawa o tatlong beses sa isang buwan, kung ihahambing sa wala pang 30 porsiyento nitong nakaraang ulat. Mahigit sa dalawang-katlo ng 965 adultong sinurbey sa kalakhang lugar ng Atenas ang nagsabi na “kaunti lamang” o “wala pa nga[ng],” naipaglilingkod ang simbahan sa lipunan, pag-uulat ng tagapagbalitang Reuters. Sa pagsulat sa Ta Nea, binanggit ng iginagalang na Griegong tagasurbey na si Elias Nikolakopoulos “ang unti-unting pagsesekularisasyon ng Griegong lipunan,” anupat napapansin na nagkakaroon na ngayon ng “pag-iingat at hinanakit” sa simbahan sa Gresya.

Ipakain sa mga Kamatis ang Inyong mga Basurang Koreo

Ano ang maaaring gawin ng isang post office sa 500 tonelada buwan-buwan na mga di-naipadadalang basurang koreo, lakip na ang mga katalogo at iba pang mga anunsiyo? Ipinadadala ng post office sa Dallas-Fort Worth, Texas ang karamihan sa mga ito upang gawing abono. Ang abono ay ginagamit sa pagpapatubo ng mga kamatis at mga marigold, pag-uulat ng The New York Times, at napakaganda ng naging resulta. Ang baktiryang nagiging dahilan ng pagiging abono ng gutay-gutay na mga basurang koreo ay pinakakain ng wala nang lasang mga serbesa at mga soft drink, mga basura ng mga tagagawa ng mga inumin. Ang serbesa at soda ay may asukal, na doo’y dumarami ang baktirya. Ganito ang sabi ni Joel Simpson, bise presidente ng kompanya ng abono na nagsasagawa ng eksperimento: “Ang mga bagay na nagpapataba sa atin ay siya ring nagpapataba at nagpapasaya sa mga baktiryang iyon.”

Tulong Para sa mga May Sakit sa Balat

“Maraming tao na may mga sakit sa balat ang hindi nagpapagamot dahil sa kahihiyan at pinalilipas ang mga taon sa ‘lihim na pagdurusa,’” pag-uulat ng The Irish Times. Bilang pagtatampok ng kanilang suliranin, ganito ang sabi ni Dr. Gillian Murphy: “May mga pasyente ako na may psoriasis, na ang balat ay literal na naglalaglagan kapag sila’y naghuhubad ng damit, at pakiramdam nila’y napakarumi nila at hiyang-hiya anupat ayaw nilang tumira sa isang otel o pumunta sa mga nagkukulot ng buhok.” Dagdag pa ni Bill Cunliffe, propesor sa dermatology sa Leeds University: “Apektado ng acne ang mga tao sa pisikal at mental na paraan. Karaniwan nang ipinalalagay na ito’y marumi at nakahahawa. Kung ang dalawang tao na may magkatulad na kakayahan [ay] iinterbyuhin, ang isa na walang acne ang makakakuha ng trabaho.” Sinabi ni Cunliffe na may ilan siyang pasyente na gayon na lamang ang pagkabalisa sa pagkakaroon nila ng acne anupat nagtangka na silang magpatiwakal. Idiniin ng mga doktor sa katatapos na Congress of the European Academy of Dermatology and Venereology sa Dublin, Ireland, ang pangangailangan ng maagang pagpapagamot. “Ito’y isang napakalaking problema para sa ilang tao,” sabi ng isang doktor, “pero mahalagang tandaan na may mahuhusay na gamot na makukuha.”

Pakikipag-usap ng Magulang—Nakaaaliw na Tunog ba Lamang?

Ang mga magulang na natutuwang makipagdaldalan sa kanilang mga sanggol ay maaaring nagpapadama sa mga ito ng higit pa sa basta pagmamahal lamang, sabi ng ilang siyentipiko. Pinag-aralan ni Patricia Kuhl, ng University of Washington, at ng kaniyang mga kasamahang manggagawa ang pakikipag-usap sa mga sanggol sa tatlong iba’t ibang wika​—Ruso, Sweko, at Ingles. Sa wari, ang labis-labis at masiglang paraan ng pagsasalita ay hindi lamang nakatatawag-pansin sa kanilang sanggol kundi ito’y nagsisilbi ring batayan para sa sanggol upang matutuhan ang wikang iyan. “Pagsapit sa edad na 6 na buwan,” sabi ng magasing Science, “natututuhan na ng mga sanggol na uriin ang mga tunog ng patinig, anupat pinagtutuunan ng pansin ang mga pagkakaiba na mahalaga sa kanilang katutubong wika, gaya ng pagkakaiba ng ‘i’ (Tagalog) at ‘a,’ habang ipinagwawalang-bahala naman ang di-mahalagang pagkakaiba.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share