Pagmamasid sa Daigdig
Muling Isinaalang-alang ang Relihiyosong Kalayaan sa Gresya
“Waring kamakailan lamang ay nabahala ang pamahalaan [ng Gresya] tungkol sa mga usaping nagsasangkot sa karapatan ng relihiyosong kalayaan, at isinasaalang-alang din nito ang nalalapit na pagbabago ng konstitusyon,” ang ulat ng pahayagan sa Atenas na To Vima. “Isang di-opisyal na komite sa Ministri ng Ugnayang Panlabas ay binuó upang suriing muli ang legal na saligan na nagsasangkot sa mga usapin ng relihiyosong kalayaan, ang mga batas ng diktador na si Metaxas na nagsasaad na ang proselitismo ay isang kriminal na kasalanan, at ang mga kalagayang nagpapahintulot sa mga di-Ortodoksong relihiyosong minorya na magtayo ng mga simbahan at pulungang-dako.” Ang ulat ay patuloy na nagsasabing ang pagkilos na ito ay napasimulan, pangunahin na dahil sa napakaraming legal na kasong isinampa ng mga Saksi ni Jehova sa Gresya sa Korte ng Karapatang Pantao ng Europa.
Ginagamit Pa ang Latin
Ang Latin pa rin ang opisyal na wika ng Lunsod ng Batikano, bagaman noong mga taon ng 1960 ay hindi na ginamit ang wikang ito sa liturhiya ng mga Romano Katoliko. Isinasalin ng mga espesyalista ang mga dokumento ng papa sa Latin, subalit bahagya na lamang itong sinasalita sa loob ng Batikano mismo. Gayunman, noong Nobyembre 1997, ipinahayag ng papa ang kaniyang kalungkutan sa paglaho ng binibigkas na Latin at pinasigla ang muling paggamit nito. Samantala, natapos ng isang grupo ng mga iskolar sa Batikano ang walong-taong proyekto na gumawa ng pinakabagong diksyunaryong Latin. Ang modernong mga termino tulad ng “aerosol spray,” “airport,” “department store,” “taxi,” at “traffic jam” ay mayroon na ngayong katumbas sa Latin. Kahit na ang palasak na cellular phone ay naging telephonium cellulare. May higit pang mabuting balita para sa mahihilig sa Latin. May isang pari sa Roma ang naglabas na ng isang Website sa Internet sa wikang Latin, ang ulat ng The Times ng London.
Kinopya o “Cloned” na mga Istatuwa
Pagsapit ng taóng 2000, malamang na ang mga istatuwa sa pampublikong mga parke ng Roma ay pawang mga imitasyon. Bakit? “Walang ibang mapagpipilian kundi ang pagkopya kung nais nating panatilihin ang mga monumento,” ang paliwanag ni Carla Benocci na miyembro ng isa sa mga samahang ukol sa kasaysayan sa Roma. Idinagdag pa niya na ang ilan sa mga ito ay nasa “nakagigitlang hamak na kalagayan, nasira ng paglipas ng panahon, ng mga sasakyan, ng mga taong maninira, at ng mga mamimili ng nakaw na kagamitan.” Isinasagawa ang mga eksperimento upang matiyak kung anong mga materyales ang siguradong makapagdudulot ng katulad na kagandahan ng sa mga orihinal at gayundin makalalaban sa mga pinsalang gawa ng usok at mga taong maninira. Ang ilang mga “clone” ay gawa sa resin; ang iba naman ay sa sementong may panlabas na pahid ng pulbos ng marmol. Sila’y “katulad na katulad ng orihinal,” ang sabi ni Benocci, “anupat sa pag-aakala ng mga magnanakaw na ang mga iyon ay totoo, kanilang pinugutan ng ulo ang isa at sinubukang kunin nang buó ang isa pa.” At kumusta naman ang mga orihinal? Ang mga ito ay iingatan sa mga museo, kung saan maaaring may-paghangang masdan ang mga ito nang hindi naisasapanganib.
Ang Malnustrisyon na Pumapatay sa mga Bata
“Ang malnutrisyon ay pumapatay ng higit na mga bata kaysa sa anumang iba pang epidemya, likas na kasakunaan, o digmaan,” ang ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. Tinatayang halos pitong milyong bata ang namamatay taun-taon bunga ng malnutrisyon. Ang ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) para sa 1997 ay nagpapakitang ang malnutrisyon ang dahilan ng pagkamatay ng 55 porsiyento ng 12 milyong batang wala pang limang taong-gulang na namamatay taun-taon. Bukod sa pagkamatay ng mga bata, ang malnutrisyon ang dahilan ng maraming kapansanan sa katawan at isip gayundin ng mas mahihinang sistema-imyunidad. Sa Timog Asia, 1 bata sa bawat 2 ay pinahihirapan ng malnutrisyon, at sa Aprika, 1 sa bawat 3. Gayunman, apektado rin ang mga nakaririwasang bansa ng suliraning ito. Halimbawa, ang UNICEF ay nag-uulat na sa Estados Unidos, 1 sa bawat 4 na batang wala pang 12 taong-gulang ang hindi nakatatanggap ng sustansiyang kailangan niya.
Tubig sa Buwan?
Ang sasakyang pangkalawakan na Lunar Prospector ay nakatuklas ng waring nagyelong tubig sa polong mga rehiyon ng buwan, ulat ng The New York Times. Ipinakikita ng mga instrumento sa sasakyang pangkalawakan na may matatagpuang hidroheno roon, at ipinagpapalagay na ang hidroheno ay maaaring mabuo sa buwan sa anyo ng isang elemento ng tubig. Pinaniniwalaang ang tubig ay nasa anyo ng mumunting kristal ng yelo na may halong alikabok. Lumilitaw na kumakatawan ito sa 1 o wala pang 1 porsiyento ng mabatong lupa. Sinasapantaha na ng ilang siyentipiko na ang tubig ay maaaring sumustini sa mga kolonya ng tao at maglaan ng hidroheno at oksiheno bilang fuel para sa sasakyang pangkalawakan na ilulunsad mula sa buwan. Ikinababahala ng ilan na kahit pa may tubig doon, magastos ang pagkuha nito. Sinabi ni Dr. Bruce Murray, ng California Institute of Technology, na mas mura pa ang magpadala ng tubig mula sa lupa kaysa kumuha nito sa buwan.
Babala Tungkol sa mga Pamawi ng Kirot
“Ang ilang sobrang dosis ng acetaminophen—isang aktibong sangkap sa Tylenol, Excedrin, at sa marami pang gamot na makukuha nang walang reseta—ay maaaring humantong sa malubhang pinsala sa atay, lalo na kapag napahalo sa alkohol,” ang babala ng magasing Health, at maaaring mauwi ito sa kamatayan. “Karamihan ng mga tao ay nag-iisip na puwede silang uminom ng dalawa o tatlong beses ng iminungkahing dosis at hindi mapipinsala nito,” ang sabi ni William Lee, isang espesyalista sa internal medicine sa University of Texas Southwestern Medical Center. “Hindi totoo iyon sa drogang ito.” Habang tinutunaw ng katawan ang acetaminophen, naglalabas ito ng kakambal na produktong nakapipinsala sa atay. Ipinagsasanggalang ng atay ang sarili nito sa pamamagitan ng isang kontra-lason na kemikal (detoxification agent) na tinatawag na glutathione. Gayunman, natatalo ng sobrang acetaminophen ang panlaban ng atay. Ang alkohol ay nakababawas sa nakaimbak na glutathione, kaya ang pag-inom sa droga pagkatapos uminom ng kaunting alkohol ay lalong mapanganib. At yamang ang acetaminophen ay nasa mahigit na 300 produkto, madaling sumobra ang pagkonsumo nito nang hindi namamalayan.
Mga Klase Tungkol sa Pagkidnap
Ang mga batang nag-aaral sa Taiwan ay may bagong kurso ngayon—ang mga klase tungkol sa pagkidnap. “Mas malaki ang posibilidad na makidnap ang mga bata sa Taiwan kaysa sa anupamang lugar maliban sa Pilipinas, na sa katamtaman ay may nangyayaring isang pagkidnap sa bawat dalawa’t-kalahating araw,” ang sabi ng Asiaweek. Dahil sa pangambang baka maging susunod na biktima ng pagkidnap ang kanilang mga anak, ang mga magulang ay humiling ng gayong programa. Ang kurso tungkol sa pagkidnap ay nagsasanay sa mga batang mag-ingat kapag sila’y mag-isang naglalakad, kapag sila’y pasakay sa mga elevator, at kapag sila’y sumasakay sa mga pampublikong transportasyon. Natututo sila na maging alisto sa mga kahina-hinalang tao at kung paano kumilos kapag nakidnap. Sa kabila ng negatibong mga paksa sa kurso, gumagawa ng pagsisikap na tulungan ang mga batang magkaroon ng positibong pangmalas sa buhay.
Nagbalik Mula sa “Pagkalipol”
Ang maliit na kuwagong gubat, na inaakalang nalipol na dahil sa hindi ito nakikita sa loob na ng 113 taon, ay namataan at nakuhanan ng litrato sa isang mapunong lugar malapit sa Shahada, India, sa hilagang-silangan ng Mumbai. Ang kayumangging ibon, na may taas na walong pulgada ay may malalaking mata at ubod-laking tuka, paa, at mga kuko. “Itinuturing itong isa sa mga mahiwagang ibon ng India,” ang sabi ni Pamela Rasmussen, ng National Museum of Natural History sa Washington, na kumuha ng mga litrato sa tulong ng dalawa pang kasamahan. “Ito’y isang bagay na minsan lamang mangyari.” Ang dalawa pang mahiwagang uri ng hayop sa India, na walang nakatalang rekord na ang mga ito’y buháy pa, ay ang mga patong may kulay-rosas na ulo, na huling namataan noong mga taon ng 1930, at ang mga pugo sa bundok Himalaya, na hindi pa namamataan sa loob na ng 100 taon.
Ang “Pinakamainam na Di-matapang na Droga”?
Ang nakagaganyak, nakapagpapasigla, at nakagagayumang mga katangian ng tsokolate ay ipinangalandakan na sa loob ng daan-daang taon. Gayunman, maaaring ipakita ng bagong pananaliksik na ang tsokolate ay nakaaapekto nga sa “mga antas ng kabalisahan, kapayapaan ng isip, at seksuwal na paggawi,” ang ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. Natuklasan ng mga siyentipiko ang isang sangkap sa tsokolate na may ilang pagkakahawig sa mga amphetamine at ang isa pa na may “natatanging katangian na nakapagpapasigla.” Isinisiwalat din ng bagong pananaliksik ang pagkakaroon ng anandamide, isang sangkap na naghahatid ng mga impulso ng nerbiyo at nagdudulot ng “pagsidhi ng mga damdaming pisikal at labis-labis na kaligayahan” tulad ng cannabis. Ito, pati na ang di-gaanong mapanganib na mga epekto ng tsokolate ay nag-udyok sa pahayagang magsabi: “Sa pagpapasigla ng pisikal at intelektuwal na mga gawain, pagtutustos ng lakas at pagbibigay ng mga damdamin ng labis na kaligayahan at kalusugan ng halos walang masamang epekto at hindi masyadong nakagugumon, ang tsokolate ay mauuri bilang ang halos pinakamainam na di-matapang na droga.”