Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 6/8 p. 8-11
  • Malapit Na ang Wakas ng Karalitaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malapit Na ang Wakas ng Karalitaan
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Karalitaan at ang Batas Mosaiko
  • Pinagmamalasakitan ni Jesus ang Mahihirap
  • Katiwasayan Ngayon
  • Hindi Natin Kasama Magpakailanman
  • Sundan ang Halimbawa ni Jesus at Magmalasakit sa Mahihirap
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Di-magtatagal, Wala Nang Magiging Dukha!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Malapit Na ang Isang Daigdig na Wala Nang Karalitaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Mga Bihag ng Karalitaan
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 6/8 p. 8-11

Malapit Na ang Wakas ng Karalitaan

ANO ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Laging kasama ninyo ang mga dukha”? (Mateo 26:11) Ang ibig ba niyang sabihin ay mananatili magpakailanman ang karalitaan, anupat wala nang anumang kalutasan?

Alam ni Jesus na hanggang namamalagi ang kasalukuyang sistema ng pamamahala ng tao, hindi mawawala ang karalitaan. Alam niya na hindi ito lubusang mapapawi ng anumang anyo ng pamahalaan ng tao o anumang pang-ekonomiya o panlipunang sistema. At pinatunayan naman ito ng ulat ng kasaysayan.

Sa loob ng libu-libong taon ng kasaysayan ng tao, sinubukan na ang bawat uri ng pamahalaan at bawat uri ng pang-ekonomiya at panlipunang sistema, ngunit naririto pa rin sa atin ang karalitaan. Sa katunayan, sa kabila ng pagsulong sa mga larangang gaya ng siyensiya, industriya, at medisina, hindi maikakaila ang katotohanang patuloy pa ring dumarami sa buong daigdig ang mga taong nabibihag ng karalitaan.

Alam na alam ni Jesus ang maraming salik na nagiging dahilan ng karalitaan, gaya ng taggutom, tagtuyot, pagsalakay ng mga kalabang hukbo, tiwaling pamahalaan, maling pangangasiwa sa ekonomiya, pang-aapi ng mayayaman at ng makapangyarihan sa mahihirap at sa mahihina, mga aksidente at pagkakasakit, at ang pagkamatay ng mga asawang lalaki anupat naiiwan ang kawawang mga ulila at mga babaing balo. Bukod diyan, alam niya na ang mga tao’y magdudulot ng karalitaan sa kanilang sarili at sa kanilang mga pamilya dahil sa masasamang pag-uugali na gaya ng katamaran, paglalasing, pagsusugal, at pagkasugapa sa droga.

Kaya nang sabihin ni Jesus na “laging kasama ninyo ang mga dukha,” ang ibig niyang sabihin ay na hindi kaya ng alinman sa mga ahensiyang ito ng daigdig na pawiin ang karalitaan. Ang ibig niyang sabihin ay na hanggang umiiral ang kasalukuyang sistema ng pamamahala ng tao, hindi mawawala ang mga maralita.

Bagaman sa mula’t mula pa’y suliranin na ang karalitaan, huwag nating isipin na hindi inaalintana ni Jesus o ng kaniyang makalangit na Ama ang mahihirap. Ni ipalagay man natin mula sa mga salita ni Jesus na ang karalitaan ay hindi na kailanman magwawakas. Ito’y maliwanag mula sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa bagay na ito.

Karalitaan at ang Batas Mosaiko

Halimbawa, tingnan natin ang Batas na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel noon sa pamamagitan ni Moises. Ang isang itinakda ng Batas ay na bawat pamilyang Israelita ay bibigyan ng isang manang lupain sa Canaan. (Deuteronomio 11:8-​15; 19:14) Ang tanging di-kabilang ay ang mga Levita, na hindi binahaginan. Sa halip, dahil sa kanilang pantanging gawain sa templo, sila’y sinustentuhan sa pamamagitan ng pagtanggap ng ikasampung bahagi ng ani sa lupain.​—Bilang 18:20, 21, 24.

Bukod diyan, tinitiyak ng mga batas ng pamana sa ilalim ng Batas Mosaiko na ang lupain ay patuloy na aariin ng pamilya o ng tribong pinagbigyan nito. (Bilang 27:8-​11) Kahit na ipagbili pa ng isang tao ang kaniyang lupain, pansamantala lamang na aariin ito ng bagong may-ari. Pagsapit ng takdang panahon ay ibabalik din ang lupain sa pamilyang nagbenta nito.

Para sa mga naghirap dahil sa iba’t ibang kadahilanan, gaya ng maling pangangasiwa sa kanilang lupain o paglustay sa kanilang kayamanan, tinitiyak ng Batas ang karapatan na makapamulot ng pagkain sa mga bukirin, taniman ng prutas, at ubasan na pag-aari ng iba. (Levitico 23:22) Isa pa, ang isang gipit na Israelita ay makahihiram ng salapi nang walang babayarang tubo. Oo, ang espiritu ng pagkabukas-palad ay dapat ipakita sa mahihirap.​—Exodo 22:25.

Pinagmamalasakitan ni Jesus ang Mahihirap

Makalipas ang mga siglo nang dumating si Jesus sa lupa, patuloy niyang ipinamalas ang espiritu ng pagkabukas-palad na natutuhan niya sa kaniyang Ama, si Jehova. Personal na naging interesado si Jesus sa mga kapos sa materyal. Siya at ang kaniyang mga alagad ay may isang pondo na pinagkukunan ng ibinibigay sa mga nangangailangang Israelita.​—Juan 12:5-8.

Matapos ipapatay si Jesus, ang gayunding pagmamalasakit sa mahihirap ay ipinakita ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng paglalaan ng materyal na tulong sa mas mahihirap nilang kapatid sa espirituwal. (Roma 15:26) Ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay nagpapakita ng gayunding maibiging pagmamalasakit sa isa’t isa.

Mangyari pa, ang Bibliya, bagaman nagpapamalas ng pagdamay sa mga biktima ng aping kalagayan, ay sumasaway naman doon sa mga, sa diwa’y, ‘kumakain ng kanilang sariling laman’ dahil sa katamaran. (Eclesiastes 4:1, 5) Sumulat si apostol Pablo: “Kung ang sinuman ay ayaw gumawa, huwag din siyang pakainin.” (2 Tesalonica 3:10) Sa gayunding paraan, yaong lumulustay ng pondo dahil sa mga bisyong gaya ng pagkasugapa sa droga, tabako, o alkohol ay maglalagay sa kanilang sarili sa karalitaan. Ito’y bunga ng kanilang sariling masamang gawa; ang totoo’y ‘inaani lamang nila ang kanilang inihasik.’​—Galacia 6:7.

Katiwasayan Ngayon

Ipinakikita ng Bibliya na may pantanging interes ang Diyos sa kalagayan niyaong nagsisikap na gawin ang kaniyang kalooban. Halimbawa, sa Awit 37:25, sinabi ni David: “Ako’y naging bata, ako rin naman ay tumanda, at gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan nang lubusan ang sinumang matuwid, ni nagpalimos man ng tinapay ang kaniyang supling.” Yaong mga nakahilig sa katuwiran ay hindi pinangakuan ng kayamanan, ngunit ipinahihiwatig dito na titiyakin ng Diyos na sila’y may sapat na paglalaang materyal upang makaraos. At ang talatang 28 sa awit ding iyon ay nagsabi: “Si Jehova ay umiibig sa katarungan, at hindi niya iiwan ang mga matapat sa kaniya.”

Hindi lamang nagpakita si Jesus ng pagmamalasakit sa mahihirap sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila sa materyal na paraan noong siya’y naririto pa sa lupa. Tiniyak niya sa kanila na hanggang sila’y nagsisikap na gawin ang kalooban ng Diyos, titiyakin ng Diyos na napaglalaanan ang kanilang pangangailangan sa paano man, kapuwa ngayon at sa hinaharap. Sinabi ni Jesus ang sumusunod:

“Masdan ninyo nang mabuti ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik ng binhi o gumagapas o nagtitipon sa mga kamalig; gayunman ay pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila? . . . Gayundin, may kinalaman sa pananamit, bakit kayo nababalisa? Kumuha kayo ng aral mula sa mga liryo sa parang, kung paano sila tumutubo; hindi sila nagpapagal, ni nag-iikid; ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon man sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nagayakan na gaya ng isa sa mga ito. Ngayon, kung dinaramtan ng Diyos nang gayon ang pananim sa parang, na narito ngayon at bukas ay inihahagis sa pugon, hindi ba mas lalong daramtan niya kayo, kayo na may kakaunting pananampalataya? Kaya huwag kayong mabalisa kailanman at sabihing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ . . . Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.”​—Mateo 6:26-​32.

Nagtapos si Jesus sa pamamagitan ng paghimok sa kaniyang mga tagasunod: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian [ng Diyos] at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Anong inam na pampatibay-loob ito para sa mahihirap ngunit nagnanais naman na gawin ang kalooban ng Diyos! Pansinin din na ipinakita ni Jesus na ang Kaharian ng Diyos ang dapat na maging pinakamahalagang bagay sa buhay ng mga tagasunod niya. Alam ni Jesus na kapag lubusan nang kontrolado ng makalangit na Kaharian ng Diyos ang buong lupa, sa panahong iyon​—at tanging sa panahong iyon lamang​—mapapawi ang karalitaan.

Hindi Natin Kasama Magpakailanman

Samakatuwid, si Jesus ay nagbigay ng napakagandang pag-asa sa hinaharap. Kaya nang sabihin niyang “laging kasama ninyo ang mga dukha,” tinutukoy niya ang buhay sa ilalim ng kasalukuyang sistema ng pamamahala ng tao. Hindi niya tinutukoy ang buhay sa hinaharap sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Inihula ng Bibliya: “Hindi laging malilimutan ang dukha, ni malilipol kailanman ang pag-asa ng maaamo.” (Awit 9:18) At bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, hindi kukunsintihin ni Kristo Jesus ang sinuman na magsasamantala at mang-aapi sa iba.

Ang pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos ang ginawa ni Jesus na pangunahing tema ng kaniyang turo. (Mateo 4:17) Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, masasalamin o maaaninag sa kalagayan sa lupa ang kalagayan sa langit. Iyan ang dahilan kung bakit tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”​—Mateo 6:10.

Paano mangyayari iyan? Layunin ng Diyos na alisin sa lupa ang buong kasalukuyang sistema ng pamamahala ng tao at palitan iyon ng pamamahala ng kaniyang makalangit na Kaharian. Ganito ang inihula sa Daniel 2:44: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon [na umiiral ngayon] ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan [wala nang pamamahala ng tao]. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng [kasalukuyang] mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi hanggang sa panahong walang takda.”

Kung magkagayon, sa isang bagong sanlibutan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang buong lupa ay gagawing isang paraiso ng kasaganaan, anupat wala nang anumang bakas ng karalitaan. Pansinin ang ilang hula sa Bibliya hinggil sa kalagayan na iiral sa panahong iyon:

“Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan . . . ng isang bangkete ng alak na laon, ng mga pagkaing nilangisang mainam na puno ng utak.” (Isaias 25:6) “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay magkakaroon ng pag-apaw.” (Awit 72:16) “Magkakaroon ng ulan ng pagpapala. At ang punungkahoy sa parang ay magbubunga, at ang lupa’y magsisibol ng halaman niya, at sila’y matitiwasay sa kanilang lupain.” (Ezekiel 34:26, 27) “Ang lupa mismo ay tiyak na magbibigay ng ani nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ang sa ati’y magpapala.” (Awit 67:6) “Ang ilang at ang walang-tubig na pook ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.”​—Isaias 35:1.

Bukod diyan, nangako ang Mikas 4:4: “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punung-ubas at sa ilalim ng kaniyang punung-igos, at walang magpapanginig sa kanila.” Lahat ay magkakaroon ng sariling tahanan: “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan . . . Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan.” (Isaias 65:21, 22) Hindi nga kataka-taka na pangakuan ni Jesus yaong mga naniniwala sa kaniyang mga turo: “Makakasama kita sa Paraiso”!​—Lucas 23:43.

Oo, maliwanag na itinuturo ng sariling kinasihang Salita ng Diyos na wawakasan nang lubusan ang karalitaan. At malapit na ang panahong iyan, sapagkat ipinakikita ng mga hula ng Bibliya na ang sanlibutang ito ay nasa “mga huling araw” na nito, na dumaranas ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5, 13) Di na magtatagal at aalisin na magpakailanman ang kasalukuyang sistema ng mga bagay at lubusan nang papawiin ang karalitaan​—hindi ng pagsisikap ng tao kundi sa pamamagitan ng pakikialam ng Diyos. “Ililigtas [ng Haring si Jesu-Kristo] ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang nagdadalamhati at sinumang walang katulong. Kahahabagan niya ang mababa at dukha, at ililigtas niya ang mga kaluluwa ng mga dukha.”​—Awit 72:12,13.

[Larawan sa pahina 8, 9]

Sa bagong sanlibutan ng Diyos, magkakaroon ng maayos na pabahay at saganang pagkain para sa lahat

[Larawan sa pahina 10]

Sa bagong sanlibutan, wala nang mga batang nagugutom

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share