Pagmamasid sa Daigdig
Mga Karagatang Nanganganib
Mahigit sa 1,600 siyentipikong pandagat at mga biyologo sa pangangalaga ng kapaligiran mula sa 65 bansa ang sumuporta sa isang “panawagan upang kumilos” para maingatan ang mga karagatan mula sa higit pang mga pinsala, ang iniulat ng The Journal of Commerce. “Ang dagat ay totoong nanganganib, higit na nanganganib kaysa sa dati nating akala,” ang sabi ng ekologong pandagat na si Elliot Norse. Ang isang halimbawang nabanggit ay ang 18,000-kilometro-kudradong lawak ng karagatan sa Gulpo ng Mexico na kilala bilang ang patay na sona. Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, walang anumang isda, hipon, at mga hayop pandagat sa patay na sona. Ang tinutunton ng mga siyentipiko na ugat ng problemang ito ay ang mga lumot na kumakain mula sa masusustansiyang tubig na galing sa Ilog Mississippi. Kapag namatay ang mga lumot, ang mga ito’y lumulubog sa pinakasahig ng karagatan. Habang inaagnas ng mga baktirya ang mga patay na lumot, ang kalaliman ng karagatan ay nauubusan ng oksiheno. Si Dr. Nancy Rabalais, isang siyentipikong pandagat, ay nagsabi: “Anumang bagay na hindi makagalaw ay namamatay sa bandang huli.”
Mga Tagapagbigay ng Sangkap ng Katawan
Gusto mo bang angkinin ng iba ang mga sangkap ng iyong katawan kapag namatay ka? Iyan ang tanong na napapaharap sa maraming taga-Brazil mula nang magkabisa ang isang bagong batas noong Enero 1, 1998. Ang batas ay nagsasabing lahat ng mga taga-Brazil na ang edad ay 18 pataas ay awtomatikong magbibigay ng kanilang sangkap malibang sila’y lumagda ng mga dokumentong nagsasaad na sila’y humihiling ng eksemsiyon. Ngunit “may sapat na mga pahiwatig na mas gusto ng karamihan ng mga taga-Brazil na sila’y buo pagkamatay nila,” ang ulat ng The Miami Herald. “Sa nakaraang anim na buwan, tatlo mula sa apat na taong kumuha ng lisensiya sa pagmamaneho ang tumangging magbigay ng mga sangkap ng kanilang katawan.” Bakit? Ang ilang tao ay nangangambang baka pilitin ang mga doktor na wala-sa-panahong sabihing hindi na gumagana ang sentral na sistemang nerbiyos ng mga pasyente upang makuha lamang ang kanilang mga sangkap ng katawan.
Isang Masamang Taon Para sa mga Manghuhula
Ang mga manghuhula sa Alemanya ay “bulag” noong 1997, ang ulat ng Nassauische Neue Presse ng Frankfurt. Mula sa tinatantiyang bilang na 70 hulang sinuri ng Association for Scientific Research Into the Parasciences (GWUP), walang isa man ang nagkatotoo. Ang mga nakagugulat na pangyayari noong 1997 ay hindi nahulaan ng mga manghuhula. Halimbawa, walang isa mang tagabasa ng isip ang nakahula sa biglang pagkamatay ni Prinsesa Diana. Maraming manghuhula ang naging napakaingat, na kanila lamang sinusubukang hulaan ang takbo ng mga pangyayari, tulad ng mga suliranin sa ekonomiya at pulitika. Ito ang “mga bagay na maaaring mahulaan ng kahit sinong mambabasa ng pahayagan,” ang sabi ni Edgar Wunder ng GWUP.
Lubhang Mapanganib na Sekso
Mula 1994 hanggang 1996, tinanong ng mga mananaliksik ng Rhode Island Hospital at Boston City Hospital sa Estados Unidos, ang 203 pasyenteng may HIV tungkol sa kanilang seksuwal na mga gawain. Ano ang ipinakita ng surbey? “Apat sa bawat sampung taong may H.I.V. ang hindi nagtapat ng kanilang kalagayan sa kanilang mga seksuwal na katalik, at halos dalawang-katlo sa mga ito ay hindi laging gumagamit ng condom,” ang ulat ng The New York Times. Ang gayong pagtatago ng katotohanan tungkol sa pagkakaroon ng HIV ay pangkaraniwan, ang sabi ng mga mananaliksik. “Hindi ito isang suliranin ng kawalan ng kaalaman,” ang sabi ni Dr. Michael Stein ng Brown University Medical School sa Providence, Rhode Island. “Nauunawaan ng mga tao ang panganib na sila’y mahawahan ng H.I.V. Hindi [sila] ignorante sa ganiyang mga paksa. Ito’y isang usapin ng personal na pagkadama ng pananagutan.”
Labis na Katabaan at Sakit sa Puso
“Ang pinakaepektibong estratehiya upang maiwasan ang CAD [coronary artery disease] sa mga nasa hustong gulang ay maaaring ang pag-iwas sa sobrang katabaan sa panahon ng kabataan,” ang ulat ng The Journal of the American Medical Association. Matagal nang alam ng mga awtoridad sa kalusugan na ang pagiging mataba sa panahon ng kabataan ay nagpapalaki sa panganib na magkaroon ang isa ng alta presyon, diabetes, hyperlipemia (sobrang taba sa dugo), sakit sa puso, at iba pang talamak na mga sakit. Ngunit sa kabila ng mga mungkahi ng mga doktor na limitahan ang pagkonsumo ng taba at ang pangngangailangan ng regular na ehersisyo, sinasabing sangkatlo ng lahat ng taga-Hilagang Amerika ay sobra sa timbang o sobrang taba. “Gaano pa bang karaming patotoo ang kailangan bago tayo, bilang isang lipunan, ay kumilos upang iwasan ang sobrang katabaan sa pamamagitan ng pagtuturo sa tamang pagkain at pagsasanay sa pag-eehersisyo sa ating mga anak?” ang tanong ni Linda Van Horn ng Northwestern University Medical School sa Chicago. “Ang posibleng mga kapakinabangan ay di-masusukat. Kung pababayaan, ang sakit sa puso na dulot nito ay tiyak na tiyak, nakapanghihina, at magastos.” Gayunman, ang mga resulta ng mas bagong pag-aaral na lumitaw sa The New England Journal of Medicine ay nagpakitang ang sobrang katabaan ay hindi naman gayon kapanganib sa kalusugan ng isa. Natuklasan nito na ang sobrang katabaan “ay nakadaragdag sa posibilidad na ang isa’y mamatay nang maaga ngunit hindi kasinggrabe ng inaakala ng ilang eksperto sa medisina,” ang ulat ng The New York Times.
Naglalahong mga Gubat
Halos dalawang-katlo ng mga gubat sa buong lupa bago nagpasimulang manira ang mga tao ay wala na ngayon, ang sabi ng World Wide Fund for Nature (WWF). Sa kabila ng walang-tigil na pagsisikap ng tao upang imulat ang kaniyang kapuwa sa suliranin, ang pagkalbo sa mga kagubatan sa dekadang ito ay lumaganap hanggang sa puntong may ilang bansa ang malapit nang mawalan ng likas na mga kagubatan. Ang pagkakaingin sa mga kakahuyan upang magkaroon ng troso at lupaing masasaka ay malawak na sumisira sa iba’t ibang klase ng mga halaman at hayop. Karagdagan pa, ang pagsusunog ng mga puno ay naglalabas ng carbon dioxide sa atmospera ng lupa, na pinangangambahan ng karamihan na hahantong sa pag-init ng globo. Ang WWF ay humihimok na protektahan ang kahit man lamang 10 porsiyento ng lahat ng uri ng kagubatan sa buong daigdig pagsapit ng taóng 2000, ang ulat ng pahayagang Guardian sa London.
Inihula ang Kakulangan ng Pagkain sa Buong Daigdig
Ayon sa isang pagsusuri ng Johns Hopkins University, “malibang bumagal ang pagdami ng tao at bumilis ang produksiyon ng pagkain, wala nang sapat na pagkain upang pakainin ang tinatayang 8 bilyong tao pagsapit ng 2025,” ang balita ng Associated Press. Hinuhulaan ng mga mananaliksik na “kung hindi bababa ang dami ng mga batang isinisilang sa kulang-kulang dalawang bata bawat babae,” ang produksiyon ng pagkain ay kailangang dumoble pagdating ng 2025 upang mapaglaanan ng “malinis at masustansiyang mga pagkain” ang mga tao para sila’y manatiling malusog. Ang mga karagdagan pang problema ay ang kakulangan sa tubig, polusyon ng lupa, ang patuloy na pagkaagnas ng lupa, at mga pagbabago sa klima. Kahit ngayon, mga 18 milyong tao ang namamatay dahil sa gutom taun-taon, kahit na sapat ang pagkaing inaani upang suportahan ang halos 6 na bilyon kataong nabubuhay sa lupa.
Ang Unti-unting Nauubos na Buwayang Orinoco
Ang mga buwaya ng Ilog Orinoco sa Venezuela ay nanganganib, ayon sa Estampas, isang magasin sa Caracas. Mula pa noong 1930, ang mga hayop na ito ay pinapatay para makuha ang kanilang mga balat. Noong panahong iyon, “ang dami ng mga buwaya sa Venezuela ay higit kaysa sa dami ng tao,” ang banggit ng magasin. Subalit sa pagitan ng 1931 at 1934, halos isa at kalahating milyong kilo ng mga balat ng buwaya, na katumbas ng hindi bababa sa 4.5 milyong buwaya, ang iniluwas. Pagsapit ng 1950, “pagkatapos ng maraming taon ng walang-tigil na pangangaso,” ang populasyon ng mga buwaya ay napakababa anupat 30,000 kilo “lamang” ang puwedeng iluwas. Ngayon, wala nang 3,000 ang bilang ng mga buwayang Orinoco, at ang mga eksperto ay nagsasabi na ang mga ito, kasama ang 312 iba pang uri ng mga hayop sa Venezuela, ay nanganganib na maubos dahil sa mga tao.
Nakapanggigilalas na Lakas ng Bituin
Isang kamakailang larawang kuha ng Hubble Space Telescope ang nagbibigay ng karagdagang patotoo na may isang pambihirang klase ng bituin sa ating galaksi na tinatawag na “maningning na bituing asul na pabagu-bago ang liwanag.” Ayon sa mga astronomo, ang maningning na bituin at ang nakapalibot na mga gas at alabok dito ay korteng baril, kung kaya ito’y pinanganlang Pistol. Tinatayang ang Pistol ay di-kukulangin sa 60 beses ang laki kaysa sa ating Araw at halos 10 milyong beses na mas malakas. “Maaaring ito ang pinakamalakas na bituin sa mga langit,” ang sabi ng magasing Science News. Ngunit dahil sa mga nakaharang na alabok, ang bituin ay matatanaw lamang sa pamamagitan ng infrared. Iyan ang dahilan kung bakit ang Pistol, na may layong 25,000 light-year mula sa Lupa, ay natuklasan nito lamang mga taon ng 1990. Anim lamang ng ganitong klase ng bituin ang natuklasan sa ating galaksi.
Pagmamaneho at Paggamit ng Telepono—Isang Mapanganib na Kombinasyon
Ang mga gumagamit ng telepono habang nagmamaneho ay maaaring makagawa ng seryosong mga pagkakamali nang hindi namamalayan. Ito ang naging konklusyon sa isang pagsusuring isinagawa para sa General Automobile Club of Germany. Tatlong beses na sinubok ang mga nagmamaneho. Sa unang beses, hindi sila gumamit ng telepono. Sa pangalawa, gumamit sila ng teleponong hindi na kailangang hawakan pa ng kamay; at sa pangatlong pagkakataon, ng teleponong tangan sa kamay. Ano ang naging resulta sa mga nagmamaneho? Sa katamtaman, ang mga nagmamanehong hindi gumamit ng telepono ay nakagawa ng 0.5 na pagkakamali sa paghinto at pananatili sa kanilang linya; ang mga gumamit ng teleponong hindi na kailangang hawakan, 5.9 na pagkakamali, at ang mga gumamit ng teleponong tangan sa kamay, 14.6 na pagkakamali. Kung gayon, iniulat ng Suddeutsche Zeitung, ang pagsusuri ay nagpakitang ang paggamit ng mga teleponong tangan sa kamay habang nagmamaneho ay “naghaharap ng malaking panganib.”