Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 8/22 p. 26-27
  • Ang Repormasyong Ingles—Isang Panahon ng Pagbabago

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Repormasyong Ingles—Isang Panahon ng Pagbabago
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kapanahunan ni Cromwell
  • Isang Magaling na Reyna na Tumalo sa Obispong may Masamang Balak
    Gumising!—1998
  • Inamin Ngayon ang Kawalang-Pagpaparaya sa Relihiyon
    Gumising!—2000
  • Ang Kasaysayan ng Relihiyosong Di-pagkakaisa ng Britaniya
    Gumising!—1985
  • Ang Tore ng London—Makasaysayang Monumento ng Maligalig na Kahapon
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 8/22 p. 26-27

Ang Repormasyong Ingles​—Isang Panahon ng Pagbabago

“Ito ay isang daigdig na nabuhay sa gitna ng malawakang pagbabago at muling pagsusuri.”

GAYON inilarawan ni J. J. Scarisbrick ang ika-16 na siglong Inglatera sa isinulat niyang talambuhay na Henry VIII. Ang relihiyosong kaguluhan sa Europa ang dahilan kung bakit ang ilan ay naniwalang kailangan ng ortodoksong relihiyon ang reporma.

Nagkaroon ng mga tagasuporta sa Inglatera ang kontrobersiyal na mga turo ni Martin Luther. At pasimula noong pagtatapos ng ika-14 na siglo, ang mga Lollard, masisigasig na mangangaral at tagapagtaguyod ng Bibliya, ay nagtiis at nagpangalat ng kanilang mga turo sa buong Inglatera.

Pagsapit ng 1526, ang mga kopya ng salin ni William Tyndale ng Griegong Kasulatan sa Ingles ay nakarating na sa Inglatera, sa kabila ng pagtatangka ng makapangyarihang mga kaaway na itigil ang pamamahagi nito. Ang tradisyonal na mga Katolikong turo tulad ng purgatoryo, transubstansasyon, at di-pag-aasawa ng pari ay naibunyag na walang saligan sa Bibliya.

Ngunit ang krisis sa pamilya ng hari ang siyang nagpasiklab ng Repormasyong Ingles. Sinikap ni Henry VIII na diborsiyuhin ang kaniyang Katolikong asawa na si Catherine ng Aragon dahil nais niya ng isang lalaking tagapagmana ng trono. Ang lahat ng anim na anak ni Catherine kay Henry, maliban sa isang anak na babaing nagngangalang Mary, ay nalaglag o di kaya’y namatay nang maaga. Karagdagan pa, si Henry ay naakit sa bata at masiglang si Anne Boleyn at binalak na pakasalan siya.

Nang hindi namamalayan ito, ang may kakayahan at makapangyarihang kakampi ni Henry, ang kardinal na si Thomas Wolsey ay nakaimpluwensiya rin sa Repormasyon. Sapol nang magsimulang maghari si Henry noong 1509, patuloy na lumawig ang kapangyarihan at kayamanan ni Wolsey. Nang maglaon, ang kaniyang impluwensiya ay pumapangalawa na lamang sa hari. Ngunit kinayayamutan si Wolsey dahil siya ay mapaniil at nagtaas ng buwis. Bukod dito, waring pakiramdam niya’y nakatataas siya sa mga batas ng sarili niyang simbahan, yamang nagkaroon siya ng dalawang anak sa labas.

Nagbalak ang mga maharlika na pabagsakin si Wolsey, na naging tiyak nang hindi niya maibigay ang diborsiyong labis na hinahangad ni Henry. Natanggal sa kaniyang posisyon, si Wolsey ay namatay noong 1530, bago lamang nakatakda siyang humarap sa hari dahil sa paratang na pagtataksil.

Ang kontra-sa-klerigong espiritu ay tumindi sa Inglatera. Isinulat ng istoryador na si Scarisbrick na “ipinangatuwiran na kailangan ng Simbahan ang radikal na pagpapalit, na hindi na makayanan ng lipunan ang pabigat na ito na walang kinalaman sa ekonomiya, ang malawak na institusyong ito na nakapangalap ng napakaraming tauhan, nagpawalang-halaga sa napakaraming kayamanan, nangamkam at nagbigay ng napakakaunti . . . , at na ang daloy ng pera ng Inglatera sa Roma . . . ay nakasira sa ekonomiya [ng Inglatera].”

Ang Kapanahunan ni Cromwell

Nang malaunan, ang mga suliranin ni Henry sa asawa ay “nalutas” sa tulong ng kaniyang pangunahing tagapayo na si Thomas Cromwell at ng bagong Arsobispo ng Canterbury, si Thomas Cranmer. Ang simbahan ng Inglatera ay kumalas sa simbahan ng Roma, at ang hari ang naging ulo ng simbahan sa Inglatera. Pinawalang-bisa ni Cranmer ang kasal ni Henry kay Catherine noong 1533. Sa panahong ito ay napakasalan na ni Henry si Anne Boleyn, na nagdadalang-tao. Ang pagkalas na ito sa awtoridad ng papa ay may matitinding epekto.

Si Cromwell ay pinagkalooban ng lubusang awtoridad sa simbahan at sa hari lamang siya susunod. Sunud-sunod, ang mga monasteryo ay giniba at ang pag-aari ng mga ito ay ipinasa sa Monarkiya, na naglaan ng lubhang-kinakailangang kita. Karagdagan pa, isang mahalagang papel ang ginampanan ni Cromwell sa paglilimbag at pagpapasakamay ng Bibliya sa Ingles, tulad ng napansin ni A. G. Dickens sa kaniyang aklat na The English Reformation: “Ang pulitikal na pagpapasinaya, ang pagsasaplano ng paglilimbag, ang pagtustos sa mga gastusin, ang panggigipit na gawing sapilitan ang Dakilang Bibliya sa Simbahang Ingles, ang mga ito ay nagsimula sa administrador na si Thomas Cromwell.”

Habang lalong naging malaganap ang Bibliya, nagkaroon ito ng matinding epekto sa pangmalas ng mga tao sa ortodoksong relihiyon. Binanggit ni Dickens: “Ang tunay na pagiging simple na nakita sa buhay ni Jesu-Kristo at ng mga Apostol ay may napakalaking pagkakaiba sa dambuhalang legal at mapamilit na kayarian ng pamahalaan, sa pagkarami-raming kayamanan at pagkagagandang proyektong arkitektural ng Simbahan noong pagtatapos ng edad medya at noong Renaissance.”

Nagpamalas si Henry ng interes sa ilang relihiyosong reporma, ngunit ang kaniyang mga patakaran ay kadalasang bunsod ng pulitikal na kapakinabangan sa halip ng matibay na relihiyosong paniniwala. Lubos niyang alam na may dalawang naglalabanang pangkat sa palasyo, yaong mga para sa reporma at yaong nagnanais na panatilihin ang tradisyonal na relihiyon, ang mga konserbatibo. Upang mapanatiling nasa kaniya ang kontrol sa situwasyon, buong-kahusayan niyang pinaglalaban ang dalawang ito sa isa’t isa.

Pagsapit ng 1540, pansamantalang napatigil ang ginintuang panahon ng reporma dahil sa pagbagsak ni Cromwell. Ang kaniyang mga kaaway na konserbatibo ay kumumbinsi kay Henry na siya’y kapuwa isang traidor at erehe, at siya’y binitay nang hindi nililitis.

Sa isang yugto ng panahon, waring ang mga konserbatibo ang nagwawagi. Subalit hindi nila napigilan ang repormang napasimulan na. Magkagayon man, hindi tinupad ng Repormasyon ang pangako nito. Hindi natanggal ng mga Protestanteng Repormador ang maraming huwad na turo ng mga tao at mga tradisyong nagparumi sa pananampalataya ng mga Romano Katoliko.

Nang pakasalan ni Henry noong 1543 ang kaniyang ikaanim at huling asawa, si Catherine Parr, ang mga may gusto ng reporma ay napasigla. Siya ay nagpakita ng malaking interes sa bagong mga relihiyosong turo. Ngunit hindi pumayag ang mga konserbatibo na sumuko nang hindi lumalaban. Ang kanilang pagpapakana at pag-iintriga sa palasyo ay magsasangkot sa bagong reyna sa isang mapanganib na pakikipaglaban para sa kaniyang buhay. Ito ang isasaalang-alang sa isang panghinaharap na isyu ng Gumising!

[Larawan sa pahina 26]

Sina Henry VIII at Anne Boleyn

[Larawan sa pahina 26]

Si Catherine ng Aragon

[Larawan sa pahina 26]

Si William Tyndale

[Larawan sa pahina 26]

Si Thomas Cromwell

[Larawan sa pahina 26]

Si Thomas Cranmer

[Larawan sa pahina 26]

Si Thomas Wolsey

[Picture Credit Line sa pahina 27]

Thomas Wolsey: Mula sa aklat na The Story of Liberty, 1878; kresta, disenyo sa likuran, at ang Haring Henry VIII kasama si Anne Boleyn: Mula sa aklat na The Library of Historic Characters and Famous Events, Vol. VII, 1895; sina Catherine ng Aragon, Thomas Cranmer, at Thomas Cromwell: Mula sa aklat na Heroes of the Reformation, 1904

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share