Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 10/8 p. 4-6
  • Paghahanap ng Isang Matiwasay na Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paghahanap ng Isang Matiwasay na Buhay
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mas Mataas na Edukasyon
  • Sapat Na ba ang 10,000 Pag-aari?
  • Maging Mapagbantay!
  • Gamutin ang Karamdaman​—Hindi Lamang ang mga Sintoma
  • Kung Paano Ka Magkakaroon ng Magandang Kinabukasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2021
  • Garantiya Ba ang Edukasyon at Pera?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2021
  • Isang Buhay na may Namamalaging Katiwasayan
    Gumising!—1998
  • Pagkadama ng Katiwasayan Ngayon—Pagiging Tiwasay Magpakailanman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 10/8 p. 4-6

Paghahanap ng Isang Matiwasay na Buhay

ANG katiwasayan ay may iba’t ibang kahulugan sa iba’t ibang tao. Sa isang tao, ang katiwasayan ay isang trabaho; sa isa pa, ito ay kayamanan; at sa ikatlo, ang katiwasayan ay isang kapaligirang walang krimen. May iba pa ba itong kahulugan sa iyo?

Anuman ang iyong pananaw, tiyak na gumagawa ka ng mga hakbang upang gawing matiwasay ang iyong buhay ayon sa nais mo. Tingnan kung ano ang ginagawa ng mga tao sa Europa upang matamo ang isang antas ng personal na katiwasayan.

Mas Mataas na Edukasyon

Ayon kay Jacques Santer, presidente ng European Commission, 20 porsiyento ng mga kabataan sa European Union ang walang trabaho. Kaya naman, para sa grupong iyan, malaki ang nakasalalay sa isang tanong, Paano ako makakukuha ng trabaho na magpapatiwasay sa aking buhay? Marami ang naniniwala na ang tunguhing ito ay maaaring maabot sa pamamagitan ng mas mataas na edukasyon, na, gaya ng komento ng The Sunday Times ng London, nagbibigay sa mga estudyante ng “isang malaking bentaha sa paghahanap ng trabaho.”

Halimbawa, sa Alemanya, “gayon pa rin katindi ang paghahangad sa edukasyon at akademikong katayuan,” ulat ng Nassauische Neue Presse. Ito ay sa kabila ng katotohanan na ang katamtamang gastos sa pagiging isang estudyante sa isang kurso sa pamantasan sa bansang iyan ay mga $55,000.

Ang mga kabataang seryoso sa pag-aaral at nagnanais ng matatag na trabaho ay dapat papurihan. At kadalasang may bentaha sa paghahanap ng trabaho ang isa na may mga kakayahan at kuwalipikasyon. Ngunit lagi bang nagbibigay ng katiyakan sa trabaho ang mataas na edukasyon? Ganito ang sabi ng isang estudyante: “Batid ko sa simula pa lamang na ang aking kurso ay hindi hahantong sa pagkakaroon ng isang tiyak na trabaho at hindi ito magdudulot ng kasiguruhan.” Pangkaraniwan na ang kaniyang kalagayan. Sa isang nakaraang taon, lubhang dumami ang mga nagtapos sa mga pamantasan sa Alemanya na wala namang trabaho.

Sa Pransiya, ayon sa isang pahayagan, pumapasok sa mga pamantasan ang mga kabataan dahil sa ang diploma sa haiskul ay hindi gaanong nakatutulong dahil sa dumaraming kabataan na walang trabaho. Gayunman, inaamin ng maraming estudyante sa pamantasan na sa kanilang pagtatapos, “hindi pa rin [sila] nakalalamang bagaman may titulo na sila.” Iniulat ng The Independent na sa Britanya, “ang kaigtingan sa pag-aaral ay sumisingil ng malaki sa buhay ng mga estudyante.” Iniulat na sa halip na makatulong sa mga estudyante na makayanan ang kawalang-katiwasayan sa buhay, kung minsan, ang buhay sa mga pamantasan ay humahantong sa mga suliranin gaya ng panlulumo, kabalisahan, at mababang pagtingin sa sarili.

Kadalasan, ang pagkatuto ng isang hanapbuhay o pagkuha ng praktikal na pagsasanay sa isang larangan ng paggawa ay nagpapangyari sa isa na makakuha ng matatag na trabaho kaysa sa pagkakaroon ng titulo sa pamantasan.

Sapat Na ba ang 10,000 Pag-aari?

Marami ang naniniwala na kayamanan ang siyang lihim ng isang matiwasay na buhay. Waring isang magaling na pangmalas ito, yamang ang malaking deposito sa bangko ang sasagot sa panahon ng kagipitan. Ipinaliliwanag ng Bibliya na “ang salapi ay pananggalang.” (Eclesiastes 7:12) Gayunman, lagi bang napabubuti ang personal na kapanatagan dahil sa paglaki ng kayamanan?

Hindi laging gayon. Tingnan kung paanong dumami ang kayamanan sa nakalipas na 50 taon. Sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II, halos naiwang walang-wala ang isang malaking bahagi ng populasyon ng Alemanya. Ngayon, ayon sa isang pahayagan sa Alemanya, ang isang pangkaraniwang Aleman ay nagmamay-ari ng 10,000 bagay. Kung tumpak ang mga pagtantiya sa kabuhayan, higit pa ang tataglayin ng susunod na mga henerasyon. Ngunit naging lalo bang matiwasay ang buhay dahil sa pagdaming ito ng kayamanan? Hindi. Isiniwalat ng isang surbey sa Alemanya na itinuturing ng 2 sa 3 katao na ang buhay ay hindi kasimpanatag noong nakalipas na 20 o 30 taon. Kaya ang pagdami ng kayamanan ay hindi nagpadama sa maraming tao ng higit na katiwasayan.

Mauunawaan naman ito dahil, gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, isang pabigat sa damdamin ang kawalang-katiwasayan. At ang pabigat sa damdamin ay hindi lubusang maiibsan ng materyal na kayamanan. Totoo naman, pinagagaan ng kayamanan ang mga epekto ng kahirapan at tumutulong sa panahon ng kagipitan. Ngunit sa ilang kalagayan, ang pagkakaroon ng maraming salapi ay isa ring mabigat na pasanin gaya ng kakapusan.

Kung gayon, ang isang timbang na pangmalas sa materyal na ari-arian ay tutulong sa atin upang tandaan na bagaman maaaring maging isang pagpapala ang kayamanan, hindi ito ang susi sa pagkakaroon ng matiwasay na buhay. Nang siya’y nasa lupa, pinatibay-loob ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod sa pamamagitan ng pagsasabi: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi resulta ng mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Upang makadama ng ganap na katiwasayan sa buhay, higit pa sa materyal na kayamanan ang kailangan ng isang tao.

Para sa matatanda, mahalaga ang mga ari-arian hindi dahil sa materyal na halaga ng mga ito kundi dahil sa mga alaalang kalakip dito. Mas ikinababahala ng matatanda ang panganib na sila’y mabiktima ng krimen kaysa pagkakaroon ng kayamanan.

Maging Mapagbantay!

“Ang krimen . . . ay isang lumalaking suliranin sa buong daigdig sa nakaraang 30 taon,” sabi ng buklet na Practical Ways to Crack Crime, na inilathala sa Britanya. Nagtatrabaho nang husto ang mga puwersa ng pulisya. Paano ito hinaharap ng ilang tao?

Ang personal na kaligtasan ay nagsisimula sa tahanan. Halimbawa, sa Switzerland, isang arkitekto ang nagpakadalubhasa sa pagdidisenyo ng mga bahay na protektado laban sa magnanakaw na may mga kandadong panseguridad, matibay na mga pintuan, at mga bintanang may rehas. Waring literal na sineryoso ng mga may-ari ng mga tahanang ito ang kilalang kawikaan: “Ang aking tahanan ang aking kastilyo.” Ayon sa magasin sa pagbabalita na Focus, magastos ang mga bahay na ito, ngunit matindi ang paghahangad dito.

Upang maging lalong ligtas kapuwa sa loob at labas ng tahanan, ang mga mamamayan ng ilang komunidad ay nag-organisa ng pagbabantay sa kanilang kapaligiran. Higit pa rito ang ginawa ng mga residente ng ilang karatig-pook, anupat nagbabayad sila ng isang kompanya sa seguridad upang magpatrolya sa kanilang lugar sa itinakdang mga oras. Nadarama ng maraming tao na hindi mabuti ang mag-isa sa walang-taong mga lansangan sa lunsod kung gabi. At ang mga magulang, na likas lamang na mabahala sa kapakanan ng kanilang mga anak, ay maaaring gumawa ng ekstrang pag-iingat upang maipagsanggalang sila. Isaalang-alang ang mga mungkahi na masusumpungan sa kahon na nasa pahinang ito.

Ngunit hindi lahat ay kayang bumili ng isang tahanang protektado laban sa magnanakaw. Isa pa, ang mga pamamaraan ng isang pamayanan at pagpapatrolya ay maaaring hindi makabawas sa pangkalahatang krimen; ito’y maaaring itaboy lamang ng mga ito sa mga lugar na walang proteksiyon. Kaya ang krimen ay nananatiling isang malaking banta sa personal na seguridad. Upang maging matiwasay ang ating buhay, higit pa ang kailangan kaysa sa isang lubusang pagsisikap na sugpuin ang krimen.

Gamutin ang Karamdaman​—Hindi Lamang ang mga Sintoma

Bawat isa sa atin ay may likas na hangarin na magkaroon ng matiwasay na buhay, at makabubuti sa atin na gumawa ng makatuwiran at praktikal na mga hakbang upang maabot ang tunguhing ito. Ngunit ang krimen, kawalang-trabaho, at lahat ng iba pang bagay na nagpapangyaring maging di-tiwasay ang ating buhay ay mga sintoma lamang ng isang kalagayan na nakaaapekto sa buong sangkatauhan. Upang malunasan ang kalagayang ito, kailangang harapin, hindi lamang ang mga sintoma, kundi ang pinakasanhi.

Ano ba ang ugat na sanhi ng kawalang-katiwasayan sa ating buhay? Paano natin mapapawi iyon at sa gayo’y umiral ang katiwasayan sa buhay magpakailanman? Ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.

[Kahon sa pahina 6]

Mga Paraan Upang Ipagsanggalang ang mga Anak na Kabataan

Dahil sa pagdami ng pag-atake sa mga bata, kidnapping, at pagpaslang, natuklasan ng maraming magulang na nakatutulong na ituro sa kanilang mga anak ang sumusunod:

1. Tumanggi​—nang matatag​—sa sinuman na magtatangkang himukin silang gumawa ng isang bagay na inaakala nilang masama.

2. Tumanggi sa sinumang hihipo sa maseselan na bahagi ng katawan maliban nang​—gaya sa isang doktor o nars​—presente ang isang magulang.

3. Tumakbo, humiyaw, sumigaw, o humingi ng tulong sa isang kalapit na adulto kapag ang isa ay nanganganib.

4. Sabihin sa mga magulang ang tungkol sa anumang insidente o pag-uusap na ikinababalisa ng bata.

5. Huwag maglihim sa mga magulang.

Bilang panghuling punto, makabubuti para sa mga magulang na maging maingat sa pagpili ng sinuman na maiiwan upang mag-alaga sa kanilang anak.

[Mga larawan sa pahina 5]

Upang maging matiwasay ang ating buhay, higit pa sa edukasyon, kayamanan, o lubusang pagsisikap ang kailangan natin upang masugpo ang krimen

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share