Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 6/22 p. 12-14
  • Paano Kung Hindi Niya Sinusuklian ang Aking Pag-ibig?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Kung Hindi Niya Sinusuklian ang Aking Pag-ibig?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kirot ng Mabigo sa Pag-ibig
  • Suriin ang Iyong Damdamin
  • Pagharap sa Katotohanan
  • Paghilom ng Nasugatang Damdamin
  • Paano Ko Siya Aayawan?
    Gumising!—2001
  • Paano Ko Kaya Masasabi sa Kaniya ang Aking Nadarama?
    Gumising!—2004
  • Paano Ko Pakikitunguhan ang Isang Babaing May Gusto sa Akin?
    Gumising!—2005
  • Paano Kung Sabihin Niyang Wala Siyang Gusto sa Akin?
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 6/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Kung Hindi Niya Sinusuklian ang Aking Pag-ibig?

“Ako’y nababahala at nahihirapan. Umiibig ako sa kaniya. Pero hindi ko alam kung ano ang nadarama niya para sa akin. Ano ang gagawin ko? Dapat ko kayang ipahayag sa kaniya ang aking pag-ibig? Hindi, hindi, hindi ko magagawa iyon! Ano na lang ang sasabihin ng iba tungkol sa akin?”​—Huda.a

INIIBIG ni Huda, isang kabataang babaing taga-Lebanon, ang isang taong hindi naman umiibig sa kaniya. Ito’y isang pangkaraniwang problema. Ganiyan din ang karanasan ng isa pang kabataang nagngangalang Zeina. Nagunita niya: “Araw-araw ko siyang nakikita dahil kapitbahay namin siya. Siya’y totoong kaakit-akit at guwapo. Kaya nagkagusto ako sa kaniya.”

Sabihin pa, wala namang masama sa pagkakaroon ng masidhing damdamin para sa isang tao​—kung ipagpapalagay na ang taong iyon ay isa na angkop na mapangasawa ng isang Kristiyano. (Kawikaan 5:15; 1 Corinto 7:39) Ni mali man para sa isang kabataang babae na magnais mag-asawa at magkapamilya. Pero paano kung tinubuan ka ng pag-ibig sa isang taong karapat-dapat ngunit hindi naman niya nalalaman​—o hindi sinusuklian​—ang iyong damdamin?

Ang Kirot ng Mabigo sa Pag-ibig

Tulad ni Huda, baka madama mong waring ikaw ay nasa gitna ng isang nag-aalimpuyong damdamin. Ang nakatutuwang pagkatuliro ay maaaring agad masundan ng nakapanghihinang panlulumo. “Kung minsan ay nadarama ko na parang ako na ang pinakamaligayang babae sa sansinukob, at kung minsan naman ay parang ako na ang pinakamalungkot,” sabi ni Zeina. Ang di-sinukliang pag-ibig ay maaaring maging dahilan ng pagkabalisa, mga gabing walang tulog, at maging ng panlulumo.

Ganito ang sabi ng Bibliya sa Kawikaan 13:12: “Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” At kapag hindi natupad ang mga inaasahan, talagang nakasisiphayo! Baka mamalayan mo na ang taong ito ang lagi na lamang laman ng iyong isip, anupat sabik ka na makarinig ng kahit kapirasong balita tungkol sa kaniya. Baka gumawa ka pa ng mga paraan upang matawag ang kaniyang pansin o ng mga mabababaw na dahilan para makasama siya. At kapag kasama mo na siya, baka hindi ka makakilos nang normal.

Baka lalo pang gumulo ang mga bagay-bagay kapag ang taong pinag-uukulan mo ng pagmamahal ay paminsan-minsang nagpapakita sa iyo ng pantanging atensiyon at saka sa ibang panahon naman ay kikilos na para bang wala siyang anumang interes sa iyo. At kung mapansin mo siyang nagbubuhos ng labis na pansin sa ibang tao o nagpapakita lamang ng kabaitan at paggalang sa iba, baka manibugho ka. Sabi ng Bibliya: “Nariyan ang kalupitan ng pagngangalit, gayundin ang bugso ng galit, ngunit sino ang makatatayo sa harap ng paninibugho?”​—Kawikaan 27:4.

Inamin ni Huda: “Gayon na lamang ang nadarama kong pagseselos anupat kung hindi ko naituwid ang aking sarili, baka nasiraan na ako ng bait.” Maaaring humantong ito sa pagkayamot sa iyong sarili. Sabi ni Huda: “Sinisi ko ang aking sarili dahil sa pag-ibig sa isang tao na wala namang pag-ibig sa akin at dahil sa pagpapahirap ko sa aking sarili.”

Bagaman sa mga lupaing Kanluranin ay maaaring makadama ang isang kabataang babae ng kalayaang lumapit sa isang kabataang lalaki at magpahayag dito ng kaniyang damdamin, hindi lahat ng kabataang babae ay makagagawa nito. At sa ilang kultura, itinuturing na di-angkop o nakahihiya pa nga para sa isang babae na gumawa ng gayon. Ano, kung gayon, ang maaari mong gawin kung tubuan ka ng pag-ibig sa isang tao na hindi naman sinusuklian ang iyong pag-ibig?

Suriin ang Iyong Damdamin

Una, sikaping suriin ang iyong damdamin sa mahinahon at makatuwirang paraan. Nagbabala ang Bibliya: “Siya na nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang.” (Kawikaan 28:26) Bakit? Dahil kadalasang mandaraya ang ating puso. (Jeremias 17:9) At ang waring nadaramang pag-ibig ay malimit na mapatunayang iba naman pala. “Kailangan ko ng atensiyon at pagmamahal,” inamin ni Huda. “Kailangan ko ng isa na magmamahal at magmamalasakit sa akin. Mula pagkabata ay hindi ko nadamang ako’y minahal. Matindi ang naging epekto nito sa akin.” Kung galing ka sa isang pamilyang salat sa pag-ibig o mapang-abuso, baka makadama ka rin ng pagkauhaw sa pag-ibig at pagkilala. Ngunit ang romantikong relasyon nga ba ang siyang lunas?

Nakalulungkot, ang mga taong nakadarama ng kahungkagan at kalungkutan ay malimit na nagiging bigo sa pag-aasawa. Nagpapakasal sila sa pag-asang makakamit nila ang kanilang pinakamimithi. Gayunman, ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa pagbibigay, hindi sa pagtanggap. (Gawa 20:35) At ang isang babae ay makapupong higit na handa sa pag-aasawa kung nasisiyahan siya sa kaniyang sarili at ‘nagtutuon ng mata, hindi sa personal na interes ng kaniyang sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.’​—Filipos 2:4.

Kapag nadarama mong ginigipit ka na mag-asawa, madali kang maapektuhan ng anumang atensiyon mula sa hindi kasekso. Kung minsan ay ginagatungan ng mga kaibigan at kapamilya ang pagnanais ng isang kabataang babae sa pagsinta. May ilang lipunan na labis ang pagdiriin sa pag-aasawa kaagad ng isang babae pagsapit na pagsapit niya sa edad na puwede nang mag-asawa. Ganito ang sabi ng aklat na Women in the Middle East: “Kung ang babae ay malapit nang magtreinta anyos at dalaga pa rin, labis nang nababahala para sa kaniya ang kaniyang pamilya.” Dahil nasasangkot ang karangalan ng pamilya, baka sikapin ng isang ama na ipakasal ang kaniyang mga anak na babae nang maaga hangga’t maaari.

Gayunpaman, dapat unahing isaalang-alang ang mga simulain ng Bibliya kaysa sa kultura. At hinihimok ng Kasulatan ang mga kabataan na maghintay hanggang sa sila’y “lampas na sa kasibulan ng kabataan” bago sila mag-asawa. (1 Corinto 7:36) Kaya, paano kung ginigipit ka ng iyong mga kaibigan o mga magulang na mag-asawa na? Sinasabi ng Bibliya sa atin na buong-kataimtimang pinasumpa ng makadiyos na Shulamita ang kaniyang mga kasama na ‘huwag gisingin o pukawin sa kaniya ang pag-ibig hanggang sa naisin nito.’ (Awit ni Solomon 2:7) Marahil ang pagpapahayag ng iyong sarili sa gayunding matatag na paraan ay magiging mabisa, lalo na kung may takot sa Diyos ang iyong mga magulang.

Pagharap sa Katotohanan

Gayunpaman, sa dakong huli ay kailangan mong harapin ang katotohanan hinggil sa tao na inaakala mong iniibig mo. Ang paggawa nito ay maaaring maging mahirap at magdulot sa iyo ng kirot ng damdamin. Ngunit nagpapaalaala ang Kasulatan: “Bumili ka ng katotohanan mismo at huwag mo itong ipagbili.” (Kawikaan 23:23) Tanungin ang iyong sarili, ‘Mayroon ba akong anumang makatuwirang dahilan upang umibig sa kaniya? Gaano karami ang talagang nalalaman ko tungkol sa taong ito? Ano ang nalalaman ko tungkol sa kaniyang pag-iisip, damdamin, opinyon, ugali, pamantayan, kakayahan, talino, at istilo ng pamumuhay?’

Ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang ay kung ang taong iyon ay nagpahayag o hindi ng totoong interes sa iyo. Kadalasan, nabibigyan ng maling kahulugan ang kabaitan o pakikipagkaibigan lamang. “Sinisikap lamang niyang maging mabait,” sabi ni Huda, “pero binigyan ko ng romantikong kahulugan ang kaniyang mga salita at kilos dahil sa iyon ang gusto ko. Matapos kong matanto na wala siyang gusto sa akin, hiyang-hiya ako. Inisip ko na hindi ako karapat-dapat sa kaniyang interes at na ako’y may diperensiya.”

Marahil ay nakadama ka rin ng ganito bunga ng isang kahawig na karanasan. Subalit tantuin mo na bagaman hindi ka nagustuhan ng taong ito, hindi nangangahulugan iyon na hindi ka na magugustuhan ng iba. Tutal, hindi lang naman siya ang binata sa mundong ito!

Paghilom ng Nasugatang Damdamin

Magkagayunman, baka matagalan bago maghilom ang iyong nasaktang damdamin. Ano ang makatutulong? Ang isang paraan ay ang pakikipag-usap at pagtatapat sa isang “totoong kasamahan”​—isang may-gulang na Kristiyano na makikinig sa iyo. (Kawikaan 17:17) Marahil ay may isang nakatatandang babae sa kongregasyon na maaari mong kausapin. Maaari ring gumanap ng malaking papel ang Kristiyanong mga magulang sa paglalaan ng tulong at pag-alalay. Nagunita ni Zeina: “Isang Kristiyanong babae sa aming kongregasyon ang nakapansin sa aking labis na kalungkutan at tumulong sa akin sa may-gulang na paraan. Magaang ang loob ko sa kaniya at sinabi ko sa kaniya ang lahat. Hinimok niya ako na kausapin ko ang aking mga magulang. Kaya kinausap ko sila, at ako’y kanilang naunawaan at natulungan.”

Tandaan din ang bisa ng panalangin. (Awit 55:22) Sabi ni Huda: “Ang mga panalangin ko kay Jehova ay nakatulong sa akin upang mapawi ang kirot. Nagbasa rin ako ng nakatutulong na mga artikulo sa mga magasing Bantayan at Gumising!” Karagdagan pa, mahalaga na huwag ibukod ang iyong sarili. (Kawikaan 18:1) Makisalamuha ka sa ibang tao. “Ang isa pang nakatulong sa akin,” nagunita ni Zeina, “ay ang pananatiling abala at pagpapayunir [buong-panahong ebanghelisador]. Naging madalas din ang aking pakikisama sa iba pang kababaihan sa kongregasyon. Ito’y nakatulong sa akin na sumulong sa espirituwal.”

Bumabanggit ang Bibliya tungkol sa “panahon ng pag-ibig,” at maaaring sa kalaunan ay makatagpo ka ng isa na magmamahal sa iyo. (Eclesiastes 3:8) Nilalang ng Diyos na Jehova ang mga tao taglay ang hangaring tamasahin ang kaluguran sa pag-ibig pangmag-asawa, at sa dakong huli ay maaaring matamasa mo rin ang mainam na paglalaang ito ng ating Dakilang Maylikha. Samantala, bakit hindi mo samantalahin ang iyong mga taon ng pagiging walang asawa, na ‘malaya mula sa kabalisahan,’ gaya ng sabi ni apostol Pablo? (1 Corinto 7:32-​34) Anuman ang kalagayan, makatitiyak ka ng katuparan ng pangako ng Bibliya: “Binubuksan mo [Jehova] ang iyong kamay at binibigyang-kasiyahan ang pagnanasa ng lahat ng bagay na buhay.”​—Awit 145:16.

[Talababa]

a Binago ang mga pangalan upang maingatan ang pribadong buhay ng mga nasasangkot.

[Larawan sa pahina 13]

Kung minsan, binibigyan ng maling kahulugan ang kabaitan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share