Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 9/8 p. 14-18
  • Brasília—Bago, Naiiba, at Mabilis na Lumalaki

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Brasília—Bago, Naiiba, at Mabilis na Lumalaki
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Matagal na Paghahanda
  • Isang Paligsahan at Isang Plano
  • Isang “Eroplano” sa Lupa
  • Mula sa Tolda Tungo sa Kongkreto
  • Ang Una’t Bukod-Tangi
  • Kaakit-akit na Tanawin
  • Kung Bakit Hindi Ka Maliligaw
  • Mga Suliranin sa Paglaki
  • “Ang Puso ng Brazil”?
  • “Ang Lungsod na May Tunay na mga Pundasyon”
    Gumising!—1994
  • “Paglilibot sa Lahat ng mga Lungsod”
    Gumising!—1994
  • Ang Madulang Kasaysayan ng Isang “Lupain ng Pagkakaiba-iba”
    Gumising!—2000
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 9/8 p. 14-18

Brasília​—Bago, Naiiba, at Mabilis na Lumalaki

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Brazil

SAAN sa daigdig matatawagan mo sa telepono ang disenyador na gumuhit sa orihinal na mga plano para sa kabiserang lunsod ng inyong bansa? Saan mo matatagpuan ang arkitekto na nagdisenyo at namahala sa konstruksiyon ng unang mga gusaling pampamahalaan ng kabisera? At saan ang kabisera na doo’y makapaglalakad ka at matitiyak mo na ang sinumang makita mo na mahigit sa 40 taong gulang ay hindi isinilang doon? Sa Brasília, ang kabisera ng Brazil​—isang bago at bukod-tanging lunsod na karapat-dapat sa masusing pagmamasid.a

Matagal na Paghahanda

Mga isang oras at kalahati ang biyahe sa eroplano mula sa São Paulo patungong Brasília. Ang maalwang-sakyan na mga bus ay 12 oras ang biyahe patungo roon. Pinili ko ang biyahe sa bus. Nagbigay ito ng maraming panahon sa akin upang mabasa ang kasaysayan ng lunsod.

Sapol noong unang organisadong paghihimagsik laban sa pamamahala ng mga Portuges sa pagtatapos ng ika-18 siglo, mayroon nang hangaring magtayo ng isang bagong kabisera sa Brazil. Hindi pa nagtatagal pagkatapos makamit ng Brazil ang kasarinlan noong 1822, ang estadistang taga-Brazil na si José Bonifácio de Andrada e Silva ay nagmungkahi na ang ipangalan sa panghinaharap na kabiserang ito ay Brasília, isang pangalan na ginamit na ng ika-17 siglong mga manggagawa ng mapa upang tukuyin ang buong bansa.

Noong 1891, malinaw na isinaad sa bagong konstitusyon ng bansa na lagyan ng muhon ang 14,000 kilometro kudradong kaparangan sa Central Highland Plain. Doon, mga 1,000 kilometro mula sa baybayin, itatayo ang bagong kabisera. Ikinatuwiran ng mga pulitiko na ang paglilipat ng kabisera mula sa Rio de Janeiro tungo sa gawing loob ng bansa ay magpapabilis sa pag-unlad ng malaking bahagi ng lupain sa loob ng bansa. Gayunman, lumipas ang 50 taon na walang nangyari. Sa wakas, noong 1955, ang matagal na paghahanda sa Brasília ay natapos, at isang puno-ng-aksiyon na panimulang yugto ang nag-umpisa.

Isang Paligsahan at Isang Plano

Noong taong iyon, nangako ang kandidato para sa pagkapresidente na si Juscelino Kubitschek na kapag nahalal siya, magkakatotoo ang bagong kabisera bago matapos ang kaniyang limang-taóng yugto ng panunungkulan bilang presidente. Noong Abril 1956, si Kubitschek ay nahalal.

Mga ilang buwan bago ito, ipinatalastas ng pamahalaan ang isang paligsahan: Inanyayahan ang mga arkitekto, inhinyero, at mga tagaplano ng lunsod sa Brazil upang magdisenyo ng isang plano para sa ayos ng bagong kabisera. Sa loob ng ilang buwan, 26 na kandidato ang nagpadala ng kanilang bersiyon ng huwarang kabisera. Noong Marso 1957, ipinatalastas ng internasyonal na hurado ang nagwagi: ang tagaplano ng lunsod na si Lúcio Costa.

Hindi tulad ng mga disenyo ng ibang mga kandidato, ang disenyo ni Costa ay binubuo lamang ng ilang krokis at ilang pahina na may sulat-kamay​—isang buong lunsod na nasa isang malaking sobre na gawa sa himaymay ng abaka! Humingi siya ng paumanhin sa hurado dahil sa kaniyang kaunting krokis subalit kaniyang isinusog: “Kung ito ay hindi angkop, kung gayon ay madali itong itapon, at hindi ko nasayang ang panahon ko o ang panahon ng sinuman.” Gayunman, nagustuhan ng hurado ang kaniyang plano at para sa kanila ito ay “malinaw, tuwiran at sa kabuuan ay simple.” Ano ba ang iminungkahi ng kaniyang plano, at paano ito naging isang kongkretong lunsod?

Isang “Eroplano” sa Lupa

Ang isang mainam na paraan upang malaman ito ay ang pagdalaw sa Museu Vivo da Memória Candanga (Ang Buháy na Museo ng Alaala sa mga Candango). Yamang ang museo ay inilagay sa dating unang ospital ng kabisera, ang gusaling ito ang siyang literal na kuna ng Brasília. Dito mismo nagsimula ang buhay ng unang mga sanggol na isinilang sa Brasília mga 40 taon na ang nakararaan. Subalit ngayon, ikinukuwento ng dating ospital ang pasimula at unang mga yugto ng pag-iral ng Brasília. Gaya ng mababasa sa isang nakadispley sa museo, ito ay isang kuwento ng “Lupa, Tolda at Kongkreto.”

Una ay inilibot ako ni Laureti Machado, isang tauhan ng museo, sa panahon ng “lupa.” Huminto siya sa harapan ng isang larawan, na kinuha noong 1957, ng dalawang di-sementadong daan na bumabagtas sa isang kaparangan, anupat basta na lamang ito nagkrus sa gitna ng isang lugar. “Ang larawang ito,” aniya, “ang nagpapakita sa kauna-unahang hakbang sa pagtatayo ng lunsod.” Pagkatapos, samantalang minamasdan ang krokis ni Costa, nakita namin kung paano binalantok ng tagaplano ng lunsod ang isa sa mga daan kung kaya nang gawin na ng mga trabahador, na tinatawag na mga candango,b ang balantok na daang ito sa kaparangan, lumitaw ang hugis ng eroplano sa lupa.

Ang di-karaniwang hugis na iyon ang siya pa ring ayos ng Brasília ngayon: Isang eroplano na ang lugar ng piloto nito ay nakaturo sa silangan at ang nakabalantok na mga pakpak nito ay nakaturo naman sa hilaga at timog. Ang mga gusaling kinaroroonan ng tatlong sangay ng pamahalaan ay matatagpuan sa lugar ng piloto, ang distrito naman ng negosyo ay makikita sa pinakakatawan, at ang lugar ng mga tirahan ang siya namang naroroon sa mga pakpak.

Mula sa Tolda Tungo sa Kongkreto

Ang mga seksiyon ng panahon ng “tolda” at “kongkreto” ang siya namang nagsasaysay kung paanong ang mga manggagawa sa lahat ng dako ng Brazil ay nagbenta ng kanilang mga pag-aari upang makapaglakbay patungo sa dako ng konstruksiyon. ‘Ang tatay ko ay bumili ng isang trak, isinakay ang buong pamilya namin​—na mahigit na 20 katao​—at nagbiyahe nang 19 na araw upang makarating dito,’ ang nagunita ng isang manggagawa na dumating doon noong Agosto 1957. Ang iba ay naglakbay sakay ng bus o kariton o nakisakay lamang sa ibang nagbibiyahe. Lahat-lahat, 60,000 manggagawa ang dumating doon.

Ang pulutong na ito ng mga tagapagtayo, na nanirahan sa mga tolda, ay kailangang-kailangan dahil itinakda ang petsa ng pagpapasinaya sa lunsod sa Abril 21, 1960. Nangangahulugan ito na kailangang itayo ng mga inhinyero, teknisyan, at mga manggagawa sa konstruksiyon ang isang kabiserang lunsod sa loob ng 1,000 araw​—isa ngang pambihirang atas! Gayunman, tapos na ang mga manggagawa nang sumapit ang araw ng pagpapasinaya. Ang pinakabagong kabisera sa daigdig ay lumitaw na mula sa lupa ng kaparangan.

Ang Una’t Bukod-Tangi

Ang paghanga sa lunsod at sa mga tagapagtayo nito ay nagpapatuloy pa rin sa tanggapan ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) sa Brasília. “Wala nang iba pang halimbawa ng isang plano ng lunsod ang maingat na sinunod na tulad ng plano ni Costa,” ang sabi sa akin ng pangkulturang opisyal ng UNESCO na si Dr. Briane E. Bicca. “Iyan ang isang dahilan kung bakit ang Brasília ang una’t bukod-tanging ika-20-siglong lunsod sa daigdig sa World Heritage List ng UNESCO.”c

Ang Brasília rin ang tanging lunsod sa talaang iyon na patuloy pa rin sa pagtatayo. Ito’y nagbabangon ng isang hamon, ang sabi ni Dr. Bicca. “Paano natin maiingatan ang orihinal na plano ng lunsod habang nagbabago ang lunsod?” Nang buháy pa siya, ang hamon na ito ay patuloy na nakaharap ni Arkitekto Lúcio Costa, bagaman siya’y mahigit na 90 taong gulang na. Binantayan niya ang bagong mga konstruksiyon, anupat tiniyak na hindi ito nakasira sa kaniyang ginawang ayos. Halimbawa, nang mabalitaan ni Costa ang mga plano sa pagtatayo ng isang riles ng tren sa lunsod ng Brasília, iginiit niya na dapat patakbuhin ang mga tren sa ilalim ng lupa.

Kaakit-akit na Tanawin

Panahon na para lumibot sa lunsod. Kahit na kung ikaw ay bagong bisita roon, hindi ka gaanong magkakaproblema sa paghanap ng iyong direksiyon. May dalawang pangunahing maluwang na daan, at ang istasyon ng bus sa lunsod ay matatagpuan sa krosing ng dalawang maluluwang na daan na ito. Ang isang maluwang na daan ay bumabagtas mula sa kanluran pasilangan (mula sa buntot ng “eroplano” patungo sa lugar ng piloto) at aakayin ka nito patungo sa mga otel, sinehan, bangko, at mga tindahan. Ang isa naman ay bumabagtas mula sa hilaga patimog (mula sa isang dulo ng pakpak hanggang sa kabilang dulo) at dadalhin ka naman nito sa mga tirahang dako.

Ang pinakamagandang puwesto upang makita ang hitsura ng Brasília ay mula sa Tore ng Telebisyon, isang istraktura na may taas na 224 na metro na matatagpuan sa pinakakatawan ng eroplano sa gawing likuran lamang ng mga pakpak. Ang walang-bayad na pagsakay sa elebeytor ang magtataas sa iyo ng 75 metro mula sa lupa at magpapakita sa iyo ng isang kaakit-akit na tanawin ng sentro ng lunsod, na tinatawag na Plano Piloto. Habang minamasdan mo ang malalawak na damuhan ng lunsod, talagang napakalawak at walang mga puno anupat ang langit ay waring nakadikit dito kapag minasdan sa dulo ng iyong tanaw, mamamangha ka sa kalaparan ng Brasília. Sa katunayan, gayon na lamang kalawak ang mga parke at damuhan ng Brasília na ginawa ng disenyador ng tanawin na si Roberto Burle-Marx anupat sinasabing mas malawak pa ang luntiang lugar ng bawat tao sa lunsod na ito kaysa sa alinpamang kabisera sa daigdig.

Sa gawing silangan ay matatanaw ang isang malawak at madamong pasyalan na hinahanggahan ng isang kalsada sa magkabilang tabi. Sa kahabaan ng mga kalsadang iyon ay nakatayo ang 17 magkakatulad na gusali. Ang bawat isa sa hugis-kahon na mga istrakturang ito ay kinaroroonan ng isang naiibang departamento ng pamahalaan. Sa dulo ng pasyalang ito ay nakatayo ang pinaka-insigniya ng Brasília: dalawang magkatulad na simburyo, isa na nakatindig at isa na nakatiwarik, na nakatayo sa paanan ng dalawang 28-palapag na gusali na kinaroroonan ng Batasang Pambansa, ang lehislatura ng Brazil.

Ang hugis ng Batasang Pambansa ay bahagyang magpapaalaala sa iyo ng punong-tanggapan ng United Nations sa New York​—at ito’y may dahilan. Ang isa sa mga arkitekto na nakibahagi sa pagpaplano sa mga gusali ng UN ay si Oscar Niemeyer​—ang mismong arkitektong taga-Brazil na nagdisenyo sa Batasang Pambansa na ito at sa halos lahat ng iba pang pangunahing gusali ng Brasília. Ang ilan sa kaniyang napakahuhusay na disenyo, tulad ng Ministri ng Ugnayang Panlabas (Palacio Itamaraty) at ang Ministri ng Katarungan (Palacio da Justiça), ay nakatayo malapit sa dalawang gusali ng Batasang Pambansa.

Kung Bakit Hindi Ka Maliligaw

Gayunman, ang Brasília ay higit pa sa isang dinisenyong parke. Ito rin ay isang maayos na tahanan ng libu-libong tao. Habang dinaraanan namin ang seksiyon ng mga tirahan sa lunsod, si Paulo, isang abogadong nakatira sa Brasília, ay nagkomento: “Nasumpungan ng karamihan ng mga taong lumipat sa Brasília na ang kaayusang ito ay isang kanais-nais na kapahingahan mula sa kaguluhan na karaniwang nararanasan nila sa ibang lunsod.”

Ang mga residente ng Brasília ay naninirahan sa mga gusaling may mga apartment. Ang isang grupo ng gayong mga gusali na nakapalibot sa isang tulad-plasang looban ay bumubuo ng isang napakalaking bloke (superblock). Ang mga hanay ng napakalalaking bloke ay matatagpuan sa mga pakpak sa gawing hilaga at timog ng lunsod. Madaling matutunton ang mga direksiyon ng tahanan. Halimbawa, ang “N-102-L” ay matatagpuan sa pakpak sa gawing hilaga (north) ng lunsod, sa pang-102 bloke, na kinaroroonan ng gusaling tirahan na L. At kung iyong tatandaan na tumataas ang mga numero ng bloke (mula 102-116) habang ikaw ay patungo sa dulo ng pakpak, talagang hindi ka maliligaw.

Upang magkaroon ng kaayusan at pagkamalapit sa isa’t isa, ang taas ng mga gusaling tirahan ay hindi hinayaang humigit sa anim na palapag. Sa gayon, sabi ni Senhor Costa, maririnig ng isang batang naglalaro sa looban ang sigaw ng ina kapag tinawag siya mula sa dungawan ng kaniyang apartment ng: “Manoel, vem cá!” (Manuel, pumarito ka!)

Mga Suliranin sa Paglaki

Bagaman ipinagmamalaki ng Brasília ang pagiging isang lunsod nito na itinayo ayon sa plano, nakalimutan ng blueprint ng lunsod ang mga manggagawa na nagtayo sa Brasília. Inakala na pagkatapos ng pagpapasinaya sa kabisera, pupulutin ng mga manggagawa ang kanilang mga martilyo at pala at babalik sa kanilang tinubuang bayan. Subalit ang pagbalik sa isang rehiyon na walang mga ospital, paaralan, o mapapasukang trabaho ay maliwanag na hindi nakaakit sa mga manggagawa. Mas gusto nilang manatili sa Brasília​—ngunit saan?

Hindi nila kayang bayaran ang matataas na upa sa mga apartment na kanilang itinayo, kaya sila’y nanirahan sa palibot ng luntiang kapaligiran ng Brasília. Di-nagtagal, naglitawan ang mga lunsod na mas malalaki pa sa Brasília. Sa ngayon, 400,000 tao lamang ang naninirahan sa naiplanong lunsod, at maraming apartment ang wala pa ring umuupa; subalit halos 2 milyong residente ang nanirahan sa di-naiplanong mga bayan sa karatig. Sa kabila ng pagkakapantay-pantay na nilayon ng plano ng lunsod, ang hindi pare-parehong kita ang siyang nagbaha-bahagi sa populasyon tungo sa lubusang magkakahiwalay na lunsod.

Ang di-inaasahang mabilis na pagdami ng populasyon at ang pagkakaiba ng mga kalagayan sa buhay ay nagiging sanhi ng paglaganap ng krimen at iba pang suliranin sa lipunan at ekonomiya na karaniwan sa alinmang lunsod. Ang bagong kabisera ng Brazil ay dumaranas ng mga suliranin sa paglaki. Ang maaayos na lansangan at makabagong mga disenyo sa arkitektura ay maliwanag na hindi sapat upang mabago ang puso at paggawi ng mga tao.

“Ang Puso ng Brazil”?

Ang mga karatula na nasa kahabaan ng daan sa palibot ng Brasília ay nagpapaalaala sa mga naglalakbay patungo roon na sila’y papasok na sa “Puso ng Brazil.” May punto ang bukambibig na ito: Bagaman hindi matatagpuan sa heograpikong sentro ng bansa, halos pare-pareho ang distansiya ng mga pangunahing lunsod sa bansa sa kinaroroonan ng Brasília. Subalit kumusta naman ang mas malalim na kahulugan ng bukambibig na iyan? Talaga nga bang taglay ng Brasília ang kultura at damdamin ng mga taga-Brazil? Iba-iba ang opinyon. Tanging ang pagdalaw sa namumukod-tanging lunsod na ito ang makapagbibigay sa iyo ng sagot sa tanong na iyan. Subalit tandaan na hindi ka dapat magmadali sa pagbibigay ng opinyon sa Brasília. Bigyan mo ng panahon ang lunsod na isiwalat ang sarili nito dahil, gaya ng sinabi ng isang residente, “Brasília seduz gradualmente.” (Unti-unti kung bumighani ang Brasília.)

[Mga talababa]

a Ang disenyador na si Lúcio Costa ay namatay sa edad na 96, noong Hunyo 1998, di-nagtagal matapos ihanda ang artikulong ito.

b Isang salita na mula sa Angola (dating ginamit ng mga Aprikano upang ilarawan ang mga Portuges) na naging magiliw na katawagan sa mga manggagawa na nagtayo sa Brasília.

c Ang talaang ito, na tinipon ng UNESCO, ay bumabanggit ng 552 lugar sa buong daigdig na may “namumukod-tanging kahalagahan sa kalikasan o kultura.”

[Larawan sa pahina 15]

Isang kuwento ng “Lupa, Tolda at Kongkreto”

[Credit Line]

Arquivo Público do Distrito Federal

[Larawan sa pahina 15]

Ang parada ng mga “candango”

[Credit Line]

Arquivo Público do Distrito Federal

[Larawan sa pahina 16, 17]

Buong tanawin ng Brasília

1. Mga Ministri

2. Mga gusaling tanggapan ng Kongreso

3. Korte Suprema

4. Liwasan ng Tatlong Kapangyarihan

5. Executive offices

[Credit Line]

Secretaria de Turismo, Brasília

[Larawan sa pahina 18]

Ang kabisera sa daigdig na may pinakamalawak na luntiang lugar

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share