Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 7/8 p. 15-19
  • Calcutta—Masiglang Lunsod ng mga Pagkakaiba

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Calcutta—Masiglang Lunsod ng mga Pagkakaiba
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagkakatatag ng Lunsod
  • Ang “Black Hole” ng Calcutta
  • Pinaganda ang Calcutta
  • Malaking Lunsod ng Kalakalan
  • Transportasyon​—Sinauna at Makabago
  • Iba’t Ibang Kultura ng Calcutta
  • Pambihirang mga Bagay na Makikita
  • Pagkain Para sa mga May Dalubhasang Panlasa
  • Ang Indian Railways—Isang Malaking Sistema ng Daang-Bakal na Sumasaklaw sa Isang Bansa
    Gumising!—2002
  • “Paglilibot sa Lahat ng mga Lungsod”
    Gumising!—1994
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2011
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2010
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 7/8 p. 15-19

Calcutta​—Masiglang Lunsod ng mga Pagkakaiba

Ng Kabalitaan ng Gumising! sa India

SA Britanong awtor na si Rudyard Kipling, ito ang “lunsod ng kakila-kilabot na gabi,” “ang siksikan at nakapepesteng bayan.” Subalit sa kilalang makatang Urdu na si Mīrzā Ghālib, ito ay “isang lunsod na totoong nakarerepresko,” “ang makalangit na lunsod.” Nasumpungan ng awtor na si Dominique Lapierre ang bawat pagdalaw sa lunsod na “isang bagong nakahahalinang karanasan,” samantalang sinipi naman ni Peter T. White, na sumusulat sa National Geographic, ang iba na tinatawag itong “kakila-kilabot, nakapandidiri, nakatatakot. Ang pinakamalaking slum sa daigdig.” Walang alinlangan, ang Calcutta (Bengali, Kalikata) ay isang lunsod ng mga pagkakaiba.

Ang Pagkakatatag ng Lunsod

Ang Calcutta, na nasa hilagang-silangang baybayin ng India sa estado ng West Bengal, ay hindi bahagi ng sinaunang kahapon ng India. Kung ihahambing sa mga lunsod na gaya ng Delhi at Thanjavur, ito ay isang bagong lunsod. Gaya ng kadalasang kalagayan ng mga lunsod, ang Calcutta ay naisilang dahil sa isang ilog, ang napakalaking Ganges. Malapit sa Look ng Bengal, ang Ganges ay nagsasanga upang maging dalawang sangang-ilog at pagkatapos ay mas marami pa, upang maging ang pinakamalaking delta sa daigdig. Ang kanlurang baybayin ng delta ay ang ilog na kilala noon bilang Bhagirathi-Ganga, nang maglaon ay Hooghly, na dumadaloy patimog tungo sa dagat.

Noong ika-15 at ika-16 na mga siglo, naglayag ang mga mangangalakal na Portuges, Olandes, at Britano sa Hooghly at, sa pahintulot ng lokal na mga tagapamahala, nagtayo sila ng mga sentrong kalakalan. Pinili ni Job Charnock, isang opisyal ng British East India Company, ang nayon ng Sutanuti bilang isang sentro para sa kalakalan. Dahil sa ilang balakid, naglayag siya patungong Sutanuti at, sa pagkahikayat sa mga nayon ng Govindpur at Kalikata, naglagay ng pundasyon para sa pamayanang Britano sa halip na isa lamang sentrong kalakalan. Noon ay Agosto 24, 1690. Isinilang ang Calcutta!

Ang karapatan sa paninirahan ay legal na natamo noong 1698, at hanggang noong 1757 ay nagbabayad ng upa ang mga Britano sa mga tagapamahalang Mogul. Itinayo ng mga Britano ang Fort William upang bigyan ng proteksiyong militar ang umuunlad na lunsod. Palibhasa’y nakadarama ng seguridad sa Fort William, nagtayo ng malalaking villa ang mga negosyante. Noong panahong iyon ang populasyon ng bayan at ng nakapaligid na mga nayon ay umabot sa 400,000, at ang kalakalan ay nagdala ng halos 50 barko sa isang taon sa Hooghly.

Ang “Black Hole” ng Calcutta

Noong 1756 isang mapusok at lokal na kabataang tagapamahala, si Sirāj-ud-Dawlah ng Bengal, ay sumalakay sa Calcutta. Tumakas ang karamihan ng mga residente, subalit ang ilang Europeo, na nanganlong sa Fort William, ay sumuko at ibinilanggo sa isang maliit na piitan sa matinding init ng Hunyo. Kinabukasan, natuklasang marami ang namatay dahil nahirapang huminga. Ang piitan ay nakilala bilang ang “Black Hole” ng Calcutta.

Ang insidenteng ito ay pumukaw ng poot ng East India Company, at noong 1757, pinangunahan ni Robert Clive ang isang hukbo ng mga sundalong Britano upang mabawi ang bayan. Sinasabing ang kasunod na Labanan sa Plassey ang naging pasimula ng pamamahala ng Britanya sa India. At ano ang resulta sa Calcutta? Noong 1773 ay naging kabisera ito ng British India, nananatiling gayon hanggang noong 1911.

Pinaganda ang Calcutta

Habang pumapasok ang malaking kayamanan sa lunsod, nagtayo ng magagarang gusali, anupat ang Calcutta ay pinanganlang ang Lunsod ng mga Palasyo. Gumawa ng malalapad na lansangan, at nagtayo ng mga museo at mga aklatan. Katibayan nito ang marami sa magagarang gusali na nakatayo pa rin ngayon.

Pagkaraan ng 190 taon ng pamamahala ng Britanya, ang India, sa ilalim ng liderato ni Mohandas Gandhi at ni Jawaharlal Nehru, ay natamo ang kasarinlan nito noong 1947, at kasabay nito ay dumating ang paghahati. Sa ilalim ni Mohammed Ali Jinnah, natatag ang mga estadong Muslim ng East Pakistan at West Pakistan. Pagkatapos, noong 1971, ang East Pakistan ay naging Bangladesh. Ang mga pangyayaring ito ang naging dahilan ng pagdagsa ng mga lumikas tungo sa Calcutta; sa ngayon ang malaking lunsod ay may populasyon na tinatayang mahigit na 12,000,000.

Ang biglang pagdagsa ng napakaraming tao na walang ikinabubuhay ay humantong sa napakaraming problema. Ang kawalan ng tirahan ay nangahulugan na literal na milyun-milyon ang nakatira sa pinakadukhang mga slum, sa mga tirahang yari sa karton at sako, na may bahagya o walang sanitasyon, kuryente, o tubig. Libu-libo pa ang nakatira sa mga lansangan. Noong 1967, siyam na internasyonal na mga tagaplano ng bayan na nag-ulat hinggil sa mga kalagayan sa Calcutta ang nagsabi na ito ay “mabilis na sumasapit sa punto ng pagguho ng ekonomiya, pabahay, sanitasyon, transportasyon at ng mahahalagang pangangailangan sa buhay ng sangkatauhan nito.” Mukhang nakatatakot ang kinabukasan.

Sa pagsisikap na dagdagan ang makukuhang pabahay, lalo na para sa mga grupo na may mababang kita, malaking sukat ng maalat na latian ang tinambakan. Gayundin, sa pamamagitan ng pagdraga ng banlik mula sa ilog upang gawing panambak, napasulong ang nabigasyon.

Noong mga unang taon ng 1990 ay nagkaroon ng maraming internasyonal na pamumuhunan sa India, at ayaw ng Calcutta na mapag-iwanan. Kaya nagsimula ang malawakang paglilinis. Ang mga nakatira sa slum ay inilipat sa labas ng lunsod, ang basura ay ginamit upang gumawa ng kuryente at abono, at ipinagbawal ang mga sasakyang lumilikha ng polusyon gayundin ang mausok na mga hurno sa labas ng bahay. Pinalapad ang mga daan, at nagtayo ng mga shopping mall. Ang mga pangkat ng mamamayan ay naglinis at nag-iskoba at nagpintura. Ang Calcutta ay nailigtas mula sa bingit ng kasakunaan at nabigyan ng isang bagong pagkakataong mabuhay​—anupat ang dating ‘naghihingalo’ at lunsod ng ‘kasakunaan’ ay muling sumigla. Sa isang ulat noong 1997 hinggil sa mga kapakinabangan at kagalingang sibiko, malayo ang kahigitan nito sa iba pang malalaking lunsod ng India.

Malaking Lunsod ng Kalakalan

Dahil sa mga nagsilikas mula sa kalapit na mga bansa, mga nandayuhan mula sa iba pang estado ng India, ang lokal na mga taga-Bengal, at ang matagal nang mga residenteng Tsino at mga Armeniano, naghalu-halo na ang mga wika, kultura, relihiyon, at pagkain sa malaking lunsod na ito. Ano ang nakaakit sa lahat ng milyun-milyong tao na ito sa Calcutta? Kalakalan! Ang mga barko mula sa buong daigdig ay nagtutungo sa daungang ito kung saan nagtatagpo ang Silangan at Kanluran. Kabilang sa mga iniluluwas ang salitre, sako, tsa, asukal, tinang asul, koton, at seda. Napakaraming paninda ang pumapasok at lumalabas sa Calcutta sa pamamagitan ng lansangan, perokaril, at dagat. Pagkaraan ng kasarinlan, nagkaroon ng malalaking hulmahan ng bakal at asero, at minina ang mahahalagang mineral para gamitin sa loob ng bansa at iluwas sa ibang bansa.

Mahalaga sa pagdami ng kalakalan ang daungan. Dati-rati’y pinopondo ng mga Britano ang kanilang mga barko sa mas malalim na bahagi ng Hooghly at ipinadadala ang maliliit na bangka sa pampang ng ilog upang ilipat ang mga paninda. Isang sentro ang itinayo noong 1758 sa Calcutta na sa kalauna’y magiging ang pangunahing daungan ng India. Pinalalawak ng kasalukuyang modernisasyon at mas maraming tubig ang dumadaloy mula sa isang prinsa sa Ganges ang internasyonal, baybayin, at interyor na trapiko sa tubig.

Transportasyon​—Sinauna at Makabago

Sa isang lunsod ng mahigit na 12 milyon katao, malaking problema ang transportasyon. Nasa Calcutta ang lahat ng uri ng transportasyong karaniwang nakikita sa isang makabagong lunsod​—at higit pa! Sa mga dumadalaw, ang ricksha na hinihila ng kamay ay kamangha-mangha habang nakikita nila ang maliliksing lalaki na nagpapatuloy sa kanilang paglalakbay sa nagsisikip na daloy ng trapiko​—kadalasang naihahatid ang kanilang mga pasahero sa patutunguhan nito nang mas mabilis kaysa sa natatrapik na bus o taksi. Pinasimulang gamitin noong 1900 upang isakay ang mga paninda, di-nagtagal at ang ricksha ay ginamit upang magsakay ng tao; pinaniniwalaang may mga 25,000 ricksha sa mga lansangan sa lunsod! Bagaman pinababagal ng mga ito ang trapiko, nagbibigay ito ng trabaho sa marahil 50,000 lalaki at transportasyon para sa higit pa.

Araw-araw, ang maliliit na ferryboat ay nagsasakay ng libu-libong pasahero sa pagitan ng pangunahing istasyon ng tren sa Calcutta at ng sentrong distrito ng kalakalan. Dinaragdagan ang transportasyon sa ilog upang gumaan ang mga problema ng trapiko sa daan, yamang mahigit na 50,000 kotse at libu-libong trak ang naggigitgitan sa bawat araw sa tulay na pinakamadalas daanan sa buong daigdig, ang Howrah Bridge.

Marahil ang pinakapaboritong tampok sa lunsod ay ang mga trambiya na pinaaandar ng kuryente. Isa itong ekselenteng sistema ng mga sasakyan na walang polusyon, malaki ang kapasidad, matipid sa enerhiya na naghahatid ng daan-daang libo katao sa palibot ng lunsod bawat araw, bagaman hindi laging maalwan. Ang pagsabit sa gilid ng trambiya ay nangangailangan ng pantanging kasanayan! Nagkaroon ng malaking pagsulong nang matapos kamakailan ang Metro Rail System, na naghahatid ng mahigit na 60,000 pasahero sa isang oras sa sentro ng lunsod sa nakagiginhawang lamig.

Iba’t Ibang Kultura ng Calcutta

Ang mga pagkakataon para sa edukasyon sa Calcutta ay umakay sa marami sa mga larangan ng siyensiya at batas, at lumago ang sining sa naging sentrong pangkultura sa bahaging ito ng kontinente. Mahigit na isang kapat ng isang milyong estudyante ang nag-aaral sa 140-taóng-gulang na University of Calcutta, isa sa pinakamalaki sa buong daigdig.

Kung Mumbai ang siyang sentro ng komersiyal na pelikula ng India, tiyak na ang Calcutta naman ang tahanan ng mataas na uring sining ng pelikula. Ang mga pangalang gaya ng Satyajit Ray at Mrinal Sen ay kilala sa buong daigdig dahil sa naiabuloy nila sa sining. Ipinagmamalaki ng Calcutta ang mas maraming makata kaysa sa pinagsamang Roma at Paris, mas maraming magasing pampanitikan kaysa sa New York at London at, sa College Street, ang isa sa pinakamalaking pamilihan sa daigdig ng mga segunda manong aklat.

Pambihirang mga Bagay na Makikita

Kabilang sa natatanging mga palatandaan ang Victoria Memorial, na yari sa marmol sa istilong Italian Renaissance. Nagbukas noong 1921, ito’y isang pagkalaki-laking museo ng mga alaala ng Britanong raj sa India. Kasali sa mga museo ng Calcutta ang napakalaking Indian Museum at mahigit na 30 iba pa. Ang Indian Botanical Gardens na kinaroroonan ng kanilang 240-taóng-gulang na punong banyan, na may sirkumperensiya na mahigit na 400 metro, ay sulit pasyalan, gayundin ang Zoological Gardens. Ang Maidan​—isang malawak na 520 ektaryang liwasan​—ay kilala bilang ang mga baga ng Calcutta at siyang pinakamalaking liwasang nayon sa buong India. Ipinagmamalaki rin ng Calcutta ang Birla Planetarium, na isa sa pinakamalaki sa daigdig. Para sa mga taong interesado sa larong cricket, ang palaruan ng cricket sa Eden Gardens ay napupuno ng mahigit na 100,000 maiingay at masisiglang manonood sa internasyonal na mga laban.

Ang isang magandang gusali ay ang Science City, ang pinakamalaking interactive na sentrong pang-agham sa Asia, na nagpapangyari sa mga dumadalaw na maranasan ang isang lindol, makita ang paglubog ng isang isla, masaksihan ang pamumuo ng isang buhawi, at malaman ang kawili-wiling mga bagay tungkol sa kapaligiran at ang mga ugali ng maraming nilalang. Subalit para sa mga Hindu ang pinakakaakit-akit sa lahat sa Calcutta ay ang kapistahan ng Durga Puja, kung kailan ang lunsod ay nag-uumapaw sa limang araw na magulong relihiyosong pagsasaya, anupat halos humihinto ang karamihan ng karaniwang gawain.

Ano ang makikita mo kung ikaw ay mamimili sa Calcutta? Halos lahat ng bagay! Subalit maging handa ka lamang na makipaggitgitan sa maiingay na karamihan at tiyaking mamasdan ang mga babaing nakasuot ng kanilang magaganda’t maraming kulay na mga sari. Makabibili ka ng panindang yari sa balat sa murang halaga, pati na ang mahuhusay na sapatos na balat sa mga tindahan ng Tsino. Mga bagay na yari sa stainless steel, mga tela, piling-piling kasangkapan na yari sa luwad, at naggagandahang gawang-kamay na mga alahas ay ilan lamang sa mga bagay na matatagpuan ng isang matiyagang mamimili sa malalaking pamilihan sa “paraiso ng mga mamimili” na ito.

Pagkain Para sa mga May Dalubhasang Panlasa

Ang Calcutta ay inilarawan din bilang isang paraiso ng mga may dalubhasang panlasa, kaya hindi tayo makaaalis dito nang hindi tinitikman ang ilan sa masasarap na pagkain nito. Sinasabing mataas ang pagtingin ng mga taga-Bengal sa pagkain at hinahatulan ang mga tao ayon sa husay nilang magluto! Ang isda ay mahalagang pagkain sa Calcutta, at sari-saring isda, karne, at gulay ang mabibili sa malalaking palengke. Ang sariwang mga pampalasa, na maingat na inihahalo, ay bahagyang nakadaragdag sa lasa ng pinakakaraniwang gulay. Napakaraming pagkaing Tsino. At ang pinakatugatog sa masasarap na lutuin ng Calcutta ay ang kilalang mga minatamis nito. Ang mga rasagolla, mga bola-bola ng kurtadong gatas na inalisan ng tubig, na tinimplahan ng pampalasa at ibinabad sa arnibal, ay simbolo ng Bengal. At huwag kaliligtaan ang mishti doi, isang katakam-takam na matamis na yogurt na isang popular na panghimagas. Naglalaway na ba ang bibig mo? Nalalanghap mo ba ang ilan sa masasarap na amoy ng mga restoran na iyon? Oo, tunay ngang ang Calcutta ay isang masigla at kahali-halinang lunsod ng mga pagkakaiba!

[Mga mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

SRI LANKA

INDIA

Calcutta

BANGLADESH

[Mapa]

CALCUTTA

Indian Botanical Gardens

Maidan

Zoological Gardens

Birla Planetarium

Victoria Memorial

Indian Museum

Hooghly River

Salt Water Lake

Dum Dum International Airport

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 15]

Science City

[Larawan sa pahina 16]

Victoria Memorial

[Larawan sa pahina 17]

Isang abalang tanawin ng pamilihan

[Larawan sa pahina 17]

Isang barberya sa bangketa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share